Mga Pandaigdigang Debosyonal
Ano ang Katotohanan?


2:3

Ano ang Katotohanan?

Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga batang kaibigan, nagpapasalamat ako sa pribilehiyong makasama kayo sa araw na ito. Ikinatutuwa ko palagi ang makasama ang mga young adult ng Simbahan, at binigyan ninyo ako ng inspirasyon na sabihing, “Hayaang magbangon sa kanyang kagandahan ang Sion.” At yamang kayo ay naninirahan sa iba’t ibang dako ng mundo, kayo ang magandang kumakatawan sa hinaharap at kalakasan ng Simbahan. Dahil sa inyong mabubuting hangarin at katapatan na sundin ang Tagapagligtas, maganda ang hinaharap ng simbahang ito.

Ipinaaabot ko sa inyo ang pagmamahal at basbas ni Pangulong Thomas S. Monson. Madalas kayong ipagdasal ng Unang Panguluhan. Palagi naming hinihiling sa Panginoon na kayo ay pagpalain, pangalagaan, at gabayan.

Ang Bulag na mga Lalaki at ang Elepante

Mahigit isang daang taon na ang nakalipas, isang makatang Amerikano ang gumawa ng tula mula sa isang sinaunang talinghaga. Ang unang talata ng tula ay nagsasaad tungkol sa:

Anim na lalaki ng Indostan

Na labis ang katalinuhan,

Ang humayo upang Elepante ay tingnan

(Bagama’t bulag lahat sila),

Sa pagsusuri ng bawat isa

Mabibigyang-kasiyahan ang isipan nila.

Sa tula, bawat isa sa anim na manlalakbay ay may kinakapang isang parte ng katawan ng elepante at pagkatapos inilalarawan ang natuklasan niya.

Nakapa ng isa sa mga lalaki ang binti ng elepante at inilalarawang bilog at magaspang ito tulad ng isang puno. Kinapa-kapa naman ng isa pa ang pangil at inilarawan ang elepante tulad sa isang sibat. Hinawakan ng ikatlo ang buntot at iginiit na ang elepante ay parang isang lubid. Nakapa naman ng ikaapat ang nguso ng elepante at iginiit na ang elepante ay parang isang malaking ahas.

Bawat isa ay naglalarawan ng katotohanan.

At dahil ang katotohanan ay nagmumula sa sariling karanasan, iginigiit ng bawat isa na alam niya ang nalalaman niya.

Ganito natapos ang tula:

Kaya’t ang mga lalaking ito ng Indostan

Ay nagkagulo at nagtalu-talo,

Bawat isa sa kanyang sariling opinyon

Ay nagmatigas at hindi nagpatalo,

Bagama’t bawat isa ay tama nang kaunti,

Lahat naman sila ay mali!1

Tinitingnan natin ang kuwentong ito batay sa ating sariling pananaw at nangingiti. Mangyari pa, alam natin ang itsura ng elepante. Nababasa natin ang tungkol sa mga ito at napapanood sa pelikula, at marami sa atin ang nakakita na nito. Naniniwala tayo na alam natin ang katotohanan kung ano ang elepante. Na ang isang taong huhusga batay sa isang aspeto ng katotohanan at iaangkop ito sa kabuuan ay tila kakatwa o hindi kapani-paniwala. Sa kabilang banda, hindi ba natin nakikita ang ating sarili sa anim na bulag na lalaking ito? Kahit ba minsan ay hindi tayo nagkaroon ng ganitong kaisipan?

Sa palagay ko kaya nananatiling popular ang kuwentong ito sa napakaraming kultura at sa nakalipas na maraming taon ay dahil angkop ito sa lahat. Sinabi ni Apostol Pablo na malamlam ang liwanag sa mundong ito at ang nakikita lamang natin ay bahagyang katotohanan na para bang “malabo tayong nakakikita sa isang salamin.”2 Gayunpaman, para bang likas na sa ugali natin na magbigay ng palagay tungkol sa mga tao, pulitika, at relihiyon batay sa ating hindi kumpleto at madalas ay maling kaalaman.

Naalala ko ang kuwento tungkol sa isang mag-asawa na 60 taon nang kasal. Bihira silang magtalo sa mga panahong iyan, at lumipas ang mga araw sa kaligayahan at kapanatagan. Lahat ay pinagsaluhan nila at walang mga sikreto sa kanila---maliban sa isa. Ang babae ay may isang kahon na itinago niya sa ibabaw ng istante, at sinabi niya sa kanyang asawa noong kasal na sila na huwag niyang titingnan ang nasa loob nito.

