Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo
Ang Tunay na Himala ng Pagpapagaling
Ang awtor ay naninirahan sa Wyoming, USA.
Nang maaksidente ako, nalaman ko na walang lunas ang pisikal na pagkaparalisa—ngunit dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, may lunas ang espirituwal na pagkaparalisa.
Ang taong 2000 ay puno ng mahahalagang pangyayari para sa amin ng aking pamilya. Ipinagdiwang naming mag-asawa ang aming unang anibersaryo. Isinilang ang aming unang anak. Iyon din ang taon na naging paralisado ako, limang linggo lamang matapos isilang ang aming anak.
Noong tag-init na iyon tinulungan ko ang isang matandang babae sa aming ward, pumupunta ako sa kanyang tahanan ilang kanto mula sa apartment namin nang nagbibisikleta para tabasan ang kanyang damuhan, pero isang umaga ay pagod na pagod ako at hindi alerto na tulad ng nararapat—at aksidenteng nabundol ako ng isang kotse. Bagama’t himalang nakaligtas ako, sa kasamaang-palad ay nagtamo ako ng pinsala. Isang linggo matapos ang aksidente, nagising ako sa katotohanan na paralisado ako, at hindi ko maigalaw ang mga kalamnan ko mula sa ilalim ng dibdib pababa.
Ang pagkaparalisa ay isang permanenteng kapansanan. Kahit malaki ang iniunlad ngayon ng makabagong siyensya at medisina, hindi ito mapapagaling. At natural natakot ako noong una, nag-aalala kung paano ko magagampanan ang aking mga tungkulin bilang asawa at ama. Ang takot kalaunan ay nahalinhan ng galit sa sarili dahil sa aking kahangalan—sa hindi pagtigil sa interseksyon na iyon at hindi pagsusuot ng helmet.
Pakiramdam ko isa akong pasanin. Inabot ako ng maraming buwan sa rehabilitation hospital para matuto akong mamuhay nang may kapansanan at makakilos ulit nang mag-isa. Kasabay nito, nakatulong ang pagiging paralisado ko para mas maunawaan ko ang mga banal na kasulatan at Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas.
May pumasok sa isipan ko habang pinagbubulayan ko ang mga himalang ginawa ni Cristo. Sa Marcos 2, pinatawad ni Jesus ang isang paralitiko sa kanyang mga kasalanan at pagkatapos ay pinagaling ito. Nang pagdudahan ng mga eskriba ang kapatawarang ipinagkaloob Niya, sinabi ni Jesus, “Alin baga ang lalong magaang sabihin sa lumpo, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?” (talata 9).
Maraming beses ko nang nabasa ang talatang ito, pero hindi ko ito naunawaan kailanman hanggang sa maaksidente ako. Sa pagbabasa ng kabanata, maaalala natin na tunay na mahimala ang pagpapagaling na iyon. Ngayon, kahit pagkaraan ng 2,000 taon at maraming pag-unlad sa medisina, hindi pa rin gagaling nang mag-isa ang tao, at tanggap ko ang katotohanang ito araw-araw. Maraming nag-iisip na ito ang aral sa talatang ito—na si Cristo ay may kapangyarihang lunasan maging ang walang lunas. Ngunit may iba pang aral sa talatang ito, lalo na kapag ang pagtutuunan natin ay ang espirituwal na himala sa halip na ang pisikal na himala.
Tulad ng imposible sa isang taong may pisikal na pagkaparalisa na “tumindig” at “lumakad,” imposible ring daiging mag-isa ng isang tao ang espirituwal na pagkaparalisa na sanhi ng pagkakasala. Natutuhan ko na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang tunay na himala sa talatang ito. Maaaring hindi ko maranasan kailanman ang himala na pisikal na tumindig at muling lumakad sa buhay kong ito, ngunit natanggap ko ang mas malaking himala ng kapatawaran ng aking mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng aking Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang katunayan ng himalang ito ay pinagtibay sa mga talata 10 at 11:
“Datapuwa’t upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan, (sinabi niya sa lumpo,)
“Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”
Ang mapagaling sa mga epekto ng kasalanan ang pinakadakilang himalang natatanggap nating lahat sa ating buhay, dahil lamang kay Jesucristo. Sa pagbabayad-sala para sa ating mga kasalanan, dinala ni Cristo ang ating mga karamdaman at kasalanan sa Kanyang sarili. Alam Niya ang pinagdaraanan natin sa buhay. Nauunawaan Niya ang mga kapansanan, kahinaan, at pagsubok ng bawat isa sa atin, gaano man ito kalaki o kaliit. Wala nang ibang tao sa mundo na makapagpapagaling sa espirituwal na pagkaparalisang dulot ng kasalanan.
Nagpapasalamat ako sa kabatirang ipinagkaloob sa akin. Nagbigay ito ng pananaw na kailangan ko habang namumuhay akong may kapansanan at nagsisikap na gamitin ito para matulungan akong matuto at mas bumuti. Nagawa kong huwag nang maawa sa sarili ko at gawin ang mga bagay na gustung-gusto ko bago ako naaksidente, at masaya akong makapaglingkod sa kabila ng aking kalagayan. Maaaring may mga taong nahihirapang magpasalamat kapag may kapansanan sila, ngunit patuloy tayong binibiyayaan ng Diyos—maging sa panahong ito. Nagpapasalamat ako sa aking Tagapagligtas, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa kamangha-manghang himalang ito sa buhay ko.