Ipapaubaya Ko sa Kanya ang Aking Kalooban
CES Devotional para sa mga Young Adult • Nobyembre 3, 2013 • Brigham Young University
Malaking pribilehiyo ang makasama kayo ngayong gabi, minamahal kong mga kapatid. Gusto kong malaman ninyo na malaking pagpapala para sa aming mag-asawa ang makasama kayo sa gabing ito. Habang tinitingnan namin kayo, nakikita namin ang maraming posibilidad. Punung-puno kayo ng potensiyal. Gaano man kataas ang inyong hangarin, narito ako para sabihing mas mataas pa diyan ang kaya ninyong marating. Mas marami pa kayong magagawa sa buhay na ito kaysa alam ninyo. Dahil nasa panig ninyo ang Panginoon, marami kayong daranasing mga himala. Magagawa ninyo ang bagay na sa una’y mukhang imposible. Malalampasan ninyo ang anumang problema. Madadaig ninyo ang anumang bagay na hahatak sa inyo pababa. Maaari ninyong tanggihan ang masama at tanggapin ang lahat ng mabuti. May layunin ang pagparito ninyo sa lupa, at sa tulong ng Panginoon makakamit ninyo iyon.
Sana nauunawaan ninyo kung gaano karami ang nagdarasal para sa inyo. Napakaraming iniaalay na panalangin sa Simbahang ito sa bawat araw para sa kabataan ng Simbahan—para sa mga young adult. Kung minsan, kapag may tahimik na sandali kayo, pagnilayan ninyo ang lahat ng dasal na iniaalay sa bawat araw lalo na para sa inyo, na bagong henerasyon. Mga panalangin sa templo, panalangin ng mga General Authority at mga pangkalahatang opisyal ng Simbahan, panalangin ng mga stake at ward leader, at panalangin ng mga magulang, kapamilya, at mga kaibigan---naririnig ko ang marami sa mga panalanging ito. Taos-puso ang mga ito. Sana mapag-isip ninyo ang kapangyarihang hinuhugot mula sa kalangitan para sa inyo.
At sana dama ninyong mahal kayo, hindi lang ng mga nakakakilala sa inyo, kundi ng lahat ng may malasakit sa inyo kahit hindi pa nila kayo nakikita. Alam ko na kung narito ngayon si Pangulong Monson, ipapahayag niya ang pagmamahal niya sa inyo. Mayroon tayong buhay na propeta na nagmamahal sa kabataan ng Simbahang ito.
Kaming mag-asawa ay nagpapasalamat sa pagkanta ng korong ito sa aming awit na “I Will Give Myself to Him.” Isinulat namin ang awit para sa aming mga missionary noong naglilingkod pa kami sa South Dakota Rapid City Mission, ngunit ang mga titik ay angkop sa ating lahat habang tayo’y nabubuhay. Sabi sa unang talata:
Buhay Niya’y ibinigay, namatay Siya upang ako’y mabuhay.
Ano ang magagawa ko para sa Kanya? Ano ba ang aking maibibigay?1
Ito’y mga salita ng isang taong nagninilay sa mga biyayang hatid ng Pagbabayad-sala, ng mga pagpapala sa pagkadama ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Lahat tayo’y may ganitong sandali—mga sandaling alam nating iniisip tayo ng Panginoon.
Inaanyayahan ko kayong pag-isipan ngayon ang mga biyayang nadarama ninyo bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at kung mayroon sa inyo na nag-iisip sumapi sa Simbahan, inaanyayahan ko kayong pagnilayan ang biyayang hangad ninyo. Pagkatapos ay gusto kong ibahagi ninyo ang biyayang iyon sa katabi ninyo. Kung hindi ninyo kilala ang taong iyan—mas mainam—magkakakilala kayo habang nagbabahaginan kayo. Ibahagi ang lahat ng biyayang maibabahagi ninyo sa susunod na isa o dalawang minuto.
Kailan lang inanyayahan ko ang isang grupo ng mga estudyante sa bahay ko para pag-usapan ang paksa para sa gabing ito. Ito ang sabi nila nang ipabahagi ko ang damdamin nila tungkol sa mga pagpapala sa buhay nila:
Male 1: Ang kaalamang taglay ko—tungkol sa plano ng kaligtasan, sa aking Ama sa Langit, at kung ano ang hitsura Niya at ano ang nais Niya sa akin, at kung ano ang magagawa ko para umayon ang buhay ko sa nais Niya para sa akin. Mga biyayang dulot ng sealing power at ng mga templo sa mundo—ang kaalaman na makakasama ko ang pamilya ko magpakailanman, bilang isang pamilya.
Female 1: Ang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala, at ang kakahayang ma-access ang kapangyarihan na dulot ng Pagbabayad-sala. Marami dito ang nakakamit sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood at dama ang tunay na kaugnayan sa aking Ama sa Langit dahil sa mga ordenansa at pakikipagtipan ko sa Kanya. Para magkaroon ng bisa sa ating buhay, ng lakas at lahat ng bagay na kailangan natin sa pagbalik sa Kanya.
Female 2: Ang oportunidad at pribilehiyong mapasaatin ang kaloob na Espiritu Santo sa tuwina, para gabayan ang ating mga desisyon at bigyan tayo ng kapanatagan at lakas at kapangyarihan na malampasan ang buhay na ito at makapiling Siya magpakailanman.
