“Mga Pinagmulan ng Aklat ni Abraham,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Mga Tanong tungkol sa Simbahan at sa Ebanghelyo
Mga Pinagmulan ng Aklat ni Abraham
Buod
Ang aklat ni Abraham ay isang aklat ng inspiradong banal na kasulatan na ibinigay kay Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag. Sumusunod ito sa salaysay sa Biblia tungkol sa sinaunang patriyarka sa ilang aspekto at nagdaragdag ng mahalagang impormasyon tungkol sa kanyang buhay at mga turo. Naglalaman ito ng malalalim na katotohanan tungkol sa likas na katangian ng Diyos, sa Kanyang kaugnayan sa atin bilang Kanyang mga anak, at sa layunin ng buhay na ito.
Ang aklat na ito ng banal na kasulatan ay inihayag kay Joseph Smith simula noong 1835 noong pinag-aaralan niya ang ilang sinaunang papyrus sa Ehipto na nabili ng mga Banal. Maraming taong nakakita sa mga papyrus, ngunit walang umiiral na salaysay mula sa saksi tungkol sa proseso ng pagsasalin. Maliliit na fragment lamang ng mahahabang papyrus scroll na minsa’y sumakamay ni Joseph ang mayroon ngayon. Walang nakakaalam sa kaugnayan sa pagitan ng mga nakasulat sa wikang Egyptian sa mga papyrus na iyon at ng nakasulat na teksto sa mga banal na kasulatan na mayroon tayo ngayon.
Maaaring naisalin ni Joseph Smith ang aklat ni Abraham mula sa mga bahagi ng papyrus na nawawala ngayon, o maaaring ang pag-aaral niya ng nakasulat sa papyrus ay nagsilbing catalyst na humantong sa isang paghahayag tungkol kay Abraham. Anuman ang nangyari, hindi isinalin ni Joseph ang aklat sa tradisyonal na paraan. Patungkol sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, sinabi ng Panginoon, “Hindi ka makasusulat ng yaong banal maliban kung ibigay ito sa iyo mula sa akin.” Naaangkop din ang alituntuning iyon sa aklat ni Abraham.
Ang katotohanan at halaga ng aklat ni Abraham ay hindi madedesisyunan sa pamamagitan ng pagdedebate ng mga iskolar. Ang katayuan nito bilang banal na kasulatan ay nakasalalay sa mga walang-hanggang katotohanang itinuturo nito at sa makapangyarihang diwang hatid nito. Bawat isa sa atin ay maaaring pag-aralan ang mga turo nito at manalangin upang makahingi ng kumpirmasyon ng Espiritu Santo na ang mensahe nito ay nagmumula sa Diyos.
Paano isinalin ni Joseph Smith ang aklat ni Abraham?
Hindi ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith kung paano niya isinalin ang aklat ni Abraham. Alam natin na pinag-aralan niya at ng iba pa nang maingat ang mga Egyptian papyrus scroll na nakuha ng Simbahan, ngunit hindi niya naunawaan ang sinaunang wikang Egyptian, ni hindi siya nagkaroon ng mga kagamitan o paraan na makakatulong sa kanya na isalin ang teksto sa pamamagitan ng tradisyonal na paraan. Naaalala lamang ng mga kasamahan ni Joseph na inihayag ng Diyos ang pagsasalin. Tulad ng napansin ni John Whitmer, “Nakita ni Joseph na Tagakita ang [mga] Talaang ito at sa pamamagitan ng paghahayag ni Jesucristo ay nakaya niyang isalin ang mga talaang ito.” Ipinahihiwatig sa mga pinagmulan na maaaring gumamit si Joseph Smith ng isang bato ng tagakita habang idinidikta niya ang teksto ng aklat ni Abraham.