Sa paglipas ng mga dekada, dumating ang sandali na kinuha ng lalaki ang kahon at itinanong kung maaari na niyang makita ang laman nito. Pumayag ang asawa, at binuksan niya ito at nakita ang dalawang doilies at $25,000. Nang tanungin ng lalaki ang kanyang asawa kung ano ang ibig sabihin nito, sinabi niya, “Nang ikasal tayo, sinabi sa akin ni Inay na kapag galit ako sa iyo o kapag may sinabi ka o ginawang hindi ko gusto, dapat akong gumawa ng doily at kausapin kita.”

Napaluha ang lalaki sa magandang kuwentong ito. Namangha siya na sa loob ng 60 taong pagsasama nila ay dalawang beses lang nagalit sa kanya ang kanyang asawa dahil dalawang doily lang ang ginawa nito. Sobrang tuwa sa kanyang sarili, hinawakan niya ang kamay ng kanyang asawa at sinabing, “Naipaliwanag mo na ang tungkol sa doilies, para saan naman ang $25,000?”

Magiliw na ngumiti ang kanyang asawa at sinabing, “Iyan ang perang napagbilhan ko ng lahat ng doilies na nagawa ko sa nakalipas na mga taon.”

Hindi lamang nagtuturo ang kuwentong ito ng magandang paraan para malutas ang di-pagkakasundo ng mag-asawa, kundi nagpapakita rin ito ng maling pag-aakala batay sa limitadong impormasyon.

Kadalasan ang “mga katotohanang” sinasabi natin sa ating sarili ay halos bahagi lamang ng katotohanan, at kung minsan hindi talaga ito ang katotohanan.

Ngayon gusto kong magsalita tungkol sa katotohanan. Habang tinatalakay ko ito, inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang ilang mahahalagang tanong.

Ang unang tanong ay “Ano ang katotohanan?”

Ang ikalawa ay, “Posible ba talagang malaman ang katotohanan?”

At ikatlo, “Paano dapat ang reaksiyon natin sa mga bagay na salungat sa mga katotohanang nalaman natin noon?”

Ano ang Katotohanan?

Ano ang katotohanan? Sa pagtatapos ng Kanyang buhay dito sa mundo, dinala ang Tagapagligtas sa harap ni Poncio Pilato. Inakusahan ng mga elder ng mga Judio si Jesus ng sedisyon at pagtataksil sa Roma at iginiit na parusahan Siya ng kamatayan.

Nang makaharap ni Pilato ang Tao na taga Galilea, itinanong niya “Ikaw nga ba’y hari?”

Sumagot si Jesus, “Dahil dito ako [ay] naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa’t isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.”3

Hindi ko kilala ang pagkatao ni Pilato, ni hindi ko alam kung ano ang iniisip niya. Gayunpaman, sa palagay ko siya ay may mataas na pinag-aralan at maalam sa mga bagay ng mundo.

Dama ko na may pagkabagot at panunuya sa sagot ni Pilato. Dama ko sa kanyang mga salita ang tinig ng isang lalaki na minsang naging idealista ngunit ngayon---matapos ang maraming karanasan sa buhay---ay tila medyo matigas na ang puso, at pagod na rin.

Hindi ako naniniwala na gusto pang makipag-usap ni Pilato nang sumagot siya sa tatlong simpleng salita: “Ano ang katotohanan?”4

Para palawigin, iniisip ko na baka ang talagang itinatanong niya ay “Paano maaaring malaman ng sinuman ang katotohanan?”

At iyan ang tanong para sa lahat ng panahon at sa lahat ng tao.

Maaari Bang Malaman ng Kahit Sino ang Katotohanan?

Maaari bang malaman ng kahit sino ang katotohanan? Ilan sa matatalinong tao na nabuhay sa mundong ito ay nagsikap na sagutin ang tanong na iyan. Ang mailap na katotohanan ay paboritong tema ng mahuhusay na makata at mananalaysay. Si Shakespeare lalo na ay tila interesado rito. Sa susunod na basahin ninyo ang isa sa mga isinulat ni Shakespeare, pansinin kung gaano kadalas nauuwi sa di-pagkakaunawaan sa mahalagang katotohanan ang pangyayari sa kuwento.

Ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng mundo na mas madali tayong nakakakuha ng maraming impormasyon---ang ilan dito ay totoo, ang ilan ay mali, at karamihan sa mga ito ay bahagyang totoo.

Bunga nito, ngayon lang sa kasaysayan ng mundo naging mas mahalagang matutuhan kung paano makikilala nang tama ang katotohanan sa kamalian.

Kasama sa ating problema sa paghahanap ng katotohanan ang karunungan ng tao na madalas bumibigo sa atin. Napakarami nating halimbawa ng mga bagay na “alam” noon ng sangkatauhan na totoo ngunit napatunayan na mali pala.

Halimbawa, sa kabila ng paniniwala noon ng halos lahat ng tao, ang mundo ay hindi patag. Ang mga bituin ay hindi umiikot sa mundo. Ang pagkain ng kamatis ay hindi sanhi ng biglaang pagkamatay. At, siyempre pa, maaari nang lumipad ang tao---at nakadaraan pa sa sound barrier.

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga kuwento ng kalalakihan at kababaihan na mali ang pagkaunawa sa “katotohanan.”

Sa Lumang Tipan, hindi natanggihan ni Balaam ang “kabayaran ng gawang masama”5 na inialok sa kanya ng mga Moabita. Kaya’t kinumbinsi niya ang sarili na maniwala sa isang bagong katotohanan at sinuportahan ang mga Moabita na impluwensyahan ang mga Israelita sa pamamagitan ng imoralidad at pagsuway.6

Ang nag-apostasiyang si Korihior, matapos iligaw ang marami mula sa katotohanan, ay umamin na nilinlang siya ng diyablo hanggang sa maniwala na siya na ang sinasabi niya ay katotohanan.7

Sa Aklat ni Mormon, ang mga Nephita at mga Lamanita ay lumikha ng sarili nilang “mga katotohanan” tungkol sa isa’t isa. Ang pinaniniwalaang “katotohanan” ng mga Nephita tungkol sa mga Lamanita ay na sila ay “mababangis, at malulupit, at mga taong uhaw sa dugo,”8 hindi kailanman tatanggapin ang ebanghelyo. Ang pinaniniwalaang “katotohanan” ng mga Lamanita tungkol sa mga Nephita ay na ninakaw ni Nephi ang pagkapanganay ng kanyang kapatid at ang mga inapo ni Nephi ay mga sinungaling at patuloy na ninanakaw ang mga bagay na dapat ay sa mga Lamanita.9 Ang pinaniniwalaang “mga katotohanang” ito ay nagpatindi sa poot nila sa isa’t isa hanggang sa malipol silang lahat nito sa huli.

Hindi na kailangang sabihin pa, maraming halimbawa sa Aklat ni Mormon na salungat sa dalawang pinaniniwalaang ito. Gayunpaman, naniwala ang mga Nephita at Lamanita sa “mga katotohanang” ito na humubog sa tadhana ng mga taong ito na minsa’y naging dakila at kaaya-aya.

Likas na Pagkatao at Katotohanan

Sa ilang paraan lahat tayo ay maaaring magkaroon ng gayong pag-iisip.

Ang “mga katotohanang” tinatanggap natin ay nakakaapekto sa kalidad ng ating lipunan at sa ating pagkatao. Kadalasan ang “mga katotohanang” ito ay batay sa di-kumpleto at di-tamang katibayan at kung minsan dahil sa kasakiman.

Isa sa dahilan ng maling paghatol ay dulot ng ugali ng tao na ipagkamali ang paniniwala sa katotohanan. Madalas nating napagkakamalang katotohanan ang paniniwala, iniisip na dahil may kabuluhan o maganda ang isang bagay, ay totoo na ito. Minsan hindi tayo naniniwala sa katotohanan o tinatanggihan ito---dahil kakailanganin dito ang pagbabago natin o pag-amin na mali tayo. Madalas, ang katotohanan ay hindi tinatanggap dahil hindi ito naaayon sa mga natutuhan noon.

Kapag ang mga opinyon o “mga katotohanan” ng iba ay salungat sa ating opinyon, sa halip na isiping may impormasyon dito na maaaring makatulong at makadagdag sa nalalaman natin, madalas agad nating iniisip o inaakala na ang taong iyon ay nagsasabi ng mali, may diperensya sa pag-iisip, o nanloloko.