Male 2: Para sa akin ang lahat ng mga pagpapala ng priesthood ay kapwa para sa mga lalaki at babae. Nagpapasalamat talaga ako sa priesthood na ibinalik upang makamit natin ang lahat ng biyayang ito: ang templo, ang Espiritu Santo, ang pagkakataong mabiyayaan ng Pagbabayad-sala.
Female 3: Labis ang pasasalamat ko na malaman na maaari akong umunlad at na ang buhay na ito ay hindi kaawa-awa o pag-upo lamang—o paghihintay na lang. Tungkol ito sa paninindigan at paggawa ng mga bagay. At para sa akin, ang pag-unlad ay kailangan para malaman na nangyayari ito at mangyayari ito kahit sa kabilang-buhay.
Male 3: Ang Aklat ni Mormon. Dahil estudyante ako marami akong oras na inuukol sa pagbabasa at maingat ako—iniisip ko, Totoo ba ito? Ano ba ang palagay nila? Paano ko masusuri ang lahat ng sinasabi nila? Pero dama kong puwede akong magrelaks, kumbaga, kapag binabasa ko ang Aklat ni Mormon. Dahil totoo ito—isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.
Kung wala ang ibinalik na ebanghelyo ni Jesucristo, hindi mapapasaatin ang mga pagpapalang binanggit ng mga kaibigan ko. Ang pagninilay sa ating mga biyaya ay nagbibigay sa atin ng lakas na sumulong sa buhay, ngunit alam nating lahat na hamon ang pagsulong. Ito ang mortalidad, at ang mortalidad ay hindi madali. Ang sumunod na dalawang talata ng awitin na kinanta ng koro ay nagsasabing:
Kapag tinalikuran ng iba, kapag tila walang nagbibigay-halaga,
Paano ko madarama ang pag-ibig Niya? Paano ko malalaman na nariyan Siya?
… … … … … … … … … … … … … … . .
Kapag ang pait at kalungkutan ay nadama ng mga nagtatanong kung bakit,
Paano ko sila hahatiran ng kapayapaan? Paano ko sila tutulungan para subukan?2
Aanyayahan ko kayo ngayon na sumulat—o kaya’y tandaan—ang mga hamon na kinakaharap ninyo ngayon, mga alalahanin na hindi nagpapatulog sa inyo sa gabi.
Tinanong ko ang mga kaibigan ko na nagpunta sa bahay kung ano ang mga hamon na kinakaharap nila, at ito ang sabi nila:
Female 2: Ang dami ko tuloy naiisip ngayon! Ang isang naiisip ko ay ang madaling iugnay ang iyong halaga at identidad sa mga nagawa mo: gaya ng, wala pa akong asawa, o wala pa akong bachelor’s degree o master’s degree, o mga bagay na nagawa mo o hindi mo nagagawa.
Male 2: Ang pananatiling espirituwal gaya noong full-time tayong naglilingkod sa Panginoon. Iyan ang isang bagay na kailangan kong piliin araw-araw, kung gagawin ko pa rin ba ang mga nakasanayan ko sa misyon o hindi na.
Male 1: Isa sa malalaking bagay na naghatid ng Espiritu sa ating buhay noong nasa misyon tayo ay ang pagkakataong maglingkod at magpatotoo na nagpapatuloy sa pamamagitan ng home at visiting teaching at sa fellowshipping—mga pagkakataong gumawa ng mga bagay na makabuluhan. At ang Espiritung iyon ay mapapasaatin habang naglilingkod tayo sa ating kapwa.
Male 3: At magkakaroon ng tamang balanse sa pagitan ng pagpatnubay ng Espiritu at inspirasyon sa ginagawang mga desisyon sa buhay at sa basta paggawa lamang ng mga ito. May mga tao na parang palaging pinapatnubayan ng Panginoon. At may mga tao na kailangan lang kumilos at basta gawin lang ito bago nila malaman kung alin ang tama o hindi.
Female 1: Napakalawak na tema, gaya ng naantalang mga pagpapala at pagkaunawa na darating din ang mga ito kahit paano. At pananampalataya at pagtitiwala at pagpapaubaya ng ating kalooban sa Ama sa Langit.
Female 3: Bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao? O ang mahihirap na bagay—talagang napakahihirap—ang nangyayari sa mabubuting tao? Iyan ang isang bagay na laging nasa isip ko. Halimbawa, nalaman ko na may kanser ang tatay ko. At naisip ko, “Paano ito nangyari sa isang taong nakapaglingkod na mabuti?”
Anuman ang inyong hamon, nagpapatotoo ako na ang paksang tatalakayin natin sa gabing ito ay makatutulong para malampasan ninyo ito.
Sa pagsisimula, pagnilayan natin sandali ang ating huling CES devotional. Sa pagpapala ng apostol na binigkas ni Elder Russell M. Nelson sa pagkakataong iyon, sabi niya, “Binabasbasan ko kayo … na ang kalooban ng [Diyos] ay magawa ninyo at sa pamamagitan ninyo.”3 Isipin ang kapangyarihan ng mga salitang ito. Para ang kalooban ng Diyos ay magawa natin at sa pamamagitan natin, dapat ang ating kalooban ay katulad ng sa Diyos. Dapat nating naisin ang nais Niya.
