Pangkalahatang Kumperensya
Pagkatapos ng Ikaapat na Araw
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


10:43

Pagkatapos ng Ikaapat na Araw

Kapag nagpatuloy tayo nang may pananampalataya kay Jesucristo, ang ikaapat na araw ay palaging darating. Tutulungan Niya tayo palagi.

Naipaalala sa atin sa umagang ito na ngayon ay Linggo ng Palaspas, na tanda ng matagumpay na pagpasok sa Jerusalem ng Tagapagligtas at ng simula ng banal na linggo bago ang Kanyang dakilang Pagbabayad-sala, na kinapapalooban ng Kanyang pagdurusa, Pagkapako sa Krus, at Muling Pagkabuhay.

Hindi pa nagtagal bago ang Kanyang ipinropesiyang pagpasok sa lungsod, si Jesucristo ay lubos na abala sa paggampan ng Kanyang ministeryo nang makatanggap Siya ng mensahe mula sa Kanyang matatalik na kaibigang sina Maria at Marta na ang kanilang kapatid na si Lazaro ay may sakit.1

Bagamat malala ang karamdaman ni Lazaro, ang Panginoon ay “nanatili ng dalawang araw pa sa dating lugar na kinaroroonan niya. Pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, “Pumunta tayong muli sa Judea.”2 Bago simulan ang paglalakbay patungo sa tahanan ng Kanyang mga kaibigan sa Betania, “maliwanag na sinabi … ni Jesus [sa Kanyang mga disipulo], Namatay si Lazaro.’”3

Nang dumating si Jesus sa Betania at unang nakita si Marta at pagkatapos ay si Maria, marahil dahil sa pagkadismaya sa huli Niyang pagdating, sinalubong nila Siya na nagsasabing, “Panginoon, kung ikaw sana’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.”4 Bulalas pa ni Marta, “Nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay.”5

Napakahalaga ng apat na araw na ito kina Maria at Marta. Ayon sa tradisyunal na turo ng mga iskolar na Judio, pinaniniwalaang ang mga espiritu ng mga pumanaw ay nananatili sa katawan sa loob ng tatlong araw na nagbibigay ng pag-asa na posible pa itong mabuhay. Gayunman, ang pag-asang iyon ay wala na sa ikaapat na araw, marahil dahil nagsisimula nang mabulok ang katawan at “mangamoy.”6

Labis ang pagdadalamhati nina Maria at Marta. “Nang makita nga ni Jesus na umiiyak [ si Maria], … siya’y nangaghihinagpis sa espiritu, at nabagabag,

“At sinabi, ‘Saan ninyo siya inilagay? Sinabi nila sa kanya, Panginoon, halika at tingnan mo.”7

Sa sandaling ito natin makikita ang isa sa mga pinakadakilang himala noong Kanyang mortal na ministeryo. Una, sinabi ng Panginoon, “Alisin ninyo ang bato.”8 Pagkatapos, pagkaraang pasalamatan ang Ama, “sumigaw siya nang may malakas na tinig, ‘Lazaro, lumabas ka!’

“Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, ‘Siya’y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.’”9

Tulad nina Maria at Marta, may pagkakataon tayong maranasan ang lahat ng aspekto ng mortalidad, kahit na kalungkutan man10 at kahinaan.11 Ang bawat isa sa atin ay makararanas ng pagdurusa na dulot ng kamatayan ng isang taong mahal natin. Ang paglalakbay natin sa buhay na ito ay maaaring kabilangan ng personal na karamdaman o nakapanghihinang sakit ng mahal natin sa buhay; depresyon, pagkabalisa, o iba pang hamon sa kalusugan sa isip; paghihirap sa pera; pagtataksil; kasalanan. At kung minsan ay may kaakibat ito na kawalan ng pag-asa. Hindi ako naiiba sa inyo. Tulad ninyo, nakaranas na ako ng napakaraming mga hamon na inaasahan natin sa buhay na ito. Napapagnilay ako ng talang ito tungkol sa Tagapagligtas at kung ano ang itinuturo nito sa akin tungkol sa aking ugnayan sa Kanya.

