2015
Ang Lakas ng Loob na Mag-asawa
Enero 2015


Ang Lakas ng Loob na Mag-asawa

Ang awtor ay naninirahan sa Stockholm, Sweden.

Natuto akong gamitin ang kalayaan kong kumilos sa halip na pakilusin ako ng iba nang gawin ko ang pinakamahalagang desisyon sa buhay ko.

Two fingers together depicting a bride and groom, photographed against a red background Hands with faces drawn on the fingers and hearts hovering above.

Kaliwa: paglalarawan ni Galina Peshkova; kanan: paglalarawan ni Olena Kyrian/iStock/Thinkstock

Nang umuwi ako sa Sweden mula sa misyon, matagal-tagal din akong nahirapang harapin ang susunod na hakbang sa buhay ko—ang pagpapakasal sa templo. Muling pinagtibay sa akin ng Espiritu na kailangan kong simulang magbuo ng pamilya para marating ko ang dapat kong kahinatnan. Pinag-isipan ko nang husto kung paano naging pinakamahalagang desisyon ito sa buhay ko, kaya kahit alam kong nakita ko na ang babaeng gusto kong makasama nang walang hanggan, at sinang-ayunan ng Panginoon ang pasiya ko, nag-alinlangan pa rin ako. Pumili na kami ng kasintahan kong si Evelina ng iskedyul para sa aming temple sealing, nagpareserba na kami para sa aming honeymoon, at bumili na ng engagement ring bago pa man namin pormal na ipinahayag ang aming pagpapakasal—lahat ng ito dahil sa takot kong mag-asawa. Gusto kong utusan ako ng Ama sa Langit na pakasalan ko si Evelina dahil natatakot ako na managot sa desisyon ko sakaling mauwi sa hiwalayan ang aming pagsasama. Dahil sa takot at maling panalangin hindi ko alam ang gagawin at nanatiling nakabinbin ang mahalagang desisyon ko.

Kalayaan at Kusang Pagkilos—ang Paraan ng Panginoon

Ang mga panghihikayat ng Espiritu Santo ang nagpaunawa sa akin kalaunan nang basahin ko ang Doktrina at mga Tipan 58:26–29: “Sapagkat masdan, hindi nararapat na ako ay mag-utos sa lahat ng bagay; sapagkat siya na pinipilit sa lahat ng bagay, ang katulad niya ay [tamad]. …

“… Ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan;

“Sapagkat ang kapangyarihan ay nasa kanila, kung saan sila ay kinatawan ng kanilang sarili. …

“Subalit siya na hindi gumagawa ng anumang bagay hangga’t hindi siya inuutusan, at tumatanggap ng kautusan na may pusong nag-aalinlangan, at tinutupad ito nang may katamaran, siya rin ay mapapahamak.”

Nang pag-isipan ko ang mga talatang ito, naunawaan ko ang ginagampanan ng kalayaan at kusang pagkilos sa plano ng ating Ama sa Langit, na nagpabago ng isip ko at nagbigay sa akin ng lakas ng loob na magpatuloy. Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol na kung nakatanggap tayo ng inspiradong patnubay na hindi natin pinaghirapan, hindi natin mararanasan ang “mahalagang personal na pag-unlad” na nangyayari kapag “pinagsisikapan [nating] matutuhan kung paano magabayan ng Espiritu.”1

Lakas na Magpatuloy

Nagpasiya akong manalig at magdesisyon, at tinulungan ako ng Panginoon na magtiwala sa kakayahan kong magdesisyon. Natanto ko na dapat akong “maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay. … at gumawa ng maraming bagay sa [aking] sariling kalooban”—kabilang na ang planong magpakasal. Hinihikayat tayo ng Panginoon na gamitin ang ating lakas para mapamahalaan natin ang ating sarili. Ang paggamit ng lakas na ito ay mahalagang bahagi ng ating buhay.

Naniniwala ako na mas nais ng Panginoon na makitang ginagamit natin ang ating kalayaan kaysa makita na palaging perpekto ang ating mga desisyon. Gayunman, binigyan Niya tayo ng mga kailangan natin para makagawa ng mabubuting pasiya, lalo na sa pagpili ng mapapangasawa. Tulad ng itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), “Hindi nararapat na lubos na ibatay ang mga pagpapasiya sa emosyon, dahil ang isipan at puso, na pinalakas ng pag-aayuno at panalangin, at mataimtim na pag-iisip, ay magbibigay sa tao ng pinakamainam na pagkakataon upang lumigaya sa pag-aasawa. Kalakip nito ang pagsasakripisyo, pagbabahagi, at pangangailangan para sa lubusang pagpaparaya.”2

May tagubilin pa nga sa atin sa banal na kasulatan kung paano tumanggap ng mga espirituwal na pagpapatibay: “Kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.

“Subalit kung ito ay hindi tama wala kang madaramang gayon, kundi ikaw ay magkakaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip” (D at T 9:8–9). Gayunman, hindi lahat sa atin ay daranas ng pag-aalab sa ating dibdib bilang tugon sa mga espirituwal na pagpapatibay ng Panginoon. Kailangang matutuhan ng bawat isa sa atin na matukoy ang ating sariling paraan ng pagtanggap sa mga pagpapatibay na ito. 3 Sa pagsunod sa huwarang ito, magkakaroon tayo ng tiwala sa ating kakayahang magpasiya.

Alam ng Ama sa Langit ang mga pangangailangan ng aking puso, kaluluwa, at isipan. Ibinigay Niya sa akin ang mga katotohanang ito, na siyang gumawa ng malaking kaibhan. Nagpakasal kami ni Evelina. Ngayon ay ilang taon na kaming nagsasama nang maligaya, at may tatlo na kaming magagandang anak. Lubos akong nagpapasalamat sa Panginoon para sa aking patotoo tungkol sa kalayaan at sa ginagampanan nito sa paggawa ng mahahalagang desisyon sa buhay.

Mga Tala

  1. Richard G. Scott, “Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Liahona, Nob. 2009, 7.

  2. Spencer W. Kimball, “Pagiging Isa sa Pag-aasawa,” Liahona, Okt. 2002, 36.

  3. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3.