Bakit Mahalaga si Jesucristo sa Buhay Ko?
Kapag nauunawaan natin ang lahat ng ginagawa ng Tagapagligtas para sa atin, Siya ang nagiging pinakamahalagang tao sa buhay natin.
Kamakailan ay nabasa ko ang isang blog post kung saan tinalakay ng awtor kung paano gumaganap ng mahalagang papel ang Tagapagligtas sa buhay niya araw-araw. Masaya ako na handa siyang ibahagi ang kanyang damdamin, ngunit nalungkot ako sa tugon ng isang mambabasa: “Wala Siyang anumang halaga sa buhay ko—hindi Siya nagkaroon ng halaga at hindi magkakaroon ng halaga kailanman.”
Maling-mali ang mambabasang iyon. Sa malao’t madali, kakailanganin nating lahat ang Tagapagligtas. Lahat tayo ay nakakagawa ng mga pagkakamaling hindi natin kayang itama, dumaranas ng mga kawalan na hindi natin kayang ibalik, at humaharap sa mga pasakit, pang-uusig, trahedya, pasanin, at kabiguan na hindi natin makayanang mag-isa.
Ang mabuting balita ay na hindi natin kailangang kayanin itong mag-isa.
“Sa sandali ng kahinaan maaari nating ibulalas, ‘Walang nakakaalam sa pinagdaraanan ko. Walang nakakaunawa.’ Ngunit lubos na nakakaalam at nakakaunawa ang Anak ng Diyos, dahil nadama at pinasan na Niya ang ating mga pasanin,” sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. “At dahil sa Kanyang walang-katapusan at walang-hanggang sakripisyo (tingnan sa Alma 34:14), ganap ang Kanyang pagdamay at maiuunat Niya sa atin ang Kanyang bisig ng awa.”1
Si Jesus ay mahalaga sa atin dahil sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, mga turo, pag-asa, kapayapaan, at halimbawa, tinutulungan Niya tayong baguhin ang ating buhay, harapin ang ating mga pagsubok, at sumulong nang may pananampalataya sa paglalakbay natin pabalik sa Kanya at sa Kanyang Ama.
Ginawang Posible ni Jesus ang Pagsisisi
Ang isa sa mga dahilan kaya napakahalaga ni Jesus sa mga taong taos-pusong nagsisikap na sundin Siya ay na lahat tayo ay nagkukulang at nangangailangan ng kaloob na pagsisisi na inihandog sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.
Kapag tayo ay natisod at nadapa, nais ni Satanas na isipin natin na hindi sapat ang kakayahan nating tumayo at bumalik sa tamang landas. Nais din niyang kalimutan natin na ang ebanghelyo ay ang “ebanghelyo ng pagsisisi” (D at T 13:1; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ngunit alam natin na “ang biyaya ni Cristo ay totoo, na kapwa nagpapatawad at naglilinis sa nagsisising makasalanan.”2
Ang bisa ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa bawat isa sa atin, ngunit kailangan nating piliing magkaroon ito ng bisa sa ating buhay. Kunwari’y binigyan ninyo ng espesyal na regalo ang isang kaibigan—isang bagay na talagang kailangan ng kaibigan ninyo at pinagsakripisyuhan ninyo. Pagkatapos kunwari’y tumugon ang inyong kaibigan ng, “Salamat, pero hindi ko talaga gusto ang regalo mo.” Ano kaya ang mararamdaman mo?
Kapag hindi tayo humingi ng tulong kay Jesus na mapalinis tayo sa pamamagitan ng pagsisisi, para nating tinatanggihan ang Kanyang kaloob.
Itinuro ni Jesus ang Katotohanan
Minsan, matapos tumanggi ang ilang tao na sumunod pa sa Kanya, itinanong ni Jesus sa Labindalawang Apostol, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?” Sumagot si Pedro, “Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan” (Juan 6:67–68).
Matatagpuan ninyo ang “mga salita ng buhay na walang hanggan” ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan, mga turo ng mga buhay na propeta, at mga bulong ng Espiritu Santo. Nagbibigay ang mga ito ng isang pundasyon para sa “kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating,”3 at ginagabayan tayo nang ligtas pabalik sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas.
Ano ang ilan sa mga dakilang katotohanang itinuro ng Tagapagligtas? Naglista ng apat si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan:
-
“Binigyan ng ating Ama ang Kanyang mga anak ng dakilang plano ng kaligayahan.
-
“Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala … , makakapiling natin ang ating mga mahal sa buhay magpakailanman.”
-
“Tayo ay magkakaroon ng maluwalhati, perpekto, at imortal na katawan, wala nang karamdaman o kapansanan.”
-
“Ang ating mga luha ng kalungkutan at kawalan ay mapapalitan ng kaligayahan at kagalakan.”4
Nagbibigay si Jesus ng Pag-asa
Kapag nahaharap tayo sa mabibigat na hamon, kung minsa’y nahihirapan tayong magtiwala sa Panginoon. Ngunit ang pagtitiwala sa Kanya ay nagbibigay sa atin ng pag-asang kailangan natin para maharap ang mga hamon sa ating buhay.