Karamihan sa mga papyrus na sumakamay ni Joseph ay nawawala na ngayon, bagama’t may natirang ilang fragment. Binubuo ang mga ito ng dalawang fragment ng Book of Breathing for Horos; apat na fragment at ilang scrap ng Book of the Dead for Semminis; at isang fragment mula sa Book of the Dead for Nefer-ir-nebu. Sumasang-ayon kapwa ang mga Egyptologist na Banal sa mga Huling Araw at hindi Banal sa mga Huling Araw na ang mga character sa mga fragment na ito ay hindi tugma sa pagsasalin na ibinigay sa aklat ni Abraham.
Naniniwala ang ilang Banal sa mga Huling Araw na ang teksto ng aklat ni Abraham ay natagpuan sa mga papyrus na nawawala na ngayon. Naisip ng iba na ang pag-aaral ni Joseph ng mga papyrus ay naghikayat ng paghahayag tungkol sa mahahalagang pangyayari at turo sa buhay ni Abraham, tulad noong matanggap niya ang isang paghahayag tungkol sa buhay ni Moises habang pinag-aaralan niya ang Biblia. Ayon sa pananaw na ito, nagsilbing catalyst ang mga papyrus para sa isang paghahayag tungkol kay Abraham.
Walang opinyon ang Simbahan tungkol sa mga teoryang ito. Pinagtitibay lamang nito na ang pagsasalin ay isinagawa sa pamamagitan ng paghahayag. Tulad ng Aklat ni Mormon, lumabas ang aklat ni Abraham sa pamamagitan ng “kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”
Ano ang kaugnayan sa pagitan ng aklat ni Abraham at ng mga dokumentong nakasulat sa wikang Egyptian?
Mula Hulyo 1835 hanggang Nobyembre 1835, lumikha si Joseph Smith at ang kanyang mga eskriba ng ilang dokumentong may kaugnayan sa mga character sa mga Egyptian papyrus. Kabilang dito ang kilala bilang ang “Egyptian Alphabet Documents” at ang “Grammar and Alphabet of the Egyptian Language.” Ang mga dokumento ay mukhang bahagi ng paghahangad ni Joseph at ng iba pa na maunawaan ang mga sinaunang wika at konsepto upang maikonekta ang mga ito sa isang sagradong nakaraan. Kinopya ni Joseph Smith at ng kanyang mga eskriba ang mga titik mula sa mga papyrus at iba pang mga mapagkukunan sa mga dokumentong ito at nagmungkahi sila ng maraming paliwanag (tinatawag na “degrees”) para sa bawat character. Karaniwan ay hindi tumutugma ang mga paliwanag na ito sa mga interpretasyon ng mga iskolar.
Hindi ipinaliwanag ni Joseph Smith at ng kanyang mga kasamahan kung paano nauugnay ang mga dokumentong ito sa aklat ni Abraham. Naniniwala ang ilang iskolar na pagtatangka ang mga ito na matuto ng wikang Egyptian gamit ang inihayag nang mga bahagi ng teksto ng aklat ni Abraham. Naisip ng iba na nilikha ni Joseph at ng kanyang mga kasamahan ang mga dokumento sa wikang Egyptian bilang bahagi ng prosesong ginamit ni Joseph sa pagtanggap ng paghahayag—ang “pag-aralan [muna] ito sa [kanyang] isipan.” Naniniwala pa rin ang iba na hindi tama ang alinman sa mga teoryang ito.
Gumagamit ba ang aklat ni Abraham ng wikang nagmula sa King James Version ng Biblia?
Ang King James Version (KJV) ng Biblia ay nagkaroon ng malaking epekto sa wikang Ingles. Alam na alam ito lalo na ng mga tao noong panahon ni Joseph Smith. Madalas isama sa mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ang mga pariralang matatagpuan sa KJV. Gayundin sa mga pagsasalin ng Aklat ni Mormon, aklat ni Moises, at aklat ni Abraham. Natural lang na ang wikang gamit sa KJV o kahit ang mga salita at parirala mula sa iba pang mga pinagkunan na alam ni Joseph Smith ay lumitaw sa mga banal na kasulatang ito. Ipinaliwanag ng Panginoon na nagbibigay Siya ng paghahayag sa Kanyang mga lingkod “alinsunod sa pamamaraan ng kanilang mga wika, upang sila ay mangyaring makaunawa.” Ang wika ni Joseph ay lubhang naimpluwensyahan ng kultura kung saan siya nanirahan at lalo na ng pagiging pamilyar niya sa KJV.
