“Mga Patriarchal Blessing,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Mga Patriarchal Blessing
Personal at inspiradong patnubay mula sa Ama sa Langit
Sa Aklat ni Mormon, natuklasan ng propetang si Lehi ang isang bilog na bola na yari sa tanso, na may dalawang ikiran (tingnan sa 1 Nephi 16:10). Nalaman ng kanyang pamilya na ang bola o aguhon na ito, na tinawag nilang “Liahona,” ay nagtuturo kung saan sila dapat maglakbay sa ilang. Kumikilos ito ayon sa kanilang pananampalataya sa Diyos (tingnan sa Alma 37:38–40). Ang patriarchal blessing ay maaaring kumilos para sa atin tulad ng ginawa ng Liahona para sa pamilya ni Lehi.
Ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson, “Ang Panginoon na siyang nagbigay ng Liahona kay Lehi ay nagbibigay rin sa inyo at sa akin ngayon ng isang natatangi at mahalagang kaloob na nagbibigay ng direksyon sa ating buhay, para matukoy ang mga panganib sa ating kaligtasan, at maghanda ng daan, maging ng ligtas na daan—hindi patungo sa isang lupang pangako, kundi sa ating tahanan sa langit. Ang kaloob na tinutukoy ko ay ang inyong patriarchal blessing.”1
Ang Ama sa Langit ay nagbibigay ng banal na patnubay sa atin sa maraming paraan—sa pamamagitan ng panalangin, mga banal na kasulatan, mga salita ng mga buhay na propeta, at kaloob na Espiritu Santo. Ang iyong patriarchal blessing ay isa pang mahalagang kasangkapan na makapagbibigay sa iyo ng espirituwal na patnubay, payo, at katiyakan kapag nahaharap ka sa mga kawalang-katiyakan at hamon sa buhay.
Bahagi 1
Ano ang Patriarchal Blessing?
Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay maaaring tumanggap ng mga basbas ng priesthood sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay sa maraming pagkakataon sa kanilang buhay. Maaaring humiling ang mga miyembro ng mga basbas ng priesthood mula sa isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood anumang oras na kailangan nila ng paggaling o naghahangad ng kapanatagan, karunungan, at banal na patnubay. Gayunman, ang mga patriarchal blessing ay naiiba sa mga basbas ng priesthood na ito.
Ang mga patriarch ay may natatanging katungkulan sa priesthood at isine-set apart upang magbigay ng mga espesyal na basbas sa mga karapat-dapat na miyembro ng Simbahan. Ang isang tao ay dapat na espirituwal na handa at husto ang maturidad para maunawaan ang kahalagahan ng kanyang patriarchal blessing, bagama’t walang minimum o maximum na edad na kinakailangan. Isang patriarchal blessing lamang ang karaniwang natatanggap ng isang tao sa buong buhay niya. Ang mga patriarchal blessing ay inirerekord, isinusulat, at iniingatan sa mga rekord ng Simbahan. Ang mga ito ay sagrado at hindi dapat basahin nang hayagan o bigyang-kahulugan ng iba.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Upang mas maunawaan ang kasaysayan ng mga patriarchal blessing sa Simbahan, rebyuhin ang Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan na “Mga Patriarchal Blessing,” na matatagpuan sa Gospel Library. Ano ang nalaman mo tungkol sa mga patriarchal blessing mula sa artikulong ito? Sa iyong palagay, bakit palaging itinatala at iniingatan ang mga ito sa mga rekord ng Simbahan? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa sarili mong patriarchal blessing at sa kahalagahan nito?
-
Basahin ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6. Itinuro ni Joseph Smith na ang salitang “ebanghelista” sa Simbahan ni Jesucristo ay tumutukoy sa inorden na katungkulan ng patriarch sa priesthood. Para sa karagdagang impormasyon tungkol dito, maaari mong basahin ang mensahe ni Pangulong Boyd K. Packer na “The Stake Patriarch.”2
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ang proseso ng pagtanggap ng patriarchal blessing ay maaaring hindi pamilyar sa lahat ng miyembro ng grupo. Sabihin sa kanila na magtanong tungkol sa mga patriarchal blessing, at ilista ang mga tanong ng buong grupo para makita kung maaari. Pagkatapos ay rebyuhin ang Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 18.17, sa Gospel Library, at hanapin ang mga sagot sa mga tanong ng mga kagrupo. Ano ang itinuturo sa inyo ng aktibidad na ito tungkol sa mga patriarchal blessing?
Alamin ang iba pa
-
Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 48:5–11 (sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia); Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–37 (sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia); Efeso 4:11; 2 Nephi 4:1–12; Doktrina at mga Tipan 107:39, 53, 56
-
Kazuhiko Yamashita, “Kailan Tatanggap ng Inyong Patriarchal Blessing,” Liahona, Mayo 2023, 88–90
Bahagi 2
Ano ang Pagpapahayag ng Angkan sa Patriarchal Blessing?