Sa panahon ng ating pinakamatitinding alalahanin, tulad nina Maria at Marta, hinahanap natin ang Tagapagligtas o hinihiling sa Ama ang tulong ng langit. Ang kuwento ni Lazaro ay nagtuturo sa atin ng mga alituntunin na magagamit natin sa ating sariling buhay sa pagharap natin sa personal na mga pagsubok.

Nang dumating ang Tagapagligtas sa Betania, nawala na ang lahat ng pag-asa na maililigtas pa si Lazaro—apat na araw na ang lumipas, at wala na siya. Kung minsan, sa gitna ng ating mga pagsubok, maaari nating madama na tila napakahuli ni Cristo at ang ating pag-asa at pananampalataya ay maaaring tila sinusubok. Nasaksihan at pinatototohanan ko na kapag sumulong tayo nang may pananampalataya kay Jesucristo, ang ikaapat na araw ay palaging dumarating. Palagi Siyang darating para tulungan tayo o muling buhayin ang ating pag-asa. Ipinangako Niya:

“Huwag mabagabag ang inyong puso.”12

“Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako’y darating sa inyo.”13

Kung minsan, tila ba hindi Siya dumarating sa atin hanggang sa matalinghagang ikaapat na araw, matapos na lubos na mawala ang ating pag-asa. Ngunit bakit kaya napakahuli na? Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Alam din ng ating Ama sa Langit, na nagbibigay sa napakaraming tinatamasa natin, na natututo tayo at lumalago at tumatatag kapag hinaharap natin at nalalagpasan ang mga pagsubok na kailangan nating pagdaanan.”14

Kahit ang Propetang Joseph Smith ay nakaranas ng matinding ikaapat na araw. Naaalala ba ninyo ang kanyang pagsamo? “O Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?”15 Kapag nagtitiwala tayo sa Kanya, makaaasa tayong makatanggap ng sagot na tulad ng: “Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang.”16

Ang isa pang mensaheng matututuhan natin mula sa kuwento ni Lazaro ay kung ano ang maaaring maging papel natin sa tulong ng langit na hinahangad natin. Nang lumapit si Jesus sa libingan, sinabi muna Niya sa mga naroroon, “Alisin ninyo ang bato.”17 Sa taglay Niyang kapangyarihan, hindi ba’t magagawa Niyang mahimalang pagalawin ang bato nang walang kahirap-hirap? Kahanga-hanga sanang makita ito at isang di-malilimutang karanasan, ngunit sinabi Niya sa iba, “Alisin ninyo ang bato.”

Pangalawa, ang Panginoon ay “sumigaw [nang may] malakas na tinig, ‘Lazaro, lumabas ka!’”18 Hindi ba’t mas kahanga-hanga sana ito kung ang Panginoon mismo ang mahimalang naglagay kay Lazaro sa may labasan para madali siyang nakita ng mga tao nang alisin ang bato?

Pangatlo, nang lumabas si Lazaro, “ang mga kamay at mga paa [niya] ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. “Sinabi sa kanila ni Jesus, ‘Siya’y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.’”19 Sigurado akong kaya ng Panginoon na patayuin si Lazaro sa labasan, na malinis na at malalapitan, at nakatupi na ang mga telang panlibing.

Ano ang halaga ng pagbibigay-diin sa mga aspektong ito? Ang bawat isa sa tatlong bagay na ito ay may pagkakatulad—wala sa mga ito ang gumamit ng banal na kapangyarihan ni Cristo. Kung magagawa ng Kanyang mga disipulo ang isang bagay, sinasabihan Niya silang gawin ito. Tiyak na kaya ng mga disipulo na pagalawin ang bato; matapos mapabangon, kaya ni Lazaro na tumayo at ipakita ang kanyang sarili sa labasan ng kuweba; at siguradong kaya ng mga nagmahal kay Lazaro na alisin ang mga telang panlibing.