Si Elder Neal A. Maxwell ay minsang nagsabi: “Sa pagpapasakop ninyo ng inyong kalooban sa Diyos, ibinibigay ninyo sa Kanya ang nag-iisang bagay na talagang maibibigay ninyo sa Kanya.Huwag ninyong ipagpaliban pa ang [paghahanap sa altar at] pag-aalay ng inyong kalooban!”4
Sa gabing ito inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang tatlong tanong: (1) Ano ang ibig sabihin ng salitang kalooban? (2) Paano natin maibibigay ang ating kalooban sa Diyos? at (3) Paano natin malalaman na nagtatagumpay tayo?
Una, ano ang ibig sabihin ng salitang kalooban? Madalang nating pag-usapan ang tungkol sa kalooban. Kung minsan sinasabi nating “kakayahan ng isipan.” Halimbawa, “Hindi ko kayang tanggihan ang cheesecake na iyon.” Kaya’t ang kalooban ay ang “tendensya na gawin ang isang bagay,”5 ang hangarin na nagpapakilos sa atin.
Kung tatanungin ninyo ang mga tao sa Estados Unidos kung ano ang dalawang pinakamahalagang bagay sa kalugusan ng katawan, halos 95 porsiyento ang magsasabing “diyeta at ehersisyo”—gaya ng iisipin natin. At, kung tatanungin mo rin sila, “Tama ba ang kinakain mo at sapat ang iyong ehersisyo?”—ano ang sa palagay ninyo ang sasabihin nila? Mga 5 porsiyente hanggang 10 porsiyento ang magsasabi na oo. Malinaw na may pagkakaiba sa pagitan ng pagkaalam at paggawa nito. Alam ng karamihan sa mga tao ang dapat nilang gawin, ngunit iilan lamang ang determinadong gawin ito.
Isang halimbawa sa aming misyon ang nagpapakita na kapag nagpatulong tayo magkakaroon tayo ng hangaring gawin ang alam nating dapat nating gawin.
Isa sa aming mga assistant ang nagsabi minsan sa kanyang kompanyon, “Hey, nadagdagan ako ng 30 pounds simula nang dumating ako sa mission. Di ako puwedeng umuwi nang ganito. Puwede mo ba akong tulungang magbawas ng timbang?” (Nasa basketball team siya noon, at ayaw niyang magbalik sa ganoong hitsura.)
Pumayag ang kompanyon niya.
Di nagtagal matapos iyon kasunod ako ng dalawang missionary na ito sa pila ng pagkain. Ang missionary na gustong magbawas ng timbang ay kumuha ng brownie. Binulungan siya ng kanyang kompanyon, “Ayaw mo ‘yan.”
Ang gutom na missionary, na medyo nainis ay nagsabing, “Aba, gusto ko ito.”
“Hindi, ayaw mo ‘yan; talagang ayaw mo,” payo ng kanyang kompanyon.
Hindi kinuha ng missionary ang brownie.
Gusto ng missionary na ito na magbawas ng timbang, pero kailangan niya ng tulong para labanan ang pagkagusto niya sa brownie. Tandaan ang linya ng awitin na nagsasabing, “Paano ko sila tutulungan para subukan?” Tinutulungan ng kompanyon ang kanyang kapwa missionary na sikaping gawin ang nais niyang gawin pero hindi niya magawa nang walang tulong ng iba. Tinutulungan niya ang missionary na ito na makita na madadaig ng hangarin niyang maging malusog ang paghahangad niya sa brownie. Tinutulungan niya siya na palakasin ang kanyang kalooban.
Papapaniwalain tayo ng kaaway na wala naman talagang tinatawag na kalooban—na wala tayong pagpipilian kundi ang sundin ang likas na silakbo ng damdamin—na kumain nang kumain ng brownies. Nagkakamali sa paniniwala ang ilan na ang kalooban natin ay nababatay sa ating genes at na hindi natin ito kayang kontrolin.
Para ipakita kung gaano kahalaga ang tanong na ito, narito ang hango sa isang balita kamakailan. Ang awtor ay respetadong propesor ng biology. Narito ang simula ng kanyang sanaysay na pinamagatang “Why You Don’t Really Have Free Will.” Natuon ang pansin ko sa pamagat na ito dahil, bilang miyembro ng Simbahan, alam kong mayroon tayong kalooban.
Ipinaliliwanag niya na ang mga desisyon na akala natin ay gawa natin, ay hindi natin talaga ginawa. Tungkol sa pagpili natin ng almusal ngayong umaga, sabi niya: “Akala ninyo pumili kayo, pero ang totoo ang desisyon ninyong … kumain ng itlog o pancake [sa umagang ito] ay nagawa na bago pa ninyo nalaman—marahil bago pa kayo gumising sa araw na ito. At ang inyong ‘kalooban’ ay walang kinalaman sa desisyong iyon.”6
Kaya, sinasabi niya na wala tayong kalooban, walang kontrol sa ating mga hangarin. Napapailalim tayo sa dikta ng ating genes. Nang mabasa ko ito, gusto kong sabihin sa kanya ang tungkol sa aming missionary. Talagang gumawa siya ng pagpili. Nabawasan siya ng 30 pounds. Nadaig ng kanyang kalooban ang hangarin ng kanyang katawan.
