2017
Pagdarasal para sa Kapayapaan
February 2017


Mga Kabataan

Pagdarasal para sa Kapayapaan

Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.

Madalas dumalo ang mga magulang ko sa mga pulong pagkatapos ng simba, at binabantayan ko ang tatlong nakababatang kapatid kong lalaki at tinutulungan ko silang magluto ng pananghalian—bagama’t kadalasan ay naiinis at gutom sila. Karaniwan kung nagsisimula na silang mag-away, agad kong nalulutas ang maliit na problema. Ngunit kung minsan ay mahirap silang awatin at pagbatiin kapag nagsimula na ang away dahil nagagalit ako.

Isang hapon, talagang hindi magkasundo ang mga kapatid ko. Nalaman ko na ang mga pagsisikap kong awatin at pagbatiin sila ay lalo pang nagpalala sa sitwasyon dahil nainis ako. Kaya nagluto na lang ako ng sarili kong pananghalian at nanahimik. Sa huli, sinabi ko sa kanila, “Magdarasal ako. Puwede ba tayong tumahimik sandali?” Nang tumahimik na sila, nanalangin ako na basbasan ang pagkain. Bago ko tinapos ang pagdarasal, idinagdag ko, “At tulungan po ninyo kaming maging mga tagapamayapa.”

Noong una, tila hindi nila ako narinig at nag-away sila ulit. Nainis ako pero alam ko na kailangan kong maging mapagmahal at kalmado hangga’t kaya ko dahil kadarasal ko pa lang na bigyan kami ng kapayapaan. Pagkaraan ng ilang sandali, nakadama ako ng lubos na kapanatagan. Kumain ako nang walang imik, at sa huli ay tumigil ang mga bata sa pag-aaway. Natanto ko na ang kapayapaang nadama ko ang sagot sa isang simpleng panalangin. Ipinagdasal ko na maging tagapamayapa ako, at tinulungan ako ng Ama sa Langit na manatiling kalmado kahit gusto ko nang sumigaw. Alam ko na talagang mabibigyan Niya tayo ng kapayapaan.