Pag-aaral ng Doktrina
Pananampalataya kay Jesucristo
Itinuro ni Apostol Pablo na “ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita” (Mga Hebreo 11:1). Ang pananampalataya ay alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. Sa tuwing nagsisikap tayo na maabot ang isang matwid na mithiin, nagpapakita tayo ng pananampalataya. Ipinapakita natin ang ating pag-asa para sa isang bagay na hindi pa natin nakikita.
Buod
Itinuro ni Apostol Pablo na “ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita” (Mga Hebreo 11:1). Katulad nito ang ipinahayag ni Alma: “Kung ikaw ay may pananampalataya, umaasa ka sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo” (Alma 32:21). Ang pananampalataya ay alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. Sa tuwing nagsisikap tayo na maabot ang isang matwid na mithiin, nagpapakita tayo ng pananampalataya. Ipinapakita natin ang ating pag-asa para sa isang bagay na hindi pa natin nakikita.
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo
Upang humantong ang pananampalataya sa kaligtasan, dapat itong nakasentro sa Panginoong Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 4:10–12; Mosias 3:17; Moroni 7:24–26; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4). Magagawa nating manampalataya kay Cristo kapag nakatitiyak tayo na Siya ay buhay, may wastong ideya tungkol sa Kanyang katauhan, at batid na nagsisikap tayong mamuhay ayon sa Kanyang kalooban.
Ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay lubos na pag-asa sa Kanya—pagtitiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, katalinuhan, at pagmamahal. Kasama rito ang paniniwala sa Kanyang mga turo. Ibig sabihin nito ay pananalig na kahit hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ang mga iyon. Dahil naranasan Niya ang lahat ng ating pasakit, paghihirap, at sakit, alam Niya kung paano tayo tutulungan na makayanan ang ating mga problema sa araw-araw (tingnan sa Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 122:8). “Dinaig [Niya] ang sanglibutan” (Juan 16:33) at naghanda ng daan upang matanggap natin ang buhay na walang hanggan. Palagi Siyang handang tumulong sa atin kapag inaalala natin ang Kanyang tagubilin: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; Huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 6:36).
Mamuhay nang may Pananampalataya
Ang pananampalataya ay hindi lamang pananalig na walang ginagawa. Ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa gawa—sa paraan ng ating pamumuhay.
Nangako ang Tagapagligtas, “Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin” (Moroni 7:33). Ang pananampalataya kay Jesucristo ay makahihikayat sa atin na tularan ang Kanyang perpektong halimbawa (tingnan sa Juan 14:12). Mahihikayat tayo ng ating pananampalataya na gumawa ng mabuti, sundin ang mga kautusan, at pagsisihan ang ating mga kasalanan (tingnan sa Santiago 2:18; 1 Nephi 3:7; Alma 34:17). Matutulungan tayo ng ating pananampalataya na mapaglabanan ang tukso. Ipinayo ni Alma sa kanyang anak na si Helaman, “Turuan silang paglabanan ang bawat tukso ng diyablo sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo” (Alma 37:33).
Gagawa ang Panginoon ng mga makapangyarihang himala sa ating buhay ayon sa ating pananampalataya (tingnan sa 2 Nephi 26:13). Ang pananampalataya kay Jesucristo ay tumutulong sa atin na matanggap ang espirituwal at pisikal na paggaling sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa 3 Nephi 9:13–14). Kapag dumating ang panahon ng pagsubok, ang pananampalataya ay makapagbibigay sa atin ng lakas na magpatuloy at harapin ang ating mga paghihirap nang may tapang. Kahit tila di tiyak ang hinaharap, ang pananampalataya natin sa Tagapagligtas ay makapagbibigay sa atin ng kapayapaan (tingnan sa Roma 5:1; Helaman 5:47).
Pagpapalago ng Ating Pananampalataya
Ang pananampalataya ay kaloob mula sa Diyos, ngunit kailangan nating alagaan ang ating pananampalataya upang mapanatili itong malakas. Ang pananampalataya ay tulad ng kalamnan. Kung may ehersisyo, lalakas ito. Kung hindi ito gagamitin, manghihina ito.
Mapangangalagaan natin ang kaloob na pananampalataya sa pamamagitan ng pagdarasal sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo. Kapag nagpapasalamat tayo sa ating Ama at kapag humihingi tayo sa Kanya ng mga pagpapala na kailangan natin at ng ating kapwa, mapapalapit tayo sa Kanya. Mapapalapit tayo sa Tagapagligtas, dahil ang Kanyang Pagbabayad-sala ang naging daan para maisamo natin na kaawaan tayo (tingnan sa Alma 33:11). Madali rin nating mahihiwatigan ang tahimik na paggabay ng Espiritu Santo.
Mapapalakas natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan. Tulad ng lahat ng pagpapala mula sa Diyos, ang pananampalataya ay natatamo at lumalago sa pamamagitan ng ating pagsunod at paggawa ng mabuti. Kung nais nating palaguin at palakasin ang ating pananampalataya hanggang sa posibleng kasukdulan nito, dapat nating tuparin ang mga tipang ginawa natin.
Maaari din tayong magkaroon ng pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga propeta sa mga huling araw. Itinuro ng propetang si Alma na tumutulong ang salita ng Diyos sa pagpapalakas ng pananampalataya. Sa paghahalintulad ng salita sa isang binhi, sinabi niya na ang “[pagna]nais na maniwala” ay “magbibigay-puwang” para “maitanim sa [ating] mga puso” ang salita. Pagkatapos ay madarama natin na ang salita ay mabuti, sapagkat magsisimulang palakihin nito ang ating kaluluwa at liwanagin ang ating pang-unawa. Magpapalakas ito ng ating pananampalataya. Kapag patuloy nating inalagaan ang salita sa ating puso, “nang may malaking pagsisikap, at may pagtitiyaga, umaasa sa bunga niyon, ito ay magkakaugat, at masdan, ito ay magiging isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan.” (Tingnan sa Alma 32:26–43.)
Mga Kaugnay na Paksa
-
Diyos Ama
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pananampalataya”
-
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Karagdagang Mensahe
Mga Video
Mga Video ng Tabernacle Choir
“Come, Follow Me [Magsisunod Kayo sa Akin]”
“How Great Thou Art [Dakilang Diyos]”
Resources sa Pag-aaral
Pangkalahatang Resources
“Jesus Christ,” ComeUntoChrist.org
Mga Magasin ng Simbahan
“Paglalayag Patungo sa Lupang Pangako,” Liahona, Oktubre 2016
Anne-Mette Howland, “Akayin at Patnubayan,” Liahona, Hulyo 2010
Patricia R. Jones, “Ang Kabaliktaran ng Takot,” Liahona, Enero 2007