Nakalulungkot, na ang ugaling ito ay maaaring lumaganap sa lahat ng aspeto ng ating buhay---mula sa sports hanggang sa mga ugnayan sa pamilya at mula sa relihiyon hanggang sa pulitika.

Ignaz Semmelweis

Isang malungkot na halimbawa ng ugaling ito ay ang kuwento tungkol kay Ignaz Semmelweis, isang Hungarian physician noong kalagitnaan ng 19th century. Nalaman agad ni Dr. Semmelweis na 10 porsiyento ng kababaihang nagpunta sa kanyang ospital ang namatay sa sakit na childbed fever, samantalang wala pang 4 na porsiyento ang namatay sa kalapit na ospital. Determinado siyang alamin ang tungkol dito.

Matapos imbistigahan ang dalawang klinika, nalaman ni Dr. Semmelweis na ang malaking pagkakaiba lamang ay, ang kanyang klinika ay ginagamit sa pagtuturo kung saan sinusuri ang mga bangkay. Naobserbahan niya na ang mga doktor na nagsagawa ng autopsy ay diretsong pumupunta sa pagpapaanak sa mga ina. Naisip niya na baka nakontamina ng mga bangkay ang kanilang mga kamay at naging sanhi ng nakamamatay na sakit.

Nang imungkahi niya na kailangang hugasan ng mga doktor ng chlorinated lime solution ang kanilang mga kamay, hindi siya pinansin at kinutya pa siya ng mga ito. Ang nalaman niya ay salungat sa “mga katotohanang” pinaniniwalaan ng iba pang mga doktor. Ilan pa sa kasamahan niya ang naniwala na kahangalang isipin na marumi o sanhi ng sakit ang kamay ng doktor.

Ngunit iginiit ito ni Semmelweis, at ginawang patakaran sa mga doktor sa kanyang klinika na maghugas ng kanilang kamay bago magpaanak. Bunga nito, ang bilang ng namatay ay bumaba agad nang 90 porsiyento. Dama ni Semmelweis na may katwiran siya at sigurado siyang ang patakarang ito ay isasagawa na sa lahat ng pagamutan. Ngunit mali siya. Maging ang natuklasan niya ay hindi sapat para baguhin ang isipan ng maraming doktor noong panahong iyon.

Posible Bang Malaman ang Katotohanan?

Ang isang bagay tungkol sa katotohanan ay umiiral ito kahit hindi ito kapani-paniwala. Totoo ito kahit walang naniniwala dito.

Maaari nating sabihin na ang kanluran ay hilaga at ang hilaga ay kanluran sa buong araw at paniwalaan ito nang buong puso, ngunit kung, halimbawa, gusto nating lumipad sa New York City sa Estados Unidos mula Quito, Ecuador, iisa lamang ang direksyon na patutunguhan natin, at iyan ay hilaga---hindi maaaring kanluran.

Mangyari pa, ito ay simpleng aviation analogy lamang. Gayunpaman, talagang mayroong lubos na katotohanan---hindi mapag-aalinlanganan, hindi nagbabagong katotohanan.

Ang katotohanang ito ay iba sa paniniwala. Ito ay iba sa pag-asa. Ang lubos na katotohanan ay hindi batay sa opinyon ng publiko o popularidad. Hindi ito mababago ng halalan. Hindi rin ito mababago maging ng napakaraming pag-eendorso ng mga sikat na tao.

Kung gayon paano natin malalaman ang katotohanan?

Naniniwala ako na nalulugod ang ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak kapag ginagamit nila ang kanilang mga talento at pag-iisip sa masigasig na pagtuklas sa katotohanan. Maraming siglo na ang nakalipas maraming matatalinong lalaki at babae---sa pamamagitan ng lohika, katwiran, agham, at, oo, sa pamamagitan ng inspirasyon---ang nakatuklas sa katotohanan. Ang mga tuklas na ito ay nagpayaman sa sangkatauhan, nagpaunlad ng ating buhay, at nagpadama ng kagalakan at paghanga.

Gayunpaman, ang mga bagay na inakala nating alam na natin ay patuloy na pinagyayaman, binabago, o kaya’y pinabubulaanan ng masisigasig na scholar na naghahangad na maunawaan ang katotohanan.

