Mga Pandaigdigang Debosyonal
Ang Ating Propeta: Thomas S. Monson


2:3

Ang Ating Propeta: Thomas S. Monson

CES Devotional para sa mga Young Adult • Mayo 5, 2013 • Brigham Young University–Idaho

“Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta,” (Mga Himno, blg. 15). Ang himnong ito ay isa sa mga natatanging sagisag ng Simbahan. Talagang pinasasalamatan natin ang Diyos para sa propetang gumagabay sa atin sa mga huling araw na ito.

Mahalaga sa pananampalataya at paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako ang paglalaan ng Diyos ng propeta para sa atin. Alam natin na ang Diyos ay buhay at mahal Niya tayo. Alam natin na isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo para maging ating Tagapagligtas at Manunubos, at alam natin na binigyan Niya tayo ng isang propeta.

Ang mga nabuhay noong mga unang panahon ng Simbahan ay labis na nagpasalamat na nabuhay sila sa panahon ni Propetang Joseph Smith. Ang mga mensahe at patotoo tungkol sa Panunumbalik kadalasan ay naranasan mismo ng mga Banal noong panahong iyon.

Kamangha-mangha ang mga nangyari noong si Brigham Young ang nangulo sa Simbahan ng Panginoon. Nagtungo sa kanluran ang mga Banal at nanirahan sa gitna ng Rocky Mountains, kung saan lumago ang Simbahan. Itinuring ng mga nabuhay sa panahong iyon na isang malaking pagpapala ang mabuhay sa panahon ng propetang si Brigham Young.

Nagpatuloy ang huwarang ito nang maghirang ng dakila at marangal na kalalakihan ang Panginoon para pamahalaan ang mga gawain ng Kanyang Simbahan. Nagkuwento ang aking mga magulang at lolo’t lola nang may labis na pagpipitagan at pagmamahal tungkol sa propeta ng kanilang panahon—si Pangulong Heber J. Grant.

Para sa amin ni Sister Walker, at sa marami sa inyong mga magulang at lolo’t lola, hinangaan namin ang dakilang halimbawa at pambihirang mga turo ng propetang si David O. McKay. Sinundan siya ng mga humalili sa kanya: sina Joseph Fielding Smith, Harold B. Lee, Spencer W. Kimball, Ezra Taft Benson, at Howard W. Hunter. Bawat isa ay handang-handang pamunuan ang Simbahan sa loob ng panahong itinakda ng Panginoon Mismo. Bawat isa sa kanila ay minahal at sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan.

Karamihan sa inyo na narito ngayong gabi ay magiliw na maaalala ang mahusay na pamumuno ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Kaylaking pagpapalang mabuhay noong siya ang Pangulo ng Simbahan.

Limang taon na ang nakararaan kinuha na ng Panginoon si Pangulong Hinckley at si Thomas S. Monson ang naging Pangulo ng Simbahan—ang propeta ng Panginoon sa mundo ngayon. Kaylaking pagpapala sa inyo at sa akin na mabuhay sa napakagandang panahong ito na tayo ay pinamumunuan ng isang dakilang propeta.

Ito ang Simbahan ng Panginoon. Ipinaplano Niya ang buhay ng mga dakilang Apostol na ito, at inilalagay sila sa katungkulan na mamuno sa Kanyang Simbahan. Totoo na ang isa sa mga natatanging katangian ng Simbahan ng Panginoon ay na Siya ay may mga apostol at propeta sa mundo ngayon.

Ipinaliwanag ni Apostol Pablo na ang Simbahan ay may “mga apostol at … propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Efeso 2:20). Gayon noon, at gayon din ngayon. Ang Simbahan ng Panginoon ay kilala sa pagkakaroon ng mga apostol at propeta, na si Jesucristo ang mismong pangulong bato sa panulok. Bawat Pangulo ng Simbahan ay nagpatotoo na si Jesucristo ang pinuno ng Simbahang ito.

Walang nagkataon lamang, walang pagkakamali, at walang pangangampanya. Pagdating sa paghalili sa Panguluhan ng Simbahan ng Panginoon, ang Panginoon ang namamahala, at tiyak na nasusunod ang Kanyang kalooban.

Pinatototohanan ko sa inyo na kalooban ng Panginoon na tayo ay pamunuan ngayon ni Pangulong Thomas S. Monson, na siyang propeta ng Panginoon sa lupa ngayon.

Tulad ng itinuro sa atin ng propeta sa Lumang Tipan na si Jeremias tungkol sa mga propeta, alam nating totoo ito kay Pangulong Monson. Sabi sa banal na kasulatan, “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa” (Jeremias 1:5).

Nais kong talakayin sa inyo ngayon ang buhay at ministeryo ni Pangulong Thomas S. Monson, ang ika-16 na Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sa huling taon ng buhay ni Pangulong Hinckley, hinirang niya akong maging Executive Director ng Temple Department, at pinasaya ako ni Pangulong Monson nang tulutan niya akong manatili sa tungkuling ito. Sa nagdaang anim na taon, nagkaroon ako ng dakila at di-malilimutang pagpapalang tulungan si Pangulong Thomas S. Monson at ang kanyang mga tagapayo sa mga bagay na nauukol sa templo. Naupo ako sa tabi ni Pangulong Monson nang payuhan at turuan niya ako tungkol sa mga templo at sa mga bagay na nauukol sa templo sa iba’t ibang panig ng mundo. Inanyayahan niya akong samahan siya sa mga paglalaan ng templo, groundbreaking, at pagbisita sa mga pagtatayuan ng templo. Mapalad akong maglakbay na kasama niya sa iba’t ibang panig ng mundo, sa mga lugar na kasinglayo ng Kyiv, sa Ukraine, at Cebu, sa Pilipinas, at sa iba pang magagandang lugar, gaya ng Rome, Italy.

