2017
Ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay Katibayan ng Pagmamahal ng Diyos
February 2017


Mensahe sa Visiting Teaching

Ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay Katibayan ng Pagmamahal ng Diyos

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at maghangad ng inspirasyong malaman kung ano ang ibabahagi. Paano maihahanda ng pagkaunawa sa layon ng Relief Society ang mga anak na babae ng Diyos para sa mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan?

Relief Society seal

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Christ being taken down from the cross

Kapag naunawaan natin na ibinigay ng ating Ama sa Langit ang Kanyang Bugtong na Anak upang matamo natin ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, makatutulong ito na madama natin ang walang hanggan at di-maunawaang pagmamahal sa atin ng Diyos. Mahal din tayo ng ating Tagapagligtas.

“Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? …

“Sapagka’t ako’y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan,

“Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Mga Taga Roma 8:35, 38–39).

Tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at ang Kanyang paghihirap sa krus ang tumubos sa atin mula sa kasalanan nang tugunan nito ang hinihingi ng katarungan sa atin. Nagkakaloob Siya ng awa at pinatatawad ang mga nagsisisi. Tinugunan din ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang katarungang para sa atin nang tayo ay Kanyang pagalingin at iligtas sa anumang pagdurusang dinaranas natin. ‘Sapagkat masdan, kanyang titiisin ang sakit ng lahat ng tao, oo, ang sakit ng bawat nilalang, kapwa lalaki, babae, at mga bata, na kabilang sa mag-anak ni Adan’ (2 Nephi 9:21; tingnan din sa Alma 7:11–12).”1

“Inanyuan [tayo ni Cristo] sa mga palad ng [Kanyang] mga kamay” (Isaias 49:16). Sabi ni Linda K. Burton, Relief Society General President, “Ang pinakadakilang pagpapakitang iyon ng pagmamahal ay dapat magtulak sa atin na lumuhod [at] mapagpakumbabang [m]analangin at magpasalamat sa ating Ama sa Langit na minahal Niya tayo nang sapat para isugo ang Kanyang Bugtong at sakdal na Anak na magdusa para sa ating mga kasalanan, pighati, at lahat ng tila di-makatarungang bagay sa sarili nating buhay.”2

Mga Karagdagang Banal na Kasulatan at Impormasyon

Juan 3:16; 2 Nephi 2:6–7, 9; reliefsociety.lds.org

Mga Tala

  1. D. Todd Christofferson, “Pagtubos,” Liahona, Mayo 2013, 110.

  2. Linda K. Burton, “Nakasulat Ba sa Ating Puso ang Pananampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?” Liahona, Nob. 2012, 114.