Gayunman, si Cristo lamang ang may kapangyarihan at awtoridad na pabangunin si Lazaro mula sa kamatayan. Ang tingin ko ay inaasahan ng Tagapagligtas sa atin na gawin ang lahat ng magagawa natin, at gagawin Niya naman ang mga bagay na Siya lamang ang makagagawa.20

Alam natin na ang “pananampalataya [sa Panginoong Jesucristo] ay isang alituntunin ng pagkilos”21 at “hindi nagbubunga ang mga himala ng pananampalataya; subalit nahuhubog ang malakas na pananampalataya sa pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sa madaling salita, nagmumula ang pananampalataya sa kabutihan.”22 Kapag nagsikap tayong kumilos nang may kabutihan sa pamamagitan ng pagtupad sa mga sagradong tipan at pamumuhay ng doktrina ni Cristo sa ating mga buhay, ang ating pananampalataya ay hindi lamang magiging sapat para dalhin tayo sa ikaapat na araw, ngunit sa tulong ng Panginoon, magagawa nating pagalawin ang mga bato na nakaharang sa ating landas, bumangon mula sa pagdurusa, at maalis ang ating mga sarili mula sa lahat ng gumagapos sa atin. Inaasahan man ng Panginoon na “ga[ga]win [natin] ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya,”23 tandaan na magbibigay Siya ng kailangang tulong sa lahat ng bagay na ito kapag nagtitiwala tayo sa Kanya.

Paano tayo makapagpapagalaw ng mga bato at makapagtatayo sa Kanyang bato?24 Maaari nating sundin ang payo ng mga propeta.

Halimbawa, noong nakaraang Oktubre, nagsumamo si Pangulong Russell M. Nelson sa atin na maging responsable sa ating sariling mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo, pagtrabahuhan at alagaan ang mga ito, pakainin ang mga ito ng katotohanan, at iwasang dungisan ang mga ito ng mga maling pilosopiya ng mga walang pananalig. Ipinangako niya sa bawat isa sa atin, “Habang ginagawa ninyong pinakamataas na prayoridad ang patuloy na pagpapalakas ng inyong patotoo kay Jesucristo, hintaying mangyari ang mga [himala] sa inyong buhay.25

Magagawa natin ito!

Paano tayo maaaring simbolikal na tumindig at magbangon? Maaari tayong magsisi nang may kagalakan at piliing sumunod sa mga kautusan. Sinabi ng Panginoon, “Siyang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga iyon ay siyang nagmamahal sa akin, at ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at siya’y mamahalin ko, at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.”26 Maaari tayong magsikap na magsisi araw-araw at may kagalakan na sumulong na may pagkukusang puso na puspos ng pag-ibig para sa Panginoon.

Magagawa natin ito!

Paano natin makakalagan ang ating mga sarili sa lahat ng gumagapos sa atin, sa tulong ng Panginoon? Maaari nating sadyang itali ang ating mga sarili una sa lahat sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, sa pamamagitan ng mga tipan. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Ano ba ang pinagmumulan ng [ating] moral at espirituwal na lakas, at paano natin ito matatamo? Diyos ang pinagmumulan nito. Matatamo natin ang lakas na iyon sa pamamagitan ng ating mga tipan sa Kanya. … Sa mga banal na kasunduang ito, inoobliga ng Diyos ang Kanyang sarili na suportahan, pabanalin, at dakilain tayo kapalit ng ating pangakong paglingkuran Siya at sundin ang Kanyang mga utos.”27 Makapaghahanda tayong gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan.

Magagawa natin ito!

“Alisin ninyo ang bato.” “Lumabas ka.” “Siya’y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.”

Mga payo, kautusan, at tipan. Magagawa natin ito!

Ipinangako ni Elder Jeffrey R.Holland, “May mga pagpapalang dumarating kaagad, may ilang huli na, at may ilang hindi dumarating hangga’t hindi tayo nakararating sa langit; ngunit para sa mga taong tumatanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ang mga ito.”28

At bilang wakas,“Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo.”29

Ito ang aking pagsaksi at patotoo, sa sagradong pangalan Niya na palaging dumarating, maging si Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Juan 11:3.

