Pighati at Pag-asa: Kapag May Problema sa Pornograpiya ang Asawa
Pitong paraan para hindi lamang makayanan ng asawa ng isang taong may problema sa pornograpiya ang pighati kundi makita rin ang pag-asang hatid nito.
Piniling gawin ni Amy ang mga bagay na hinahangad ng bawat magulang para sa isang anak na lalaki o babae. Ibinuklod siya sa templo matapos tumanggap ng malakas na espirituwal na impresyon na pakasal sa kanyang asawa.
Bago sila ikinasal, lakas-loob ding nagdesisyon ang kanyang mapapangasawa, at nagtapat sa kanya na nagkaroon ito ng problema noon sa pornograpiya.
Mabilis na lumipas ang isang taon, at natanto ni Amy na lulong pa rin ito sa pornograpiya. Nang tatlong taon na silang nagsasama—noong walong buwan na ang anak nila—nasaktan nang husto si Amy sa pagtataksil ng kanyang asawa at sa pagkatiwalag nito sa simbahan kalaunan.
Paano nakayanan ni Amy ang pighati? Paano nakakayanan ng maraming iba pang kababaihan at kalalakihan ang pighating dulot nito?
Natuklasan ng maraming mag-asawa at iba pang mga kapamilya ng mga taong may problema sa pornograpiya ang nakakatulong at may-hatid na pag-asang mga pag-uugali na karaniwang nararanasan nila at ng iba. At lakas-loob nilang ibinahagi ang kanilang naranasan.
Tinukoy sa Church website OvercomingPornography.org ang pito sa mga karaniwang pag-uugaling ito na “mahahalagang pag-uugali.” Ang mga pag-uugaling ito—na depende sa indibiduwal at sa kanyang sitwasyon—ay napatunayan, para sa marami, na mahalaga sa emosyonal, mental, at espirituwal na pagpapagaling.
Mahalagang Pag-uugali 1: Lunasan ang Trauma ng Pagtataksil
Alamin at harapin ang trauma, paninisi sa sarili, at iba pang mga reaksyon ng isang tao kapag natuklasan niya na may problema sa pornograpiya ang kanyang asawa.
Nang malaman ni Eva na lulong sa pornograpiya ang kanyang asawa, nakadama siya ng “matinding sakit, galit, pighati, depresyon, at pag-iisip palagi tungkol dito.” Ang pag-iisip palagi ay karaniwan talagang nadarama ng isang taong na-trauma sa pagtataksil ng asawa dahil sa problema nito ukol sa pornograpiya, at karaniwan din na madama ni Eva ang mga damdaming iyon. Nagsimula siyang mag-isip palagi tungkol sa kanyang asawa at sa mga ginagawa nito. Nasaan siya? Sino ang kausap niya? Ano ang ginagawa niya? Adiksyon sa pornograpiya at seks ang naging sentro ng buhay nito, at gustung-gusto niyang ayusin ito, sa paniniwala na kung makokontrol niya ang problema nito, magiging masaya sila.
Nang malaman ni Jamie na may problema sa pornograpiya ang kanyang asawa, tumugon siya nang may malinaw na hangaring kontrolin ang kaya niyang kontrolin. Naisip niya na maiaayos niya ang buhay ng asawa niyang si Jon, para hindi ito maghangad ng dagliang kasiyahan sa pornograpiya, samakatwid, wala na itong ibang mapipili kundi kabutihan. Sumulat siya ng listahan ng mga gagawin araw-araw para sa kanya: anong magagawa niya para maging masaya at anong mga gawain ang kailangan niyang tapusin.
