2017
Sa Napakahalagang Yugto ng Pag-unlad Naming Magkakaibigan
February 2017


Sa Napakahalagang Yugto ng Pag-unlad Naming Magkakaibigan

Natagpuan ko ang aking sarili na paulit-ulit na ipinagtatanggol ang mga kaibigan ko sa aking mga magulang at ipinagtatanggol ang aking mga magulang sa mga kaibigan ko.

Illustration of young man at a crossroads

Mga paglalarawan ni Christopher Thornock

Noong ako ay 14, gumawa ako ng pagpapasiya na nagpabago sa lahat ng bagay. Naglalakad ako sa kalsada kasama ang ilang kaibigan noong isang gabi ng Biyernes, at masaya kami, tulad ng dati. Ngunit may problema ng gabing iyon, at alam kong may dapat akong gawin tungkol dito. Hindi lang ako sigurado kung kaya ko.

Sa lumipas na dalawang taon, nagsimulang mag-eksperimento ang mga kaibigan ko sa mga sigarilyo at alkohol. Dahan-dahan lang ito noong simula, isang bagay na gagawin lang sana nila nang isa o dalawang beses, ngunit nitong Biyernes na ito, regular na silang naninigarilyo at umiinom kapag magkakasama kami.

Naisip ko na basta’t mapapanatili kong malinis ang aking sarili, magiging masaya pa rin ako kasama ng aking mga kaibigan. Siyempre, nararamdaman ng mga magulang ko na may problema sa aking mga kaibigan. At nararamdaman ng mga kaibigan ko na hindi sila gusto ng aking mga magulang. Nahirapan ako sa sitwasyong ito: natagpuan ko ang aking sarili na paulit-ulit na ipinagtatanggol ang mga kaibigan ko sa aking mga magulang at ipinagtatanggol ang aking mga magulang sa mga kaibigan ko.

Kaya naroon kami noong gabi ng Biyernes na iyon, naglalakad sa kalsada. Nagsimulang uminom at manigarilyo ang mga kaibigan ko, at napagtanto ko sa wakas na hindi na ako natutuwa sa kanilang ginagawa. Kaya nagpasiya ako.

Tumawid ako sa kabilang panig ng kalsada.

Pinagtawanan ako ng mga kaibigan ko. Tinawag nilang akong “goody-goody.” At sinabi nila na kung mananatili ako doon, hindi na nila ako ituturing na kaibigan.

Narating namin ang dulo ng kalsada. Lumiko sa kaliwa ang mga kaibigan ko, at lumiko ako sa kanan. Mga dalawang milya (3 km) ang layo ko mula sa aming tahanan, at ang mga ito ang pinakamahabang dalawang milyang nalakad ko. Maaaring isipin ninyo na gaganda ang pakiramdam ko sa matapang na pagpiling ginawa ko, ngunit sa oras na iyon, sobrang sama ng pakiramdam ko. Gumising ako nang sumunod na umaga at alam kong nawalan na ako ng mga kaibigan at nag-iisa na ako ngayon. Para sa isang 14-taong gulang, nakapanlulumo iyon.

Isang Bagong Kaibigan

Hindi pa natatagalan pagkatapos ng araw na iyon, tumawag sa telepono ang isang miyembro ng Simbahan na kilala ko, si Dave. Itinanong niya kung gusto kong pumunta sa kanilang bahay sa Sabado ng gabi. Inanyayahan din niya ako na maghapunan kasama ang kanyang pamilya kinabukasan. Tila mas masaya iyon kaysa sa kasalukuyan kong kalagayan na walang kaibigan, kaya pumayag ako.

Naging maganda ang oras na magkasama kami ni Dave—at, mangyari pa, walang sigarilyo o alkohol. Habang nakikinig ako sa panalangin ng ama ni Dave noong hapunan, sobrang ganda ng pakiramdam ko. Nagsimula kong isipin na marahil—marahil lang naman—mas magiging maayos ang mga bagay-bagay.

