Hi! Ako si Rentalyn. Nakatira ako sa isla ng Weno sa Karagatang Pasipiko. Isa ito sa maraming isla sa Chuuk Lagoon. Ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa aking mga kaibigan sa pamamagitan ng pagsayaw at pagkanta kasama sila at pag-anyaya sa kanila sa simbahan.
Ako at ang mga kaibigan ko ay mahilig kumanta nang magkakasama. Ang aking mga paboritong awit ay “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan,” “Ako ay Anak ng Diyos,” at “Templo’y Ibig Makita.” Mahal ko ang aking pamilya, at gusto kong pumunta sa templo para mabuklod sa kanila.
Inaanyayahan ko sa simbahan ang aking mga kaibigang sina Demina at Sina, at minsan ay sumasama sila sa akin. Umaasa ako na mabibinyagan sila balang-araw.
Ako at ang mga kaibigan ko ay nag-aaral ng ballet mula kay Sister Hardy, isa sa mga missionary. Nagpapraktis kami ng isang ballet tungkol sa isang batang babae na nagngangalang Lily na naligaw sa isang isla at kailangan ang kanyang mga kaibigan para maituro ang landas.
Mahal ko ang mga pinsan ko! Naglalakbay ako gamit ang isang bangka para mabisita sila sa isla ng Romanum. Ang tiyo ko at ang aking mga pinsan ang nagpapaandar ng bangka. Inihahatid din nila ang mga missionary papunta sa iba-ibang isla.