Nang puntahan niya ang iba’t ibang dako ng mundo, mapalad akong makasama at masaksihan ang kanyang malaking pagmamahal sa mga tao—hindi lamang sa mga miyembro ng Simbahan, kundi sa lahat ng tao. Nasaksihan ko ang walang-maliw niyang pagmamahal at kabaitan, ang kanyang kabutihan at talas ng pakiramdam tulad ng kay Cristo, lalo na sa mga bata, matanda, at maysakit. Maraming beses habang pinagmamasdan ko si Pangulong Monson, naiisip ko: “Ganyan din ang gagawin ng Tagapagligtas. Ganyan din pakikitunguhan ng Tagapagligtas ang mga tao.”

Nasaksihan ko ang kanyang walang-katapusang kasigasigan, sigla at determinasyon, kagalakan sa buhay, at matinding hangaring maglingkod sa Panginoon at gawin ang ipagagawa sa kanya ng Tagapagligtas. Hindi siya nanghihinawang gawin ang gawain ng Panginoon.

Sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 52, talata 14, sinabi ng Panginoon, “Ako ay magbibigay sa inyo ng isang huwaran sa lahat ng bagay, nang hindi kayo malinlang.”

Gusto ko ang talatang ito dahil itinuturo nito sa akin na bibigyan ako ng huwaran ng Panginoon at ipapakita sa akin kung paano gawin ang mga bagay-bagay, paano kumilos, paano mamuhay. Ngunit hindi lamang ito tungkol sa akin. Tungkol ito sa bawat isa sa atin. Talagang ipinapakita sa atin ng Panginoon ang paraan. Talagang nagbibigay Siya ng mga huwaran sa buhay ng bawat isa sa atin para ipakita sa atin kung paano mamuhay.

Naniniwala ako na ang isa sa mahahalagang huwaran sa ating buhay ay ang buhay ng propeta na gumagabay at namamahala sa Simbahan ng Panginoon sa ating panahon. Tulad ng nabanggit ko kanina, para sa akin noong bata pa ako, ang huwaran ko ay si Pangulong David O. McKay. Minahal ko siya at sinuportahan, ipinagdasal ko siya, pinag-aralan kong mabuti ang kanyang mga turo, at hinangad kong tularan siya sa abot ng aking makakaya.

Palagay ko noong bata pa ang mga magulang ng marami sa inyo, ang huwaran nila ay si Pangulong Spencer W. Kimball. Mangyari pa, para sa bawat isa sa atin, pinakagusto nating tularan ang buhay ng Tagapagligtas—sundan Siya, sundin ang Kanyang mga utos, at maging katulad Niya hangga’t maaari.

Sa 3 Nephi 27:27, itinuro ni Jesus: “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko.”

Iyan ang ating pangunahing mithiin—maging katulad Niya.

Nakasabit sa dingding ng bawat tanggapang inokupahan ni Pangulong Monson simula nang matawag siyang bishop ang pamilyar na larawan ng Tagapagligtas na ipininta ni Heinrich Hofmann. Iyon ay isang magandang paglalarawan sa Tagapagligtas.

Tungkol sa painting na ito, sinabi ni Pangulong Monson: “Gustung-gusto ko ang painting, na nasa akin na noon pa mang bishop ako sa edad na beinte-dos at dala-dala ko na ito saanman ako naatasang maglingkod. Pinagsikapan kong tularan sa buhay ko ang Panginoon. Tuwing may mahirap na desisyon akong gagawin, lagi kong tinitingnan ang larawang iyon at itinatanong ko sa aking sarili, ‘Ano kaya ang gagawin Niya?’ Pagkatapos ay sinisikap kong gawin iyon” (sa Heidi S. Swinton, To the Rescue: The Biography of Thomas S. Monson [2010], 135).

Alam ko na nag-iisip si Pangulong Monson tungkol sa pagsunod sa halimbawa ni Jesus. Minsan ay nakasama ko si Pangulong Monson sa isang kaganapan bago ilaan ang isang templo. Kadarating pa lang niya noong araw na iyon, at nang patapos na ang pulong sa gabi, naisip ko na baka pagod na si Pangulong Monson, at gusto kong matiyak na makapahinga siya bago ang mga kaganapan kinabukasan. Habang inaawit ang pangwakas na himno, bumaling ako kay Pangulong Monson at sinabi ko, “President, pagkatapos ng pangwakas na panalangin, kung makakatalilis tayo sa pintuan sa gilid, maihahatid namin kayo kaagad sa hotel para makapagpahinga kayo.”

Naguguluhang tumingin siya sa akin at sinabing, “Elder Walker, kung narito si Jesus, palagay mo ba tatalilis Siya sa pintuan sa gilid pagkatapos ng pulong?”

Hindi ko na iyon iminungkahing muli. Gaya ng gagawin ng Tagapagligtas, nais niyang makapiling ang mga tao. Ni hindi niya inisip noon ang kanyang sarili. Inisip niya ang kabutihang magagawa niya.

Noon ko pa nadarama na maaari akong maging mas mabuting tao kapag tinularan ko sa aking buhay ang matwid na mga taong inilagay ng Panginoon sa aking landas: ang aking mga lolo’t lola, magulang, bishop, mission president, at mangyari pa, ang propeta ng Diyos na nakikita at naririnig at ipinagdarasal ko araw-araw. Tiyak kong ginagawa rin ito ng karamihan sa inyo.

Napakalaking pagpapala sa buhay ko ang hangaring higit pang tularan ang Panginoon at ang Kanyang propeta—si Pangulong Thomas S. Monson.

Gusto kong ibahagi sa inyo ang ilang bagay tungkol sa buhay at mga turo ni Pangulong Monson, at sana, habang nagsasalita ako, ay matukoy ninyo ang mga katangiang nanaisin ninyong tularan sa inyong buhay. Pagpapalain tayong lahat sa paghahangad nating tularan sa ating buhay at matuto sa propeta ng Panginoon.