Bawat patriarchal blessing ay naglalaman ng isang pagpapahayag ng angkan. Kapag ang mga anak ng Diyos ay nabinyagan at naging mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, minamana nila ang mga pangakong ginawa ng Diyos kay Abraham at sa kanyang mga inapo kung mananatili silang matwid (tingnan sa Abraham 2:9–11). Bagama’t ang isang tao ay maaaring nagmula sa mahigit sa isang ninuno mula sa sambahayan ni Israel, isang partikular na lipi ang karaniwang tinutukoy, nagpapatunay na ang indibiduwal ay may kaugnayan sa pamilya ni Abraham. Hindi na mahalaga kung ang pagpapahayag na ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay literal na inapo sa pamamagitan ng dugo o sa pamamagitan ng espirituwal na pag-aampon (tingnan sa Abraham 2:10). Ang pagpapahayag na ito ng angkan ay nagpapakita ng linya ng pamilya kung saan maaaring mamana ng indibiduwal ang mga ipinangakong pagpapala ni Abraham. Ipinapaalala rin nito sa isang tapat na tao ang mga espirituwal na responsibilidad nito bilang inapo ni Abraham (tingnan sa Abraham 2:11).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Bakit mahalaga na bahagi ka ng pamilya ni Abraham? Itinuro ni Elder David A. Bednar, “Ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtanggap natin ng patriarchal blessing ay para tulungan tayong mas lubusang maunawaan kung sino tayo bilang inapo ni Abraham at matanto ang ating responsibilidad.”3 Ano ang mga responsibilidad mo bilang isang tapagmana ng mga pagpapalang ipinangako kay Abraham? Ano ang natutuhan mo mula sa iyong patriarchal blessing tungkol sa iyong indibiduwal na mga talento at katangian na makatutulong sa iyo na itayo ang kaharian ng Diyos?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ibahagi ang sumusunod na pahayag sa iyong mga kagrupo. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa ating panahon, may pribilehiyo tayong makatanggap ng mga patriarchal blessing at malaman ang ating ugnayan sa mga sinaunang patriarch.”4 Maaari mong itanong sa mga miyembro ng grupo kung ano ang kahulugan para sa kanila na alam nila na nakakonekta sila bilang pamilya kay Abraham at sa iba pang mga sinaunang patriarch.
Alamin ang iba pa
-
Randall K. Bennett, “Ang Inyong Patriarchal Blessing—Inspiradong Patnubay mula sa Ama sa Langit,” Liahona, Mayo 2023, 42–43
-
Julie B. Beck, “Kayo ay May Marangal na Pamana,” Liahona, Mayo 2006, 106–8
Bahagi 3
Tutulungan Ka ng Ama sa Langit na Madama ang Kanyang Pagmamahal sa pamamagitan ng Iyong Patriarchal Blessing
Ang patriarchal blessing ay pagpapahayag ng pagmamahal ng Ama sa Langit para sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Katibayan ito na personal Niya tayong kilala. Kapag pinag-aralan mo nang may panalangin ang iyong patriarchal blessing, madarama mo na inaalala ka ng iyong Ama sa Langit at may banal na plano Siya para sa iyong kaligayahan. Ang pagtanggap ng patriarchal blessing ay isang mahalagang kaloob.
Ang patriarchal blessing ay maaaring maglaman ng mga babala, payo, at pangakong natatangi sa iyo. Ang inspiradong basbas na ito ay maituturing na personal na banal na kasulatan para sa tumanggap nito at makatutulong sa iyo na maunawaan ang iyong potensyal at mga posibilidad. Maaari din itong magbigay ng kapayapaan at pag-asa sa mga panahon ng paghihirap at kawalang-katiyakan. At bagama’t hindi idinidetalye ng patriarchal blessing ang lahat ng mangyayari sa iyong buhay, ito ay isang kapaki-pakinabang na gabay na tutulong sa iyo na makahanap ng layunin at madama ang pagmamahal ng Diyos. Lahat ng pagpapala at pangako sa mga patriarchal blessing ay may kundisyon, batay sa ating katapatan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21). Dahil ang mga patriarchal blessing ay para sa ating buhay na walang hanggan, maaaring hindi matupad ang ilan sa mga ipinangakong pagpapala sa atin hangga’t hindi natatapos ang mortal na buhay na ito.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nakikita ba ninyo ang kahalagahan ng inyong patriarchal blessing? … Ito ay mahalaga. Ito ay personal na banal na kasulatan para sa inyo. Ipinahahayag nito ang inyong espesyal na angkan. Ipinaaalala nito sa inyo ang inyong kaugnayan sa nakaraan. At tutulungan kayo nitong maunawaan ang inyong potensyal sa hinaharap. Literal na makukuha ninyo sa Panginoon ang katuparan ng mga pagpapalang iyon sa pamamagitan ng inyong katapatan.”5 Ano ang nadarama mo kapag pinag-iisipan mo ang mga turong ito?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ipaalala sa mga kagrupo na kung minsan ay maaaring mahirap malaman kung paano bibigyang-kahulugan ang inyong patriarchal blessing. Ang ilang talata o parirala ay maaaring may ilang kahulugan. Ibahagi ang payo ni Pangulong Dallin H. Oaks: “[Ang patriarchal blessing] ay ibinibigay sa ilalim ng inspirasyon ng Banal na Espiritu at dapat basahin at unawain sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ring iyon.”6 Paano ninyo maaanyayahan ang Banal na Espiritu habang binabasa at binibigyang-kahulugan ninyo ang inyong patriarchal blessing? Paano maaaring magbago ang pagkaunawa ninyo sa mga talata sa inyong patriarchal blessing sa buong buhay ninyo?
Alamin ang iba pa
-
Thomas S. Monson, “Your Patriarchal Blessing: A Liahona of Light,” Ensign, Nob. 1986, 65–67