2017
Kung Paanong Iniibig Ko Kayo
February 2017


Mensahe ng Unang Panguluhan

“Kung Paanong Iniibig Ko Kayo”

Father with children

Ilang taon na ang nakararaan ikinuwento sa akin ng isang kaibigang nagngangalang Louis ang isang napakagandang kuwento tungkol sa kanyang ina na magiliw at malumanay magsalita. Nang siya ay pumanaw, hindi siya nag-iwan ng malaking pera sa kanyang mga anak na lalaki at babae kundi ng isang pamanang sagana sa halimbawa, sa sakripisyo, sa pagsunod.

Matapos masambit ang mga eulogy sa burol at maihatid siya sa libingan, isinaayos ng malalaki nang mga anak ang kaunting pag-aaring naiwan ng ina. Sa mga ito, natuklasan ni Louis ang isang maikling sulat at isang susi. Ang bilin sa sulat: “Sa kuwarto sa sulok, sa drawer sa ilalim ng aparador ko, may maliit na kahon. Naroon ang pinakamahalaga kong pag-aari. Ang susing ito ang magbubukas sa kahon.”

Nag-isip ang lahat kung ano ang pag-aari ng kanilang ina na napakahalaga para ilagay sa kahon at susian.

Kinuha nila ang kahon sa pinagtaguan nito at maingat na binuksan ito gamit ang susi. Nang tingnan ni Louis at ng iba pa ang mga laman ng kahon, nakita nila ang mga retrato ng bawat anak, na may pangalan at petsa ng kapanganakan. Pagkatapos ay inilabas ni Louis ang isang homemade valentine. Sa magaspang na parang sulat-kamay ng bata, na nakilala niyang sa kanya, binasa niya ang mga salitang isinulat niya 60 taon na ang nakararaan: “Mahal kong Inay, mahal kita.”

Ang puso nila ay naantig, humina ang mga tinig, at nangilid ang luha sa kanilang mga mata. Ang kayamanan ng ina ay ang kanyang walang-hanggang pamilya. Ang katatagan nito ay nakasalig sa matibay na pundasyon ng mga taong nagsasabi ng “Mahal kita.”

Sa mundo ngayon, wala nang ibang lugar na higit na kailangan ang pundasyong iyan ng pagmamahal kaysa sa tahanan. At wala nang ibang lugar sa mundo na dapat matagpuan ang mabuting halimbawa ng pundasyong iyan kaysa sa tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw na ginawang sentro ang pagmamahal sa buhay ng kanilang pamilya.

Sa mga nagsasabi na mga disipulo tayo ng Tagapagligtas na si Jesucristo, ibinigay Niya ang napakahalagang turong ito:

“Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa.

“Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.”1

Kung susundin natin ang utos na ibigin at mahalin ang isa’t isa, kailangan nating pakitunguhan ang isa’t isa nang may habag at paggalang, na nagpapakita ng ating pagmamahal sa araw-araw na pakikipag-ugnayan. Ang taong nagmamahal ay nagsasalita ng mabuti, matiyagang sumagot, hindi makasarili, nakikinig nang may pag-unawa, mapagpatawad. Sa lahat ng ating pakikisalamuha, ipinapakita nito at ng iba pang gawa ang pag-ibig sa ating puso.

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Ang pag-ibig … ay gusi ng ginto sa dulo ng bahaghari. Subalit hindi lang sa dulo ng bahaghari. Ang pag-ibig ay nasa puno rin nito, at doon nagmumula ang kagandahang nakaguhit sa kalangitan sa maunos na panahon. Pag-ibig ang seguridad na iniiyakan ng mga bata, ang kinasasabikan ng mga kabataan, ang pandikit na nagbibigkis sa mag-asawa, at ang pamahid na nagpapakalma sa mapanirang sigalot sa tahanan; ito ang kapayapaan ng katandaan, ang sikat ng pag-asang nagniningning sa kamatayan. Napakapalad ng mga taong nararanasan ito sa kanilang mga pakikisalamuha sa pamilya, mga kaibigan, simbahan, at mga kapitbahay.”2

Pag-ibig ang pinakadiwa ng ebanghelyo, ang pinakamarangal na katangian ng kaluluwa ng tao. Pag-ibig ang lunas para sa may sakit na mga pamilya, komunidad, at bansa. Ang pagmamahal ay isang ngiti, isang kaway, isang magandang puna, at isang papuri. Ang pagmamahal ay sakripisyo, paglilingkod, at pagiging di-makasarili.

Mga lalaki, mahalin ang inyong asawa. Pakitunguhan sila nang may dangal at pagpapahalaga. Mga babae, mahalin ang inyong asawa. Pakitunguhan sila nang may karangalan at panghihikayat.

Mga magulang, mahalin ang inyong mga anak. Ipagdasal sila, turuan sila, at magpatotoo sa kanila. Mga bata, mahalin ang inyong mga magulang. Igalang, pasalamatan, at sundin sila.

Kung wala ang dalisay na pagmamahal ni Cristo, ang payo ni Mormon, “wala [tayong] kabuluhan.”3 Dalangin ko na nawa’y sundin natin ang payo ni Mormon na “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang [tayo] ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang [tayo] ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya.”4