Nakita Ko na Ba ang Kamay ng Diyos sa Aking Buhay?
CES Devotional for Young Adults • Marso 3, 2013 • University of Texas Arlington
Sa paglalakbay ko sa iba’t ibang panig ng mundo kasama ng asawa ko, nalulungkot ako sa nalaman ko na maraming kabataan ang nakadaramang nag-iisa sila at nagdududa kung kilala sila o mahal sila ng Panginoon. Dalangin kong malaman ang mga alituntuning bibigyang-diin ko ngayong gabi na makatutulong sa inyo na malaman na kilala at mahal kayo ng Panginoon. Dalangin kong tulungan ako ng Espiritu na maihatid ang mensaheng ito.
Gagamitin ko ang mga titik ng isang kanta sa seminary sa pagsisimula ng aking mensahe:
Kailangan natin ng mga tainga na makikinig sa salita ng Panginoon,
At mga mata na makakakita sa Kanyang plano,
Mga paang tatahak sa Kanyang landas,
At mga pusong nakauunawa.
(Steven K. Jones, “Hearts that Understand,” Hold to the Rod Songbook [1988], 20)
Mga Tainga na Makikinig sa Salita ng Panginoon
Una, kailangan natin ng mga tainga na makikinig sa salita ng Panginoon. Maaari nating marinig ang tinig ng Panginoon kapag pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan (tingnan sa D at T 18:34–36). Noong kaedad ninyo ako, si Spencer W. Kimball ang Pangulo ng Simbahan. May sinabi siya na naging gabay ko sa aking buhay. Sabi niya: “Natuklasan ko na kapag nagiging mababaw ang pakikipag-ugnayan ko sa kabanalan at kapag tila walang banal na taingang nakikinig at walang banal na tinig na nagsasalita, na napakalayo ko na. Kapag ibinubuhos kong muli ang sarili ko sa mga banal na kasulatan, kumikitid ang agwat at nagbabalik muli ang espirituwalidad” (Ang mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W.Kimball [2006], 83).
Pinatototohanan ko na kung may mga tainga tayo na makikinig sa salita ng Panginoon, madarama natin ang Kanyang pagmamahal kapag nangungusap Siya sa atin sa mga banal na kasulatan.
Mga Matang Makakakita sa Kanyang Plano
Pangalawa, kailangang may mga mata tayo na makakakita sa Kanyang plano. Isang araw iniisip ko ang isang returned missionary na kakilala ko nang matanggap ko nang di-inaasahan ang kanyang e-mail. Ikinuwento niya sa akin kung paano niya nadama ang mga himala ng Panginoon habang nasa misyon siya, ngunit pagbalik niya ay naiisip niya kung minsan kung talaga bang kilala siya ng Panginoon.
Sa sagot ko sa kanya, ibinahagi ko ang ilang mahalagang payo na ibinigay ni Elder Henry B. Eyring sa mga estudyante ng BYU–Idaho. Sabi niya: “Binabasbasan ko kayo na bawat araw, kung ipagdarasal ninyo na ipakita sa inyo ang mga ginawa ng Diyos sa inyong buhay sa mismong araw na iyon, makikita ninyo iyon. Ipapakita iyon sa inyo. Makikita ninyong inaakay at ginagabayan at pinasisigla Niya kayo, at na kilala Niya kayo” (“A Steady, Upward Course,” [Brigham Young University–Idaho devotional, Set. 18, 2001], web.byui.edu/devotionalsandspeeches).
Pagkatapos ay ipinaliwanag ko kung gaano ko araw-araw na ipinagdasal ang pagpapalang ito at inantig ako ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang liham. Tiniyak ko sa kanya na gayon din ang gagawin ng Ama sa Langit para sa kanya.
Nagpapatotoo ako na kapag nagdasal tayo na makita ang Kanyang plano, makikita natin ang impluwensya ng Diyos sa ating buhay at malalaman natin na kilala Niya tayo.
Mga Paang Tatahak sa Kanyang Landas
Pangatlo, kailangang may mga paa tayo na tatahak sa Kanyang landas. Maraming young adult ang namamali ng akala, nasisiphayo, at nalulungkot dahil ang mga inaasam nilang mangyayari sa kanilang buhay ay hindi pa nagaganap. Mali ang paniniwala ng ilan na kung hindi ibinigay ng Diyos sa kanila ang kaligayahan o pagpapalang inaasam o iniisip nilang marapat nilang tanggapin, Siya ay hindi nagmamalasakit sa kanila. At upang ipakita ang pagdaramdam nila sa Diyos, ang ilan ay nawawalan ng pananalig, hindi iginagalang ang mga tipan, nagtitiwala sa makamundong kasiyahan, at tinatalikuran ang Diyos. Sa halip na magkaroon ng mga paa na tatahak sa landas ng kabutihan, lumilihis sila sa landas ng ebanghelyo, gumagala-gala, at nangawawala. Lahat tayo’y may kakilalang “naliligaw ng landas.” Madarama natin ang pagmamahal ng Diyos sa ating buhay kapag nakita natin ang positibong reaksyon ng maraming tao habang naglilingkod tayo at tumutulong.
Ang landas ng Panginoon ay malinaw na makikita sa mga turo ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sa susunod na buwan ay pangkalahatang kumperensya na. Nagpapatotoo ako na kung matutukoy natin nang may panalangin ang isang tanong o alalahanin at dadalhin ito sa kumperensya, sasagutin tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng mga mensahe ng Kanyang mga piniling lingkod. Madarama natin ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit at lalong lalakas ang ating loob at tatatag ang mga paa sa pagtahak sa Kanyang landas ngayon at magpakailanman.
Mga Pusong Nakauunawa
Pang-apat, kailangan natin ng mga pusong nakauunawa sa kaloob na Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Itinuro ni Elder Bednar: “Mahalagang malaman na naparito si Jesucristo sa lupa upang mamatay para sa atin---iyan ay mahalagang bahagi ng doktrina ni Cristo. Ngunit kailangan din nating pasalamatan na hangad ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at kapangyarihan ng Espiritu Santo, na mapasasaatin---hindi lamang patnubayan tayo kundi palakasin din tayo” (“Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 12).
Para sa akin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay ng kapanatagan at matibay na katibayan ng pagmamahal sa atin ng Diyos. Pinalalakas tayo nito upang magawa ang mahihirap na bagay---mga bagay na hindi natin inisip na magagawa natin. Tinutulungan tayo nito na manatiling matatag kahit hindi natin nauunawaan ang kalooban at kagustuhan ng Diyos sa ating buhay. Nagpapatotoo ako na buhay ang Diyos, at madarama natin ang Kanyang pagmamahal at malalaman natin na kilala Niya tayo kapag inilaan natin ang ating puso na mas maunawaan pa ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak na si Jesucristo.
Kailangan natin ng tainga na makikinig sa salita ng Panginoon,
At matang makakakita sa Kanyang plano,
Mga paang tatahak sa Kanyang landas,
At mga pusong nakauunawa.
(Jones, “Hearts that Understand,” 20)
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2013 by Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 8/12. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 8/12. Pagsasalin ng Have I Seen the Hand of God in My Life? Tagalog. PD50045417 893