2017
Ang Bahaging para sa Atin
February 2017


Ang Bahaging para sa Atin

IKAPU AT ISANG DI-INAASAHANG PAGPAPALA

Finding money in the scriptures

Paglalarawan ni Katie Payne

Isang buwan pa lang akong miyembro ng Simbahan noong una akong nagbayad ng aking buong ikapu. Ako lang ang tanging miyembro sa aming pamilya, at ang ikapu ay mahirap sundin para sa aking pamilya. Sinikap ng aking ina na pigilan ako sa pagbabayad ng ikapu at sa halip ay nais niyang ibigay ko sa kanya ang pera.

Isang araw bago ako pumasok sa trabaho, natanto ko na walang pagkain sa refrigerator at kailangan kong bumili ng anumang makakain. Wala akong pera, kaya nakiusap ako sa aking ina na pahiramin ako ng pera para sa pananghalian. Ayaw niya at sinabi pa na wala akong pera dahil nagbayad ako ng ikapu ko.

Kinuha ko ang aking Aklat ni Mormon at sinabi sa kanya na ang aklat na ito ang magbibigay sa akin ng aking pagkain sa araw na iyon—espirituwal na pagkain. Binuksan ko ito sa harap ng aking ina at nakakita ako ng 100 pesos (sapat para makabili ng pananghalian) na nakaipit sa loob. Himala ito—hindi ako ang naglagay ng pera sa aking banal na kasulatan. May natutuhan akong malaking aral: bagama’t nasa lahat ng dako ang mga pagsubok at mga tukso, palagi akong mapagpapala kapag nagbayad ako ng buong ikapu at sumunod sa mga utos.

Montserrat L., Federal District, Mexico

Oras para sa Templo

Noong mag-12 taong gulang ako, natanggap ko ang aking unang temple recommend. Hinding-hindi ko malilimutan ang aking unang karanasan sa templo. Katangi-tangi ang kapayapaang nadama ko. Bagama’t ang aking tahanan sa katimugan ng Taiwan ay apat na oras mula sa templo, nagpasiya akong pumunta rito nang isang beses kada buwan sa aming stake temple day. Pumunta ako kahit walang makakasama sa akin.

Hindi nagtagal ay sinimulan kong anyayahan ang aking mga kaibigan sa Simbahan na sumama sa akin. Bagama’t hindi sila nagpakita ng anumang interes noong una, ngayon ay pumupunta na sila bawat buwan. Maraming tao sa aming ward ang nagsimula ring pumunta sa templo. Ngayon, gaano man kadalas nagpaplano ng temple trip ang aming ward, maraming tao ang pumupunta—mas marami pa sa nakita ng aming stake noon.

Matapos ang aking pagpapasiyang pumunta kada buwan, nagpasiya ang aking pamilya na pumaroon kada buwan. Kahit na may mga pagsusulit kami sa paaralan sa araw pagkatapos ng aming araw sa templo, regular pa ring kaming pumupunta ng pamilya ko. Pitong taon na akong madalas na pumupunta sa templo kasama ang aking pamilya. Ang templo ay bahay ng Panginoon, at alam namin ang kahalagahan ng pagpunta sa templo.

Chi-Yun Liu, Tainan, Taiwan