Tulad ng alam nating lahat, mahirap tukuyin ang katotohanan sa sarili nating mga karanasan. At ang malala pa, may kaaway tayo, “[ang] diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya.”10

Si Satanas ay tusong manlilinlang, “tagapagsumbong sa ating mga kapatid,”11 ama ng lahat ng kasinungalingan,12 na patuloy na nagnanais na malinlang tayo upang tayo ay kanyang mapabagsak.13

Ang kaaway ay maraming alam na tusong paraan upang mailayo ang mga tao sa katotohanan. Pinaniniwala niya tayo na ang katotohanan ay maaaring magbago; sa paggamit sa ating pagiging mapagparaya at makatwiran, itinatago niya ang tunay na katotohanan sa pagsasabing ang “katotohanan” para sa isang tao ay totoo rin sa iba pa.

Pinaniniwala niya ang ilan na mayroon ngang lubos na katotohanan pero imposibleng malaman pa ito ng sinuman.

Sa mga taong tinanggap na ang katotohanan, ang pangunahin niyang istratehiya ay maghasik ng binhi ng pag-aalinlangan. Halimbawa, nagagawa niyang pahinain ang maraming miyembro ng Simbahan kapag may natutuklasan silang impormasyon tungkol sa Simbahan na tila salungat sa natutuhan nila noon.

Kung nararanasan ninyo ang gayon, alalahanin na sa panahong ito na puno ng impormasyon marami ang lumilikha ng pagdududa tungkol sa kahit anong bagay at sa lahat, kahit anong oras at saanmang lugar.

Makikita ninyo na may mga tao pa ring nagsasabi na may katibayan sila na patag ang mundo, na ang buwan ay isang hologram, at na may ilang artista na talagang mula sa ibang planeta. At palaging nakabubuting isipin, na hindi dahil may isang bagay na inilalathala, ipinakikita sa Internet, nang paulit-ulit, o may malakas na grupong sumusuporta rito, ay totoo na ito.

Kung minsan ang mga pahayag o impormasyong hindi totoo ay inilalahad sa tila kapani-paniwalang paraan. Gayunpaman, kapag nakakakita kayo ng impormasyon na salungat sa inihayag na salita ng Diyos, alalahanin ang mga bulag na lalaki sa talinghaga tungkol sa elepante na hinding-hindi nailarawan nang tama ang buong katotohanan.

Hindi talaga natin alam ang lahat ng bagay---hindi natin nakikita ang lahat ng bagay. Ang tila salungat ngayon ay maaaring lubos na maunawaan kapag sinaliksik ito at tinanggap ang mas mapagkakatiwalang impormasyon. Dahil malabo tayong nakakikita sa isang salamin, dapat tayong magtiwala sa Panginoon, na nakikita nang malinaw ang lahat ng bagay.

Oo, ang ating mundo ay puno ng pagkalito. Ngunit masasagot rin kalaunan ang lahat ng ating tanong. Lahat ng ating pagdududa ay mapapalitan ng katiyakan. At iyan ay dahil may isang pinagmumulan ng lubos, wasto, at hindi nawawasak na katotohanan. Ang pinagmumulang iyan ay ang ating napakatalinong Ama sa Langit na nakaaalam sa lahat ng bagay. Alam Niya ang katotohanan ng mga bagay sa nakalipas, sa ngayon, at sa mga darating pa.14“Nauunawaan niya ang lahat ng bagay, … at siya ay nasa itaas ng lahat ng bagay, … at lahat ng bagay ay ginawa niya, at mula sa kanya.”15

Ibinibigay ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang Kanyang katotohanan sa atin na Kanyang mortal na mga anak.

Ngayon, ano ang katotohanang ito?

Ito ang Kanyang ebanghelyo. Ito ang ebanghelyo ni Jesucristo. Si Jesucristo “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.”16

Kung mayroon lamang tayong sapat na lakas ng loob at pananampalataya na tahakin ang Kanyang landas, hahantong ito sa kapayapaan ng ating puso at isipan, sa walang hanggang kahulugan ng buhay, sa kaligayahan sa mundong ito, at kagalakan sa daigdig na darating. Ang Tagapagligtas ay “hindi malayo sa bawat isa sa atin.”17 Nangako Siya na kung masigasig natin Siyang hahanapin, matatagpuan natin Siya.18

Ang Ating Obligasyon na Hanapin ang Katotohanan

Ngunit paano natin malalaman na ang “katotohanang” ito ay kaiba sa iba? Paano natin pagkakatiwalaan ang “katotohanang” ito?

