2017
Pagdaig sa mga Kahinaan, Pagkakaroon ng Pananampalataya
February 2017


Pagdaig sa mga Kahinaan, Pagkakaroon ng Pananampalataya

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Kinailangan kong matutuhan kung paano umasa sa Tagapagligtas na madaig ang aking mga kahinaan at umasa sa aking mga kalakasan, habang naghahanda para sa misyon at habang nasa misyon ako.

E. Tracy Williams

Inabot ako ng pitong taon para maging karapat-dapat na maglingkod sa full-time mission. Nang una kong kausapin ang bishop kong si Bishop Tapueluelu tungkol dito, binigyan niya ako ng ilang tuntunin na pagsisikapan kong sundin. Kung susundin ko raw ang mga ito at matututo akong maging masunurin, pagpapalain ako. Ang unang ilang tuntunin—araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at lingguhang pagsisimba—ay madaling gawin. “Madali lang ‘yan,” naisip ko. Pero nagdamdam ako nang masabihang baguhin ko ang ilang “makamundong” bagay sa buhay ko, at umiral ang kayabangan at katigasan ng ulo ko.

Umaasam ng mas madaling paraan, nagpalipat-lipat ako sa apat na iba’t ibang ward at kinausap ko ang apat na iba’t ibang bishop. Nag-aral pa nga ako ulit para kumuha ng medical degree. Pagkatapos ay nahikayat akong talikuran ang lahat at maghandang muli na maglingkod sa misyon. Kaya ginawa ko iyon. Nagbalik ako kay Bishop Tapueluelu at mapakumbabang humingi ng tulong sa kanya. Sinabihan ako na may tamang timbang para sa mga missionary—at natanto ko na mabigat ang timbang ko. Agad akong pinanghinaan ng loob at napahiya, pero hinikayat ako ng bishop ko. Nagpahayag siya ng pagmamahal at tiwala sa akin at sinabi, “Laging bukas ang pintuan ko para sa iyo. Pagtulungan natin ito! Isang kahinaan bawat linggo.”

Kaya binisita ko ang bishop ko linggu-linggo, para isa-isang daigin ang mga kahinaan ko. Hindi ko naisip na kailangan kong maghintay ng apat na taon pa, sa pagsisikap lamang na maging karapat-dapat na magmisyon.

Pag-asa sa Tagapagligtas

Noong mga taong iyon, sinikap kong mapalapit kay Jesucristo at ipamuhay ang Kanyang mga turo. Nang dumating ang mga pagsubok, nagkaroon ng epekto sa akin ang Kanyang Pagbabayad-sala. Umasa ako sa kapangyarihan, kapanatagan, at lakas na ibinigay Niya sa akin sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala nang pumanaw ang matalik kong kaibigan, nang mawalan ng tirahan ang aming pamilya, at nang maaksidente ako sa kotse. Nang marami sa mga kaibigan ko ang nawala dahil sa sitwasyon, nagkaroon ako ng depresyon, pero tinulungan ako ng Tagapagligtas na malagpasan iyon. Ang mga Biyernes ng gabi na kasama ang mga kaibigan ko ay napalitan ng pag-eehersisyo sa gym at pag-aaral tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ipinagdasal ko gabi-gabi ang mga taong paglilingkuran ko pagdating ng araw pati na ang magiging mga kompanyon ko!

Naging karapat-dapat ako kalaunan at tinawag na maglingkod sa New Zealand Auckland Mission, na Tongan ang salita.

Street Art at ang Espiritu

Pagpasok ko sa missionary training center, natanto ko na mas marami pang matututuhan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala at sa aking sarili. Kahit lahing-Tongan ako, hindi pa ako nakapunta sa South Pacific islands, at nahirapan ako sa wikang Tongan. Pagdating ko sa New Zealand, hindi ko maunawaan ang sinasabi ng mga tao sa akin sa wikang Tongan. Napakarami kong gustong sabihin, pero dahil hindi ako makapagsalita ng wika, ang mga salita ko ay iilan, simple, at patigil-tigil. Tumango ako nang pagtatanungin ako ng mga tao. Pinagtawanan nila ako, at nakitawa ako sa kanila, pero ang mga tawa ko ay nauwi sa mga luha sa aking pag-iisa dahil sa inis at panghihina ng loob. Naisip ko sa sarili ko, “Pitong taon akong naghandang makapagmisyon para lang dito?”

Kaya nanalangin ako sa Ama sa Langit. Sa Eter 12:27 nalaman natin na ang ating mga kahinaan ay maaaring maging mga kalakasan kung magtitiwala tayo sa Kanya. Sinabi ko sa Kanya ang aking mga kahinaan at tiwala sa Kanya, at ipinasiya kong magsikap na muli … at muli … at muli. Nagsimula akong higit na umasa kay Cristo at gayon din sa aking mga kalakasan.

Mahal ko ang ebanghelyong ito at mahilig ako sa street art, kaya ipinasiya kong pagsamahin ang dalawa. Inempake ko ang aking banal na kasulatan, isang sketchbook, mga charcoal pencil, permanent marker, at mga lata ng spray paint sa backpack ko. Nagtawanan ang mga kompanyon ko at nagtanong, “Ano ang gagawin mo sa spray paint?” Ipinaliwanag ko, “Maaaring hindi pa ako makapagsalita ng wika, pero maipapakita ko sa iba ang aking patotoo.”

Para sa nalalabing panahon ko sa misyon, ginamit ko ang street art—sa papel, hindi sa mga gusali—at ang Espiritu para turuan ang iba tungkol kay Cristo. At kahit tila kahibangan, umubra iyon. Maraming taong ayaw makinig sa mensahe ko, kaya iginuhit ko iyon. Nabuksan ang mga pinto at namulat ang mga mata nang sabihin ko sa kanila na graffiti ang ginawa ko. Hindi sila naniwala sa akin. Inorasan nila ako nang tatlong minuto, at iginuhit ko ang salitang pananampalataya habang nagtuturo ako sa kanila tungkol dito. Kabilang sa kanila ang marami na dama ang panghuhusga ng tao at walang nagmamahal sa kanila. Kaya mapapatotohanan ko na sa pananampalataya kay Cristo madarama natin ang Kanyang pagmamahal at pagpapatawad, at matutulungan Niya tayong magpakabuti. Ginawa Niya iyan para sa akin.

Natulungan ako ng pitong taong paghahanda ko para sa misyon na makilala ang sarili ko. Sa panahong iyon ay nagtamo ako ng patotoo sa Pagbabayad-sala ni Cristo at sa Kanyang kapangyarihan na tulungan akong madaig ang aking mga kahinaan at gamitin ang aking mga kalakasan para ibahagi ang alam ko sa iba. Sa huli sulit ang pitong taong paghahanda ko.