2017
Ang Nakapapanatag na Kapangyarihan ni Cristo
February 2017


Ang Nakapapanatag na Kapangyarihan ni Cristo

Talking on a train in New York City

Paglalarawan ni Allen Garns

Ilang taon na ang nakararaan nagplano ang kaibigan kong si Joseph na magbiyahe sakay ng kotse mula Utah hanggang Washington, D.C., USA. Niyaya niya akong sumama sa kanya sa biyahe. Habang daan binisita namin ang iba’t ibang makasaysayang lugar ng Simbahan, at pagdating namin sa East coast, nagbiyahe kami papuntang New York City.

Naroon kami dalawang linggo lang pagkaraan ng malagim na pangyayari noong Setyembre 11, 2001. Damang-dama namin na dapat naming bisitahin ang lugar kung saan nawasak ang Twin Towers.

Nakita namin ang isang sundalo na ginagabayan ang mga tao sa isang masikip na kalye habang tinitingnan nila ang nawasak. Nag-aabot siya ng tissue para pamahid ng luha ng mga tao.

Nadama namin ni Joseph kung gaano kasakit sa lahat ang mga kaganapang ito, at nais naming may magawa tungkol dito. Ipinasiya namin na ang pinakamagandang gawin ay kausapin ang mga tao, pakinggan ang kuwento nila, at marahil ay magbahagi ng isang mensahe sa kanila tungkol sa pag-asang hatid ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Pabalik sa hotel namin, sumakay kami ng tren. Nakaupo sa tapat ko ang isang babae na nagbabasa ng aklat. Inisip ko kung ano kaya ang nangyayari sa buhay niya. Nagpakilala ako at sinabi ko sa kanya na bumibisita kami sa New York. Sinabi ko na gusto naming malaman ang mga naranasan niya sa mga nangyari noong Setyembre 11.

Ang pangalan niya ay Maria, at matagal na siyang nakatira sa New York City. Nagtrabaho siya sa isang gusali na ilang bloke ang layo mula sa towers. Sinabi niya sa amin na ilang linggo bago nag-Setyembre 11, matindi niyang nadama na dapat siyang manalangin at magtanong kung naroon ang Diyos. Sinabi niya na hanggang sa panahong iyon ng kanyang buhay, hindi na siya gaanong nanalangin at hindi na niya nadama na kailangan pang gawin iyon. Wala siyang nadamang sagot sa kanyang panalangin hanggang sa wasakin ng mga terorista ang towers sa malagim na umagang iyon. Nagkaroon ng kaguluhan at pagkalito sa paligid niya, ngunit bigla siyang nakadama ng kapanatagan. Sinabi sa amin ni Maria na nadama niya ang pambihirang kapayapaang ito at na, sa kabila ng di-maipaliwanag na pagkawasak noong sandaling iyon, nadama niya na pinrotektahan siya ng Diyos.

Matapos itong ikuwento sa amin ni Maria, sinabi namin ni Joseph sa kanya na nadama niya ang Espiritu ng kanyang Ama sa Langit sa espesyal na kapayapaan at kapanatagang iyon. Sinabi namin sa kanya na maaari niyang madama palagi ang kapayapaang iyon, kapag nanalangin siya sa Kanya at sinaliksik niya ang Aklat ni Mormon. Binigyan namin siya ng Aklat ni Mormon at sinabi sa kanya na ang aklat na ito ay maghahatid sa kanya ng patuloy na kapayapaang hinahanap niya. Tuwang-tuwa siya nang matanggap ito at pinasalamatan niya kami.

Hindi ko alam kung ano ang sumunod sa kuwento ni Maria dahil kinailangan na namin ni Joseph na bumaba ng tren, ngunit alam ko na mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak na lalaki at babae. Alam ko na nakasubaybay Siya sa mga detalye ng ating buhay, lalo na kapag tila may mali sa takbo ng mga pangyayari sa paligid natin. Makapagbibigay Siya ng di-mailarawang kapayapaan na nagmumula sa Kanyang Espiritu, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang Liwanag ni Cristo ay magniningning anumang pagsubok o trahedya ang dumating dahil nadaig Niyang lahat ito.