Pangkalahatang Kumperensya
Ang Hindi Perpektong Pag-ani
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


11:2

Ang Hindi Perpektong Pag-ani

Handang tanggapin ng Tagapagligtas ang ating mapagpakumbabang mga handog at gawing perpekto ang mga iyon sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. Kay Cristo, walang hindi perpektong pag-ani.

Noong bata pa ako, natutuhan kong mahalin ang malalaking pagbabago sa mga panahon sa Southwest Montana, kung saan ako lumaki. Ang paborito kong panahon ay taglagas—ang panahon ng tag-ani. Inasam at ipinagdasal ng aming pamilya na magantimpalaan ng masaganang ani ang mga buwan ng aming pagsusumikap. Nag-alala ang aking mga magulang sa klima, sa kalusugan ng mga hayop at pananim, at maraming iba pang bagay na wala silang masyadong kontrol.

Nang lumaki na ako, mas lalo kong naunawaan ang pangangailangang kumilos nang mabilis. Ang aming kabuhayan ay nakasalalay sa ani. Tinuruan ako ng aking ama tungkol sa kagamitang ginagamit namin sa pag-ani ng palay. Nanood ako habang pinaaandar niya ang makinarya papunta sa bukid, ginagapas ang isang maliit na putol ng mga palay, at pagkatapos ay tinitingnan niya ang likod ng makinarya para matiyak na maraming palay ang bumagsak sa lalagyan sa makinarya hangga’t maaari at hindi tumapon na kasama ng mga ipa. Ilang beses niyang ginawa ito, na ina-adjust ang makinarya sa bawat pagkakataon. Tumakbo ako sa tabi niya at hinalukay namin ang mga ipa at nagkunwari ako na alam ko ang ginagawa ko.

Nang masiyahan na siya sa mga adjustment sa makinarya, nakakita ako ng ilang butil ng palay sa mga ipang nasa lupa at ipinakita ko sa kanya ang mga iyon nang may pag-uusisa. Hindi ko malilimutan ang sinabi sa akin ng aking ama: “Sapat na iyan at iyan ang pinakamagandang magagawa ng makinaryang ito.” Hindi talaga kuntento sa kanyang paliwanag, pinagnilayan ko ang mga hindi perpektong pag-aning ito.

Hindi nagtagal pagkaraan niyon, nang lumamig na ang klima sa gabi, minasdan ko ang pagbaba ng libu-libong dumarayong swan, gansa, at pato sa bukirin para busugin ang kanilang sarili sa mahaba nilang paglalakbay patimog. Kinain nila ang mga natirang palay mula sa aming hindi perpektong pag-ani. Nagawa itong perpekto ng Diyos. At wala ni butil na nasayang.

Kadalasa’y isang tukso sa ating mundo at maging sa loob ng kultura ng Simbahan ang pag-iisip palagi tungkol sa pagiging perpekto. Ang social media, mga hindi makatotohanang inaasahan, at kadalasa’y ang pamimintas natin sa sarili ang nagpapadama ng kakulangan—na hindi sapat ang ating kabutihan at hindi magiging sapat kailanman. Nagkakamali pa ng pag-unawa ang ilan sa paanyaya ng Tagapagligtas na “kayo nga’y maging ganap.”1

Tandaan na ang pagnanais na maging perpekto ang lahat ay hindi kapareho ng pagiging [perpekto] kay Cristo.2 Ang pagnanais na maging perpekto ang lahat ay nangangailangan ng isang imposibleng pamantayang nagpapahirap sa sarili na ikinukumpara tayo sa iba. Nagiging sanhi Ito ng pagkabagabag ng konsiyensya at pagkabalisa at maaaring pagnaisin tayong lumayo at ihiwalay ang ating sarili.

Ibang-iba naman ang pagiging [perpekto] kay Cristo. Ito ang proseso—sa mapagmahal na paggabay ng Espiritu Santo—ng pagiging higit na katulad ng Tagapagligtas. Ang mga pamantayan ay itinakda ng isang mabait na Ama sa Langit na nakakaalam ng lahat at malinaw na nakasaad sa mga tipan na inaanyayahan tayong tanggapin at ipamuhay. Pinapawi nito ang bigat ng kasalanan at kakulangan, na laging binibigyang-diin kung sino tayo sa paningin ng Diyos. Bagama’t ang prosesong ito ay nagpapasigla at naghihikayat sa atin na magpakabuti pa, sinusukat tayo ayon sa ating personal na katapatan sa Diyos na ipinapakita natin sa ating mga pagsisikap na sundin Siya nang may pananampalataya. Kapag tinanggap natin ang paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya, agad nating natatanto na ang pinakamabuting nagawa natin ay sapat na at na pupunan ng biyaya ng isang mapagmahal na Tagapagligtas ang mga pagkukulang sa mga paraang hindi natin aakalain.