Sumapit ang isang mahalagang sandali sa buhay ni Jamie nang mainspirasyunan ang bishop niya na bigyang-diin na, “Jamie, hindi mo kasalanan iyan. Wala kang ginagawa para siya tumingin sa pornograpiya. Siya ang nagpapasiya.” At dahil hindi siya ang dahilan para tumingin ito sa pornograpiya, maaaring hindi rin siya ang maging dahilan para tumigil ito. Sa kanyang isipan, alam na niya ang sinabi sa kanya ng bishop, at sinabi ni Jamie na matapos magpaalala ang bishop, “tumigil na ako sa paglilista. Tumigil na ako sa pagsisikap na kontrolin ang pag-uugali niya at pilitin siyang magpakabuti—at nagtuon ako sa aking sarili.” Dahil dito, tinulutan ni Jamie ang kanyang sarili na madama ang sakit at pagalingin ang kanyang sarili.
Nang matanto ito ni Jamie, nahirapan si Jon at madalas itong bumalik sa pag-uukol ng oras sa pornograpiya, ngunit siya ang nanagot sa sarili niyang mga gawa. At nang sikapin ng bawat isa na pagalingin ang kanilang sarili, nalaman nina Jon at Jamie na mas gagaling sila nang mag-isa at bilang mag-asawa.
Mahalagang Pag-uugali 2: Mag-ingat sa Pagbabahagi
Paghahanap ng pag-unawa, suporta, at pagpapatibay sa pamamagitan ng angkop na pagbabahagi.
Dumating ang isa pang mahalagang pangyayari kina Jamie at Jon nang kailangang basbasan ang isa sa kanilang mga anak. Tinawag nila ang kanilang home teacher, na lakas-loob na nagpaliwanag na naghahanap siya ng tulong para malunasan ang sarili niyang mga problema ukol sa pornograpiya. Nagprisinta itong maghanap ng ibang taong magbabasbas. Ang katapatang iyon ay nakabawas sa kahihiyang nadama nina Jon at Jamie tungkol sa sarili nilang sitwasyon, at sa huli ay nadama ni Jon na puwede niyang talakayin ang kanyang adiksyon sa ibang tao bukod kay Jamie.
Nang magprisinta ang asawa ng home teacher nila na kausapin si Jamie, hindi ito naunawaan ni Jamie dahil hindi naman maaayos si Jon kahit ano pa ang sabihin niya—at sa puntong iyon, ang mithiin niya ay ayusin ang buhay ng asawa. Subalit matapos silang mag-usap ng asawa ng home teacher, gumaan ang pakiramdam ni Jamie. Wala namang nagbago. Nahirapan pa rin si Jon, pero natuwa si Jamie na alam ng iba ang pinagdaraanan niya at hindi gumuho ang mundo niya.
Mahalagang Pag-uugali 3: Muling Palakasin ang Pagtitiwala sa Diyos
Pagdama at pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo at muling pagtitiwala sa Diyos.
Nang harapin ni Amy ang pagkatiwalag ng kanyang asawa, alam niya na masasagot ng Tagapagligtas ang mabigat na pasaning nadama niya. Gayunman, sinabi niya na hindi niya alam kung paano “iuugnay ang sarili ko sa kapangyarihang magpagaling ni Jesucristo.” Nag-isip siya, paano kaya niya magagawa—o mabubuo—ang ugnayang iyon?
Noong una sinikap niyang mabawasan ang sakit na nadarama niya sa masigasig na pagmamasid sa kanyang asawa at pagsamo sa Panginoon na pagalingin ito. Ngunit isang araw ay binago ng isang espirituwal na pahiwatig ang lahat: natanto ni Amy na ang pagkontrol sa pag-uugali ng iba ay hindi bahagi ng plano ng Ama sa Langit at hindi nakakatulong sa kanya na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Kaya, sinabi niya na ang pinakamalaking bagay na kinailangan niyang gawin ay simulang pagalingin ang kanyang sarili—at hayaang pagalingin ng kanyang asawa ang kanyang sarili. Naunawaan niya, sa tulong ng inspirasyon ng Espiritu, na kailangan niyang itigil ang buhay niya bilang reaksyon sa pornograpiya at magtiwala sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala upang palakasin at pagpalain siya.
