Ang Tinig ng Espiritu
Ang matamang pakikinig sa Espiritu Santo ay tumutulong sa akin na malaman kung tumatahak ako sa tamang landas o kailangan kong baguhin ang aking landas.
Noong bata pa ako, may tindahan ang tatay ko kung saan nagbebenta siya at nagkukumpuni ng mga orasan at relo. Nasa likod ng tindahan ang bahay ng pamilya namin, kaya lumaki ako sa tunog ng mga orasan at relo.
Sa pagtatapos ng bawat araw, inuuwi ng tatay ko ang ilan sa mga orasang pandingding na kinumpuni niya sa buong maghapon at isinasabit ito sa loob ng bahay sa mga dingding na malapit sa mga kuwarto namin. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ginawa iyon at bakit kailangang tiisin namin ang lahat ng ingay na iyon sa pagtulog namin. Ngunit sa paglipas ng panahon, ang tunog ng iba’t ibang orasan ay naging pamilyar na bahagi na ng tahimik sanang mga gabi.
Ilang taon kalaunan, nagsimula akong magtrabaho sa tatay ko sa tindahan, at natuto ako sa kanya na magkumpuni ng mga relo. Isang umaga may sinabi siya na nagbukas sa aking isipan at nakatulong na maunawaan ko kung bakit niya isinasabit ang mga orasang pandingding sa labas ng aming mga kuwarto sa halip na itago ang mga ito sa loob ng tindahan.
“Pakidala nga sa akin ang orasang pandingding na malapit sa kuwarto mo kagabi,” ang sabi niya. “Pinakinggan ko ang tunog niyon kagabi, at nalaman ko na may diperensya iyon. Kailangan kong tingnan iyon ulit.”
Kaya pala! Sa katahimikan ng gabi, pinakikinggan niya ang tunog ng orasan ayon sa paraan ng pakikinig ng doktor sa tibok ng puso ng isang pasyente. Sa pagkukumpuni ng iba’t ibang klase ng orasan at relo sa halos buong buhay niya, nasanay niya ang kanyang mga tainga na malaman sa tunog ng orasan kung gumagana ito nang maayos o hindi.
Pagkatapos ng karanasang iyon, sinimulan kong pagtuunan ng pansin ang tunog ng mga orasan sa gabi, tulad ng ginawa ng tatay ko. Nang gawin ko ito, natutuhan kong alamin kung gumagana nang maayos ang orasan o kung kailangan itong ayusin.
Nang magkaedad ako at maunawaan ko na ang mga alituntunin ng ebanghelyo, sinimulan kong ihambing ang karanasang ito sa positibong impluwensyang maibibigay ng Espiritu Santo sa ating buhay. Sinimulan kong ihalintulad ang mga panahon ng espirituwal na paglilimi at pagmumuni-muni sa tahimik na mga sandali sa gabi noong bata pa ako, at sinimulan kong ihalintulad ang tunog ng mga orasan sa tinig ng Espiritu na nagbababala, gumagabay, at nagsasalita sa akin paminsan-minsan.
Mahahalagang Espirituwal na Katangian
Ang karanasang ito ay nakatulong sa akin na makilala ang katotohanan ng mga karanasan ni Nephi sa mga bulong ng Espiritu Santo. Mula sa Aklat ni Mormon, nalaman natin na ibinahagi ni Nephi sa kapatid niyang si Sam “ang mga bagay na ipinaalam sa [kanya] ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu” (1 Nephi 2:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Alam na alam ni Nephi ang impluwensya ng Espiritu Santo. Ang kanyang buhay ay puno ng pagmamahal ng Ama at ng Anak, na ipinadama sa kanya ng Espiritu Santo. Kapag pinag-aralan natin ang buhay ni Nephi, makikita natin ang malilinaw na halimbawa ng pagmamahal ng Diyos na ipinadama sa pamamagitan ng mga dalanging nasagot at espirituwal na patnubay. Kabilang sa mga halimbawa:
-
Ang pangitain ni Nephi tungkol sa punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 11–15).
-
Ang Liahona, na gumagana ayon sa pananampalataya (tingnan sa 1 Nephi 16:10, 16, 26–30).
-
Ang paglaya ni Nephi matapos siyang gapusin ng lubid (tingnan sa 1 Nephi 7:17–18).
-
Ang patnubay ng Panginoon habang tinatawid ng pamilya ni Nephi ang karagatan (tingnan sa 1 Nephi 18:21–23).
-
Ang babala ng Panginoon na tumakas patungo sa ilang (tingnan sa 2 Nephi 5:5).
Noong bata pa siya at malamang ay sa tulong ng halimbawa ng kanyang mga magulang, naging matalas ang pakiramdam ni Nephi sa tinig ng Espiritu. Nagkaroon siya ng kakayahang ito sa pagkakaroon ng sumusunod na mahahalagang espirituwal na katangian:
-
Pagnanais: “At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, … [ay nagkaroon ng] matinding pagnanais na malaman ang mga hiwaga ng Diyos, dahil dito, ako ay nagsumamo sa Panginoon” (1 Nephi 2:16). “[Ninais kong] … malaman ang mga bagay na nakita ng aking ama” (1 Nephi 11:1; tingnan din sa talata 3).
-
Pananampalataya: “Pinaniwalaan ko ang lahat ng salitang sinabi ng aking ama” (1 Nephi 2:16).
