2017
Tatlong Paraan para Makasali sa Family History
February 2017


Tatlong Paraan para Makasali sa Family History

Kapag natuklasan ninyo ang kuwento ng inyong pamilya, may matututuhan kayo tungkol sa inyong sarili.

Nang sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Natuto na kayong magpadala ng mensahe sa inyong mga cell phone at computer para pabilisin at isulong ang gawain ng Panginoon—hindi lang para mabilis na makipag-ugnayan sa inyong mga kaibigan,” kayo ang tinutukoy niya! Pagkatapos ay sinabi niyang, “Hinihikayat ko kayong mag-aral, na saliksikin ang inyong mga ninuno, at ihanda ang inyong sarili na magpabinyag sa bahay ng Panginoon para sa inyong mga namatay na kaanak” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2011, 27).

Tinanggap ng libu-libong kabataang lalaki at kabataang babae sa buong mundo ang kanyang paanyaya na hanapin ang kanilang mga ninuno at magsagawa ng proxy baptism para sa kanila. Natuklasan ng isang kabataang babae, si Kaitlen D., na kapag nagdadala siya ng pangalan ng mga kapamilya sa templo, mas nagiging makabuluhang karanasan ito.

Sinabi niya, “Noong nagsimula akong gumawa ng mga ordenansa sa templo para sa aking pamilya, natanto ko na sa gitna ng magulong mundo na tinitirhan ko, ang tanging pagkakataon na napapayapa at napapanatag ako ay sa loob ng banal na lugar na iyon. Naramdaman ko rin na mas napapalapit ako sa mga nasa kabilang panig ng tabing. Kapag isinasagawa ang mga pagbibinyag at pagkukumpirma, iniisip ko ang mga taong iyon na matagal nang naghihintay para mangyari ito. Halos hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam na ito—puno ng pagmamahal at pag-asa—na sobrang nagpapalakas sa aking patotoo.”

Maraming iba’t ibang paraan para makasali sa family history at sa gawain sa templo, kaya saan kayo magsisimula? Ibinahagi ng tatlong kabataan ang kanilang karanasan ng pag-alam tungkol sa mga kuwento ng pamilya, pagtatanong sa mga miyembro ng pamilya, at paghahanap ng mga pangalan ng pamilya at pagdadala nito sa templo.

Mabubuting Halimbawa sa Akin ang mga Ninuno Ko

Ni Kyle S., Texas, USA

Nakinig ako at ang mga magulang ko kay Elder Bednar sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2011 nang sabihin niyang ang paggawa ng family history ay magbibigay sa atin ng proteksyon laban sa kaaway. Pagkatapos noon ay nagsimula na kaming gawin ang aming family history. Patuloy akong natututo at umuunlad sa paggawa ng family history; masaya talaga ito.

Gusto kong malaman kung saan ako nanggaling at ang tungkol sa aking mga ninuno. Natututo ako mula sa kanilang karanasan at ipinamumuhay ang mga ito upang matulungan akong maging mas mabuting tao. Napakagandang ang matuklasan kung sino sila, anong ginawa nila para mabuhay, paano ang buhay noon, at gaano kahirap ito para sa kanila.

Halimbawa, natutuwa akong malaman ang tungkol sa isa sa aking mga ninuno na lumipat kasama ng kanyang pamilya mula sa Tennessee patungo sa Texas, USA noong 1870s para maging isang rantsero. Marami siyang hinarap na mga hamon sa kanyang buhay, at natutuhan ko mula sa kanya na maaaring maging mahirap ang buhay, kaya mahalaga na panindigan kung ano ang pinaniniwalaan mo.

Kapag may mga pagsubok ako sa aking buhay, pinadarama sa akin ng paggawa ng family history na palagi kong kasama ang aking mga ninuno at tutulong sa aking malagpasan ang mahihirap na pagsubok, tulad ng ipinangako sa atin ni Elder Bednar.

Photo of man on horse

Larawan ng rantsero at puntod © iStock/Thinkstock

Paano Hanapin ang mga Kuwento ng Inyong Pamilya

Mangolekta ng mga kuwento tungkol sa kung ano ang gustong gawin ng mga ninuno ninyo. Tulungang gawing mas makabuluhan ang inyong mga ninuno at alamin ang pagkakapareho ninyo sa kanila. Anong isports ang nilaro nila? Anong mga pagkain ang kinain nila? Ano ang itsura ng paaralan nila?

Makipag-usap sa inyong mga magulang at mga lolo’t lola tungkol sa mga kuwento sa kanilang buhay. Magagamit ninyo ang buklet na My Family ng Simbahan para magsimula sa pangangalap at pagbabahagi ng mga kuwento ng inyong pamilya. Sa FamilySearch.org, makapagdaragdag kayo ng mga retrato, kuwento, pinagmulan ng impormasyon, audio recording, at dokumento na makatutulong sa iba sa inyong pamilya na makilala ang inyong mga ninuno. Bisitahin ang FamilySearch.org at i-click ang “Memories” para makapagsimula.