Ang ilang sipi mula sa salaysay ni Abraham ay kapareho ng sa aklat ng Genesis. Bagama’t kasama sa mga siping ito ang ilang pagkakaayos ng mga salita mula sa pamilyar na salaysay sa Biblia, naglalaman din ang mga ito ng makabuluhang mga pagkakaiba na maaaring makaragdag sa ating pang-unawa.
Ano ang alam natin tungkol sa mga paliwanag ni Joseph Smith tungkol sa mga facsimile ng aklat ni Abraham?
Kasama sa aklat ni Abraham ang tatlong print illustration, na kilala bilang mga facsimile, na batay sa mga imaheng nasa mga papyrus. Isinama ang mga facsimile na ito nang unang ilathala ang aklat ni Abraham noong 1842. Ang mga paliwanag ni Joseph Smith tungkol sa mga imahe ay inilathala sa tabi ng mga facsimile. Ang mga paglalarawang ito ay binanggit sa teksto ng aklat ni Abraham. Halimbawa, ang Abraham 1:12 ay tumutukoy sa “paglalarawan sa simula ng talaang ito,” ibig sabihin ay ang Facsimile 1.
Karamihan sa mga paliwanag na inilathala ni Joseph na kasabay ng mga facsimile ay hindi tumutugma sa mga interpretasyon ng mga modernong Egyptologist. Gayunman, may napansin ang mga iskolar na ilang pagkakatulad. Halimbawa, inilarawan ni Joseph Smith ang apat na pigura sa figure 6 ng Facsimile 2 bilang “ang mundong ito sa kanyang apat na sulok.” Gayundin ang interpretasyon ng ibang mga iskolar sa katulad na mga pigura sa iba pang mga sinaunang tekstong Egyptian. Ang Facsimile 1 ay naglalaman ng isang diyus-diyusang buwaya na lumalangoy sa tinatawag ni Joseph Smith na “ang kalawakan sa ibabaw ng ating ulo.” Tinukoy rin ng mga iskolar ang mga konsepto ng mga Egyptian sa langit bilang “isang karagatan sa langit.”
Hindi natin alam kung paano nauugnay ang mga facsimile sa teksto. May katibayan na ang ilang awtor na Judio noong panahon na nilikha ang mga papyrus ay humango at nagsama ng mga drowing at kuwento ng mga Egyptian sa sarili nilang mga sagradong teksto, kabilang na ang mga may kaugnayan kay Abraham. Posible na ang mga paglalarawang ito ay muling ginamit sa gayon ding paraan.
Naging malinaw ba ang Simbahan kung ano ang nalalaman natin tungkol sa mga papyrus at mga nilalaman nito?
Oo. Sa buong kasaysayan nito, ibinahagi na ng Simbahan sa publiko ang kaalaman nila tungkol sa mga tekstong Egyptian na may kaugnayan sa aklat ni Abraham. Ang Simbahan ay may dalawang Egyptian papyrus roll at mga fragment ng sangkatlo mula 1835 hanggang 1847. Sa panahong iyon, regular na ipinakita ang mga papyrus sa publiko. Pagkamatay ni Joseph Smith, ipinagbili ang mga ito ni Emma Smith at ng kanyang pangalawang asawa sa isang lalaking nagngangalang Abel Combs, na hinati ang mga ito sa hindi bababa sa dalawang koleksyon at ipinagbili ang mga ito sa ibang mga tao. Marami ang nawala. Nang makuha ng Simbahan ang natitirang mga fragment ng papyrus mula sa Metropolitan Museum of Art sa Lunsod ng New York noong 1967, naglathala ito ng isang pagpapahayag ng pagkuha at mga imahe ng mga fragment sa Deseret News at sa magasin ng Simbahan noong panahong iyon, ang Improvement Era. Tinalakay sa mga artikulong ito ang pinagmulan ng mga fragment at ang kaugnayan nito sa tinutukoy noon na Egyptian funerary Book of the Dead.