Iyan ang nangyari sa mga miyembro ng pamilya Gatrell, na kabilang sa ward ni Sister Jean A. Stevens. Sinabi ni Sister Stevens, unang tagapayo sa Primary general presidency, na kumapit nang mahigpit ang pamilya sa ebanghelyo at sa kanilang mga tipan sa templo matapos masuring may kanser si Brother Gatrell. Dahil dito ay umasam sila sa mga pangako ng Diyos na sila ay magkakasama-samang muli sa kabilang-buhay.
Sa pinagdaanang mahihirap na panahon bago pumanaw ang kanyang asawa, sinabi ni Sister Gatrell, “Alam kong binabantayan kami ng Panginoon. Kung magtitiwala ka sa Panginoon, talagang makakayanan mo ang anumang pagsubok sa buhay.”5
Ang kaloob na Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa atin ng pag-asa ng buhay na walang hanggan—isang bagay na kailangan natin kapag tayo ay sinusubukan o namatayan ng isang mahal sa buhay.
“Ipinagkaloob sa atin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Ang dakilang kaloob at pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay may hatid na pamana sa lahat: ang pangako ng Pagkabuhay na Mag-uli at ang posibilidad ng buhay na walang hanggan sa lahat ng isinisilang.”6
Nagbibigay si Jesus ng Kapayapaan
Kung nakaranas kayo ng kalamidad, naging paksa ng masamang tsismis, nagkaroon ng pagsubok na nagpabago ng inyong buhay, nawalan ng kaibigan, o nanindigan sa tama, alam ninyo na kailangan ninyo ang kapayapaan ng Panginoon. “Ang kapayapaan ng Tagapagligtas,” sabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “ay dinadaig ang umiikot na mga buhawi ng mundo.”7
Sa isang pangkalahatang kumperensya kamakailan, ikinuwento ni Elder Andersen ang isang Laurel na kinutya at binansagan ng kung anu-anong mga pangalan nang panindigan niya ang tradisyonal na kasal. Nalaman niya na pangungutya kung minsan ang kapalit ng “pagiging tapat sa Diyos at sa mga turo ng Kanyang mga buhay na propeta.”8
Ngunit ang paminindigan ay hindi nangangahulugang ikaw lang ang maninindigang mag-isa. Lagi tayong makakabaling sa Prinsipe ng Kapayapaan kapag nadarama natin na tayo’y nag-iisa o nanghihina, nalulungkot o nag-aalala, takot o walang halaga. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng:
-
Pagdarasal sa Ama sa Langit na mapasatin ang Espiritu.
-
Pagbabasa ng mga salita ng Panginoon sa mga banal na kasulatan at ayon sa inihayag ng mga buhay na propeta.
-
Pagdalo sa templo.
-
Pag-aaral tungkol sa buhay ng Tagapagligtas sa simbahan at sa seminary.
-
Pagbibigay-bisa sa Kanyang Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagsisisi sa ating mga kasalanan.
-
Pagbabahagi ng ating patotoo tungkol sa Kanya.
Kapag nadama natin ang kapayapaan ng Tagapagligtas, hindi tayo kailangang mangamba o matakot (tingnan sa Juan 14:26–27).
“Panginoon lamang ang nakaaalam sa tindi ng ating mga pagsubok, pasakit, at pagdurusa,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson. “Siya lamang ang naghahandog sa atin ng walang-hanggang kapayapaan sa oras ng paghihirap. Siya lamang ang umaantig sa ating naghihirap na kaluluwa sa Kanyang nakaaaliw na mga salita.”9
Ipinakita ni Jesus ang Halimbawa
Sa Kanyang buong ministeryo, hindi lamang itinuro ni Jesus ang daan tungo sa kaligayahan—inakay Niya tayo sa daan. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, inakay Niya tayong magmahal. Sa pamamagitan ng Kanyang mga turo, inakay Niya tayo sa mga walang-hanggang katotohanan. Sa pamamagitan ng Kanyang sakdal na buhay, inakay Niya tayo sa landas ng pagsunod.
“Ang pinakadakilang halimbawang nabuhay sa mundo ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang kanyang ministeryo sa mundo ay puno ng pagtuturo, paglilingkod, at pagmamahal sa iba,” sabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang Tagapagligtas, dagdag pa niya, ay “inaanyayahan … tayong tularan ang Kanyang sakdal na halimbawa.”10
Kapag nauunawaan natin na ang Tagapagligtas ay ginagawang posible ang pagsisisi at pagkabuhay na mag-uli, nagtuturo ng mahahalagang katotohanan, nagbibigay ng pag-asa at kapayapaan, at nagpapakita ng sakdal na halimbawa, Siya ang nagiging sentro ng ating buhay. At dahil kaibigan natin Siya, may lakas tayo ng loob na pawiin ang takot at sumulong nang may pananampalataya.