Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ko mabibigyan ng panahon ang mga aktibidad sa Simbahan, family home evening, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan samantalang malaking oras ang ginugugol ko sa homework o takdang-aralin?”
Kunwari ay sorbetes lang ang kinakain mo araw-araw. Parang maganda iyon—hanggang sa magkasakit ka. Pero magiging malusog ka ba kung broccoli lang ang kakainin mo? Hindi, kailangan ng balanseng pagkain para maging malusog.
Ngayon ay isipin ang tungkol sa maraming aktibidad sa ating buhay. Ang ating espirituwalidad, pakikipag-ugnayan sa iba, at edukasyon ay mahalaga lahat sa ating pag-unlad. Ngunit paano ninyo ipaprayoridad ang mahahalagang bagay?
Tingnan kung ano ang pinakamahalaga sa inyo ngayon at ipagdasal na malaman kung saan magtutuon. Hinikayat ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Panatiliing isipin na unahin ang mga sagradong tipan na ginawa ninyo sa Panginoon habang pinaplano ninyo ang gagawin bawat araw.”1 Magiging maayos ang lahat kapag inuna ninyo ang Panginoon.
Tandaan na “may ilang bagay na mas maganda, at may iba pang pinakamaganda.”2 Hangarin ang Espiritu Santo para tulungan kang magpasiya kung ano ang pinakamahalaga. Maaari muna ninyong patahanin ang isang umiiyak na kapatid bago gumawa ng takdang aralin, subalit dapat unahin ang pagpunta sa Mutual kaysa sa panonood ng sine kasama ang inyong mga kaibigan. Maaari din ninyong matukoy ang mga makaaabala o distraksyon sa inyong buhay. Paano kaya kung magbigay muna kayo ng oras sa mga banal na kasulatan bago sa inyong mga kaibigan sa Facebook?
Higit sa lahat, huwag kalimutang umasa sa Panginoon para sa lakas namakayanan ninyong “[magsilakad], at hindi manganghihina” (tingnan sa Isaias 40:31).
Basta’t Gawin Ito
Kapag sinabi mo lang na, “O, gagawin ko ito kapag dumating ang panahon,” tutuksuhin ka ni Satanas na huwag gawin ito kailanman. Maglaan ng oras para magawa ang mga aktibidad na ito na nagpapalakas ng espirituwalidad, kahit na ang ibig sabihin nito ay huwag gawin ang ibang aktibidad.
Allison R., edad 20, Utah, USA
Maglaan ng Oras para sa mga Bagay na Mahalaga
Kung hindi tayo makapaglaan ng oras para sa ebanghelyo, ang ibig sabihin nito ay masyado tayong maraming ginagawa at kailangang bawasan ito nang kaunti. Kailangan nating magplano ng mga aktibidad na nakasentro sa ebanghelyo at sa ating mga tungkulin. Sa paraang ito ay magkakaroon tayo ng oras para sa ebanghelyo at sa mga bagay na tunay na mahalaga.
Noah H., edad 13, Arizona, USA
Unahin ang Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Nag-aaral ako ng mga banal na kasulatan bago gumawa ng mga takdang aralin. Kapag nag-aral ka ng mga banal na kasulatan bago magaral ng para sa eskuwela, mas magiging alerto ka, at mas matatandaan mo ang mga pinag-aralan mo. Sa mga aktibidad kada linggo, kailangan mo lang na planuhin muna ang mga ito—pagkatapos ay isingit ang lahat ng ibang bagay dito.
Elder Clark, edad 20, Chile Concepción South Mission
Planuhin ang Iyong Oras
Hindi madaling planuhin ang oras ko bilang isang estudyante. Pero gumawa ako ng timetable para planuhin ang aking mga aktibidad kada linggo, na kinabibilangan ng mga klase, morning devotional kasama ang aking mga roommate, personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, klase sa institute, at iba pa. Inayos ko rin ang mga ito ayon sa kahalagahan ng mga ito. Ang pagpaplano ng aking mga aktibidad ay nakatulong sa akin na huwag magpaliban ng mga dapat gawin.