Mula noon, binigyan ng mga pinuno ng Simbahan ng direktang access ang ilang iskolar sa mga fragment ng papyrus, at naglathala kapwa ang mga iskolar na Banal sa mga Huling Araw at hindi Banal sa mga Huling Araw ng mga pagsasalin nito at pagsusuri dito. Maliit na bahagi lamang ng dalawang papyrus roll at iba’t ibang fragment ng papyrus na hawak ni Joseph Smith ang alam ng mga tao na umiiral pa rin. Noong 2018, naglathala ang Joseph Smith Papers ng mga bagong imahe at pagsusuri sa lahat ng fragment na ito.
Ilan sa mga fragment ng papyrus ang nawawala ngayon?
Lahat halos ng iskolar ay sumasang-ayon na ang mga papyrus na umiiral ngayon ay kumakatawan lamang sa maliit na bahagi ng dalawang orihinal na scroll at iba pang mga fragment na orihinal na nakuha ni Joseph Smith at ng Simbahan. Gumamit na ng iba’t ibang pamamaraan ang mga researcher sa pagtantya sa orihinal na haba ng mga scroll. Ang tantya nila sa mayroon tayo ngayon ay mula sa sinliit ng 2.5 porsiyento hanggang sa sinlaki ng 30 o 45 porsiyento ng papyrus na hawak ni Joseph.
Bakit ipinapahayag sa aklat ni Abraham na isinulat ito ng sariling kamay ni Abraham?
Nang unang ilathala ang aklat ni Abraham noong 1842, nagsimula ito sa isang paliwanag na nagsasabing: “Isang pagsasalin ng ilang sinaunang Talaan na napasaaming mga kamay, mula sa mga Katakumba ng Ehipto, [na nagsasabing ang mga isinulat ni Abraham, habang siya ay nasa Ehipto,] tinawag na Aklat ni Abraham, isinulat ng kanyang sariling kamay, sa papyrus.” Ang isang unang bersyon ng manuskrito ng aklat ni Abraham ay naglalaman ng isang pambungad na gayon din ang pagkasabi. Ang pambungad na umiiral ngayon ay marahil ginawa nang ilathala ang aklat ni Abraham noong 1842. May katulad na mga pambungad ang isinama sa paglalathala ng ilan sa iba pang mga teksto ng paghahayag ni Joseph Smith.
Ipinakikita ng pagsusuri na ang mga papyrus ay isinulat sa pagitan ng ikatlo at ikalawang siglo BC, kung saan matagal nang namayapa si Abraham. Hindi pinabubulaanan ng petsang ito ang nilalaman ng aklat ni Abraham. Maraming sinaunang tekstong umiiral ngayon ay mga kopya ng mga kopya. Gayundin, maaaring napakaraming ulit nang kinopya ang aklat ni Abraham sa paglipas ng mga siglo ngunit sinasabi pa rin na si Abraham ang awtor nito.
Naaayon ba ang aklat ni Abraham sa nalalaman natin tungkol sa sinaunang Near East?
