Mga Larawan ng Pananampalataya
Adriana González
Central Department, Paraguay
Nang magtanong ako tungkol sa matingkad na kulay asul na mesang nasa gitna ng kusina ni Adriana, nalaman ko na may panahon noon na ni wala siyang mesa. Sa pagsisikap na mapagkasya ang kinikita, dumalo siya sa isa sa mga kurso ng self-reliance ng Simbahan at nagpasiya na maaari siyang magluto at magtinda ng tinapay—kung mayroon lang sana siyang mesa. Humingi siya ng tulong sa panalangin at bumuo ng isang mesa mula sa mga tira-tirang kahoy.
Cody Bell, photographer
Isa sa mga bagay na kailangang-kailangan ko sa sandaling iyon ang mesa. Nagkasira-sira na ang dati kong mesa noon. May nagbigay sa akin ng ilang piraso ng kahoy dahil alam nila na wala akong pera, pero may ilang sisiw ako at puwede kong magamit ang kahoy para makagawa ng kulungan ng manok. Nagdasal ako para malaman ko ang gagawin. Naisip ko na dapat kong tawagan ang kaibigan kong karpintero para malaman kung ano ang magagawa namin dito. Sabi niya, “Gumawa tayo ng mesa mo.” Iyon ang kailangan ko.
Lahat ng taos-puso kong hiniling ay dininig Niya. Dininig Niya ako dahil alam Niya na mabuti iyon para sa akin. Ngayo’y dalawa na ang mesa namin. Ang mesang ito ay mahalaga sa pamilya namin. Dito kami umuupo para magkuwentuhan. Dito kami nagtatrabaho. Dito namin itinuturo sa iba ang natutuhan namin. Sa pamamagitan ng self-reliance, natutuhan kong pahalagahan ang sarili ko. Natuklasan ko ang mga talentong ibinigay ng Diyos sa akin para tulungan ako at ang pamilya ko. Sinisikap kong ipasa ang natutuhan ko sa aking mga kapatid sa Relief Society, para matulungan silang pahalagahan ang kanilang sarili bilang mga anak ng Diyos. Nagpapasalamat ako na napagpapala ko ang mga nasa paligid ko.
Maganda ang pakiramdam mo kapag natanto mo ang lahat ng naibigay sa iyo ng Diyos at makalilingon ka at magagamit mo ito para tulungan ang iba. Kailangan nating paunlarin ang lahat ng talento natin para makapagbahagi tayo sa iba.