Nalaman natin sa paghahayag, kapwa noon at ngayon, na mayroon tayong kalayaan, na mayroon tayong kalooban, na mayroon tayong mga hangarin, at maaaring magbago ang mga hangaring iyon. Si Elder Russell M. Nelson, sa huling pangkalahatang kumperensya, ay nagsabing: “Mababago natin ang ating pag-uugali. Ang mga ninanais natin ay maaaring mabago. Paano? … Ang permanenteng pagbabago … ay magmumula lamang sa nagpapagaling, naglilinis, at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”7
Nang sabihin ni Elder Maxwell na ang ating kalooban lamang ang bagay na maibibigay natin sa Diyos, itinuturo niya na ang anumang ibigay natin ay bagay na ibinigay na sa atin ng Diyos. Kapag nagbibigay tayo ng mga ikapu at handog, ibinabalik lamang natin sa Diyos ang nauna na Niyang ibinigay sa atin. Anumang pera na kitain natin sa buhay na ito, halimbawa, ay dumarating sa atin dahil sa mga likha ng Diyos. Kung ibibigay natin ang ating panahon, ibinibigay natin ang ibinigay na sa atin ng Diyos---ang mga araw na ilalagi natin sa lupang ito. Ngunit kapag ibinigay natin ang ating kalooban sa Kanya, ito ay regalo na tayo lamang ang makapagbibigay. Kapag ibinibigay natin ang ating kalooban, ibinibigay natin nang buo ang ating sarili, at walang ipinagkakait.
Ito ang sabi ng mga kaibigan ko nang ipasaliksik ko sa kanila ang mga banal na kasulatan at pagkatapos ay sinabi kung ano ang naiisip nila ukol sa kahulugan ng salitang kalooban:
Male 3: Ito ay pagiging “handang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [kanila], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”8 Iyan ay tungkol sa pagpapaubaya at pagpapailalim at kahandaan. At medyo pinag-usapan namin ito, at humantong kami sa isa pang talata sa Helaman 3.
Male 1:Helaman 3:35—“Oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa paghahandog ng kanilang mga puso sa Diyos.”
Female 3: Hindi ito minsanang nangyayari, sa palagay ko hindi, kundi ito ay proseso na nangangailangan ng panahon at paggawa.
Male 2: Para bang, patuloy ka nang kikilos at gagawa. Sa pagpili mo ng tama, mas madali nang piliin ang tama sa susunod. Pagdarasal at araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan at pagsusulat sa journal.
Female 2: Ang Mosias 5:2, ay tungkol sa malaking pagbabago sa ating sarili at sa ating puso kaya tayo ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.”
Female 1: Nakakatuwa kasi iyon mismo ang binabasa nating talata, pero magkakaiba ang ating pinag-uusapan. Para sa akin napakabisa ng nakasaad sa Helaman 3:35, tungkol sa pagpapasakop ng ating puso sa Diyos at kung paano tayo nito dinadalisay. Kailangan dito ang malaking tiwala na magpasakop sa Kanya at sabihing, “Hindi, magtitiwala ako ngayon din na ang iyong plano ay perpekto. Ipapaubaya ko sa iyo ang aking kalooban at hahayaang gamitin mo iyon upang hubugin ako at maging ayon sa nais mong kahinatnan ko.”
Male 2: Pinag-uusapan namin ang Digmaan sa Langit—kung paano tayo nakipaglaban para sa kalayaan at paano tayo nagpasiyang sundin si Cristo at gawin ang nais Niyang ipagawa sa atin. Pinag-usapan namin kung paanong sa buhay na ito ay parang tagisan ng mga kalooban: Magpapasiya ba tayong hangarin ang nais ni Cristo, na maging tulad Niya, sa halip na sabihing gagawin natin ang mga bagay na ipinagagawa Niya sa atin—gugustuhin ba nating gawin ang mga ito?
Kaya, ang pagpapaubaya ng ating kalooban sa Panginoon ay hindi nangangahulugan na isinusuko natin ang ating kalayaan. Sa katunayan, ang kabaligtaran ang totoo. Kapag lalo nating ipinauubaya ang ating kalooban sa Panginoon, lalong nadaragdagan ang kakayahan nating gamitin ang kalayaan natin sa pagpili. Ang malaman ang nais ng Diyos na malaman natin, sabihin ang nais Niyang sabihin natin, gawin ang nais Niyang gawin natin ay humahantong sa nais Niyang kahantungan natin. Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaan upang isuko natin ang ating sarili sa Kanya, hindi upang patangay tayo sa tukso.
Kapag tumingin kayo sa kaloob-kalooban, makikita ninyo ang mga hangarin na humahantong sa pinakahahangad ninyong gawin. Mapapansin ninyo na hindi ko sinabing “hahantong sa anumang gawain”—dahil ang ilan sa ating mga gawa ay nahihikayat ng ating pinakamatitinding hangarin. Nangyayari ang ilang gawain sa kaunting pag-iisip lamang. Ang ilang gawain ay tila tahasang labag sa pinakamimithi o pinakahahangad natin.