Ang aklat ni Abraham ay naglalaman ng mga detalye na hindi matatagpuan sa Biblia ngunit naaayon sa mga literatura ng sinaunang mundo. Halimbawa, ang ilang pangalan ng mga tao at lugar ay katulad ng mga pangalang natagpuan sa mga sinaunang talaan. Ang “kapatagan ng Olishem,” halimbawa, ay naikonekta ng ilang iskolar sa isang bayan sa hilagang-kanlurang Syria na tinatawag na Ulisum. Malaki ang posibilidad na tugma ito sa Olishem na sumusunod sa pamantayan ng mga kasanayang pangwika. Gayundin, ang diyus-diyusan ni Elkenah ay iminungkahi ng ilang iskolar na Banal sa mga Huling Araw na kumakatawan sa isang pinaikling uri ng banal na titulong El Koneh Artzu, na kilala mula sa iba’t ibang mga inskripsiyong Semitic sa hilagang-kanluran at ang kahulugan ay parang isang bagay na katulad ng “El, ang Lumikha ng Daigdig.”
Ang ilan sa mga pangkalahatang tema at ang istruktura ng pagsasalaysay ng aklat ni Abraham ay katulad ng mga kuwento mula sa mga sinaunang pinagkunan maliban sa Biblia. Kabilang dito ang ama ni Abraham na si Tera, na sumasamba sa mga diyus-diyusan; isang taggutom na tumama sa bayang sinilangan ni Abraham; at isang anghel na sumagip kay Abraham mula sa pagsasakripisyo ng tao sa mga kamay ng isang pharaoh na Egyptian. Tumutukoy rin ang mga sinaunang teksto kay Abraham na nagtuturo sa mga Egyptian tungkol sa kalangitan. Halimbawa, isinulat ni Eupolemus, na namuhay sa ilalim ng paghahari ng Ehipto noong ikalawang siglo BC, na nagturo si Abraham ng astronomy at iba pang mga siyensya sa mga saserdoteng Egyptian. Binabanggit sa isang papyrus noong ikatlong siglo BC mula sa isang Egyptian temple library ang pangalang Abraham na may paglalarawan na katulad ng Facsimile 1 sa aklat ni Abraham. Ang ilan sa mga detalyeng ito tungkol sa buhay ni Abraham ay karaniwang hindi alam noong panahon ni Joseph Smith.
Bagama’t makabagbag-damdamin ang mga halimbawang ito, marami ring halimbawa ng mga interpretasyon ni Joseph Smith tungkol sa mga facsimile ang hindi naaayon sa kasalukuyang alam natin tungkol sa sinaunang mundo. Bagama’t kinikilala na marami tayong hindi nauunawaan tungkol sa proseso ng pagsasalin, mahalagang tandaan na ang katotohanan at kahalagahan ng aklat ni Abraham ay hindi madedesisyunan sa pagdedebate ng mga iskolar tungkol sa pagsasalin ng aklat. Ang pagbasa sa aklat ni Abraham, pagninilay sa nilalaman nito, at pagdarasal tungkol sa mga turo nito ay maaaring makatulong sa iyo na magkaroon ng espirituwal na patotoo tungkol sa walang-hanggang kahalagahan nito.
Paano ako magkakaroon ng patotoo tungkol sa aklat ni Abraham at sa iba pang mga banal na kasulatan na inihayag kay Joseph Smith?
Marami tayong hindi alam tungkol sa paraan ng paghahayag ng aklat ni Abraham kay Joseph Smith. Ngunit sa maraming paraan, ang ating mga tanong tungkol sa proseso ay di-gaanong mahalaga kumpara sa tanong kung naghayag nga ba ang Diyos ng bagong banal na kasulatan kay Joseph Smith. Ito ay batay sa pananampalataya. Ang pinakamainam na paraan para makatanggap ng espirituwal na kumpirmasyon sa tanong na ito ay ang basahin ang aklat ni Abraham, pagnilayan ang mga katotohanang inihahayag nito, ipamuhay ang mga turo nito, at humiling ng patotoo mula sa Espiritu Santo. Ang prosesong ito ay maaari ding makatulong sa atin na mas mapalapit kay Jesucristo. Iyan ang sukdulang pagsubok sa kahalagahan ng aklat ni Abraham.