Makikita nating naisabuhay ang alituntuning ito nang pakainin ng Tagapagligtas ang limang libong tao.

“Itinanaw ni Jesus ang kanyang mga mata, at nang makita niya ang napakaraming taong lumalapit sa kanya ay sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay, upang makakain ang mga taong ito?” …

“Sumagot sa kanya si Felipe, Hindi magka[kasya] sa kanila ang dalawang daang denariong tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawat isa.

“Si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya,

“May isang batang lalaki rito na mayroong limang tinapay na sebada at dalawang isda, subalit gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?”3

Naiisip ba ninyo kung ano kaya ang nadama ng Tagapagligtas tungkol sa batang ito, na sa pananampalataya ng isang bata ay inihandog ang alam niyang hindi talaga sasapat para maisakatuparan ang isang malaking gawain?

“[At] kinuha ni Jesus ang mga tinapay at nang makapagpasalamat ay ipinamahagi niya [sa mga disipulo] at [ang mga disipulo ay ipinamahagi ang mga ito] sa mga nakaupo. Binigyan din sila ng mga isda hanggang gusto nila.

“Nang sila’y mabusog ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, Tipunin ninyo ang mga pinagputul-putol na lumabis upang walang anumang masayang.”4

Ginawang perpekto ng Tagapagligtas ang abang handog.

Hindi nagtagal pagkatapos ng karanasang ito, pinauna ni Jesus ang Kanyang mga disipulo sa isang bangka. Kalauna’y natagpuan nila ang kanilang sarili na nasa maunos na dagat sa kalagitnaan ng gabi. Natakot sila nang makita nila ang isang nilalang na parang multo na naglalakad sa ibabaw ng tubig papunta sa kanila.

“Ngunit nagsalita kaagad sa kanila si Jesus, na nagsasabi, Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.

“[At] sumagot sa kanya si Pedro, at nagsabi, Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig.

“[At] sinabi niya, Halika. Kaya’t bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus.

“Ngunit nang mapansin niya ang hangin, natakot siya, at nang siya’y papalubog na ay sumigaw siya, Panginoon, iligtas mo ako!

“[At] inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya, na sinasabi sa kanya, “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”5

Mga kapatid, marahil ay hindi diyan nagtapos ang pag-uusap. Naniniwala ako na nang maglakad si Pedro at ang Tagapagligtas pabalik sa bangka nang magkakapit-bisig, at basang-basa si Pedro at marahil ay parang napakahangal ang pakiramdam, maaaring ganito ang sinabi ng Tagapagligtas: “O, Pedro, huwag kang matakot at mag-alala. Kung titingnan mo ang iyong sarili tulad ng pagtingin ko sa iyo, maglalaho ang iyong pag-aalinlangan at madaragdagan ang iyong pananampalataya. Mahal kita, Pedro; bumaba ka sa bangka. Kasiya-siya ang iyong handog, at kahit nag-alinlangan ka, lagi akong naririyan upang iangat ka mula sa kailaliman, at ang iyong handog ay magiging ganap.”

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf:

“Naniniwala ako na gugustuhin ng Tagapagligtas na si Jesucristo na makita, madama, at malaman ninyo na Siya ang inyong lakas. Na sa tulong Niya, walang limitasyon sa maaari ninyong maisakatuparan. Na walang hangganan ang inyong potensyal. Nais Niyang tingnan ninyo ang inyong sarili tulad ng pagtingin Niya sa inyo. At ibang-iba iyan sa pagtingin sa inyo ng mundo. …

“Nagbibigay Siya ng lakas sa mahihina; at sa mga walang lakas, nagdaragdag Siya ng lakas.”6

Dapat nating tandaan na anuman ang ating pinakamainam ngunit hindi perpektong handog, magagawa itong perpekto ng Tagapagligtas. Gaano man kaliit ang ating mga pagsisikap, hindi natin dapat maliitin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas. Ang isang simpleng salita ng kabaitan, isang maikli ngunit taos-pusong pagbisita para maglingkod, o isang lesson sa Primary na mapagmahal na itinuro, sa tulong ng Tagapagligtas, ay maaaring maglaan ng aliw, magpalambot ng mga puso, at magpabago ng mga buhay na walang hanggan. Ang ating hindi sapat na mga pagsisikap ay maaaring humantong sa mga himala, at dahil dito, maaari tayong makilahok sa isang perpektong pag-ani.

