Pangkalahatang Kumperensya
Ang Inyong Patriarchal Blessing—Inspiradong Patnubay mula sa Ama sa Langit
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


9:28

Ang Inyong Patriarchal Blessing—Inspiradong Patnubay mula sa Ama sa Langit

Ang patriarchal blessing ko ay nakatulong sa akin na maunawaan ang aking tunay na walang-hanggang identidad—kung sino ako talaga at ano ang maaari kong kahinatnan.

Pinalaki ako ng mababait na magulang na nagmahal at matapat na nagturo sa amin, na kanilang mga anak, ng ebanghelyo. Ang malungkot, nahirapan ang mahal kong mga magulang sa pagsasama nila sa loob ng maraming taon. Nasa Primary ako noon nang sabihan ako na malamang na magdiborsyo sila balang-araw at kailangan naming magkakapatid na pumili kung kanino kami titira. Dahil dito, maraming taon akong nakaranas ng matinding pagkabalisa; gayunman, sa huli ay isang kaloob mula sa aking Ama sa Langit ang nagpabago ng lahat para sa akin—ang aking patriarchal blessing.

Sa edad na 11, na lalong nag-aalala sa relasyon ng aking mga magulang, labis kong hinangad na makuha ang aking patriarchal blessing. Alam ko na kilalang-kilala ako ng aking Ama sa Langit at alam Niya ang aking partikular na sitwasyon. At alam ko rin na tatanggap ako ng patnubay mula sa Kanya. Agad-agad pagkaraan ng aking ika-12 kaarawan, natanggap ko ang aking patriarchal blessing. Mahigit kalahating siglo na ang lumipas, pero tandang-tanda ko pa ang mga detalye ng sagradong karanasang iyon.

Salamat at mayroon tayong inspiradong patnubay tungkol sa mga patriarchal blessing sa Pangkalahatang Hanbuk ng Simbahan:

“Ang bawat karapat-dapat at nabinyagang miyembro ay may karapatan at dapat tumanggap ng patriarchal blessing, na nagbibigay ng inspiradong patnubay mula sa Ama sa Langit.”

Ang miyembro ay dapat na “nasa hustong kaisipan na para maunawaan ang kahalagahan at kasagraduhan ng basbas” at “maunawaan ang pangunahing doktrina ng ebanghelyo.”

“Hangga’t maaari, dapat ay bata pa ang miyembro na may marami pang mahahalagang desisyon na gagawin sa buhay. … Hindi dapat magtakda ng minimum na edad ang mga priesthood leader para makatanggap ng patriarchal blessing ang isang miyembro. …

“Bawat patriarchal blessing ay sagrado, kumpidensyal, at personal. …

“Ang isang taong tuma[ta]nggap ng patriarchal blessing ay dapat pahalagahan ang mga titik nito, pagnilayan ang mga ito, at mamuhay nang karapat-dapat upang matanggap ang ipinangakong mga pagpapala sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.”1

Paulit-ulit na nagturo si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa kahalagahan ng patriarchal blessing,2 na binibigyan nito ang bawat tumatanggap ng “pahayag tungkol sa lipi pabalik kina Abraham, Isaac, at Jacob”3 at na bawat blessing “ay isang personal na banal na kasulatan sa iyo.”4

Ang patriarchal blessing ko ay napakahalaga sa akin noong bata pa ako sa maraming dahilan. Una, sakapangyarihan ng Espiritu Santo, ang patriarchal blessing ko ay nagpaunawa sa akin ng aking tunay na walang-hanggang identidad—kung sino ako talaga at ano ang maaari kong kahinatnan. Ipinaalam nito sa akin, tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, na ako ay “isang anak ng Diyos,” “isang anak ng tipan,” at “isang disipulo ni Jesucristo.”5 Nalaman ko na kilala at mahal ako ng aking Ama sa Langit at ng aking Tagapagligtas at Sila ay may personal na kinalaman sa buhay ko. Nakatulong ito para hangarin kong mas mapalapit sa Kanila at dagdagan ang aking pananampalataya at tiwala sa Kanila.

Isang mahal na kaibigan na sumapi sa Simbahan noong young adult siya ang nagsabi: “Nang ipatong ng patriarch ang kanyang mga kamay sa aking ulunan at sambitin ang pangalan ko, nagbago ang lahat, … hindi lang noon kundi ang buong buhay ko. Agad kong nadama na—sa pamamagitan ng kapangyarihang gamit niya sa pagsasalita—kilalang-kilala at mahal ako. Tumagos ang mga salitang binigkas niya sa buo kong pagkatao. Nalaman ko na kilala ako ng Ama sa Langit, lubos na kilala.”

Ang malaman kung sino talaga ako ay nakatulong sa akin na maunawaan at hangaring gawin ang inaasahan ng Diyos sa akin.6

Hinikayat ako nitong pag-aralan ang mga tipang nagawa ko at ang mga ipinangakong pagpapala sa tipan ng Diyos kay Abraham.7 Binigyan ako nito ng walang-hanggang pananaw na naghikayat sa akin na mas lubos na tuparin ang aking mga tipan.

