2017
Pag-unawa sa Kasaysayan ng Simbahan sa pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya
February 2017


Pag-unawa sa Kasaysayan ng Simbahan sa pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya

Ngayon, mag-aaral tayo tungkol sa nakaraan sa pamamagitan ng putul-putol na bahagi ng kasaysayan. Habang pinag-aaralan natin ang mga talaang ito, kailangan nating tandaan na hindi nito kinakatawan ang kabuuan ng nakaraan.

Historical photograph of Salt Lake City

Makasaysayang larawang kuha ng Salt Lake City sa kagandahang-loob ng Church History Archives

Ang kahulugan ng kasaysayan ay higit pa sa pagsasaulo ng mga petsa at katotohanan para sa isang pagsusulit. Araw-araw, ang mga archivist, librarian, at mananalaysay sa Church History Library ay nangongolekta, nagpepreserba, at nagbabahagi ng mga talaan ng nakaraan na tumutulong sa atin na mahiwatigan ang impluwensya ng Diyos sa kasaysayan ng Simbahan at sa ating sariling buhay. Ang pag-unawa sa ating kasaysayan ay isang proseso ng pag-aaral at pagtuklas na maaaring magpalakas sa ating patotoo, tumulong sa atin na iwaksi ang pagdududa, magsalaysay ng pinakamagagandang kuwento, mahiwatigan ang totoong doktrina, at mapagbuti ang ating pag-iisip. Kapag tayo ay “[nagta]tamo ng kaalaman ng kasaysayan,” makakatulong din tayong isakatuparan “ang kaligtasan ng Sion” (D at T 93:53).

Bilang mananalaysay, nagpapasalamat ako na natututo tayo tungkol sa kasaysayan “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118). Nagsasama ang pananampalataya at pag-aaral kapag mapanalangin tayong nagpapakabusog sa mga banal na kasulatan, nagbabasa at nagbubulay-bulay tungkol sa maraming pinagkukunan ng kasaysayan, iniuugnay ang mga talata sa banal na kasulatan sa mga pinagkukunan ng kasaysayan, isinasaalang-alang ang impormasyon sa tamang mga konteksto, naghahanap ng mga huwaran at tema, at natututo ng mga aral na nauukol sa atin. Tinutulungan tayo ng mga gawing ito na maunawaan ang makasaysayang impormasyon at makahanap ng mga sagot sa ating mga tanong. Matutulungan tayo ng ilang alituntunin na mag-isip tungkol sa kasaysayan sa mga paraan na nagbubukas sa ating isipan sa mas malalim na pang-unawa.

Wala na ang nakaraan—mga bahagi na lang ang natira

Sa pananaw natin sa kasalukuyan, halos wala na ang nakaraan. Pumanaw na ang mga tao; tapos na ang mga karanasan nila. Gayunman, naiwan ang mga bahagi ng nakaraan—mga liham, diary, talaan ng mga organisasyon, materyal na bagay. Ngayon, maaari lamang nating malaman ang nakaraan nang di-tuwiran sa pamamagitan ng mga bahaging iyon na naiwan. Laging nawawala ang impormasyon sa pagitan ng nakaraan at ng kasalukuyan. Kailangan nating pag-aralan ang mga talaang natira habang isinasaisip na hindi nito kinakatawan ang kabuuan ng nakaraan.

Isaalang-alang ang isang halimbawa: Kapag mangangaral ng sermon si Joseph Smith sa mga Banal, karaniwan ay wala siyang preparadong teksto, at walang ginawang audio o video recording. Bagama’t maaaring nagtala o nagsulat ang ilan sa mga dumalo ng mga ideya nila tungkol sa mga sinabi niya, mas kakaunti ang naiwan sa mga iyon. Kaya, hindi natin masasabi na alam natin ang lahat ng sinabi ni Joseph Smith, kahit puwede nating banggitin, halimbawa, ang mga tala ni Wilford Woodruff tungkol sa sermon ni Joseph.

Sa ibang mga sitwasyon, hindi pa natutuklasan ang mahahalagang bahagi ng kasaysayan ng Simbahan. Halimbawa, wala tayong mga talaan tungkol sa pagbisita nina Pedro, Santiago, at Juan na detalyadong tulad ng mga salaysay tungkol sa pagbisita ni Juan Bautista (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75). Gayundin, bagama’t may mga talaan tayo tungkol sa hindi pagkakaloob ng priesthood sa kalalakihang lahing Aprikano, walang naiwang talaan na lubos na nagpapaliwanag kung bakit ito nagsimula. Sa pag-aaral ng kasaysayan, ang kawalan ng ebidensya ay hindi balidong dahilan para magduda. Ang pag-alam tungkol sa nakaraan ay pagsisikap na makatipon hangga’t maaari ng mapagkakatiwalaan at matibay na ebidensya habang inirereserba ang huling paghatol sa mga bahagi ng kasaysayan na hindi natin lubusang maunawaan dahil sa kakulangan ng impormasyon.

