2017
Tinuruan ng Panginoon: Nag-iisang Magulang
February 2017


Tinuruan ng Panginoon: Nag-iisang Magulang

Wala akong planong maging single parent ng apat na anak noong mga 25 anyos ako at talagang litung-lito ako. Mayroon akong simpleng bahay na pangangalagaan, apat na maliliit na anak, at hindi ako nakapag-aral sa kolehiyo. Inisip ko kung paano ko matutustusan ang mga pangangailangan ng mga anak ko. Hindi dumating ang mga sagot sa mga panalangin ko nang ilang araw o ilang buwan kundi makalipas ang maraming taon ng pagsunod sa bawat inspirasyon na natatanggap ko.

Mabuti na lang at nakagawian kong bumaling sa Panginoon kapag may problema ako. Isang gabi malinaw na dumating ang sagot: “Mag-aral ka.” Inisip ko kung paano ko ito magagawa sa dami ng gastusin ko, kaya kinausap ko ang aking mga magulang at ang bishop ko. Sumang-ayon sila na pag-aaral ang tamang gawin, at sa loob ng ilang linggo ay nag-enroll ako sa isang lokal na unibersidad, kung saan nagtapos ako ng degree sa elementary education na may special education endorsement.

Bilang guro, kulang pa rin ang kita ko para tustusan ang mga pangangailangan ng aking lumalaking mga anak. Patuloy akong nagdasal sa Panginoon tungkol sa kakulangan ko sa pera. Nang kausapin ko ang bishop ko, iminungkahi niya na mag-aral ako ulit para makatapos ako ng master’s degree. Umuwi ako, ipinagdasal ko ito, at nag-enroll akong muli sa paaralan nang sumunod na semestre.

Ilang taon kalaunan nahikayat akong mag-aral na muli. Nag-iskedyul ako ng kailangang mga pagsusulit, nagpainterbyu para sa mga programa sa educational administration, at muli akong nag-enroll sa isang master’s program sa isa pang lokal na unibersidad. Nang matapos ito, nagkaroon ako ng mga bagong oportunidad na makapagtrabaho kaya nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan, pinagbuti ang aking sarili, at nakatuklas ako ng mga bagong talento.

Sa templo isang gabi, sinabi ko Panginoon ang kalungkutan ko dahil sa kabila ng mga pagsisikap ko, hindi ko pa rin matugunan nang palagian ang mga pangangailangan namin. Nadama ko sa aking puso na ipinapaalala sa akin ng Panginoon na natugunan na ang lahat ng pangangailangan ng pamilya ko, dahil sa pagtatrabaho ko o sa pagtulong ng iba, at kapag patuloy akong sumunod, pangangalagaan kami. At naalala ko ang sabi sa Alma 20:4, “Nalalaman ko, sa lakas ng Panginoon ay magagawa [ko] ang lahat ng bagay.”

Lubos akong nagpapasalamat sa Ama sa Langit para sa mga pahiwatig na tapusin ko ang pag-aaral ko at makakapagtrabaho ako pagkatapos. Nagpapasalamat din ako para sa lahat ng tao sa buhay ko na naging maalalahanin sa nagdaang mga taon. Nalaman ko na may magagawa akong higit pa kaysa inakala kong posibleng magawa sa tulong ng aking Ama sa Langit. Mahalaga rin na natuto ako na magiliw na tumanggap at magbigay nang bukas-palad.