Daniel A., edad 19, Edo, Nigeria
Alalahanin ang mga Walang-hanggang Bagay
Sinisikap kong alalahanin ang sinabi ng aking inay: dapat nating unahin ang mga walang-hanggang bagay, na tumatagal magpakailanman (hindi tulad ng mga temporal na bagay, na hindi nagtatagal). Natutuhan ko na kapag inuuna ko ang Diyos, lahat ng ibang bagay ay nangyayari ayon sa inaasahan. Nakatitiyak ako na kapag ginawa natin ang gawain ng Diyos, tutulungan tayo ng Diyos na magawa ang ating gawain.
Vaishali K., edad 18, Andhra Pradesh, India
Magtrabaho nang Matalino
Kapag nakauwi na ako mula sa paaralan, ginagawa ko ang aking mga takdang aralin para hindi ako matambakan ng gawain at para magkaroon ako ng mas marami oras para sa mga aktibidad sa Simbahan. Ang isang bagay na nakatutulong din sa akin ay nang gumawa ang nanay ko ng isang iskedyul na may takdang oras para sa bawat bagay na gagawin ko bawat araw. Mas napadali nito ang pakikibahagi ko sa mga aktibidad, paggawa ng mga takdang aralin, at pagbabasa ng mga banal na kasulatan.
Rachel O., edad 13, São Paulo, Brazil
Gumawa ng Iskedyul
Pagkagising mo, maaari ka nang magbasa ng mga banal na kasulatan, kahit ilang talata lang. Maaaring ibig sabihin nito’y gumising nang limang minutong mas maaga para basahin ang iyong mga banal na kasulatan. Para sa pag-aaral kasama ang pamilya, magtakda ng oras sa iyong pamilya kung kailan makapagpapahinga ka sa mga ginagawa mo at makakapag-aral kayo nang magkakasama. Para sa mga aktibidad ng mga kabataan, nakatakda na ang oras, kaya pumunta ka na lang at makihalubilo sa mga kabataan sa inyong ward.
Elena F., edad 15, Idaho, USA
Unahin ang Panginoon
Ang matutong magtakda ng mga priyoridad ay makatutulong sa atin na magkaroon ng oras para sa lahat ng bagay na kailangan nating gawin, higit sa lahat ay ang mga bagay na ukol sa Panginoon. Isa sa aking pangunahing priyoridad ang dumalo sa seminary araw-araw. Kapag dumalo ako ng seminary sa umaga at pagkatapos ay pumunta sa paaralan, tila mas matagal pa sa 24 na oras ang araw. Mas madali ang pag-aaral, at naging kaluguran ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan nang personal at kasama ang pamilya. Ang pag-alaala na unahin ang Panginoon sa ating buhay ay tumutulong sa atin na makita ang lahat ng ibang bagay nang may bagong pananaw at tumutulong sa atin na magtakda ng mga priyoridad at kamtin ang ating mga mithiin.
Bianca S., edad 19, Paysandú, Uruguay
Ang Pinagmumulan ng Lakas
“Ang kalakasan ay hindi nagmumula sa napakaraming aktibidad kundi sa matatag na pagsalig sa matatag na pundasyon ng katotohanan at liwanag. Dumarating ito sa pagtutuon natin ng pansin at pagsisikap sa mga pangunahing alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Dumarating ito mula sa pagbibigay-pansin sa mga makalangit na bagay na siyang pinakamahalaga.”
Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Sa Mga Bagay na Pinakamahalaga, Liahona, Nob. 2010, 22.
Susunod na Tanong
“Paano ko masasabi sa aking mga kaibigan na huwag magsalita nang nakasasakit o hindi naaangkop tungkol sa iba?”
Ipadala ang sagot mo at, kung gusto mo, isang high-resolution na retrato bago sumapit ang Marso 15, 2017, sa liahona.lds.org (i-klik ang “Submit an Article”) o sa pamamagitan ng e-mail sa liahona@ldschurch.org.
Mangyaring isama ang sumusunod na impormasyon: (1) buong pangalan, (2) kapanganakan, (3) ward o branch, (4) stake o district, (5) nakasulat na pahintulot mo, at, kung wala ka pang 18 anyos, ang nakasulat na pahintulot ng iyong magulang (tinatanggap ang email) na ilathala ang iyong sagot at larawan.
Ang mga sagot ay maaaring i-edit para paikliin o linawin pa ito.