Nahanap ang Kapayapaan sa Sakramento
Bilang isang bata pang ina hindi ako gaanong makadama ng kapayapaan sa mga abalang araw dahil sa pag-aaruga sa limang anak na malilikot at mahirap alagaan. Lima o 10 minuto lang ako nakakapagpahinga sa bawat pagkakataon, pero pinahalagahan ko ang bawat sandaling ito na nakadarama ako ng katahimikan.
Madalas akong manalangin sa aking Ama sa Langit, humihingi ng lakas, tiyaga, at kapayapaan. Ang mga araw ng Linggo ay nakakataranta lalo na’t nagpapasuso ako ng baby, binibihisan ko ang isang anak, at tinutulungan kong maghanda ang mas nakatatandang mga anak para makapaghanda sa pagsisimba. Ang nakakatuwa, sa abalang araw ng Linggo ko natagpuan ang solusyon.
Nang pakinggan ko ang mga panalangin sa sakramento nang araw na iyon, nagkaroon ng espesyal na kahalagahan ang mga salitang: “… nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila” (D at T 20:77).
May karapatan ako sa patnubay ng Espiritu ng Panginoon. Bakit ngayon ko lang natanto ang kahalagahan ng pangakong iyon?
Ang sakramento ay naging sandali ng tahimik na pagninilay sa buhay kong puno ng ingay. Sa ordenansa ng sakramento, natagpuan ko ang kapayapaang hinahanap ko.
Bagama’t maaaring lumabas ako ng sacrament meeting na kasama ang isang malikot na bata matapos makibahagi ng tinapay at tubig, tiniyak kong naroon ako para sa espesyal na oras na iyon ng pag-alaala. Inasam ko ang mahahalagang sandaling iyon nang may sigla na hinding-hindi ko naranasan noon.
Ngayong malalaki na ang aking mga anak, mas marami na akong tahimik na sandali ng pahinga. Gayon pa man, itinatangi ko pa rin ang mga sandaling iyon na ginugol ko sa pakikibahagi ng sakramento.