Isang binata ang lumapit sa akin minsan para magpatulong sa proseso ng pagsisisi. Habang inilalarawan ang lungkot na nadarama niya dahil sa ginawa niya, sabi niya, “Kapag naiisip ko ito, hindi ako makapaniwala na nagawa ko ito. Parang iba ang gumawa niyon at hindi ako.” Sa kaibuturan ng kanyang puso ay hindi niya ginustong gawin ang nagawa niya, ngunit kahit paano ang likas na tao ang nangibabaw, at nagpatangay siya sa panggaganyak ng kalaban sa halip na patangay sa pahiwatig ng Espiritu Santo, na tumulong sana sa kanya na paglabanan ang tukso.9 Ang kalooban ang tinutukoy niya. Gusto niyang maging mabuti, ngunit may bahagi ng kanyang pagkatao—na aspeto ng kanyang kalooban—na hindi niya ipinaubaya. Itinabi niya ang munting bahaging iyon, at iyon ang umakay sa kanya para gawin ang bagay na pinagsisihan niya. Ngunit lumapit siya sa isang priesthood leader para ituwid ang mga bagay—upang maging kung sino siya talaga, isang matapat na anak ng kanyang Ama sa Langit. Lumapit siya upang sikaping ipaubaya ang kanyang buong kalooban sa Panginoon, sa pagkakataong ito ay wala na siyang itatago.
Ang binatang ito ay dumanas ng pagbabago ng puso. Siya’y “wala nang [hangaring] gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.”10 Ang kanyang mga hangarin ay nagbago, at dahil nagbago ang kanyang mga hangarin, nagbago rin ang kanyang ugali. Hinuhubad niya ang likas na tao at napaiilalim sa panghihikayat ng Banal na Espiritu. Ang pagbabago ng puso ay pagbabago ng motibo, hindi lamang pagbabago ng kilos. Kailangan tayong gumawa ng mabuti, ngunit higit pa riyan, kailangan nating gawin ito sa tamang dahilan.
Ang diagram na ito ay nakakatulong sa akin na maunawaan ang kaugnayan ng ating motibo o hangarin at ng ating mga kilos. Kapag nasa landas tayo ng tipan ng pagkadisipulo, ang ating mga hangarin ay dalisay at mabuti ang ating ikinikilos. Gumagawa tayo ng mabuti dahil mahal natin ang Panginoon at ang Kanyang mga anak. Ngunit posible rin na gumawa ng mabuti nang may masamang hangarin. Sa gayon tayo ay gaya ng mga mapagpaimbabaw—gumagawa tayo ng mabuti para mabuti ang maging tingin sa atin, o dahil gusto nating mas maganda ang tingin sa atin kaysa sa ating kapwa.
Kung gagawa tayo ng masama at masama ang ating hangarin, tayo, gaya ng sabi sa banal na kasulatan ay, “sadyang [naghihimagsik] laban sa Diyos.”11 Ang ganitong mga tao ay ipinagyayabang ang masasama nilang gawain. Ngunit kapag talagang gusto nating maging mabuti ngunit nagkakamali tayo, nagpapatangay tayo sa ating likas na pagkatao. Kapag nasa ibang landas tayo bukod sa landas ng pagkadisipulo, kailangan nating humugot ng lakas sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagsisisi, at kaagad tayong mapupunta sa tamang landas.
Ang prosesong ito ng pagsisisi ay malinaw na proseso ng pagbabago ng mga hangarin. Ito ay proseso ng pagbibigay-puwang sa Espiritu. At kapag nagbigay-puwang tayo sa Espiritu, wala nang puwang para sa kasalanan.
Kaya’t ang ating kalooban ay pinagsamang puwersa ng ating mga naisin o hangarin. Sa ating kalooban nakasalalay ang ating mga kilos. Paano nating palalakasin ang ating kalooban? Paano natin ipauubaya ang ating kalooban sa Panginoon? Inaanyayahan kong muli ang koro na kantahin ang chorus ng ating pambungad na awitin sa gabing ito. Pakinggang mabuti ang mga titik:
Sasabihin ko ang nais Niyang ipasabi. Gagawin ang nais Niyang ipagawa.
Ako’y magiging saksi sa mundo ng Pinakamamahal na Anak ng Diyos.
Ipauubaya ko sa Kanya ang aking sarili—aking puso, kalooban, kaluluwa.
Palagi kong aawitin ang mapagtubos na pag-ibig, ang awitin na sa akin ay nagpagaling.12
Masasabi nating lahat ang nais Niyang ipasabi.
Noong stake president pa ako, ininterbyu ko ang isang sister na bagong kasal pa lang noon. Tanong ko, “Kumusta ang pagsasama ninyo?”
Sagot niya’y, “Okay lang po, sa palagay ko. Hindi kami masyadong nag-aaway.”
Tanong ko’y, “Ano ang ibig mong sabihin sa, masyado?”
Sabi niya, “Alam n’yo naman po na lahat ng mag-asawa ay nag-aaway.”
Sumagot ako, “Hindi lahat ng mag-asawa. Kaming mag-asawa ay hindi nag-aaway. Ang mga magulang ko ay hindi nag-away.”
At nag-usap kami kung paano sila mag-uusap na mag-asawa nang may pagmamahal sa halip na maging marahas at panghinaan ng loob.
Masasabi natin ang nais ng Panginoon na sabihin natin. Maaalis natin ang karahasan sa ating mga salita at tono ng boses. Maaari nating iangat at patatagin ang iba sa halip na sirain ang kanilang pagkatao.
