2017
Nagpasiya Akong Maghanap ng Templo
February 2017


Nagpasiya Akong Maghanap ng Templo

Ang awtor ay naninirahan sa Auvergne-Rhône-Alpes, France.

Naghahanap ako ng isang banal na lugar at natagpuan ko ang aking walang-hanggang pamilya.

Illustrated scene of city in France

Paglalarawan ni Andrea Cobb

Taong 1973 iyon. Dahil nahihirapan ako sa ilang problema, taos-puso kong hinangad na makilala ang Diyos, kaya ipinasiya kong basahin ang Biblia. Isang araw nagbasa ako tungkol sa templo ni Solomon sa II Mga Cronica 2–5, at nadama ko na maaaring nasa mundo ang banal na lugar na iyon. Kaya nag-ayuno ako at nagdasal na gabayan ako ng Espiritu Santo na makita ito. Nadama ko na kung makakakita ako ng templo, masasabi ko sa isa sa mga lingkod ng Panginoon ang mga problema ko, at tutulungan niya akong lutasin ito.

Kaya nagpasiya akong maghanap ng templo. Noon ay nakatira ako sa Fontenay-sous-Bois, isang lugar sa Paris, kaya sinimulan kong magmaneho papunta sa lungsod para makahanap ng templo. Nakakita ako ng maraming gusali, pati na mga simbahan at sinagoga, pero wala akong nakitang templo. Nang makauwi ako, nagdasal ako at nagtaka kung bakit wala akong makitang templo. Hindi ba sapat ang kadalisayan ko? O hindi lang ako handa?

Nalimutan ko na ang bigong paghananap ko hanggang sa dumating sa bahay ko ang mga sister missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong Pebrero 1980. Itinuro nila sa akin na ang pinakamalapit na templo ay nasa Zollikofen, Switzerland—ang Bern Switzerland Temple.

Nabinyagan ako noong Abril 12, 1980, at nagpunta ako sa templo sa unang pagkakataon mahigit isang taon lang kalaunan, noong Mayo 5, 1981. Doo’y nagawa ko ang gawain sa templo para sa ilang kababaihan sa aking pamilya, kabilang na ang aking mga lola, tita, at pinsan.

Sa kababaihang ito, ang tanging kilala ko ay ang pinsan kong si Olga.

Si Olga, na mula sa Italy, ay nag-asawa sa napakamurang edad, pero ang nakakalungkot, pinagmalupitan at pinagtaksilan siya ng kanyang asawa. Sa tulong ng kanyang ama at kapatid na lalaki, nagpasiyang tumakas si Olga noong ipinagbubuntis niya ang kanyang ikalimang anak.

Nanirahan siya sa bahay ng kanyang mga magulang at kapatid. Nang isilang ang kanyang anak, pumanaw si Olga. Hindi nakayanan ng mga magulang ni Olga kailanman ang kanyang biglaang pagpanaw.

Habang isinasagawa ko ang mga ordenansa sa templo para kay Olga, palaging pumapasok sa isip ko ang isang salita: misyon. Pero nagulumihanan ako—abala ako sa pagpapalaki sa tatlong anak ko nang mag-isa, at hindi ako makakapagmisyon.

Dumating ang sagot makalipas ang ilang buwan. Isang araw sinabi sa akin ng pinsan kong si Renzo na pumanaw na ang ina ni Olga, ang Tita Anita ko. Bigla kong naalala na natapos ko na ang gawain sa templo para kay Olga noong araw ng Martes, at pumanaw na ang kanyang ina nang sumunod na Biyernes. Nadama ko na noon pa nasasabik si Olga na matanggap ang kanyang mga ordenansa sa templo para maturuan niya ang kanyang ina sa daigdig ng mga espiritu. Marahil ay iyon ang misyon ni Olga.

Pero may misyon din akong tulungan ang sarili kong mga magulang. Sinikap ko nang kausapin sila tungkol sa Simbahan sa ilang pagkakataon, pero hindi sila interesado. Kaya nang mamatay ang nanay at tatay ko, ginawa ko ang gawain sa templo para sa kanila nang magkaoras ako.

Nang mabuklod ang aking mga magulang, kumabog ang puso ko, at napuno ng luha ng pagmamahal ang mga mata ko. Pagkatapos ay nabuklod ako sa mga magulang ko. Hindi ko mapigil na isipin ang nanay ko, at ginusto kong yakapin ang sister na nag-proxy sa kanya. Pinasalamatan ko siya sa pagkatawan sa nanay ko. Napaluha rin ang sister na ito, at pinasalamatan niya ako sa oportunidad na iyon. Kahit hindi ko siya kilala, pakiramdam namin ay miyembro kami ng iisang pamilya.

Pagkatapos ay nabuklod ang mga magulang ko sa kanilang mga magulang, at si Olga, na kinatawan ko sa ordenansa, ay nabuklod sa kanyang mga magulang, ang Tito Marino at Tita Anita ko.

Tuwing maaalala ko ang mga karanasang iyon, napakasaya ko. Naisip ko si Olga, at umaasa ako na tinutupad niya ang kanyang misyon sa kabilang buhay. Dahil sa mga ordenansa sa templo, hindi na ako nag-iisang miyembro ng Simbahan sa pamilya ko. Naniniwala ako na tinanggap ng mga magulang ko ang mga ordenansang isinagawa para sa kanila. Napuspos ako ng kagalakan at pinasasalamatan ko ang Panginoon dahil ginawa Niyang posible na makapagbuo ako ng walang-hanggang pamilya sa pamamagitan ng mga pagpapala sa Kanyang banal na templo.