Sa paggunita niya, sinabi ni Amy na hindi siya kailanman nakadama ng kapayapaan sa pag-usisa o pag-alam ng mga ginagawa ng kanyang asawa. Ang buhay ay “napuno ng pagkabalisa,” wika niya. “At nagkaroon lang ako ng kapayapaan nang maunawaan ko na ang Ama sa Langit ay may plano” para sa kanyang asawa at sa kanya. Nang gamitin niya ang sarili niyang kalayaang bumaling sa Diyos at hingin ang tulong Niya, “dumating ang tulong” at napalapit siya sa Tagapagligtas at gumaan ang kanyang pasanin.
Mahalagang Pag-uugali 4: Humingi ng Tulong
Paghahanap ng paraan para gumaling sa pamamagitan ng resources na tulad ng literatura, isang kwalipikadong therapist, isang tagapayo, o isang subok nang programa sa pagpapagaling.
Pagkaraan ng 25 taon ng pagsasama nila bilang mag-asawa, nalaman ni Gina na may problema sa pornograpiya at nagtataksil ang kanyang asawa. Na-trauma si Gina at tinawagan ang bishop niya. Pinakinggan siya ng kanyang bishop nang may lubos na pag-unawa at hinayaan siyang umiyak kapag napapaiyak siya—isang pagpapalang pinasasalamatan niya na hindi nagkaroon ang lahat ng asawa na nasa ganito ring sitwasyon.
Naalala ni Gina na sa isa sa mga nauna nilang pag-uusap na “pinayuhan ako [ng bishop] na humingi kaagad ng payo, hindi para sa aming mag-asawa o para sa asawa ko, kundi para magkaroon ako ng matibay na suporta na maharap ang mahihirap na sitwasyong darating. Gusto niyang madama ko na may nagmamalasakit sa akin, at alam niya na wala pa siyang impormasyon sa anumang maaaring kailangan. Nakita niya ang aking kalungkutan at pagkabalisa at pinayuhan ako na humingi ng anumang tulong-medikal sa doktor ko na maaaring kailangan ko.”
Sa sumunod na ilang taon, regular na dumalo si Gina sa mga support group at counseling at humingi ng suporta ng pamilya—kung minsa’y hinihilingan niya sila na ipagdasal siya sa mga araw na hirap na hirap siya. Nalaman niya at sinabi niya na “hinding-hindi ako iiwan ng Ama sa Langit sa kapighatianag ito.”
Mahalagang Pag-uugali 5: Maging Tapat at Totoo
Pagkikipag-usap nang regular sa mga mahal sa buhay tungkol sa personal na pagpapagaling at paggawa nito nang hayagan at tuwiran at matapat na paraan.
Nagpasiya si Melissa na subukang muli na isalba ang pagsasama nilang mag-asawa, na tila nagkakalayo na ang damdamin nila sa isa’t isa. Noon ipinagtapat sa kanya ng kanyang asawang si Cameron ang problema nito sa pornograpiya. Sa pamimilit niya, pumayag itong sabihin sa bishop, at kalaunan ay pareho nilang kinausap ang kanilang mga magulang. At, ayon sa paliwanag niya, “inabot ng dalawang taon para maunawaan niya na hindi lamang pagsasabi sa ilang tao at pagdarasal ang pagsisisi.” Kailangan niyang malaman na hindi sapat ang hindi tumingin sa pornograpiya. Para tunay na gumaling, kailangan niyang bumaling sa Diyos at makahanap ng mabubuting paraan para makayanan ang stress, takot, kahihiyan, at pag-aalala na nag-udyok sa pagnanasa niyang tumingin sa pornograpiya.
Matapos bumalik sa adiksyon, pumayag si Cameron na dumalo sa isang addiction recovery program at, sa paglipas ng panahon, naunawaan niya na hindi sumusuko ang Tagapagligtas kapag nakagawa tayo ng pagkakamali.