-
Pagiging madasalin: “At ako, si Nephi, ay madalas na umakyat sa bundok, at madalas akong nanalangin sa Panginoon; anupa’t nagpakita sa akin ang Panginoon ng mga dakilang bagay” (1 Nephi 18:3).
-
Pagkamasunurin: “At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay nangusap sa aking ama: Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7).
Ang Gawain ng Espiritu Santo
Lubos na karapat-dapat si Nephi na magsalita tungkol sa ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Natuto siyang makinig sa tinig ng Espiritu—sa mapayapa o sa maalon man na karagatan. Ginabayan siya ng kanyang mga karanasan na sumulat tungkol sa “gawain ng Espiritu Santo”1 (tingnan sa 2 Nephi 31–32). Mula kay Nephi at sa iba pang mga propeta, nalaman natin na:
Inihayag ng Espiritu Santo: “Walang taong makatatanggap ng Espiritu Santo nang hindi tumatanggap ng mga paghahayag. Ang Espiritu Santo ay isang tagapaghayag”2 (tingnan sa 1 Nephi 10:17–19; 2 Nephi 32:5; Moroni 10:5).
Ang Espiritu Santo ay nagbibigay-inspirasyon: Binibigyan Niya tayo ng mga ideya, damdamin, at salita, pinalilinaw ang ating pang-unawa, at pinapatnubayan ang ating isipan (tingnan sa 1 Nephi 4:6).
Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo: Pinatototohanan Niya ang Ama at ang Anak (tingnan sa 2 Nephi 31:18; 3 Nephi 28:11; Eter 12:41).
Ang Espiritu Santo ay nagtuturo: Dinaragdagan Niya ang ating kaalaman (tingnan sa 2 Nephi 32:5).
Ang Espiritu Santo ay nagpapabanal: Matapos tayong binyagan maaari tayong mapabanal sa pamamagitan ng pagtanggap ng Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 27:20).
Ang Espiritu Santo ay nagpapaalala: Ipinaaalala Niya ang mga bagay-bagay sa ating isipan kung kailan natin kailangang-kailangan ang mga ito (tingnan sa Juan 14:26).
Ang Espiritu Santo ay nagpapanatag: Kapag may problema o nawawalan ng pag-asa, mapapasigla ng Espiritu Santo ang ating espiritu, bibigyan tayo ng pag-asa (tingnan sa Moroni 8:26), ituturo sa atin ang “mga mapayapang bagay ng kaharian” (D at T 36:2), at ipadarama sa atin “ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip” (Filipos 4:7).3
Ang Impluwensya ng Espiritu Santo
Sa unang kabanata ng Aklat ni Mormon, nalaman natin na si Lehi “ay napuspos ng Espiritu ng Panginoon” (1 Nephi 1:12). Sa huling kabanata ng Aklat ni Mormon, nangako sa atin si Moroni na ang Diyos ay “ipaaalam ang katotohanan [ng Aklat ni Mormon] sa [atin], sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4).
Mula simula hanggang katapusan ng inspiradong aklat na ito ng banal na kasulatan, aktibong nakikibahagi ang Espiritu Santo sa buhay ng mga tao ng Diyos. Ang malakas na impluwensyang ito ay naipadarama at umaantig sa lahat ng mambabasa ng Aklat ni Mormon na nananalangin, nananampalataya, at may taos-pusong pagnanais na malaman ang katotohanan (tingnan sa Moroni 10:4–5).
Paano natin makikilala ang Espiritu Santo at gagamitin ang ating karapatan bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na tumanggap ng impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay? Itinuro ni Elder Craig C. Christensen ng Panguluhan ng Pitumpu: “Lahat tayo ay nagagabayan ng Espiritu Santo, kahit hindi man natin laging natutukoy iyon. Kapag may magaganda tayong naiisip, alam nating tama iyon dahil sa espirituwal na nararamdaman ng ating puso.”4
Para mapag-ibayo ang ating kakayahang tumanggap ng impluwensya at patnubay ng Espiritu Santo sa ating buhay, tayo, gaya ni Nephi, ay kailangang magkaroon ng pagnanais na tumanggap, manampalataya sa Panginoong Jesucristo, “laging manalangin, at huwag manghina” (2 Nephi 32:9), at sundin ang mga kautusan.
Hiniling ni Pangulong Thomas S. Monson na gawin natin ang isa pang bagay: “Buksan ang inyong puso, maging ang inyong kaluluwa mismo, sa espesyal na tinig na sumasaksi sa katotohanan. … Nawa’y lagi tayong makinig, upang maaari nating mapakinggan ang nakakapanatag [at] pumapatnubay na tinig na magpapanatili sa ating ligtas.”5
Mula sa aking ama, natuto akong makinig sa praktikal na paraan—sa pag-aayos ng mga relo at orasan. Ngayon ay pinahahalagahan ko ang aral na itinuro niya sa akin. Katunayan, ipinaaalala pa rin ng Espiritu Santo ang aral na iyon sa aking puso’t isipan, at nangangako Siya na darating ang mabubuting bagay.
Ang karanasang iyon ay nakatulong sa paghahanap ko ng tahimik na mga sandali na maaari kong mapakinggan ang tinig ng Espiritu. Ang matamang pakikinig sa Espiritu Santo ay tumutulong sa akin na malaman kung tumatahak ako sa tamang landas o kailangan kong baguhin ang aking landas para makaayon ako sa mga naisin ng Ama sa Langit.