Ako? Siga?
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
“Magmagandang-loob kayo sa isa’t isa” (Mga Taga Efeso 4:32).
Napakagandang araw noon sa paaralan. Ginugol ni Jeff ang buong oras ng recess sa paglalaro ng mga dragon kasama ang kanyang matalik na kaibigang si Ben. Matapos ang dalawang taon sa bago niyang paaralan, masaya si Jeff na magkaroon ng isang matalik na kaibigan. Gusto ni Ben ang mga parehong bagay na gusto ni Jeff, at marami silang napag-uusapan.
Nang makauwi si Jeff, nakita niya ang kanyang Inay na hinihintay siya. Hindi siya mukhang masaya. Nawala ang ngiti niya. “Jeff,” sabi ni Inay, “nakatanggap ako ng tawag mula sa prinsipal ngayong araw. Sinabi niya na may inaapi kang batang lalaki sa inyong klase.”
“Hindi po!” sabi ni Jeff. Alam niya na mali ang pang-aapi. Ginagawang malungkot at takot ng isang siga ang mga tao. Hindi ginawa ni Jeff ang anumang bagay na tulad niyon.
“Sigurado ka?” tanong ni Inay. Pinaupo niya si Jeff sa sopa. “Sinabi ng prinsipal na sinabi mo at ni Ben kay Sam na lumayo sa inyo, na hindi siya kasali sa inyong grupo, at hindi siya makasasali kung hindi siya tatalon mula sa ibabaw ng slide.”
Tumungo si Jeff. Halos araw-araw nakikiusap si Sam na makalaro sila. Pero si Ben ang kanyang matalik na kaibigan, at gusto nilang maglaro nang sila lang. Hindi ibig sabihin noon ay naging siga na siya, tama ba?
“Mali po bang maglaro kami ni Ben nang kami lang?” itinanong ni Jeff. Hindi yata tamang tawagin ang isang tao na bully o siga dahil lang sa paglalaro kasama ang kanyang matalik na kaibigan.
“Puwede pa rin naman kayong maging magkasama palagi. Pero kapag naroon si Sam, mali na ipadama sa kanya na siya ay hindi kasali at iwan siyang nag-iisa. Sinabi ng prinsipal na may mga ibinansag ka kay Sam dahil sa hindi pagtalon mula sa slide.”
“Hindi po!” sabi ni Jeff. Pero ginawa iyon ni Ben. At natawa siya.
“Naaalala mo pa ba ang naramdaman mo noong kakalipat lang natin?” tanong ni Inay.
Tumango si Jeff. Malungkot ang paaralan noong una. Nagdasal siya palagi para makahanap ng isang mabuting kaibigan.
“Ano ang hihilingin mong ginawa sana ng mga tao noon?” tanong ni Inay.
“Sana ay niyaya nila akong makipaglaro kapag recess. O tinabihan nila ako kapag tanghalian.”
“Hindi ba’t masaya na magkaroon ng mabuting kaibigan ngayon?” sabi ni Inay. “Puwede mong matulungan ang mga taong nag-iisa, na katulad mo rin noon. Bibigyan kita ng isang hamon. Bukas ay gusto kong alamin mo ang tatlong magagandang bagay tungkol kay Sam. Pagkatapos ay sabihin mo sa akin ang mga ito pagkauwi mo mula sa paaralan.”
“Magagawa ko po iyan,” sabi ni Jeff, na nakatingin sa kanyang mga sapatos. Hindi niya sinadyang maging siga. Gusto niyang maging mabait na tulad ni Jesus. Bukas ay hihingi siya ng tawad kay Sam. At sasabihin niya kay Ben na gusto rin niyang makalaro si Sam.
“Anak,” sabi ni Inay. Itinaas niya ang mukha ni Jeff. “Mabait kang bata. Magiging suwerte si Sam na maging kaibigan ka. At alam mo? Sa tingin ko’y magiging suwerte ka rin na maging kaibigan si Sam.”
Ngumiti nang kaunti si Jeff. Pwedeng maging matalik na kaibigan pa rin niya si Ben. Hindi masama na magkaroon pa siya ng isa pang kaibigan.