Hindi nagsasalita ang mga pangyayari, ngunit nagsasalita ang mga nagkukuwento

Dahil hindi kumpleto ang mga naiwang bahagi ng nakaraan, sinisikap ng ilang tao na pag-ugnay-ugnayin ang mga bahaging iyon para makabuo ng isang kuwento. Ang mga pinakaunang kuwento ay isinalaysay ng mga kabilang dito at karaniwa’y naglalarawan ng mga naranasan nila at kung bakit ito mahalaga sa kanila. May nagsasalaysay ng kanilang kuwento sa maraming pagkakataon sa iba’t ibang tao. May ilang pangyayaring nagtulak sa marami na ikuwento ang kanilang mga karanasan. Ang ibang mga pangyayari ay nalimutan na hanggang sa muli itong maipaalala ng isang karanasan kalaunan.

Ang mga kuwento ay kinokolekta at muling ikinukuwento ng iba sa maraming kadahilanan—para libangin ang mga tao, magbenta ng produkto, impluwensyahan ang opinyon ng mga tao, o maghikayat ng pagbabago. Bawat kuwento ay nagiging interpretasyon ng nakaraan, batay sa mga totoong nangyari at kakikitaan ng alaala, mga interes, at mga mithiin ng nagkukuwento. Kaya ang resulta, hindi kumpleto ang mga kuwento ng nakaraan at minsan magkakasalungat pa ang mga ito. Kailangan nating isipin palagi kung sino ang nagkukuwento, paano nila ikinukuwento ang mga iyon, at bakit nila ikinukuwento ang mga iyon.

Nagpakita ng halimbawa si Joseph Smith kung paano suriin ang mga nagkukuwento at mga pangyayari. Noong 1838, sinabi niya na “marami nang balitang naikalat ang masasama at mga mapanlinlang na tao, kaugnay ng pagkakatatag at pag-unlad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Dahil dito, sumulat siya ng kasaysayan “upang ipaalam sa lahat ng mananaliksik ng katotohanan ang mga tunay na nangyari, ayon sa pagkakaganap nito, kaugnay ng aking sarili at ng Simbahan, sa abot ng aking nalalaman sa mga tunay na nangyari” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:1). Lahat ng kuwento tungkol kay Joseph Smith ay hindi mahalaga o tumpak. Mas kapani-paniwala pa siguro ang kuwento ng mga taong may kaugnayan sa nakalipas na mga pangyayari. Isinasaalang-alang ng pinakamagagandang kuwento ang lahat ng makukuhang bahagi ng nakaraan at kinikilala ang mga pananaw ng sources o pinagmulan nito.

Ang nakaraan ay iba sa kasalukuyan (at ayos lang iyan)

Kapag hinangad nating maunawaan ang mga bahagi ng nakaraan at ang mga kuwento tungkol dito, matutuklasan natin ang mga tao, lugar, karanasan, at tradisyon na naiiba sa atin. Ang mga pagbabago sa siyensya, teknolohiya, at kultura ay nagdudulot ng iba’t ibang karanasan at kaalaman tungkol sa panganganak, pagkain, paglalakbay, mga pista-opisyal, kalinisan, pakikipagdeyt, gamot, at kamatayan. Ang iba’t ibang sistema sa pulitika at ekonomiya ay lumilikha ng iba’t ibang karanasan sa edukasyon, pagpili, kalayaan, at oportunidad. Ang mga nakaraang pananaw ay naiiba sa ating mga pananaw tungkol sa trabaho, pamilya, serbisyo-publiko, at tungkulin at katayuan ng kababaihan at mga minorya. Bawat temporal na aspeto ng karanasan ng tao ay nagbabago sa paglipas ng panahon sa kapwa maliliit at malalaking paraan.

