Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Ang Talinghaga tungkol sa Hangal na Bubuyog
Mula sa Improvement Era, Set. 1914, 1008–9; iniayon sa pamantayan ang pagbabantas at ispeling.
Ilan sa atin ang mas matalino kaysa sa hangal na bubuyog?
Minsan ay kailangan kong magtrabaho nang tahimik at nakahiwalay sa ibang tao. … Ang paborito kong puntahan ay isang silid sa isang mataas na palapag sa tore ng isang gusali. … Ang silid ay parang mahirap puntahan at medyo ligtas sa paggambala ng ibang tao. …
Gayunman, hindi naman palaging wala akong mga bisita, lalo na kapag tag-init; dahil, kapag nakaupo ako na bukas ang mga bintana, kadalasan ay may mga lumilipad na insekto na nakakapasok at nakikibahagi sa lugar ko. …
Minsa’y may isang bubuyog mula sa mga kalapit na burol ang lumipad papasok sa silid, at sa loob ng isang oras o mahigit pa ay narinig ko ang kaaya-ayang ugong ng paglipad nito. Natanto ng maliit na nilalang na ito na nakulong siya, subalit nabigo ang lahat ng pagtatangka niya na humanap ng malalabasan sa bahagyang nakabukas na bintana. Nang handa na akong isara ang silid at umalis, binuksan kong tuluyan ang mga bintana at sinubukan ko noong una na gabayan at pagkatapos ay bugawin palabas ang bubuyog para makalaya at makaligtas ito, nababatid na kung maiiwan ito sa silid ay mamamatay ito tulad ng ibang insekto na nakulong at namatay sa tuyong kapaligiran ng silid. Habang sinusubukan kong bugawin pa ito palabas, mas determinado itong labanan at pigilan ang aking pagsisikap. Ang dating mapayapang ugong ay naging galit na ugong; ang humaharurot na lipad nito’y naging palaban at nagbabanta.
Pagkatapos ay nakatiyempo ito at kinagat ang aking kamay—ang kamay na gagabay sana rito patungo sa kalayaan. Sa huli’y dumapo ito sa isang palawit na nakasabit sa kisame, hindi abot ng aking tulong o pananakit. Ang hapdi ng masakit na kagat nito ay nagpadama sa akin ng awa sa halip na galit. Alam ko ang di-maiiwasang parusa ng maling paglaban nito at pagsuway, at kinailangan kong iwan ang nilalang sa kapalaran nito. Pagkaraan ng tatlong araw ay bumalik ako sa silid at natagpuan ang tuyot at walang buhay na katawan ng bubuyog sa aking mesang sulatan. Ang kapalit ng pagkasutil nito ay ang kanyang buhay.
Inakala ng bubuyog na ako ay isang kaaway, matinding oposisyon, at isang mortal na kaaway na hangad ang kamatayan nito; samantalang sa katotohanan ako ay kaibigan nito, na nag-aalok ng kaligtasan sa buhay na inilagay nito sa alanganin dahil sa sariling pagkakamali, nagsisikap na iligtas ito mula sa bilangguan ng kamatayan at pabalikin ito nang ligtas at malaya sa labas.
Mas matalino ba tayo kaysa sa bubuyog na hindi na kailangan ng analohiya para maunawaan ang pagkapareho ng kahangalang ginawa nito at ng ating buhay? Madali para sa atin ang makipagtalo, minsa’y may kapusukan at galit, laban sa paghihirap na sa huli’y maaaring pagpapakita ng nakahihigit na talino at pagmamahal at pagmamalasakit, laban sa ating panandaliang kaginhawahan para sa walang hanggang pagpapala. Sa mga pagsubok at mga paghihirap ng mortalidad naroon ang tulong na tanging ang mga tao lamang na di-naniniwala sa Diyos ang hindi makaunawa. Para sa marami ang mawalan ng kayamanan ay isang pagpapala, isang paraan ng Diyos para ilayo sila sa kapaligiran ng makasariling pagpapakasasa at akayin patungo sa liwanag, kung saan ang walang-hanggang oportunidad ay makakamit ng mga magsisikap para dito. Ang pagkabigo, kalungkutan, at kahirapan ay maaaring pagpapakita ng kabaitan ng isang napakatalinong Ama.
Isipin ang aral ng hangal na bubuyog!