Minsan ay sinamahan ko si Elder Jeffrey R. Holland sa muling pag-organisa ng isang stake presidency. Pagpasok namin sa hotel na tinuluyan namin, nakilala niya ang isang hotel clerk at tinanong siya, “Kumusta na ang mabait mong boyfriend?”
Sabi niya, “Ah, hiwalay na po kami, dalawang linggo na.”
Sabi niya, “Hayaan mo, makakahanap ka pa ng iba, at mas mabait pa.”
Ngumiti siya at nagpatuloy sa kanyang ginagawa. Kinabukasan minasdan ko ang pagpuri ni Elder Holland sa mga miyembro at lider, bawat isa sa kanila. Madali niya itong nagagawa at sa natural na paraan kaya’t lahat ng makausap namin ay mabuti ang pakiramdam nila sa kanilang sarili at sa buhay—dahil mabuti ang sinabi niya sa kanila.
Magagawa nating lahat ito. Kung narito ang Tagapagligtas, iaangat Niya ang lahat na Kanyang madaanan, gaya ng ginawa Niya noong narito pa Siya sa lupa. Masasabi nating lahat ang nais Niyang ipasabi.
Nang may nagtanong sa akin kung ano ang pakiramdam ng maglingkod kasama ng mga General Authority, ang unang naisip ko ay ang pagmamahal na nadarama ko kapag kasama ko sila. Maaaring iniisip ng iba na ang pagtayo sa podium sa Conference Center ay nakakakaba dahil ang First Presidency at Quorum of the Twelve ay nakaupo sa likuran mo habang nagsasalita ka. Pero kahit paano ipinadarama nila sa iyo na magagawa mo ito.
Pagkatapos mong magsalita, iniaabot ng Labindalawa ang kanilang kamay at pinasasalamatan ka sa naiambag mo sa miting habang pabalik ka sa iyong upuan. Noong unang mangyari ito, medyo nagulat ako. Hindi ko inasahan na ganoon sila magpakita ng kabaitan, pero napakabait nila. Tinutulungan nila ang lahat ng nasa kanilang landas, gaya ng ginawa ng Tagapagligtas. Ito ay katangian ni Pangulong Monson.
Si Pangulong Monson ay nagpapakita ng pagmamahal sa lahat. Kasunod ng isa sa mga sesyon ng kumperensya ng Oktubre, nakita ni Pangulong Monson ang isang bata na kumakaway sa kanya. Yumukod siya sa andamyo at sinenyasan ang bata na lumapit. At kinamayan niya ang bata. Talaga namang tuwang-tuwa ang bata.
Minsan din, matapos ang pagtatanghal sa Conference Center, hindi umalis si Pangulong Monson pagkatapos ng miting para kamayan ang mga kabataan na maaari niyang kamayan. Nagpunta siya sa entablado at nilapitan ang isang grupo ng mga kabataan na may mga kapansanan. Kahit hindi makapagsalita ang mga kabataang ito para sumagot kay Pangulong Monson, makikita sa kanilang mga ngiti kung gaano ang pasasalamat nila sa pakikipagkamay at malugod na pagbati niya.
Kung tinutulungan natin ang iba, ang kakayahan nating tumulong ay lalo pang nadaragdagan. Ito ang isa sa pinakamalinaw na palatandaan na ipinauubaya natin ang ating kalooban sa Diyos.
Kaya masasabi natin ang nais ng Panginoon na sabihin natin. Magagawa rin natin ang nais Niyang ipagawa. Kung minsan ang kilos ay mas mahalaga kaysa mga salita.
Habang lumalaki ang aming pamilya, nagkaroon ng matinding impeksyon ang aking asawa at naospital siya. Sinikap kong pakainin at alagaan ang aming limang maliliit na anak habang nagpapagaling siya. Pero hindi naman ako napagod masyado sa paghahanda ng pagkain. Ang mga pagkain ay inihahatid lang sa aming pintuan—napakarami, sa katunayan, hindi namin maubos ang mga ito. Kaya sinimulan kong ilagay ang pagkain sa freezer hanggang sa mapuno ito.
Ang mga hakbang na ito ay tila maliit kung ikukumpara sa ilang mahabaging paglilingkod, ngunit gusto kong malaman ninyo na napakahalaga ng mga pagkaing iyon. Iyon ang sumagip sa akin. Mahina ang asawa ko noon, at pinanghihinaan ako ng loob. At pumupunta lang ako sa freezer para tingnan kung ano ang puwedeng kainin sa hapunan. Sa bawat pagkaing inihatid ng mabubuting miyembro ng ward sa aming pintuan, ipinauubaya nila ang kanilang kalooban sa Diyos. Ginagawa nila ang nais Niyang ipagawa.