Ang paanyayang magtiwala sa Panginoon ay hindi nag-aalis ng ating responsibilidad na alamin ito sa ating sarili. Ito ay higit pa sa oportunidad; ito ay isang obligasyon---at isa ito sa mga dahilan kung bakit tayo narito sa mundo.

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi inuutusang pikit-matang tanggapin ang lahat ng kanilang naririnig. Tayo ay hinihikayat na isipin at tuklasin ang katotohanan para sa ating sarili. Tayo ay inaasahang magninilay, magsasaliksik, magsusuri, at sa gayon ay personal nating malalaman ang katotohanan.

Sinabi ni Brigham Young: “Ako ay … nangangamba na ang mga taong ito ay labis ang tiwala sa kanilang mga lider at hindi na nila inaalam pa sa Diyos para sa kanilang sarili kung siya mismo ang namumuno sa kanila. Nangangamba ako na nakagawian na nilang sumunod nang hindi inaalam ang katotohanan. … Alamin ng lahat ng kalalakihan at kababaihan sa kanilang sarili, sa pamamagitan ng pagbulong ng Espiritu ng Diyos, kung ang mga lider nila ay lumalakad sa landas na iniuutos ng Panginoon.”19

Hinahanap natin ang katotohanan saanman natin ito maaaring matagpuan. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang “Mormonismo ay katotohanan. … Ang una at pinakamahalagang alituntunin ng ating banal na relihiyon ay, naniniwala tayo na may karapatan tayong tanggapin ang lahat, at bawat bagay ng katotohanan, nang walang limitasyon o … napagbabawalan ng mga paniniwala o pamahiin ng tao.”20

Oo, nasa atin ang kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo, pero hindi ibig sabihin niyan na alam na natin ang lahat ng bagay. Sa katunayan, naniniwala tayo sa isang alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo na ang Diyos ay “maghahayag pa … ng maraming dakila at mahahalagang bagay.”21

Nangyari ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo dahil isang batang may mapagpakumbabang puso at matalas na isipan ang naghanap ng katotohanan. Nag-aral si Joseph at kumilos ayon dito. Natuklasan niya na kung nagkukulang ng karunungan ang isang tao maaari siyang magtanong sa Diyos at ang katotohanan ay talagang ipaaalam sa kanya.22

Ang malaking himala ng Panunumbalik ay hindi lamang itinama nito ang mga maling ideya at doktrina---bagama’t talagang ganyan ang ginawa nito---kundi binuksan din nito ang kalangitan at pinasimulan ang patuloy na pagbuhos ng bagong liwanag at kaalaman hanggang sa araw na ito.

Kaya nga patuloy nating hinahanap ang katotohanan sa lahat ng mabubuting aklat at iba pang mabubuting materyal. “Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito.”23 Sa paraang ito malalabanan natin ang panlilinlang ng diyablo. Sa ganitong paraan nalalaman natin ang katotohanan nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin.”24 At malalaman natin na ang katalinuhan ay kumukunyapit sa katalinuhan, at karunungan ay tumatanggap ng karunungan, at katotohanan ay yumayakap sa katotohanan.25

Mga bata kong kaibigan, kapag tinanggap ninyo ang responsibilidad na hanapin ang katotohanan nang may bukas na isipan at mapagpakumbabang puso, kayo ay magiging mas mapagparaya sa iba, mas handang makinig, mas handang umunawa, mas nanaising magpasigla sa halip na manira, at mas handang pumunta saanman kayo papuntahin ng Panginoon.

Ang Espiritu Santo---Ating Gabay sa Lahat ng Katotohanan

Isipin ninyo ito. Kasama na ninyo ang makapangyarihan at mapagkakatiwalaang gabay sa patuloy na paghahanap sa katotohanan. Sino siya? Siya ang Espiritu Santo. Alam ng ating Ama sa Langit na mahihirapan tayong maghanap sa lahat ng mensaheng naririnig natin at matuklasan ang katotohanan sa buhay na ito. Alam Niyang bahagyang katotohanan lamang ang makikita natin, at alam Niyang tatangkain ni Satanas na linlangin tayo. Kaya nga Kanyang ibinigay sa atin ang kaloob na Espiritu Santo para liwanagin ang ating isipan, turuan tayo, at magpatotoo sa atin tungkol sa katotohanan.