Si Dave at ako ay naging matalik na magkaibigan. Magkasama kaming naglaro ng football, magkasamang pumasok sa paaralan, at tinulungan ang bawat isa na magmisyon. Nang umuwi kami, naging roommates kami sa kolehiyo. Tinulungan namin ang bawat isa sa paghahanap ng tamang dalagang pakakasalan at pinanatili ang bawat isa sa tuwid at makitid na daan patungo sa templo at pagkatapos pa niyon. Matapos ang mga taong iyon, mabuti pa rin kaming magkaibigan. At nagsimula iyon sa isang simpleng tawag sa telepono, eksakto noong kailangan ko ito.

Illustration of young men playing football

Impluwensya ng Isang Ina

Gayon man, iyon ang akala ko na pinagmulan ng lahat. Isipin ang pagkagulat ko nang, pagkalipas ng maraming taon, nalaman ko na ang inay ko pala, lingid sa aking kaalaman, ang nagplano ng aming pagkakaibigan! Nang mawala ang mga dati kong kaibigan, kaagad niyang napansin na may bumabagabag sa akin, kaya tinawagan niya ang nanay ni Dave para tingnan kung may maiisip silang paraan para tumulong. Pagkatapos ay hinikayat ng nanay ni Dave na tawagan ako ni Dave at anyayahan sa kanilang tahanan. Minsan, ang mga pahiwatig na tumulong sa ibang nangangailangan ay nagmumula sa Espiritu Santo; minsan naman ay nagmumula ito sa isang anghel—tulad ng isang nanay—na “nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (2 Nephi 32:3).

Madalas kong pinag-iisipan kung paano kaya mag-iiba ang buhay—para sa akin at para kay Dave—kung hindi nakita ng aking inay ang aking pagsusumikap at nagpasiyang kumilos. Hindi ba’t ipinaaalala sa inyo nito ang paraan ng Ama sa Langit na pagpapala sa atin? Alam Niya ang tungkol sa bawat pangangailangan natin, at nagpapadala Siya ng “biyaya … at saksi ng pag-ibig” (“Bawat Buhay na Dumantay,” Mga Himno, blg. 185).

Magkakasama Tayong Naglalakad

Sa huli, pananagutan nating lahat ang ating sariling mga pagpili. Tulad ng paulit-ulit na sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Mga pagpili natin ang huhubog sa ating tadhana,”1 at marami sa mga pagpiling ito ay dapat gawin nang personal at nang bawat isa. Madalas, ang mga pagpapasiya natin ay nagpapadama sa atin na nag-iisa tayo, at maging ng kalungkutan pa nga. Ngunit hindi tayo ipinadala ng ating Ama sa Langit dito nang nag-iisa.

Ang mga pasiyang ginawa ko sa mahahalagang sandaling iyon ay pinagpala at pinatnubayan ako sa aking buong buhay. Ngunit ang mga pasiyang iyon ay inspirado at binigyang-kapangyarihan ng mga mapanalanging pagsisikap ng aking inay at ng tulong at pakikipagkaibigan ni Dave.

Ang pagsusulit o pagsubok na tinatawag nating buhay sa mundo ay naiiba mula sa pagsusulit na madalas kinukuha natin sa paaralan—kung saan dapat mong pagtuunan ang sarili mong pagsusulit at hindi ka pinapayagang tulungan ang iyong katabi. Ngunit hindi sa pagsusulit na ito, magagawa at dapat nating tulungan ang bawat isa; sa totoo lang, bahagi iyan ng pagsusulit. Kaya kung minsa’y maaaring dalhin kayo ng mga pagpili ninyo sa malungkot na panig ng kalsada, mangyaring alamin na sa kahabaan ng kalsadang iyon ay may iba pang gumagawa ng kanilang sariling mahihirap na pagpapasiya upang maparoon sa panig ng Panginoon. Sasamahan nila kayong maglakad, at kailangan ninyong samahan silang maglakad.

Tala

  1. Thomas S. Monson, “Mga Pagpili,” Liahona, Mayo 2016, 86.