Halimbawa, sa pananaw natin sa kasalukuyan, mukhang kakaiba ang paggamit ni Joseph Smith ng isang bato ng tagakita sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Gayunman, noong panahon niya, maraming tao ang naniwala na ang mga pisikal na bagay ay magagamit para makatanggap ng mga mensahe mula sa Diyos. Ang mga paniniwalang ito ay medyo nakabatay sa mga kuwento sa Biblia kung saan gumamit ng mga bagay para sa mga banal na layunin (tingnan sa Mga Bilang 17:1–10; II Mga Hari 5; Juan 9:6). Sa isang paghahayag na natanggap ni Joseph para sa pag-oorganisa ng Simbahan, ipinaliwanag dito na ang Diyos ay “nagbigay sa kanya ng kapangyarihan mula sa kaitaasan, sa pamamagitan ng mga pamamaraan na inihanda noong una, upang maisalin ang Aklat ni Mormon” (D at T 20:8). Bagama’t kasama sa “pamamaraan” ang bato ng tagakita gayundin ang Urim at Tummim, mahihiwatigan pa rin natin ang mensahe ng doktrina na “ang Diyos ay humihikayat ng mga tao at tinatawag sila para sa kanyang banal na gawain sa panaho[ng] ito … ; sa ganitong pamamaraan kanyang pinatutunayang siya rin ang Diyos kahapon, ngayon, at magpakailanman” (D at T 20:11–12).

Pinasasama ng mga opinyon ngayon ang nakaraan

Dahil iba ang nakaraan kaysa ating panahon, kailangan nating mag-ingat nang husto sa pagbibigay ng opinyon tungkol sa nakaraan batay sa kasalukuyan nating mga ideya at pinahahalagahan. Hindi natin maaaring ipalagay na ang mga tao noon ay katulad natin o na pahahalagahan nila ang ating kultura o mga paniniwala. Hindi natin maaaring ipalagay na alam na natin ang lahat, na nabasa na natin ang lahat ng mababasa, o ang naunawaan natin ngayon tungkol sa nakaraan ay hinding-hindi magbabago. Kadalasan, ang tinatawag na mga problema ng nakaraan ay talagang masasamang palagay lamang ng kasalukuyan.

Halimbawa, ipinahayag ni Joseph Smith, “Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako.”1 Kung ipapalagay natin na hindi nagkamali ang mga propeta kailanman, baka magulat tayo kapag natuklasan natin ang mga pagkakataon na nagkamali si Joseph. Para “malutas” ang problemang ito, dapat ay huwag nating igiit na si Joseph ay perpekto o akusahan ang Simbahan ng panlilinlang. Sa halip, maaari nating kilalanin na si Joseph ay tao lamang at tingnan siya sa konteksto ng iba pang mga kuwento sa mga banal na kasulatan tungkol sa mga propeta. Dahil dito, maaari nating baguhin ang ating mga palagay upang maunawaan na lahat ng propeta ay tao lamang kaya mayroon silang mga kahinaan. Maaari tayong magpasalamat na matiyagang tinutulungan ng Diyos ang bawat isa sa atin. Kung minsan ang pag-amin na mali ang ating inisip ang pinakamahirap na bahagi para maunawaan ang kasaysayan.

Kailangan ang pagpapakumbaba sa pag-aaral ng kasaysayan

Kapag may nabasa tayong kasaysayan na hindi kumpleto, na maaaring maunawaan sa iba’t ibang paraan, at naiiba kaysa palagay natin, kailangang “magtiwala [tayo] sa Espiritung yaon na nag-aakay … [na] lumakad nang may pagpapakumbaba” (D at T 11:12). Sa pananaw natin ngayon, malinaw na mas marami tayong alam kaysa sa mga tao sa kasaysayan tungkol sa resulta ng nakaraan, ngunit wala rin tayong gaanong alam tungkol sa mga naranasan nila nang mangyari ito sa kanila noon. Ang mga taong nabuhay noon ay kabilang sa sarili nilang panahon at lugar at sitwasyon. Para magkaroon ng pag-ibig sa kapwa para sa kanilang mga pagkakaiba at pagdamay sa kanilang mga karanasan, kailangan tayong magsimula sa pagpapakumbaba tungkol sa ating sariling mga limitasyon. Nangangailangan ito ng pagpapakumbaba na huwag husgahan ang mga tao noon ayon sa ating mga pamantayan. Nangangailangan ito ng pagpapakumbaba na amining hindi natin alam ang lahat, na matiyagang maghintay sa iba pang mga sagot, at patuloy na matuto. Kapag may natuklasang mga bagong sources o mapagkukunan na nagbibigay ng bagong ideya tungkol sa mga bagay na akala natin ay alam natin, kailangan tayong magpakumbaba at unawain ito.

Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 609.