Kadalasa’y napupunta tayo sa mga sitwasyon na magiging dahilan para espirituwal tayong lumago. Maaaring pakiramdam natin ay hindi natin kaya ang ipinagagawa sa atin. Maaaring ang tingin natin sa mga kasama natin sa paglilingkod ay hindi natin sila mapapantayan. Mga kapatid, kung ganito ang pakiramdam ninyo, tingnan ninyo ang pambihirang kalalakihan at kababaihang nakaupo sa aking likuran na kasama ko sa paglilingkod.

Nadarama ko ang nadarama ninyo.

Gayunman, natutuhan ko na tulad ng ang pagnanais na maging perpekto ang lahat ay hindi kapareho ng pagiging [perpekto] kay Cristo, ang pagkukumpara ng sarili ay hindi kapareho ng pagtulad. Kapag ikinukumpara natin ang ating sarili sa iba, dalawa lamang ang magiging resulta nito. Ituturing natin ang ating sarili na mas mabuti tayo kaysa sa iba at magiging mapanghusga at mapamintas tayo sa kanila, o ituturing natin ang ating sarili na mas mababa kaysa sa iba at magiging balisa, mapamintas sa sarili, at manghihina ang loob. Ang pagkukumpara ng ating sarili sa iba ay bihirang kapaki-pakinabang, hindi nakakasigla, at kung minsa’y talagang nakakapanlumo. Sa katunayan, ang mga pagkukumparang ito ay maaaring espirituwal na makapinsala, at humadlang sa atin na matanggap ang espirituwal na tulong na kailangan natin. Sa kabilang dako, ang pagtulad sa mga taong iginagalang natin na nagpapamalas ng mga katangiang tulad ng kay Cristo ay maaaring magturo at magpasigla at matutulungan tayong maging mas mabubuting disipulo ni Jesucristo.

Binigyan tayo ng Tagapagligtas ng isang huwarang tutularan tulad ng pagtulad Niya sa Kanyang Ama. Inutusan Niya ang Kanyang disipulong si Felipe: “Mahabang panahon nang ako’y kasama ninyo, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Paano mong nasabi, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama?’”7

At pagkatapos ay itinuro Niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay gagawin din ang mga gawang aking ginagawa.”8

Gaano man kaliit ang ating mga pagsisikap, kung tayo ay tapat, kakasangkapanin tayo ng Tagapagligtas upang maisakatuparan ang Kanyang gawain. Kung gagawin lang natin ang lahat ng ating makakaya at magtitiwala tayo na pupunan Niya ang kulang, maaari tayong maging bahagi ng mga himalang nakapaligid sa atin.

Sabi ni Elder Dale G. Renlund, “Hindi ninyo kailangang maging perpekto, pero kailangan namin kayo, dahil lahat ng handa ay may magagawa.”9

At itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson, “Nais ng Panginoon na may pagsisikap.”10

Handa ang Tagapagligtas na tanggapin ang ating mapagpakumbabang mga handog at gawing perpekto ang mga iyon sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. Kay Cristo, walang hindi perpektong pag-ani. Kailangang magkaroon tayo ng tapang na maniwala na ang Kanyang biyaya ay para sa atin—na tutulungan Niya tayo, sasagipin tayo mula sa kailaliman kapag nasiraan tayo ng loob, at gagawing perpekto ang ating hindi perpektong mga pagsisikap.

Sa talinghaga ng manghahasik, inilarawan ng Tagapagligtas ang mga binhing itinanim sa mabuting lupa. Ang ilan ay namunga ng tig-iisang daan, ang ilan ay animnapu, at ang iba naman ay tatlumpu. Lahat ay bahagi ng Kanyang perpektong pag-ani.11

Inanyayahan ng propetang si Moroni ang lahat, “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, … at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo.”12

Mga kapatid, pinatototohanan ko si Cristo, na may kapangyarihang gawing perpekto maging ang ating pinakaabang handog. Gawin natin ang lahat ng ating makakaya, dalhin ang lahat ng madadala natin, at, may pananampalatayang ialay ang ating hindi perpektong handog sa Kanyang paanan. Sa pangalan Niya na Panginoon ng perpektong pag-ani, maging si Jesucristo, amen.