Taludtod sa Taludtod
I Mga Taga Corinto 10:13
Itinuro sa atin ni Apostol Pablo kung paano natin mapaglalabanan ang tukso.
Tukso
“Alam [ng kaaway] kung saan, kailan, at paano tayo tutuksuhin. Kung masunurin tayo sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo, matututuhan nating kilalanin ang mga pang-aakit ng kaaway. …
“Ang ating tagumpay ay hindi kailanman nasusukat sa tindi ng tukso sa atin kundi sa katapatan ng ating pagtugon. Dapat tayong humingi ng tulong sa ating Ama sa Langit at humanap ng lakas mula sa Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak na si Jesucristo.”
Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, Abr. 2009 pangkalahatang kumperensya.
Karaniwan sa Tao
Maaaring lahat tayo ay nakakaranas ng iba-ibang mga tukso, ngunit lahat ay natutukso. Kailangan ang tukso, sapagka’t “talagang kinakailangan na ang diyablo ay tuksuhin ang mga anak ng tao, o hindi sila magiging kinatawan sa kanilang sarili” (D at T 29:39).
Matapat ang Diyos
Matapat—mapagkakatiwalaan. Mapagkakatiwalaan natin ang mga pangako ng Diyos na tutulungan Niya tayong mapaglabanan at matakasan ang tukso.
Higit sa Inyong Makakaya
Dapat nating sikaping iwasan ang tukso. Minsan ay mas pinahihirapan natin ang ating sarili sa hindi pagtanggi sa tukso sa oras na dumating ito. Tulad ng itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Mangyari pa napansin ni Jesus ang napakaraming tuksong dumating sa kanya, ngunit hindi Niya ito pinag-isipan pa. Sa halip, kaagad Niyang tinanggihan ang mga ito. Kung papansinin natin ang mga tukso, sandali lamang at makakapanaig sila sa atin!” (Abr. 1987 pangkalahatang kumperensya).
Isang Paraan para Makailag
Palaging may paraan para makailag—ibang pagpipilian, ibang lugar na mapupuntahan, ibang bagay na magagawa. Kapag nabigo ang lahat, sundin ang halimbawa ni Jose ng Egipto at basta umilag na lang (tingnan sa Genesis 39:7–12).
Mapagtiisan Ito
Nagbibigay ang mga banal na kasulatan ng ilang payo na makatutulong sa atin sa responsibilidad nating iwasan ang mga tukso upang mapaglabanan natin ito:
-
Maging mapagbantay at magdasal palagi (tingnan sa Mateo 26:41; Alma 13:28; 31:10; 34:39; 3 Nephi 18:18; D at T 31:12).
-
Umasa kay Jesucristo (tingnan sa Alma 37:33), dahil “palibhasa’y nagbata siya sa pagkatukso, siya’y makasasaklolo sa mga tinutukso” (Sa Mga Hebreo 2:18; tingnan din sa Alma 7:11).
-
“Kayo ay magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Panginoon” (Alma 13:28) at “mag-ingat sa kapalaluan” (D at T 23:1).
-
“[Makinig] sa salita ng Diyos, at mahigpit na [kumapit] dito” (1 Nephi 15:24).