Pagtatala sa mga Kuwento ng Aking Lolo’t Lola

Ni Matias M., Utah, USA

Nakatira sa Uruguay ang aking lolo’t lola. Nang bumisita sa aming pamilya ang magulang ng aking inay, sinamantala ko ang pagkakataon na makausap at matanong sila at malaman ang kuwento nila kung paano sila naging mga miyembro ng Simbahan. Hindi ko pa narinig ang kuwento nila noon, kaya ang pakikinig sa kuwento ng aking lolo’t lola ay tunay na katangi-tanging karanasan.

Nagtala ako habang kausap ko sila, at ini-record ang mga ito gamit ang aking phone para mapakinggan ko kahit kailan ko naising pakinggan ito muli. In-upload ko ang audio file sa FamilySearch para makinabang din ang iba sa pakikinig sa kanilang kuwento, ngayon at sa hinaharap.

Pagkatapos ng ilang buwan ay nagawa kong mag-record at mag-upload ng isang panayam sa mga magulang ng aking itay. Sobrang marami akong natutuhan na hindi ko alam noon, at mas marami silang sinabi sa akin tungkol sa kanilang buhay kaysa sa inaasahan ko.

Sobrang mahalaga na narinig ko na sinabi ng sariling mga lolo’t lola ko ang kanilang kuwento at makinig sa mga payo nila sa akin. Alam ko na ang pag-uukol ng kahit ilang minuto lang para magawa ang mga panayam na ito ay makatutulong sa akin na “hikayatin ang [aking] mga anak … na maniwala kay Cristo” (2 Nephi 25:23) tulad ng ginawa ng propetang si Nephi sa Aklat ni Mormon para sa kanyang mga inapo. Alam ko na kapag narinig ng aking mga anak ang patotoo ng aking mga lolo’t lola, mapalalakas din ang kanilang mga patotoo.

Photo of young women

Paano Kakausapin at Iinterbyuhin ang mga Miyembro ng Pamilya

Para sa isang ward o branch activity, maaari ninyong interbyuhin at ng iba pang mga kabataan ang mas matatandang miyembro ng pamilya. Mag-isip ng isa o dalawang tanong na nais ninyong itanong sa inyong mga magulang o mga lolo’t lola o sa iba pang kamag-anak. Pagkatapos ay bisitahin sila, magtanong tungkol sa kanilang buhay, at i-film o i-record ito sa inyong phone. Kapag tapos na kayo, maia-upload ninyo ito sa memories section ng FamilySearch.org.

Ang Aking Mithiin: Magdala ng 10 Pangalan ng mga Kapamilya sa Templo

Ni Rajane S., Jamaica

Palagian akong namamangha sa genealogy work, kaya noong hikayatin ng aming Area Presidency ang mga kabataan na maghanap ng 10 pangalan ng mga ninuno para magsagawa ng binyag at kumpirmasyon para sa kanila sa templo, napakasaya ko.

Sinimulan ko ang aking pananaliksik nang walang tumutulong sa akin, ngunit walang nangyari dito. Mayroon akong tatlong pangalan na walang anumang impormasyon, at sa puntong iyon ay nadama ko na wala akong nagawa sa espirituwal o pisikal man. Nagpasiya akong humingi ng tulong sa aking inay. Iminungkahi niyang tawagan ko ang kanyang nanay. Nang tawagan ko ang aking lola, masaya siya at handang tumulong. Pinayagan pa niya ako na maging proxy ng mga pangalang pinag-usapan namin. Sobra ang aking kagalakan at pasasalamat.

Papalapit na ang temple trip, at wala pa akong pangalan mula sa pamilya ng itay ko. Ilang oras bago ako umalis ng bahay, nagkaimpresyon ako na pumunta sa sementeryo at sabihin sa aking ama na tawagan ang kanyang tiya na pumunta. Pumunta kami sa sementeryo, at habang minamasdan ko ang aking ama at lola sa paglalakad sa palibot ng sementeryo, nahikayat akong puntahan ang ilan sa mga puntod ng aking mga ninuno. Nadama ko ang kanilang kagustuhang maging bahagi ng ebanghelyo. Sa tulong ng Espiritu Santo at ng aking mga kapamilya, naabot ko ang aking mithiin. Mayroon akong 16 na pangalan ng mga ninuno na handa na sa templo!

Nang pumunta ako sa templo, nadama ko ang sigla at pananabik ng aking mga ninuno na handa na at naghihintay. Noong pagbibinyag at pagkukumpirma, nadama ko ang kanilang mga kaluluwa na puspos ng kagalakan at kapayapaan. Napakasaya ko, at nais ko lang gawin ay pasalamatan sila sa pagbibigay sa akin ng pagkakataon na maging bahagi ng isang bagay na napaka-espesyal.

Photo of headstones

Larawan ng rantsero at puntod © iStock/Thinkstock

Paano Hanapin ang Pangalan ng mga Kapamilya Mo para sa Templo

Subukan ang Descendancy view sa FamilySearch.org para matulungan kang maghanap ng mga ninuno na kailangan nang magawan ng kanilang mga ordenansa sa templo. Pagkatapos ay tanggapin ang hamon ng templo sa mga kabataan: tingnan sa pahina 54 ng isyu na ito.