Madalas kong pag-aralan ang aking patriarchal blessing at, noong kabataan ko, kadalasa’y araw-araw, na nagpadama sa akin ng umaaliw at gumagabay na impluwensya ng Espiritu Santo, na tumulong para mabawasan ang aking pagkabalisa kapag sinunod ko ang Kanyang mga pahiwatig. Pinag-ibayo nito ang hangarin ko na aktibong anyayahan ang liwanag, katotohanan, at ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pag-aaral ng aking mga banal na kasulatan at pagdarasal araw-araw at pagsisikap na mas masigasig na pag-aralan at sundin ang mga turo ng propeta at mga apostol ng Diyos. Tinulungan din ako ng aking patriarchal blessing na hangaring mas magpasakop sa kalooban ng aking Ama sa Langit, at ang pagtutuon na iyon ay nagpadama sa akin ng galak, sa kabila ng personal kong sitwasyon.8

Tumanggap ako ng espirituwal na lakas sa bawat pagkakataon na pinag-aralan ko ang aking patriarchal blessing. Nang magdiborsyo na nga ang mga magulang ko, ang aking patriarchal blessing, tulad ng itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, ay naging “mahalaga at walang-katumbas na personal na kayamanan,” maging “isang personal na Liahona.”9

Pero, huwag sana kayong magkamali ng pag-unawa. Hindi ako perpekto. Marami akong nagawang pagkakamali. Mapatutunayan ng aking walang-hanggang kabiyak na nagkakamali pa rin ako. Pero tinulungan ako at patuloy na tinutulungan ng aking patriarchal blessing na hangaring mas magpakabuti at maging mas mabuti.10 Ang madalas na pag-aaral ko ng aking patriarchal blessing ay nagpaibayo sa hangarin kong mapaglabanan ang tukso. Tinulungan ako nitong magkaroon ng hangarin at lakas-ng-loob na magsisi, at ang pagsisisi ay lalong naging isang masayang proseso.

Mahalaga noon para sa akin na matanggap ang aking patriarchal blessing habang bata pa ako at habang lumalago pa ang aking patotoo. At walang hanggan ang pasasalamat ko na naunawaan ng mga magulang ko at ng bishop na ang hangarin ko ay tanda na handa na ako.

Noong 12 anyos ako, ang mundo ay di-gaanong nakalilito at magulo na tulad ngayon. Inilarawan ni Pangulong Nelson ang panahon ngayon bilang “pinakakumplikadong panahon sa kasaysayan ng mundo,” isang mundong “makasalanan” at “makasarili.”11 Mabuti na lang at mas husto ang pag-iisip ngayon ng ating mga kabataan kaysa noong 12 anyos ako, at sila man ay may mahahalagang desisyong gagawin habang bata pa sila! Kailangan din nilang malaman kung sino sila talaga at na mahal sila ng Diyos at alam na alam ang nangyayari sa kanila!

Hindi lahat ay maghahangad na makuha ang kanilang patriarchal blessing na tulad ko noon. Pero dalangin ko na ang mga miyembrong hindi pa nakatanggap ng kanilang patriarchal blessing ay mapanalanging hahangaring malaman kung handa na sila. Ipinapangako ko na kung handa kayo sa espirituwal, ang inyong karanasan, tulad ng sa akin, ay magiging sagrado sa inyo. Dalangin ko rin na ang mga tumanggap na ng kanilang patriarchal blessing ay pag-aaralan at pahahalagahan ito. Dahil sa pagpapahalaga ko sa aking patriarchal blessing habang bata pa ako ay biniyayaan ako ng lakas-ng-loob noong pinanghinaan ako ng loob, ng aliw noong mangamba ako, kapayapaan noong mabalisa ako, pag-asa noong mawalan ako ng pag-asa, at galak noong kailangang-kailangan ko ito. Ang aking patriarchal blessing ay nakatulong sa akin na pag-ibayuhin ang aking pananampalataya at tiwala sa aking Ama sa Langit at sa aking Tagapagligtas. Pinag-ibayo rin nito ang pagmamahal ko para sa Kanila—hanggang sa ngayon.12

Pinatototohanan ko na ang mga patriarchal blessing ay nagbibigay ng inspiradong patnubay mula sa Ama sa Langit. Pinatototohanan ko na tunay na buhay ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak—ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo—na kilala, mahal, at hangad na pagpalain tayo. Alam ko rin nang may katiyakan na si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta ng Diyos sa mundo ngayon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 18.17, 18.17.1, ChurchofJesusChrist.org.

  2. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Thanks for the Covenant” (Brigham Young University devotional, Nob. 22, 1988), speeches.byu.edu; “A More Excellent Hope” (Brigham Young University devotional, Ene. 8, 1995), speeches.byu.edu; “Identity, Priority, and Blessings” (Brigham Young University devotional, Set. 10, 2000), speeches.byu.edu; “Mga Ugat at mga Sanga,” Liahona, Mayo 2004, 27–29; “Mga Tipan,” Liahona, Nob. 2011, 86–89; “Youth of the Noble Birthright: What Will You Choose?” (Brigham Young University–Hawaii devotional, Set. 6, 2013), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org; “Ang Aklat ni Mormon, ang Pagtitipon ng Israel, at ang Ikalawang Pagparito,” Ensign, Hulyo 2014, 26–31; Liahona, Hulyo 2014, 24–29; “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–95; “Ang Walang-Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 1–6.

  3. Russell M. Nelson, “Mga Tipan,” 88.

  4. Russell M. Nelson, “Thanks for the Covenant,” speeches.byu.edu.

  5. Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 12, 2022), ChurchofJesusChrist.org; idinagdag ang diin.

  6. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Tipan,” 86–89.

  7. Tingnan sa Genesis 17:1–10; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 32–34.

  8. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 81–84.

  9. Thomas S. Monson, “Your Patriarchal Blessing: A Liahona of Light,” Ensign, Nob. 1986, 65–66.

  10. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67–69.

  11. Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 95–96.

  12. Nabigyang-Inspirasyon ni James E. Faust, “Priesthood Blessings,” Ensign, Nob. 1995, 62–64.