Gaya ni Nephi, at ng karamihan sa inyo, isinilang si Thomas S. Monson sa butihing mga magulang. Ipinanganak siya sa Salt Lake City noong Agosto 21, 1927. Laki siya sa hirap. Hindi niya kailanman ikinaila ang kanyang pinagmulan. Sa kanyang simpleng pagpapatawa, lakip ang lubos na katiyakan sa kanyang tunay na pagkatao, paminsan-minsan ay sinasabi ni Pangulong Monson na hindi na siya kailangang mag-alala kung saang panig ng riles siya nagmula dahil lumaki siya sa pagitan ng mga riles.

Noon pa ako hanga sa masaya niyang pagkukuwento tungkol sa kanyang kabataan. Sa palagay ko malaki ang pagkatulad niya kay Nephi. Mukhang magaling sina Laman at Lemuel sa pagtukoy sa mga problema at pagtingin sa negatibong aspeto ng lahat ng bagay. Si Nephi naman ay positibo, maganda ang pananaw, at mapagpasalamat. Nakita niya ang mabuti sa lahat ng nasa paligid niya. Ganyan lumaki si Tommy Monson—at ganyan na siya buong buhay niya!

Magaling siyang estudyante, at marahil ang mas mahalaga, isa siyang mabait na bata. Ipinakita niya ang kanyang hangaring makapaglingkod nang mabuti sa Panginoon nang tawagin siyang maglingkod bilang secretary ng deacons quorum sa kanyang ward. Halos 70 taon pagkaraan, bilang Pangulo ng Simbahan, pinagnilayan niya nang may kaunting pagmamalaki ang kanyang hangaring gawing napakaayos ng katitikan [minutes] ng kanyang deacons quorum. Hindi niya inisip na “Bakit ako ang secretary at hindi ang pangulo ng korum?” Gusto lang niyang gampanang mabuti ang kanyang tungkulin. Siya ay tinawag sa isang katungkulan sa Simbahan ng Panginoon, at gusto niyang gawin ang lahat ng makakaya niya. Gusto niyang gawing malinis at maayos ang katitikan, kaya minakinilya niya ang katitikan ng kanyang deacons quorum. Noong 12-taong-gulang siya, nagpakita siya ng mabuting halimbawa sa atin.

Kung napansin ninyo ito, hindi ako nagtataka. Napansin din ito ng kanyang stake president na tinawag si Tommy, nang marinig na mahusay ang trabaho ng binatilyo, para magsalita sa stake conference—bilang secretary ng deacons quorum. May nabalitaan na ba kayong secretary ng isang deacons quorum na nagsalita sa stake conference? Kaygandang halimbawa sa ating lahat!

Nagtapos siya sa high school at sumapi sa United States Navy. Naglingkod siya sa kanyang bayan, at habang ginagawa iyon, pinanatili niyang malinis at banal ang kanyang sarili. Nagbalik siya mula sa paglilingkod sa militar at nagtrabaho nang husto para makapag-aral. Magaling siyang estudyante—isa pang magandang halimbawa sa ating lahat! (Ang halimbawa ng pagiging magaling na estudyante ay maaaring mas mahalaga sa ilan sa inyo kaysa sa iba.)

Niligawan niya at inibig ang isang magandang dalagang Banal sa mga Huling Araw na nagngangalang Frances Johnson at hindi naglaon ay inalok niya ito ng kasal. Ikinasal sila sa Salt Lake Temple noong Oktubre 7, 1948, sa edad na 21. Kaygandang halimbawa sa ating lahat! (Muli, marahil ay mas mahalaga ito sa ilan sa inyo kaysa sa iba.)

Kahit 18 buwan pa lang silang kasal, at habang nagsisikap na mataas ng posisyon sa bagong trabaho, tinanggap niya ang tawag mula sa Panginoon na maglingkod bilang bishop ng isang malaking ward sa loob ng lungsod. Sa ward na iyon siya lumaki. (Isipin ninyo iyan!) Hindi niya sinabing, “Hindi pa napapanahon” o “Napakabata ko pa”; tinanggap lang niya ang tawag, nagtiwala siya sa Panginoon, at ginampanan niya ang tungkulin gamit ang buong lakas at talinong bigay sa kanya ng Panginoon. Hangad niyang maging pinakamahusay sa paglilingkod sa Panginoon.

Napamahal sa bata pang si Bishop Monson ang isang talata sa banal na kasulatan na maaaring magpala sa ating buhay, dahil pinagpala nito ang kanyang buhay:

“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.

“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas” (Mga Kawikaan 3:5–6).

Hanggang ngayon, madalas pa ring banggitin ni Pangulong Monson ang talatang iyan at ipinamumuhay niya ang itinuturo niya sa atin. Kaygandang halimbawa niya sa ating lahat! Makabubuti para sa ating lahat na alalahanin ang talatang iyon at gawin itong mahalagang bahagi ng ating pilosopiya sa buhay—tulad ng ginawa ni Pangulong Monson.

Ang ward ni Bishop Monson ay may mahigit 1,000 miyembro, kabilang na ang 84 na biyuda. Mapalad tayong marinig paminsan-minsan sa pangkalahatang kumperensya at iba pang mga pulong ang ilan sa magaganda niyang karanasan tungkol sa pag-aaruga niya sa mga biyudang ito na pinagpalang mapangalagaan niya.

Para sa akin, tuwing maririnig ko siyang magsalita tungkol sa isa sa kanyang mga karanasan bilang bishop, natatanto ko, at hangang-hanga ako rito, na ang pagmamahal at pag-aalala niya sa mga miyembro ng kanyang ward ay hindi nagtapos nang ma-release siya bilang bishop. Tinawag siya sa stake presidency sa edad na 27, ngunit kahit maraming taon na ang lumipas (matapos siyang matawag bilang mission president at Apostol), patuloy niyang minahal, inaruga, at pinangalagaan ang nakatatandang mga miyembro ng kanyang ward. Malinaw na hindi lamang niya sila minahal at pinagmalasakitan nang dahil sa tungkulin. Ang kanyang pagmamahal at pag-aalala sa kanila ay tumimo nang malalim sa kanyang puso at hindi mapapawi ng anumang pagbabago ng tungkulin.