Ang mga miyembrong iyon ng ward ay may dalisay na hangaring tulungan ang isang pamilyang nangangailangan, ngunit posibleng gawin ang isang mabuting bagay na taglay ang maling mithiin. At, gaya ng itinuturo sa banal na kasulatan, ang mabuting ginagawa natin ay ibinibilang na kasamaan dahil hindi matuwid ang ating puso.13 Gumawa tayo ng mabuti, pero ginawa natin ito nang may pag-aatubili. Kaya’t ang hangarin ay kabuuan. Kailangan nating naisin ang nais ng Diyos. Kailangan nating sabihin ang nais Niyang ipasabi dahil gusto nating sabihin ang nais Niyang ipasabi. Kailangan nating gawin ang nais Niyang ipagawa dahil gusto nating gawin ang nais Niyang ipagawa. At kailangan tayong maging saksi ng pinakamamahal na Anak ng Diyos dahil gusto nating maging saksi. Sa gayon malalaman nating ipinauubaya natin ang ating buong kaluluwa sa Kanya—walang anumang bahagi natin ang gustong sumuway sa Kanyang kagustuhan.
Ang pagsasabi at paggawa ng tama ay nagiging mas madali sa paggawa natin ng mga pangako sa Panginoon.
Ang mga tipan ay mahalaga sa pag-unlad ng kalooban. Kapag bininyagan tayo, nakikipagtipan tayong tataglayin natin ang pangalan ng Panginoon—na gagawin ang ipagagawa niya sa atin. At, sa bawat araw ng Sabbath sinasariwa natin ang tipan na iyon. Sumasaksi tayo sa ating Ama sa Langit na handa pa rin tayong taglayin ang pangalan ng Panginoon at alalahanin Siya at sundin ang Kanyang mga utos. Sa tuwing marapat nating hinahawakan ang kapirasong tinapay ng sakramento o iniinom ang tubig, ibinibigay natin ang ating kalooban sa Kanya. Sinasabi nating, “Ako’y magiging saksi sa mundo ng Pinakamamahal na Anak ng Diyos.”14
Kapag ibinubuklod tayo sa templo sa ating kasama sa walang hanggan, muli tayong nakikipagtipan na patatatagin ang ating kalooban. Nadarama natin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa tuwing papasok tayo sa banal na bahay ng Diyos. Doon tayo nakikipagtipan na ilalaan natin ang ating sarili sa Panginoon. Kaya sinabi ni Elder Maxwell, “Huwag ninyong ipagpaliban pa ang pag-aalay ng inyong kalooban.”15 Siguro matalinghaga ang pagsasalita niya, pero naniniwala ako na malinaw din niyang sinasabi kung paano natin ipauubaya ang ating kalooban sa Diyos sa paggawa at pagtupad ng ating mga tipan sa Kanya.
Kaya, ginagawa natin ang lahat para maibigay ang ating sarili sa Kanya—ang ating puso, ating kalooban, ating kaluluwa. Kapag mas sinunod natin ang landas na ito, lalo tayong pagpapalain ng Panginoon ng Kanyang pagmamahal. At kapag lalo nating nadarama ang Kanyang pagmamahal, lalo nating nalalaman na nagtatagumpay tayo sa pagpapaubaya ng ating kalooban sa Kanya.
Nawa may natututuhan tayo sa gabing ito na makatutulong sa atin na isakatuparan ang basbas ni Elder Nelson—upang ang kalooban ng Diyos ay matupad natin at sa pamamagitan natin. Nang tanungin ko ang mga kaibigan ko kung ano ang natutuhan nila, ito ang sabi nila:
Male 2: Parang lagi kong napagsasama ang kalayaan at pagpapaubaya ng aking kalooban sa Diyos, at natulungan ako nito na makita na magkaiba ito. Parang marami akong nagagawang tama, pero ngayon gusto kong humayo at dalisayin ang hangarin upang maging katulad ako ng nais Niyang marating ko.
Female 2: Gustung-gusto kong pinag-uugnay ang mga bagay. Naiisip ko, okey, ganito ang nangyayari sa buhay ko, at, ganito ang pinag-aaralan ko, at ganito ang sabi ng taong ito. Kaya, sa tingin ko napag-uugnay ko na ang lahat.
Male 1: Anuman ang hamon sa ating buhay, kailangan lang nating ipaubaya pa ang ating sarili sa Diyos. Parang tulad ng sabi ni Pangulong Eyring: “Mahirap man ang mga bagay-bagay ngayon, bubuti ang lahat kinabukasan kung ipapasiya [nating] maglingkod sa [Diyos] sa araw na ito.”16
Male 3: Sa pagbibigay ng inyong puso at kalooban sa Diyos … ang unang ginagawa Niya ay pinababanal Niya ito. Hindi ito basta pagbibigay lang ng ating puso sa Diyos at inilalagay Niya ito sa malaking sisidlan at sinasabing, “Hayan, may isa pang puso para sa akin.” Kinukuha Niya ito at pinababanal ito at sinusubukan ito at ibinabalik sa atin at sinasabing, “Ngayon gamitin mo ito at gumawa ka ng malalaking bagay.” Hindi ko naisip noon kung ano ang nangyayari matapos mo itong ipaubaya sa Kanya. Akala ko doon natatapos, pero simula lang pala iyon.
Female 3: Alam kong hindi ko alam ang lahat, at habang lalo akong natututo, lalo kong natatanto na marami pa akong hindi alam. Pero alam kong buhay ang Diyos. At para sa akin ang araw na ito ay katibayan niyon—na batid Niya at talagang sabik Siya at naghihintay at gustong pagpalain ang Kanyang mga anak, at tayo iyon.