Sa pagdalo rin sa isang 12-hakbang na programa, nadama ni Melissa na may makakatulong na para makasulong ang kanyang pamilya. Naalala niya kung gaano kahirap ang mga pulong tungkol sa 12-hakbang na programang ito sa simula, ngunit nahikayat ng isang facilitator si Melissa na nagsabing “subukan mo kami sa loob ng 90 araw. Kung ayaw mo sa amin, ibabalik namin ang paghihirap mo.” Kalaunan ay natanto ni Melissa na tulad noong makadama siya ng pag-asa sa mga kuwento ng iba, baka matulungan niya ang iba na makadama ng pag-asa sa pagkukuwento ng kanyang mga karanasan.
Dati’y naniniwala si Melissa na kung hindi niya hihiwalayan ang kanyang asawa, magkukunwari lang siyang masaya. Nagbago ang kanyang pananaw nang matanto niya na nakakita ang Tagapagligtas ng potensyal sa kanya, kay Cameron, at sa lahat ng anak ng Ama sa Langit. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay—ang Ilaw at Buhay ng Sanlibutan—para iligtas at bigyan tayo ng isa pang pagkakataon. Dahil sa Tagapagligtas, ayon kay Melissa, nakakangiti na siya ngayon na nagpapakita na talagang masaya siya sa buhay niya.
Mahalagang Pag-uugali 6: Magtakda ng mga Hangganan
Pagtatakda ng mga angkop na hangganan sa taong may problema sa pornograpiya at pagtatatag ng isang istruktura para makakilos at gumaling.
Kalaunan matapos nilang simulang daigin ang adiksyon sa pornograpiya, natuklasan nina Jon at Jamie kung gaano nakatulong ang pagtatakda ng mga hangganan, at ginagawa pa rin nila ito ngayon—kahit matagal na siyang tumigil sa panonood ng pornograpiya—dahil sa kapayapaan ng isipan dulot ng mga itinakdang hangganan. Sabi ni Jamie, sa kanyang pinakamahinang sandali, ang pagtatakda ng mga hangganan ay “nagprotekta sa damdamin ko.”
Napagkasunduan nila ni Jon na may mga tamang panahon at paraan para talakayin ang mga isyu tungkol sa pagbalik sa adiksyon. Napagkasunduan nila na huwag “mag-away sa text,” kundi mag-usap sila nang harapan. Napagkasunduan din nila na kung nauuwi sa pagtatalo ang talakayan, titigil sila at mag-uusap na lang kalaunan.
Marami sa mga hangganang napagkasunduan nina Jon at Jamie ang nauugnay sa kung paano sila mag-uusap, ngunit ang ilan sa iba pa nilang mga hangganan ay sa pagtukoy ng sanhi at ng magiging epekto nito at napagkasunduan nila na may ilang gawaing magbubunga ng ilang bagay. Iyan, sabi ni Jamie, ang nagpapadama sa kanilang dalawa na hindi ganoon kagulo ang buhay.
Mahalagang Pag-uugali 7: Pangalagaan ang Sarili
Paggawa ng pang-araw-araw na mga gawain na nagpapagaling at nangangalaga sa isipan, katawan, at espiritu.
Naalala ni Gina na pagkatapos niyang makausap ang bishop niya sa unang pagkakataon, pinayuhan siya nito na gawin ang ilang bagay na parang iyon ang mabuting solusyon. “Mahinahon niya akong hinikayat,” pag-alaala niya, “na magpunta sa templo, basahin ang aking mga banal na kasulatan, at patuloy na manalangin.”
Sa mahihirap na taon na sumunod, natuklasan ni Gina na ang “mabubuting solusyon” na iyon ang paraan niya ng pangangalaga sa kanyang sarili. Ang mga banal na kasulatan ang naging kanlungan niya. “Binabasa ko ang isang talata, isinusulat ko ito, at sinisikap kong isiping mabuti ang kahalagahan nito sa sitwasyon ko, at saka ko isinusulat ang mga ideyang iyon,” paliwanag niya. “Alam ko, nang higit kaysa noon, na kailangan kong marinig ang salita ng Panginoon at gawin itong mas makabuluhan sa akin. Hindi ko gaanong maunawaan ang ibang bagay sa mundo ko, ngunit habang binabasa ko ang mga banal na kasulatan, naunawaan ko ang ilang bagay—sa paisa-isang talata.”