Sa paggawa nito, naipakita sa atin ni Pangulong Monson ang paraan. Iyon ang mas mabuting paraan; iyon ang paraan ng Panginoon. Mahal niya at inaalala ang iba—tulad ng itinuro sa atin ng Panginoon na dapat nating gawin. Kaygandang halimbawa niya sa ating lahat!

Sa edad na 31, tinawag si Pangulong Monson na maging pangulo ng Canadian Mission, na nasa Toronto, Ontario, ang headquarters. Tulad ng ginawa niya noong bishop siya, ginampanan niyang mabuti ang kanyang tungkulin, ibinigay ang lahat ng mayroon siya, at buong puso siyang nagtiwala sa Panginoon. Lahat ng nasa paligid niya ay nakikita ang kanyang pagmamahal sa Panginoon, sa kanyang asawa’t mga anak, sa mga missionary at miyembro, at sa Canada, ang lupain kung saan siya tinawag na maglingkod. Napakatindi ng kanyang impluwensya bilang mission president at hanggang ngayo’y hindi ito masusukat. Minahal siya ng kanyang mga missionary at hinangad nilang mamuhay sa paraang maipagmamalaki sila ng kanilang mission president. May matututuhan tayong lahat diyan.

Tulad ng ginawa niya nang ma-release siya bilang bishop, patuloy niyang minahal ang kanyang mga missionary at ang mga Banal na napagpala sa kanyang paglilingkod. Saksi ako sa walang-maliw na pagmamahal at pagmamalasakit ni Pangulong Monson sa mga missionary na naglingkod sa ilalim ng kanyang pamamahala sa Canadian Mission. Kaygandang halimbawa!

Alam ko na ang mga missionary na pinagpalang maging mission president si Thomas S. Monson ay nagsikap na tularan ang matwid na paglilingkod sa kaharian ng Panginoon na ipinakita sa kanila nina Pangulo at Sister Monson. Bilang paglalarawan, ibabahagi ko sa inyo ang nakatutuwang katotohanan na sa 141 temple president na kasalukuyang naglilingkod sa iba’t ibang panig ng mundo, ang lima sa kanila ay mga bata pang missionary na naglingkod sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Monson sa Canadian Mission.

Libu-libo sa inyo na kapiling namin ngayong gabi ang returned missionary. Dalangin ko na tularan ng bawat isa sa atin ang halimbawa ng limang temple president na ito at sikaping maging tapat at tahakin ang landas ng matwid na paglilingkod na ipinakita ng ating mga mission president.

Naantig ako kamakailan na makita ang isang retrato ni Pangulong Monson sa Church News na bumibisita sa isang lalaki sa Toronto, Canada, hospital (tingnan sa “Teachings of the Prophet,” Church News, Peb. 3, 2013, 7). Ang ginoong ito ay naglingkod sa tabi ni Pangulong Monson 50 taon na ang nakararaan. Hindi siya nalimutan ni Pangulong Monson. Ang maraming taon at maraming milya ay hindi pumawi sa magiliw na pagmamahal at pagpapahalaga ni Pangulong Monson sa mga taong magkakasamang naglilingkod sa Panginoon. Sana’y tularan ng bawat isa sa atin ang kanyang halimbawa at huwag nating kalimutan ang mga taong nagpala sa ating buhay noong nakaraang mga taon.

Noong 1963, nang siya ay 36 anyos, inanyayahan si Thomas S. Monson sa tanggapan ni Pangulong David O. McKay, na siyang Pangulo ng Simbahan noon. Sa pagkikitang ito siya tinawag ni Pangulong McKay bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo.

Si Pangulong Monson ang tanging Apostol na tinawag sa Labindalawa sa napakabatang edad nitong huling 100 taon. Tunay na ang kamay ng Panginoon ang namahala sa pagtawag sa batang Apostol na ito dahil alam ng Panginoon na pamumunuan ni Thomas S. Monson ang Simbahan sa ating panahon.

Sa darating na pangkalahatang kumperensya sa Oktubre, ika-50 anibersaryo na ng pagkatawag kay Thomas S. Monson bilang Apostol. Kahanga-hanga nito, hindi ba? (Sila pa lang ni Joseph Fielding Smith ang naging Apostol na nakapagdiwang ng ika-50 taon sa Labindalawa.)

Sa loob ng 22 taon naglingkod si Pangulong Monson bilang tagapayo sa tatlong Pangulo ng Simbahan: kina Ezra Taft Benson, Howard W. Hunter, at Gordon B. Hinckley. Noong Pebrero 3, 2008, inorden at itinalaga si Thomas S. Monson bilang Pangulo ng Simbahan. May dalawa siyang mararangal at mahuhusay na tagapayo sa kanyang tabi: sina Pangulong Henry B. Eyring at Pangulong Dieter F. Uchtdorf. Sila ang tatlong presiding high priest na namamahala sa Simbahan ng Panginoon sa lupa ngayon (tingnan sa D at T 107:22).

Ang katangi-tanging paglilingkod ni Pangulong Monson ay madalas ilarawan sa pahayag na “sumagip.” Isinulat ni Heidi Swinton ang kagila-gilalas niyang talambuhay, at akma niyang pinamagatan itong To the Rescue. Ang talambuhay ay inilathala noong 2010. Kung hindi pa ninyo ito nababasa, inirerekomenda kong basahin ninyo ito. Pagpapalain nito ang inyong buhay.

