Mag-usap nang Madalas: Mga Family Council para sa mga Mag-asawa
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ang mga mag-asawa ay nahaharap sa maraming problema at pagpapasiya. Makatutulong ang anim na alituntuning ito ng family council.
Ang mga kapulungan sa Simbahan ay may isang banal na pamantayang sinusunod sa bawat antas, mula sa Kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol hanggang sa stake, ward, branch, quorum, at iba pang mga kapulungan sa pamumuno. “Ang pinakamahalagang pulong sa Simbahan,” sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball,” (1895–1985), ay ang pulong ng pamilya.1
Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang family council ang pinakamagandang pulong para magkaroon ng epektibong pag-uusap.”2 Ipinaliwanag niya na ito ang oras para “[pag-usapan] ang mga pangangailangan ng pamilya at ng bawat miyembro nito, … lutasin ang mga problema, magdesisyon bilang pamilya, [at] magplano ng mga pang-araw-araw at pangmatagalang aktibidad at mithiin.”3
Kung hindi pa kayo nakapagdaos ng family council, makapagsisimula na kayo ngayon. Kung may mga anak kayo na kasama ninyo sa bahay, maaari ninyo silang isali. Gayunman, mahalaga rin na may bukod na family council ang mag-asawa kung saan maaari nilang pag-usapan ang mga pampamilya at personal na problema nang sarilinan.
Narito ang ilang alituntunin at praktikal na mga mungkahi na magagamit ninyong mag-asawa sa family council.
Simulan sa Pagdarasal
“Kapag huminto ang pakikipag-usap sa Ama sa Langit, hihinto rin ang pag-uusap ng mag-asawa.”4
Ang Panginoon ay maaaring maging mahalagang kabahagi sa pagsasama ninyong mag-asawa. Sa inyong panalangin, maaari ninyong pasalamatan ang Ama sa Langit para sa maraming pagpapala sa inyo, kabilang na ang inyong asawa, at hilinging puspusin ng Kanyang Espiritu ang inyong pag-uusap. Magagabayan ng Kanyang Espiritu ang inyong pag-uusap at matutulungan kayong magkaroon ng magandang pakiramdam at magandang pag-uusap.
Magkasamang Magpasiya
“Ang napagkasunduan ng mga miyembro ng council ay dapat matamo, sa pamamagitan ng panalangin at pag-uusap, upang makamtan ang pagkakaisang kailangan upang matanggap ang tulong ng Panginoon.”5
Kayong mag-asawa ay kailangang gumawa ng mahahalagang desisyon, gaya ng kung tatanggapin ba o hindi ang isang trabaho, saan mag-aaral, kailan mag-aanak, o paano paghahatian ang gawaing-bahay. Maaaring magmungkahi ng ilang posibleng solusyon sa problema ang mag-asawa at pag-usapan nila ang mga ito. Mapagpakumbabang pakinggan ang ideya ng inyong asawa. Matutulungan kayo nitong maunawaan ang ibang pananaw at ipapaalala nito sa inyong asawa na pinahahalagahan ninyo ang kanyang opinyon.
Sa mga family council, kailangan nating magawa ang ating mahahalagang desisyon “ayon sa napagkasunduan na ginabayan ng langit, hindi dahil nakompromiso kayo.”6 Maaaring hindi ninyo makamtan kaagad ang pagkakaisang ito sa bawat problema. Maaaring mangailangan ng ilang pag-uusap at taimtim na panalangin—kapwa nang mag-isa at kasama ang inyong asawa—para magkaisa kayo ng pasiya. Ngunit “kung magsasanggunian kayo sa [council] tulad ng inaasahan sa inyo, bibigyan kayo ng Diyos ng mga solusyon sa mga problemang kinakaharap ninyo.”7
Maaari ding makatulong na pagpasiyahan na ang bagay na pag-uusapan bago mag-family council. Bibigyan kayo nito ng panahong pag-isipan ang bagay na pag-uusapan upang mas handa kayong mag-asawa na sabihin ang iniisip ninyo.
Suriin ang Inyong Sarili
“At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng inyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata?” (Mateo 7:3).
