2017
Hindi Makapasok!
February 2017


Hindi Makapasok!

Sobrang lamig sa labas, at humapdi sa lamig ang mga pisngi at ilong ng pamilyang Stevenson. Matapos ang masayang araw ng pag-ski, naglakad sila sa niyebe palapit sa kanilang kotse. Inasahan nilang makapasok na sa kotse at mainitan ng heater nito.

Ngunit nang kinapa ni Elder Stevenson ang kanyang bulsa, wala ang mga susi ng kotse! “Nasaan ang mga susi?” inisip niya. Sabik na hinintay ng bawa’t isa na mabuksan niya ang kotse. Kung wala ang mga susi, hindi sila makakapasok! Hindi nila mabubuksan ang pinto o magagamit ang kotse. Hindi nila mabubuksan ang heater.

Ang unang bagay na ginawa ni Elder Stevenson ay ang magdasal. Hiniling niya sa Ama sa Langit na tulungan silang mahanap ang mga susi ng kotse. Pagkatapos ay nag-isip siyang mabuti kung saan maaaring nalaglag ang mga ito. Naalala niya ang ski jump na pinuntahan niya kanina. “Baka naroon sa niyebe ang mga susi,” naisip niya.

Sumama kay Elder Stevenson ang ilan niyang kapamilya sa pagbalik sa tuktok ng ski slope at nag-ski sila pababa. Nang marating na nila ang ibaba ng ski jump, papalubog na ang araw. Hinanap nila ang mga susi habang dumidilim. Sa pagkagulat nila, natagpuan nila ang mga susi bago pa lubusang dumilim!

Ipinaalala kay Elder Stevenson ng pagdarasal at pagkakita ng mga susi ng kanilang kotse na hindi tayo hahayaan ng Ama sa Langit na magdusa sa kalamigan ng panahon. Nagbigay Siya ng mga susi ng priesthood at awtoridad sa mga lider ng Simbahan para tulungan tayong makabalik nang ligtas sa Kanya.