Ang mensahe, mangyari pa, ang mismong mensaheng ibinigay sa atin ni Jesus sa Lucas: iwanan ang “siyam na pu’t siyam” at humayo at sagipin ang nawala (Lucas 15:4). Ito ang diwa ng ebanghelyo ni Jesucristo, ang mahalin ang ating kapwa-tao at gawin ang lahat ng ating magagawa para mapagpala ang kanilang buhay. Noon pa itinuturo ni Pangulong Monson ang mga alituntuning ito, ngunit ang mas mahalaga, ipinamumuhay niya ito. Ang kanyang buhay ay puno ng di-mabilang na mga halimbawa na bisitahin, panatagin, o tulungan ang mga higit na nangangailangan: mga biyuda, bata, maysakit, namimighati, at yaong nalulumbay o sawi.

Isinulat ni Apostol Santiago, “Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan” (Santiago 1:27).

Ganito namuhay si Pangulong Monson. Ang aral na matututuhan natin ay na hindi na kailangang maging Apostol ang isang tao para magawa ito. Maipapamuhay natin ang ating relihiyon, madadalaw natin ang mga ulila at biyuda, at mapapanatili nating walang bahid-dungis ang ating sarili mula sa mundo. Makakaasa tayo sa ating propeta para malaman kung paano natin ito magagawa! Masasabi natin sa ating sarili, “Gusto kong maging katulad niya.”

Ilang taon na ang nakararaan, bago sumapit ang pangkalahatang kumperensya, nagturo ng isa pang magandang aral si Pangulong Monson. Sa pagkakataong ito ay sa nakatipong mga General Authority, na naglakbay papuntang Salt Lake City, marami ang nanggaling sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan sila naglilingkod sa mga Area Presidency. Napakahalagang pulong nito. Nagsama-sama kami para maturuan ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa.

Habang papalapit na ang pagpupulong, tila naroon na ang lahat maliban kay Pangulong Monson, na hindi pa dumarating. Ilang minuto bago magsimula ang pulong, tumigil kami sa pag-uusap at tahimik na naupo at nakinig sa prelude music—na umaasang darating ang propeta anumang sandali.

Matiyaga kaming naghintay hanggang sumapit at lumipas ang alas-9:00 n.u. May lumabas sa pintuan sa gilid—maliwanag na para alamin at tingnan kung nangangailangan ng tulong. Nang muli siyang pumasok sa silid, sinabihan kami na “makakasama na natin si Pangulong Monson maya-maya.”

Mga 15 minuto matapos magsimula ang pulong, pumasok si Pangulong Monson sa silid. Bilang paggalang, tumayo kami pagpasok niya. Masaya kaming makita siya at nasiyahan kami na mabuti ang kanyang kalagayan. Tila wala namang anumang malinaw na dahilan para mahuli siya ng dating.

Tumuloy si Pangulong Monson sa pulpito at sinabi niya, “Mga kapatid, pasensya na at nahuli ako, pero kinailangan ako ng asawa ko kanina.”

Lubha akong humanga at napakumbaba. Hindi mawala sa isipan ko ang sinabi ni Pangulong Monson. Napakahalagang pulong nito. Nagtipon ang buong pamunuan ng Simbahan, at nagpakita ng halimbawa si Pangulong Monson sa aming lahat. Kinailangan siya ng kanyang asawa, at nag-ukol siya ng sapat na oras para alagaan ito. Magandang pangaral iyon. Wala akong maalalang iba pang bagay na sinabi noong araw na iyon, pero naaalala ko ang pangaral na iyon: “Kinailangan ako ng asawa ko.”

Ang pangaral na iyon ay napatibay sa isa pang okasyon na sinabi ni Pangulong Monson, “Kapag naririnig kong sinasabi ng mga lalaki na mahal nila ang kanilang asawa, gusto kong sabihin sa kanila, ‘Patunayan ninyo ito sa kung paano ninyo siya pinakikitunguhan at pinaglilingkuran.’”

Ganyan si Pangulong Monson: Lagi siyang tumutulong sa kanyang kapwa. Lagi siyang nagpapakita ng kabaitan at malasakit sa iba.

Hindi ninyo kailangang makasama nang matagal si Pangulong Monson para madama ang matinding pagmamahal at katapatan niya sa kanyang mahal na si Sister Frances Monson. Tuwing magsasalita siya tungkol dito, nagniningning ang kanyang mga mata at may malaking ngiti sa kanyang mga labi. Alam ninyo na ito ang lalaking ang pag-ibig sa kanyang asawa ay isang halimbawa sa ating lahat. Ipinakita sa atin nina Pangulo at Sister Monson ang halimbawa ng isang lalaki at isang babae na kapwa nagmamahal sa Panginoon at hangad maglingkod sa Kanya sa kabutihan.

Nais kong higit pang tularan ang Panginoon, at nais ko ring higit pang tularan ang Kanyang propeta.

Kung nag-iisip kayo kung ano ang ninanais ni Pangulong Monson para sa bawat isa sa inyo, marahil ay makakatulong sa inyo ang pagbabahagi ng sumusunod na karanasan:

Noong Nobyembre ang magandang Boise Idaho Temple ay handa nang muling ilaan, kasunod ng 18-buwang pagkakasara nito para pagandahin at ayusin pa ang templo. Pagkaraan ng 30 taong masigasig na paggamit sa templo ng matatapat na Banal sa bahaging iyon ng Idaho at mga kalapit na lugar, kinailangan talagang ayusin ang templo. Nang matapos ito, tulad ng nakagawiang ipagdiwang ang muling paglalaan ng templo, inanyayahan ang mga kabataan ng temple district na magtanghal ng isang malaking kultural na pagdiriwang. Iyon ay isang gabi ng kantahan at sayawan at pagpapahayag ng kanilang pananampalataya at pasasalamat para sa templo.

Nakaupo ako sa tabi ni Pangulong Monson habang pinanonood namin ang magagandang pagtatanghal ng iba’t ibang stake. Itinampok sa isa sa mga sayaw ang isang magandang grupo ng mga dalagita. Habang pinanonood ni Pangulong Monson ang pagtatanghal, bumaling siya sa akin at sinabi ang kanyang niloloob. Sabi niya, “Umaasa ako na bawat isa sa kanila ay magpapakasal sa templo. Gustung-gusto kong mapasakanila ang pagpapalang iyon—ang makasal sa templo.”

