2017
Nang Magkatotoo ang Plano
February 2017


Nang Magkatotoo ang Plano

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Biglang naging higit pa sa isang flow chart ang plano ng kaligtasan—ito ang pinanggalingan ng aking pag-asa at kapanatagan.

Car crash

Paglalarawan ni Allan Davey

“Isulat ninyo ang lahat ng inyong mga talento, at pumili ng isa para ibahagi sa amin,” sabi ni Sister Jensen sa aming Laurel class. Buong karangalan kong ipinaliwanag na ang pinakamagaling kong talento ay ang aking paglalaro ng volleyball at na ang susunod na season—ang aking huling taon ng paglalaro—ay siyang magiging pinakamagaling.

“Maraming uri ng mga talento. Ang ilan ay mga espirituwal na kaloob,” itinuro ni Sister Jensen. “Sa palagay ko ay biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng kakayahang mahalin ang lahat ng taong nasa paligid ko.”

Naipadarama ni Sister Jensen ang pagmamahal niya sa lahat ng lugar na pinupuntahan niya at naibabahagi niya ang kanyang patotoo sa mga nakakausap niya araw-araw. Ang kanyang pagmamahal ay tunay, mabait, at tulad ng kay Cristo. Siya ay naging higit pa sa isang lider ng Young Women para sa akin—para siyang isang pangalawang ina, kapatid, o matalik na kaibigan noong ako ay nasa high school. Magkasama kaming pumupunta sa mga konsiyerto, sa pamimili, at paggawa ng strawberry jam. Dinalhan niya ako ng homemade na pudding noong pinabunot ko ang aking wisdom teeth, at gusto niyang binibisita ako sa snow-cone shack kung saan ako nagtatrabaho. Nagtrabaho siya sa aking paaralan, kaya pumupunta rin siya sa lahat ng volleyball games ko.

Pagkatapos ng ilang buwan, noong patapos na ang aking bakasyon, nagising ako ng alas-3 n.u. dahil sa tunog ng telepono. Sinagot ito ng inay ko at pagkatapos ay pumasok siya sa aking kuwarto. “Naaksidente ang mga Jensen pauwi mula sa kanilang family reunion,” sabi niya. “Nagpagulong-gulong ang kotse nila sa freeway, at hindi nakaligtas si Sister Jensen.”

Napakalungkot ko. “Hindi ito totoo,” inisip ko. “Nag-text siya sa akin kanina. Paanong wala na siya ngayon?”

Nakadama ako ng pagkabigla, pagkalito, at lungkot nang sabay-sabay. Pagkatapos ng ilang minuto, napaluha na ako, at niyakap ako ng nanay ko habang umiiyak ko. Hindi ako makatulog, kaya humiga na lang ako na nag-iisip at umiiyak sa buong magdamag.

Sa mga sumunod na linggo, nakadama ako ng kalungkutan na hindi ko pa naranasan noon. Hindi na naging priyoridad ang volleyball, at hindi ko na kinasabikan ang pagsisimula ng school year. Ang lahat ng mga kinasasabikan ko noon ay natabunan na ngayon ng kalungkutan. “Nadarama ko na lubos akong nadaraig ng pagdadalamhati,” sinulat ko isang gabi sa aking journal. “Hindi ko mapigilan ang pag-iyak at palagi akong pagod.”

Sa gabi bago ang unang araw ng eskuwela, nakahiga ako sa kama na umiiyak at iniisip ang pagkamatay ni Sister Jensen. Hindi ko na gustong maging malungkot, at natanto ko na kailangan ko ng tulong para makayanan ang kalungkutang ito. Kinailangan kong manalangin.

“Tulungan po Ninyo akong maunawaan kung bakit siya namatay at paano ko po makakayanan ito,” ang dasal ko.

Tahimik akong nakaluhod, iniisip kung sasagot Siya. Matapos ang ilang minuto, napag-isip-isip ko ang lahat ng nangyari. Naantig ang puso ko at naging malinaw ang isipan ko. Natanto ko na hindi sa akin ang mga saloobing ito; tinuturuan ako ng Espiritu.

Ang plano ng kaligtasan—ang flow chart na itinuro sa akin simula noong Primary—ay totoo. Isinilang si Sister Jensen, nakaranas siya ng kaligayahan, nakalagpas siya sa mga pagsubok, ibinahagi niya ang kanyang pagmamahal, at ngayo’y nasa daigdig na siya ng mga espiritu. Buhay pa rin ang kanyang espiritu, at makikita ko siya muli. Natanto ko na ang planong ito, ang plano ng kaligayahan, ay ginawa para tulungan tayong makabalik sa ating Ama sa Langit, sa ating mga pamilya, at sa ating mga kaibigan. Sa oras na iyon, wala akong ninais kundi ang mamuhay nang matapat para makita ko siya muli.

Noong unang mga linggong iyon ng eskuwela, pinagsikapang kong magkaroon ng talento ni Sister Jensen na mahalin ang lahat ng tao. Habang sinisikap kong mahalin ang ibang tao, dahan-dahang napawi ang aking pagdadalamhati at naging mas masaya ako. Natutuhan ko na maipapakita natin ang ating pagmamahal sa iba sa pamamagitan ng maraming paraan—sa pakikinig, pagngiti, pagbibigay ng pagkain, o pagpuri sa kanila. Ito ang maliliit na bagay na ginawa para sa akin ni Sister Jensen, kaya ang pinakamabuting paraan para panatiliing buhay ang kanyang alaala ay ang ipalaganap ang kanyang pagmamahal.

Bagama’t pumanaw na si Sister Jensen, palagi kong nadarama ang kanyang pagmamahal. Kapag sinisikap ko sa bawat araw na mas mahalin ang ibang tao, naipamumuhay ko ang buhay na katulad ng kanya—at mas lumalapit sa pagkakataong makita siyang muli.