Isang tao lang ang makakaya mong baguhin: ang sarili mo. Maaari kayong matuksong gamitin ang family council para isa-isahin ang mga pagkakamali ng inyong asawa. Sa halip, gamitin ang mga council na ito nang may hangaring mapagbuti ang inyong sarili. Itanong sa inyong asawa kung may napansin siyang anumang problema o nakaliligalig sa inyong mga pananalita o pag-uugali. Mithiing mapagbuti ang sarili at hingin ang tulong ng inyong asawa sa pagsisikap ninyong magbago. Suportahan ang inyong asawa sa anumang personal na mithiing gusto niyang gawin.
Pag-usapan ang Mabibigat na Problema
“Bawat pamilya ay may mga problema at hamon. Ngunit ang matatagumpay na pamilya ay sama-samang nagsisikap na makahanap ng solusyon sa halip na magpintasan at magtalu-talo.”8
Ang matatag na pagsasama ng mag-asawa ay nabubuo sa pamamagitan ng pagdaig sa mga hamon, hindi sa pagwawalang-bahala o pag-iwas sa mga ito. May mga pagkakataong magkakaroon ng mabibigat na problema na kailangang pag-usapan. Maaari kayong mahirapang lutasin ang mga problemang may kinalaman sa kasalanan at pagsisisi o problema sa salapi, halimbawa, ngunit ang bukas at tapat na pag-uusap sa family council ay makatutulong para mapagaan ang naghihirap na damdamin. Ang family council ay maaaring magsilbing isang angkop at nakakapanatag na pagpupulong para masabi ang mga alalahanin o humingi ng tulong.
Ituon ang inyong lakas sa mga posibleng solusyon sa problema at iwasang magsumbatan o magpintasan. Maging mapagpakumbaba. Ipahayag ang pagmamahal ninyo sa inyong asawa at paalalahanan ang isa’t isa na nagtutulungan kayong bumuo ng isang masaya at walang-hanggang pagsasama bilang mag-asawa at pamilya.
Manatiling Positibo
Kung nagtatawag lang kayo ng mga family council tuwing “may problema … at hindi kailanman para pahalagahan … ang mga tagumpay o purihin ang [mga miyembro ng inyong pamilya] at ipakita ang pagmamahal ninyo sa kanila, kung gayon katatakutan nila ang family council.”9
Hindi lahat ng family council meeting ay kailangang nakatuon sa mga problema o desisyon. Maaaring gawin ninyo itong oportunidad para magsabi ng magandang bagay tungkol sa inyong asawa o magbahagi ng mga biyaya ninyo sa buhay. Maaari ninyong ipagdiwang ang bawat tagumpay, talakayin ang mga paraan upang espirituwal na mapatatag ang pagsasama ninyo bilang mag-asawa at pamilya, sama-samang magtakda ng mga mithiin, o pasalamatan ang mga kalakasan o pagsisilbi ng inyong asawa. Gamitin ang mga family council para “makagawian ang pakikipag-ugnayan at paggalang sa isa’t isa na … masasandigan [ninyong mag-asawa] kapag dumating ang mabibigat at mahihirap na problema.”10
Magsikap
“Gawin natin ang lahat ng ating makakaya at sikaping magpakabuti pa bawat araw. Kapag nagkamali tayo, maaari nating sikaping itama ang mga ito. Maaari tayong maging mas mapagpatawad sa mga pagkakamali natin at ng iba.”11
Sa huli, alalahanin na kailangan ng panahon at pagsasanay para makagawiang mag-usap nang maayos sa halip na mag-usap nang may pagtatalo. Ang unang family council ninyo ay maaaring nakakaasiwa o nakakatakot, ngunit habang mapagpakumbaba kayong nagsisikap na makipag-ugnayan sa isa’t isa at isinasama ninyo ang Panginoon sa inyong mga desisyon, mas mauunawaan ninyo ang mga pagpapalang dulot ng mga family council.
Layon ng Panginoon na magkaroon tayo ng kapayapaan sa ating mga tahanan at sa ating pag-uusap. Tinutulungan Niya tayo kung saan tayo nagkukulang at pinagpapala ang ating mga pagsisikap. Sa tulong Niya, makapaglilinang tayo ng “kapaligirang may paggalang, pag-unawa, at pagkakasundo”12 na gagawing “munting langit dito sa lupa” ang ating mga tahanan, tulad ng ipinangako ni Pangulong Thomas S. Monson.13