Ang Espiritu Santo ay tagapaghayag. Siya ang Mang-aaliw, na nagtuturo sa atin ng “katotohanan ng lahat ng bagay; … na nakaaalam ng lahat ng bagay, at nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan alinsunod sa karunungan, awa, katotohanan, katarungan, at kahatulan.”26

Ang Espiritu Santo ay maaasahan at tunay na gabay na tutulong sa lahat ng mortal na naghahanap sa Diyos habang lumalayag sila sa madalas ay maalong tubig ng pagkalito at pagsalungat.

Ang Pagsaksi ng Espiritu Santo sa katotohanan ay maaaring matamo ng lahat, saanman, sa buong mundo. Lahat ng naghahanap ng katotohanan, na pinag-aralan ito sa kanilang isipan,27 at “[n]agtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, [ay malalaman] ang katotohanan … sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”28

At bukod riyan, makakamtan ng lahat ang hindi masambit na Kaloob ng Espiritu Santo kapag sila ay nabinyagan at namuhay nang karapat-dapat upang makasama Siya sa tuwina.

Oo, hindi kayo kailanman pababayaang mag-isa ng inyong mapagmahal na Ama sa Langit sa mortalidad na ito upang magpagala-gala sa kadiliman. Hindi kayo kailangang malinlang. Maaari ninyong madaig ang kadiliman ng mundong ito at matuklasan ang banal na katotohanan.

Gayunpaman, hindi hinahanap ng ilan ang katotohanan at sa halip ay nagpapasimula ng pagtatalo. Wala silang hangaring matuto; sa halip hangad nilang makipagtalo, ipagyabang ang inaakala nilang kaalaman at sa gayon ay nagdudulot ng kaguluhan. Binabale-wala o tinatangihan nila ang payo ni Apostol Pablo kay Timoteo: “Tanggihan mo ang mga usapang walang kabuluhan at hangal, yamang nalalaman mo na namumunga [ang mga ito] ng mga pagtatalo.”29

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, alam nating ang ganyang pagtatalo ay talagang hindi naaayon sa Espiritu na siyang ating inaasahan sa paghahanap natin ng katotohanan. Tulad ng babala ng Tagapagligtas sa mga Nephita, “Sapagkat katotohanan … sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo.”30

Kung susundin ninyo ang Espiritu, ang inyong personal na paghahanap sa katotohanan ay tiyak na aakay sa inyo tungo sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, sapagkat Siya “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.”31 Maaaring hindi ito ang pinakamadaling daan; marahil wala ring gaanong dumaraan dito, at ito ay daang puno ng mga bundok na aakyatin, ng maaalong ilog na tatawirin, ngunit ito ang Kanyang daan---ang paraan ng pagtubos ng Tagapagligtas.

Idinaragdag ko ang aking patotoo bilang Apostol ng Panginoon, na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos. Nalalaman ko ito nang buo kong puso at isipan. Nalalaman ko ito sa pamamagitan ng pagpapatunay at kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Hinihiling ko sa inyo na masigasig na hanapin ang katotohanan para sa inyong sarili---sapagkat ang katotohanang ito ang magpapalaya sa inyo.32

Mahal kong mga batang kaibigan, kayo ang pag-asa ng Israel. Mahal namin kayo. Kilala kayo ng Panginoon; mahal Niya kayo. Malaki ang tiwala ng Panginoon sa inyo. Alam Niya ang mga tagumpay ninyo, at inaalala Niya ang mga paghihirap at pag-aalinlangan ninyo sa buhay.

Dalangin ko na hanapin ninyo ang katotohanan nang masigasig at walang humpay, nang sa gayon naisin ninyong uminom sa bukal ng lahat ng katotohanan, kung saan ang mga tubig ay dalisay at matamis, “isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.”33

Binabasbasan ko kayo na magtiwala sa Panginoon at malalim na hangaring makilala nang tama ang katotohanan sa kamalian---ngayon at sa buong buhay ninyo. Ito ang aking dalangin at basbas, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

© 2013 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 8/12. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 8/12. Pagsasalin ng What Is Truth? Tagalog. PD50045368 893