Naisip ko: “Kahanga-hanga. Narito ang propeta ng Diyos na sinasaksihan ang pagkanta at pagsayaw ng mga kabataang ito, at para sa kanya ito ay napakalinaw na nauugnay sa templong ilalaan niya kinabukasan ng umaga. Inaasahan niya na bawat isa sa kanila ay magpapakasal sa templo.” Kung iyan ang nais ng propeta para sa atin, at iyan nga talaga, dapat iyang naisin ng bawat isa sa atin para sa ating sarili, at dapat itong maging napakahalagang mithiin sa buhay ng bawat isa sa atin.

Gusto kong ikuwento sa inyo ang isa pang karanasan:

Naglakbay sina Pangulong Monson, Pangulong Eyring, at Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawa patungong Laie, Hawaii, para muling ilaan ang maringal na templo noong Nobyembre ng 2010. Noong gabi bago inilaan ang templo, nagtipon kami sa Cannon Center sa BYU–Hawaii campus para sa kultural na pagdiriwang. Napakaganda ng palatuntunan. Sa pamamagitan ng pagkanta, pagsayaw, at pagsasalaysay, ikinuwento ng mga kabataan ng temple district ang kasaysayan ng Simbahan sa Hawaii. Ikinuwento nila ang tungkol sa mga unang missionary at nabinyagan doon. Isinalaysay nila ang napakagandang kuwento tungkol sa magiging propeta noon na si Joseph F. Smith na tinawag na magmisyon sa Hawaii noong 1854, noong siya ay 15 anyos lamang. Umuwi ang binatilyong si Joseph F. Smith mula sa kanyang tatlong-taong misyon bago sumapit ang kanyang ika-19 na kaarawan. (At akala ninyo, kamangha-mangha na ginawang 18 ang edad ng pagmimisyon kamakailan, hindi ba?)

Nagpatuloy ang kultural na pagdiriwang sa paglalarawan ng mga kabataan sa paglago ng Simbahan sa Polynesia at pagkukuwento kung paano nagbalik si Pangulong Joseph F. Smith sa Hawaii makalipas ang mahigit 50 taon at inilaan ang lugar, bilang Pangulo ng Simbahan, at idinaos ang groundbreaking para sa pagtatayo ng Laie Hawaii Temple.

Napakaganda ng kultural na pagdiriwang, at nagustuhan ni Pangulong Monson ang bawat bahagi nito. Natuwa siya sa pagtatanghal na nagtampok sa popular na sayaw noong World War II na “Boogie Woogie Bugle Boy” dahil ipinaalala nito sa kanya ang panahon niya sa United States Navy. Ang iba pang mga pagtatanghal ay nagtuon sa iba’t ibang sayaw ng mga tao sa pulo.

Isang bilang na nagtampok sa magandang hula dance ang itinanghal. Ang isa sa mga dalagitang kasali sa sayaw na ito ay naka-wheelchair. Napakaganda niya, at kahit hindi niya nagamit ang kanyang mga binti, napakagaling niyang sumayaw. Itinuro siya ni Pangulong Monson sa akin at sinabi na napakaganda nito at napakagaling nitong sumayaw.

Nang matapos ang palatuntunan, lahat ay masaya sa mahusay na pagtatanghal. Nang bumaba kami ng pulpito, lahat ng mananayaw ay nagbalikan sa entablado, pati na ang mga nagsayaw ng hula. Hindi sinunod ni Pangulong Monson ang nakaplanong daan palabas kundi tumuloy sa entablado para pasalamatan ang mga kabataan, at nilapitan ang magandang dalagitang naka-wheelchair para purihin ito at ipadama ang kanyang pagmamahal.

Maging sa gitna ng pagdiriwang at maraming tao, muling ipinakita ni Pangulong Monson ang dalisay na pag-ibig ng Tagapagligtas. Pinuntahan niya ang isang nangangailangan nito. Yumuko siya at hinagkan ito sa noo. Naisip ko: “Kahanga-hanga. Muling ipinakita sa atin ng propeta ng Diyos kung paano tulungan ang mga nasa paligid natin, kung paano maging mabait at mapagmahal, at kung paano maghikayat at magpasigla.” Naisip ko: “Ito ang gagawin ni Jesus. Ganito ang gusto ng Tagapagligtas na pakikitungo natin sa iba.”

Gustung-gusto ko ang awitin sa Primary na nagsasabing, “Sinisikap kong tularan ang Panginoong Jesus” (“Sinisikap Kong Tularan si Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 78). At nais kong idagdag doon, “At sinisikap kong tularan ang Kanyang propeta.”

Gusto kong magmungkahi ng limang paraan para matularan natin ang halimbawa ni Pangulong Monson:

Una, maaari tayong magkaroon ng positibong pananaw, at maging masaya.

Sa Mahalagang Perlas, inilarawan si Propetang Joseph Smith bilang isang masayahing tao (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:28). Inilalarawan din niyan si Pangulong Monson. Talagang masayahin siya.

Minsan ay sinabi ni Pangulong Monson: “Mapipili nating magkaroon ng positibong pananaw. Hindi natin mauutusan ang hangin kung saang direksyon ito dapat pumunta, ngunit maaari nating iayos ang mga layag. Sa madaling salita, mapipili nating maging masaya at magkaroon ng positibong pananaw, anuman ang dumating sa atin” (“Messages of Inspiration from President Monson,” Church News, Set. 2, 2012, 2).