Gayundin, nagkaroon ng bagong kahulugan ang panalangin at pagdalo sa templo. “Matapos kong ibuhos ang nilalaman ng puso ko,” pag-alaala ni Gina, “sinasabi ko, ‘Ama sa Langit, Kayo naman ngayon.’” At tahimik siyang maghihintay at makikinig. “Kahit sa pinakamadilim na sandali,” paliwanag niya, natanto niya na ang kanyang “espiritu ay lumalakas.”
Pamumuhay nang May Pag-asa
Hindi magkakapareho ang nararanasang pagpapagaling ng mga tao, at bawat isa ay isang proseso—hindi isang destinasyon. Gayunman, karaniwan na sa maraming kuwento ang pagkaunawa na anumang problema sa pornograpiya ay hindi OK o normal. Dahil dito, kapag madalas gumamit o makisangkot dito ang isang tao, sasama ang loob ng kanyang kabiyak, magkakaroon ito ng trauma dahil sa kanyang pagtataksil, hindi nito matatanggap ang nangyayari, madarama nito ang kahihiyan, at pagdududahan nito ang kanyang sariling kahalagahan. Ang problema sa pornograpiya ay sumisira sa ugnayan, tiwala, at komunikasyon na mahalaga sa isang magandang relasyon—kaya mahalaga sa isang kabiyak na maghanap ng pag-asa at paggaling.
Karaniwan din ang nakapapanatag na pagtuklas na sa mapait na karanasang ito, hindi matitikman ng mag-asawa ang tamis ng kanilang pagsasama sa pagtatapos ng kanilang mga pagsubok kundi sa pagbaling nang may pag-asa kay Jesucristo sa gitna nito.
Ngayon, si Gina ay diborsyada na at nakatuon sa paggaling niya at ng kanyang mga anak, at madalas siyang tumulong sa kababaihang nasa gayon ding kalagayan na makahanap ng pag-asa. Sina Melissa at Cameron ay nanatiling magkasama at nagsisikap na patuloy na gumaling. Gayon din sina Jamie at Jon, na aktibong tumutulong sa iba pang mga mag-asawa na mahanap ang paggaling na natagpuan nila sa pamamagitan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Si Eva ay diborsyada na at regular na dumadalo sa 12-hakbang na mga miting na ito, kung saan nakasusumpong siya ng kaligtasan at pagpapatibay habang nagsisikap siyang gumaling. Naunawaan na niya na bagama’t minsan niyang itinuon ang kanyang buhay sa adiksyon ng kanyang asawa, dumarating ang paggaling kapag ang Tagapagligtas ang ginawa niyang sentro ng kanyang buhay at mga pagsisikap.
Si Amy at ang kanyang asawa ay nagsasama pa rin—bagama’t pabalik-balik ang adiksyon ng lalaki sa pornograpiya. Gayunman, pinatotohanan ni Amy na dumarating ang kapayapaan kapag nanonood siya ng pangkalahatang kumperensya na nag-iisip na, “Paano mawawala ang sakit na nararamdaman ko?” at hindi, “Sana marinig ito ng asawa ko.” Alam niya na ang kapangyarihang magpagaling ni Jesucristo at ang kanyang pananampalataya sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ay nagbibigay ng pag-asa—hindi lamang sa kanyang asawa kundi maging sa kanya.
Ang isang sister na naapektuhan ng pornograpiya ay maaaring nagsalita para sa lahat nang sabihin niyang, “Ayaw ng Tagapagligtas na mas mahirap pa tayo; nais Niya tayong bumaling sa Kanya nang mas maaga.” Ang pitong mahalagang pag-uugaling ito ay tumutulong sa kababaihan at kalalakihan sa mga pagsisikap nilang gawin iyan.