2015
Paano Ko Malalaman na Pinatawad na Ako ng Panginoon?
Enero 2015


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Paano Ko Malalaman na Pinatawad na Ako ng Panginoon?

Mula sa “Stand Ye in Holy Places,” Ensign, Hulyo 1973, 122.

Paano mo sasagutin ang isang tao na lumapit sa iyo at itinanong ito?

Ilang taon na ang nakararaan nakaupo kami ni Pangulong [Marion G.] Romney [1897–1988] sa aking opisina. Bumukas ang pinto at isang makisig na binata ang balisang pumasok, at sinabi niya, “Mga kapatid, papasok po ako sa templo sa unang pagkakataon bukas. Nakagawa ako ng ilang pagkakamali noong araw, at nakausap ko ang aking bishop at stake president, at naayos at napagsisihan ko nang lahat iyon; at makalipas ang panahon ng pagsisisi at katiyakang hindi ko na inulit ang mga pagkakamaling iyon, ipinasiya nila na handa na akong pumasok sa templo. Ngunit, mga kapatid, hindi po sapat iyon. Gusto kong malaman, at paano ko malalaman, na pinatawad na rin ako ng Panginoon.”

Nephites gathered to listen to King Benjamin.

Ano ang isasagot mo sa isang tao na lalapit sa iyo at itatanong ito? Habang pinag-iisipan namin ito, naalala namin ang mensahe ni Haring Benjamin sa aklat ni Mosias. Naroon ang isang grupo ng mga tao na humihiling na sila ay binyagan, at kanilang sinabi na nakikita nila ang kanilang mga sarili sa kanilang makamundong kalagayan:

“At silang lahat ay sumigaw nang malakas sa iisang tinig, sinasabing: O maawa, at gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang kami ay makatanggap ng kapatawaran ng aming mga kasalanan, at ang aming mga puso ay maging dalisay. …

“… Matapos na kanilang sabihin ang mga salitang ito, ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi” (Mosias 4:2–3).

Iyon ang sagot.

Kung dumating ang panahon na nagawa mo na ang lahat ng makakaya mo para mapagsisihan ang kasalanan mo, sino ka man, saan ka man naroon, at kung nakapagbayad-pinsala at nakapagsauli ka na sa abot ng iyong makakaya; kung ito man ay isang bagay na makakaapekto sa katayuan mo sa Simbahan at nakausap mo na ang tamang mga awtoridad, nanaisin mo ang nagbibigay-katiyakang sagot na iyon kung tinanggap ka ng Panginoon o hindi. Sa iyong taimtim na pagninilay, kung hahangarin mo at matatagpuan ang kapayapaan ng budhi, dahil diyan ay malalaman mo na tinanggap na ng Panginoon ang iyong pagsisisi. Iba ang ipaiisip sa iyo ni Satanas at kung minsan ay hihimukin ka niya na dahil nakagawa ka ngayon ng isang pagkakamali, magpatuloy ka na lang at huwag nang magsisi. Isa iyan sa mga pinakamalaking kasinungalingan. Ang himala ng pagpapatawad ay makakamtan ng lahat ng taong tatalikod sa kanilang masasamang gawain at hindi na babalikan pa ito.