Isang araw naghihintay ako sa labas ng boardroom ng Unang Panguluhan. Naimbitahan ako roon na makibahagi sa isang pulong upang talakayin ang tungkol sa templo. Tahimik akong naupo sa labas ng silid, na mag-isa. Akala ko nagpupulong na ang Unang Panguluhan at papapasukin ako pagkaraan ng ilang sandali. Habang nakaupo ako roon naririnig kong may naglalakad sa bulwagan at pumipito. Naisip ko sa sarili ko: “May isang tao na hindi nauunawaan ang tamang asal. Hindi ka puwedeng maglakad na papitu-pito sa labas ng tanggapan ng Pangulo ng Simbahan.” Maya-maya ay lumiko na ang pumipito—si Pangulong Monson pala. Siya ay masaya, at positibo ang pananaw. Magiliw niya akong binati at sinabing, “Palagay ko sisimulan na natin ang pulong sa loob ng ilang minuto.” Kahit pasan niya ang buong Simbahan sa kanyang balikat, isa siyang halimbawa ng kaligayahan at laging positibo ang kanyang pananaw. Dapat ay gayon din tayo.

Ikalawa, maaari tayong maging mabait at mapagmahal sa mga bata, tulad ni Pangulong Monson.

Madalas banggitin ni Jesus ang mga bata. Madalas ding banggitin ng Kanyang propetang si Pangulong Monson ang mga bata, at nakita ko lalo na sa mga paglalaan ng templo kung gaano niya kamahal ang mga bata at, sa kanyang halimbawa, tinuturuan niya tayo kung paano sila pakitunguhan. Sa bawat paglalaan ng templo nagtutuon siya sa mga bata. Gustung-gusto niyang isama sila sa seremonya ng paglalagak ng batong panulok at lagi niyang inaanyayahan ang ilan sa kanila na maglagay ng mortar sa batong panulok para makibahagi sa simbolikong pagkumpleto ng templo. Pinasasaya niya ito para sa kanila. Ginagawa niyang hindi malilimutan iyon para sa kanila. Lagi siyang may malaking ngiti para sa kanila. Hinihikayat at pinupuri niya sila. Napakagandang tingnan niyon.

Ang masigla niyang pagbati kung minsan ay sinasabayan niya ng high five, pagpapakislot ng kanyang mga tainga, at panghihikayat na magmisyon sila at magpakasal sa templo. Talagang nagagalak siya sa buhay—at dapat ay tayo rin.

Ilang taon na ang nakararaan nakatakdang ilaan ni Pangulong Monson ang Oquirrh Mountain Temple sa kanyang kaarawan. Nang dumating siya sa templo at makarating sa pintuan nito, isang grupo ng mga kabataan ang nakatipon doon. Malinaw na alam nila na kaarawan ni Pangulong Monson noon dahil sinimulan nilang kantahan siya ng “Happy Birthday.” Nagustuhan niya iyon. Huminto siya at humarap sa kanila na may malaking ngiti sa kanyang mga labi. Nagsimula pa siyang kumaway na parang kumukumpas sa kanilang pagkanta. Sa dulo ng kanta idinagdag nila sa koro ang “At marami pang iba.” Nagustuhan din iyon ni Pangulong Monson, dahil sinabi niya sa akin, “Iyon ang paborito kong bahagi.”

Mahal siya ng mga bata at kabataan ng Simbahan, at palagay ko iyon ay dahil nakatitiyak sila na mahal niya sila! Mahal ni Jesus ang maliliit na bata, at mahal din ng Kanyang propeta ang maliliit na bata. Napakagandang halimbawa niyan sa ating lahat!

Ikatlo, masusunod natin ang mga pahiwatig ng Espiritu, gaya ni Pangulong Monson.

Ang katapatan ni Pangulong Monson sa Panginoon at ang katapatan niya sa pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu ay sinabi mismo ng propeta sa magagandang salitang ito: “Ang pinakamagandang karanasang alam ko sa buhay ay ang madama ang isang pahiwatig at kumilos ayon dito, at kalaunan ay matuklasan na ito ang tugon sa panalangin o pangangailangan ng isang tao. At nais kong malaman ng Panginoon sa tuwina na kung may kailangan Siyang ipagawa, gagawin iyon ni Tom Monson para sa Kanya” (On the Lord’s Errand [DVD, 2008]). Iyan ang huwarang dapat nating naising tularan.

Ikaapat, maaari nating mahalin ang templo, tulad ni Pangulong Monson.

Makikilala si Pangulong Monson bilang isa sa mga dakilang tagapagtayo ng templo sa kasaysayan ng Simbahan. Simula nang maging Pangulo ng Simbahan noong Pebrero 2008, ipinagpatuloy na niya ang dakilang gawaing magtayo ng mga templo. Ang ilan sa mga templong kanyang naipahayag ay kabilang sa mga pinakamakasaysayan: “Ikinalulugod kong ibalita sa umagang ito ang limang bagong templo na nabili na ang pagtatayuan at na sa darating na mga buwan at taon ay itatayo sa mga lugar na ito: Calgary, Alberta, Canada; Córdoba, Argentina; the greater Kansas City area; Philadelphia, Pennsylvania; at Rome, Italy” (Thomas S. Monson, “Pagbati sa Kumperensya,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 6).

Sa loob ng limang taon na siya ang propeta, naibalita na ni Pangulong Monson ang planong magtayo ng 33 bagong templo. Noon lang nakaraang buwan, sa kumperensya noong Abril, ibinalita niya ang planong magtayo ng dalawang bagong templo: isa sa Cedar City, Utah, at isa sa Rio de Janeiro, Brazil.

Sa paglalaan ng Tegucigalpa Honduras Temple noong Marso, may 141 templo na tayo sa Simbahan, at may 29 pang kasalukuyang itinatayo o ipinaplanong itayo. Napakagandang panahon ito ng pagtatayo ng templo at pagsamba sa templo sa Simbahan ng Panginoon. Narinig kong sinabi ni Pangulong Monson sa mga kabataang napakabata pa para makapasok sa templo na sila ay pumunta sa templo at hipuin ang pader nito at pagkatapos ay hayaang “antigin kayo ng templo.”

Sabi ni Pangulong Monson, “Nawa bawat isa sa atin ay mamuhay nang karapat-dapat, na malinis ang mga kamay at dalisay ang mga puso, upang maantig ng templo ang ating buhay at ang ating mga pamilya” (“Mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2010, 19).