Female 1: Mga tatlong araw na nang bigyan ako ng basbas ng priesthood dahil sa isang bagay na mangyayari sa buhay ko. At binanggit sa basbas na kailangan kong dagdagan pa ang tiwala sa Diyos at isuko ang aking kalooban. Ngunit sa kung anong dahilan, habang binabasbasan nadama kong kailangan kong pag-aralan pa iyon at kung ano talaga ang kahulugan nito. Kung paano niyon binabago ang mga ginagawa ko sa araw-araw at sa buong maghapon at kung paano ko lubusang ipapaubaya sa Kanya ang aking sarili.
Kaya, ang pagpapaubaya ng ating kalooban sa Panginoon ay ginagawa natin araw-araw. Hindi ito kakaibang gawain. Hindi ito ang katapusan, kundi simula lamang ito. Masasabi natin ang nais Niyang ipasabi. Magagawa natin ang nais Niyang ipagawa. Maaari tayong maging saksi sa mundo ng pinakamamahal na Anak ng Diyos—lahat dahil sa gusto nating gawin ito. Kapag nagbago ang ating puso, ang pasasalamat natin sa Pagbabayad-sala ay labis na nadaragdagan kaya’t patuloy tayo nitong pinatatatag.
Sabi ni Alma, “Kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?17
Ang awit ng mapagtubos na pag-ibig ay awit ng pagbubunyi sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hindi ito awit na may mga nota at titik; ito ay awit ng damdamin. Ang mga salitang magagamit natin upang magpakita ng pasasalamat kapag kinakanta natin ang awit ng mapagtubos na pag-ibig ay palaging nagbabago, depende sa pagpapalang natatanggap natin. At ang damdaming ito ng pasasalamat sa Tagapagligtas ay parang isang awit. Ito’y paulit-ulit na tumutugtog sa ating puso sa tuwing maiisip natin kung paano tayo iniligtas ng Manunubos mula sa lahat ng hahatak sa atin pababa.
Kaya nga itinanong ni Alma kung dama ba nating umawit ngayon. Ngayon ang mahalagang sandali. Kung dama nating gusto nating magbunyi sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ngayon, ang ating puso ay matuwid. Ipinauubaya natin ang ating kalooban sa Kanya, at pinatatatag Niya ang ating kalooban. Kung naaakit tayo sa mga bagay ng daigdig, ang ating puso ay hindi matuwid, at ang ating kalooban ay hindi pinatatatag.
Sa huling bahagi ng Aklat ni Mormon, ang mga Nephita, na minsan ay naging mabubuting tao, ay tumalikod sa Panginoon. Sinimulan nilang ipagyabang ang kanilang sariling lakas sa halip na magalak sa kalakasan ng Panginoon. Sila’y tahasang naghimagsik laban sa Diyos. At ano ang nangyari sa kanila? Naiwan sila sa sarili nilang lakas—hanggang sa mawala ang lahat sa kanila.18
Ayaw nating gawin iyan. Alam nating hindi natin magagawa itong mag-isa sa buhay na ito. Hindi natin ito magagawa. Kailangan natin ang tulong ng Panginoon. Kailangan natin ang tulong ng bawat isa. Hindi tayo maaaring umasa lamang sa sarili nating lakas. Ang nakaunat na bisig ng Panginoon ay nag-aanyaya sa atin upang palakasin Niya tayo para hindi tayo maiwan sa sarili nating lakas.19
Alam ko na maaari nating tanggapin ang Kanyang paanyaya na lumapit at mapalakas, lumapit at mapatawad, lumapit at madama ang Kanyang walang-katapusang pag-ibig. At, taglay ang nakangiting puso, gugustuhin nating kantahin ang awit ng mapagtubos na pag-ibig. Hindi lang paminsan-minsan—gugustuhin nating kantahin ito sa tuwina. Kapag nadama natin ang lakas na gawin ang isang bagay na mahirap, kakantahin natin ang awit sa ating puso. Kapag hinayaan nating matagpuan tayo ng katotohanan at pinalaki ang ating kaluluwa, kakantahin natin ang awitin. Kapag nadama nating pinatawad tayo, kakantahin natin ang awitin. At kapag nadama natin ang Kanyang pag-ibig, kakantahin natin ang awitin.
Sa tuwing kakantahin natin ito, ipauubaya natin ang ating kalooban sa Kanya, ang tanging regalo na maibibigay natin sa Kanya. Hindi lamang Niya tatanggapin ang regalong ito, palalawakin Niya ito at palalalimin. Ipadarama Niya na mas makakaya natin. Dadagdagan Niya ang ating kakayahan na magmahal at mahalin. Aakayin Niya tayo palabas sa kadiliman tungo sa liwanag. Pagagalingin Niya tayo at tutulungan sa maraming paraan upang magpatawad tayo at mapatawad din.
Nagpapatotoo ako na Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Pinatototohanan ko na sapat ang pagmamahal sa atin ng Kanyang Ama upang isugo Siya sa lupa at mabuhay at mamatay para sa atin. Alam ko na ito ang Kanyang Simbahan. Alam ko na ang Kanyang buhay na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, ay nauunawaan ang pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan at alam niya kung paano tayo tutulungan upang makabalik sa ating tahanan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2013 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 1/13. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 1/13. Pagsasalin ng I Will Give Myself to Him. Tagalog. PD50048935 893