  2. Juan 11:6–7.

  3. Juan 11:14.

  4. Juan 11:21, 32.

  5. Juan 11:39.

  6. “Ang kaluluwa, ayon sa paniniwala ng mga Judio, ay nananatili sa lugar na malapit sa katawan hanggang sa tatlong araw matapos ang kamatayan. Bunga nito, ayon sa paniniwala ng mga Judio, ang pagbuhay sa isang taong namatay na ay imposible sa ikaapat na araw, yamang ang kaluluwa ay hindi na muling papasok sa katawan na nabago na. Naging labis na mas kamangha-mangha sa mga saksi ng himala na pinabangon ni Jesus si Lazaro sa ikaapat na araw. Kaya ang ikaapat na araw ay may espesyal na kahulugan dito at sinadyang gamitin ng mananalaysay kaugnay ng pinakadakila sa lahat ng posibleng himala ng muling pagkabuhay” (Ernst Haenchen, John 2: A Commentary on the Gospel of John, Chapters 7–21, ed. Robert W. Funk at Ulrich Busse, trans. Robert W. Funk [1984], 60–61).

  7. Juan 11:33–34.

  8. Juan 11:39.

  9. Juan 11:43–44.

  10. Tingnan sa Moises 4:22–25

  11. Tingnan sa Eter 12:27.

  12. Juan 14:1.

  13. Juan 14:18.

  14. Thomas S. Monson, “Hindi Kita Iiwan ni Pababayaan,” Liahona, Nob. 2013, 87. Paliwanag pa ni Pangulong Monson: “Alam natin na may mga pagkakataon na daranas tayo ng sama ng loob, dalamhati, at susubukan tayo kung hanggang saan ang ating pananampalataya. Gayunman, ang gayong mga paghihirap ang nagtutulot para tayo’y magpakabuti, ayusin ang ating buhay sa paraang itinuro sa atin ng ating Ama sa Langit, at maging kaiba kaysa rati—mas mabuti kaysa rati, mas maunawain kaysa rati, mas mahabagin kaysa rati, mas malakas ang patotoo kaysa rati” (“Hindi Kita Iiwan ni Pababayaan,” 87). Tingnan din ang Doctrina at mga Tipan 84:119: “Sapagkat ako, ang Panginoon, ay inilagay ang aking kamay upang gamitin ang mga kapangyarihan ng langit; hindi pa ninyo ito makikita ngayon, subalit sa ilang sandali pa at makikita ninyo ito, at malalaman na ako nga, at ako ay paparito”

    Tingnan din sa Mosias 23:21–24:

    “Gayon pa man, minarapat ng Panginoon na pahirapan ang kanyang mga tao; oo, sinusubukan niya ang kanilang tiyaga at kanilang pananampalataya.

    “Gayon pa man—sinuman ang magbibigay ng kanyang tiwala sa kanya, siya rin ay dadakilain sa huling araw. Oo, at gayon din sa mga taong ito.

    “Sapagkat masdan, ipakikita ko sa inyo na dinala sila sa pagkaalipin, at walang makapagpapalaya sa kanila kundi ang Panginoon nilang Diyos, oo, maging ang Diyos nina Abraham at Isaac, at ni Jacob.

    “At ito ay nangyari na, na kanyang pinalaya sila, at kanyang ipinakita ang dakila niyang kapangyarihan sa kanila, at labis ang kanilang mga kasiyahan.”

  15. Doktrina at mga Tipan 121:1.

  16. Doktrina at mga Tipan 121:7.

  17. Juan 11:39.

  18. Juan 11:43.

  19. Juan 11:44.

  20. Sinabi ni Pangulong Nelson: “Madalas, napagmasdan namin ng aking mga tagapayo na may luhaang mga mata ang pamamagitan Niya sa labis na mapanghamong mga sitwasyon matapos naming gawin ang lahat at wala na kaming magagawa pa. Tunay na kami ay namamangha” (“Mensahe ng Pagbati,” Liahona, Mayo 2021, 6).

  21. Bible Dictionary, “Faith.”

  22. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pananampalataya,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs/faith?lang=tgl.

  23. Doktrina at mga Tipan 123:17.

  24. Tingnan sa 3 Nephi 11:32–39.

  25. Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 97.

  26. Juan 14:21.

  27. D. Todd Christofferson, “Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Liahona, Mayo 2009, 20.

  28. Jeffrey R. Holland, “An High Priest of Good Things to Come,” Liahona, Ene. 2000, 45.

  29. Doktrina at mga Tipan 68:6.