Idinagdag din niya ang magandang pangakong ito: “Sa pagmamahal natin sa templo, paghawak sa templo, at pagdalo sa templo, mababanaag sa ating buhay ang ating pananampalataya. Sa pagpunta natin sa mga banal na bahay ng Diyos, sa paggunita sa mga tipan na ginagawa natin doon, magagawa nating makayanan ang bawat pagsubok at madaig ang bawat tukso” (Be Your Best Self [1979], 56; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sundin natin ang huwarang ipinakita sa atin ng propeta sa pagmamahal sa templo.

Ikalima, maaari tayong maging mabait, mapagbigay, at mapagmahal sa kapwa, tulad ni Pangulong Monson.

Si Pangulong Monson ay isang magandang halimbawa ng pagmamahal sa kapwa. Ang buong paglilingkod niya ay puno ng mga pagbisita sa mga tahanan; pagpapatong ng kanyang mga kamay sa ulo ng iba at pagbabasbas; pagtawag sa telepono nang hindi inaasahan para magpanatag at maghikayat; pagpapadala ng mga liham ng panghihikayat, papuri, at pasasalamat; pagbisita sa mga ospital at care center; at pag-ukol ng oras para makadalo sa mga libing at lamay kahit abala siya.

Binanggit ko kanina ang 84 na biyuda na mula sa ward ni Pangulong Monson noong siya ang bishop. Sa nagdaang mga dekada pagkatapos ng kanyang paglilingkod bilang bishop, sa isang kahanga-hangang pagpapakita ng katapatan, lakip ang mga bunga ng marami sa kanilang mga dalangin, nakapunta si Pangulong Monson sa libing ng bawat isa sa mga ito. Isipin lang ninyo iyan.

Tulad ng gagawin ng Tagapagligtas, si Thomas Monson ay naglilibot na gumagawa ng mabuti, na binabasbasan at minamahal ang kanyang kapwa na para bang iyon ang nagpapasigla sa kanyang buhay. May matututuhan tayong lahat dito kapag hinahangad nating sundan ang kanyang mga yapak.

Ang isang napakagandang halimbawa ng kabaitan ni Pangulong Monson ay nangyari noong isang taon. Noong malapit nang matapos ang magandang Brigham City Utah Temple, kasama ako sa pulong ng Unang Panguluhan para pag-usapan ang plano para sa paglalaan ng templo. Dahil isang oras lang ang layo ng Brigham City sa hilaga ng Salt Lake City, napakadali sanang puntahan iyon ni Pangulong Monson para sa paglalaan. Sa halip, sinabi ni Pangulong Monson, “Sa Brigham City isinilang si Pangulong Boyd K. Packer, ang dakilang Apostol na ito na matagal nang sumusuporta sa akin sa Labindalawa. Nais kong mapasakanya ang karangalan at pagpapalang ilaan ang templo sa kanyang bayang sinilangan. Hindi ako pupunta, at aatasan ko si Pangulong Packer na ilaan ang Brigham City Temple. Gusto kong ibigay sa kanya ang pagkakataong iyan.”

Napakagandang araw niyon para kay Pangulong Packer at kay Sister Packer, na lumaki rin sa Brigham City. Labis akong naantig sa kabaitan at kagandahang-loob ni Pangulong Monson sa kanyang kapwa Apostol. Maaari nating tularan ito. Maaari tayong magbahagi at maging mabait at hindi masyadong isipin ang ating sarili—kundi mas isipin natin ang mga nasa paligid natin.

Gustung-gusto ko ang awiting pambatang “Propeta’y Sundin.” May siyam na magagandang talata ito, pero huling talata lamang ang babasahin ko:

Sa mundo ngayon ang tao’y balisa.

Pawang kaguluhan nababalita.

Ngunit may gabay sa bawat gawain,

Propeta’y pakinggan—tinig ay sundin.

… … … … … … … … … .

Propeta’y sundin nang ‘di mawalay.

… … … … … … … … … .

Propeta’y sundin; s’ya ang gabay.

(Aklat ng mga Awit Pambata, 59)

Alam ni Pangulong Monson ang tamang landas. Ang tamang landas ay ang landas ng Panginoon. “Ang tamang landas ay maniwala kay Cristo” (2 Nephi 25:29).

Itinuro sa atin ni Pangulong Monson ang tamang landas sa buhay sa kanyang maganda at nagbibigay-inspirasyong mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Itinuro niya sa atin kung paano maging mga disipulo ni Jesucristo sa pamamagitan ng kanyang kahanga-hanga at magandang halimbawa. Tunay ngang binigyan tayo ng Panginoon ng huwaran sa lahat ng bagay, at ang isa sa mga huwarang dapat nating hangaring tularan ay ang ating mahal na propeta.

Pinatototohanan ko na may Diyos sa langit na kilala at mahal tayo. Binigyan Niya tayo ng isang propeta—para gabayan, turuan, at akayin tayo sa mga huling araw na ito. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at ang Tagapagligtas ng mundong ito. Naniniwala ako na inaasahan ng Panginoon na mamahalin natin ang propeta, susuportahan siya, at tutularan ang kanyang halimbawa.

Talagang salamat, O Diyos, sa isang propeta. Salamat sa Inyo para sa propetang ito. Itinuturing kong dakilang pagpapala ang mabuhay sa panahong ito na si Thomas S. Monson ang propeta ng Panginoon. Kapag sinunod natin ang propeta at sinikap nating higit pang tularan siya, tiyak na magiging mas tapat tayong mga disipulo ng Panginoong Jesucristo.

Karangalan kong makapagsalita sa inyo ngayong gabi, at nawa’y pagpalain kayo nang sagana ng Panginoon, at pinatototohanan ko na ito ang gawain ng Panginoon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

© 2013 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 9/12. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 9/12. Pagsasalin ng Our Prophet: Thomas S. Monson. Tagalog. PD50046139 893