Pangkalahatang Kumperensya
Ministering
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


14:31

Ministering

Tumulong tayo at mangalaga na tulad ng gagawin ng Tagapaligtas, lalo na sa mga taong may pribilehiyo at takdang-gawain tayong mahalin at i-minister.

Mahal kong mga kapatid at mga kaibigan welcome sa pangkalahatang kumperensya!

Pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre, naglakad-lakad kami ni Sister Gong sa Conference Center para bumati at marinig ang inyong mga karanasan sa ebanghelyo.

Ang ating mga miyembro sa Mexico ay nagsabing, “Hoy es el tiempo de México.”

Si Gilly at Mary kasama sina Elder at Sister Gong

Nalaman namin na sina Gilly at Mary ay mga kaibigang mula sa England. Noong sumapi si Mary sa Simbahan, nawalan siya ng tirahan. Bukas-palad na inanyayahan ni Gilly si Mary na tumira sa bahay niya. Puno ng pananampalataya, sinabi ni Gilly na, “Hindi ako kailanman nag-alinlangan na kasama ko ang Panginoon.” Sa kumperensya, masaya ang muling pagkikita ni Gilly at ng sister missionary na nagturo sa kanya 47 taon na ang nakalipas.

Si Jeff at Melissa kasama sina Elder at Sister Gong

Si Jeff at ang asawa niyang si Melissa, ay dumalo sa pangkalahatang kumperensya sa unang pagkakataon. Si Jeff ay naglaro noon ng professional baseball (catcher siya noon) at ngayon ay isang physician anesthesiologist. Sabi niya sa akin, “Nakakagulat na mabibinyagan na ako dahil parang ito ang pinakatunay at tapat na paraan ng pamumuhay.”

Bago iyon, humingi ng paumanhin si Melissa sa mga ministering brother ni Jeff, “Ayaw kasi ni Jeff ng ‘puting polo’ sa bahay namin.” Ang sabi ng ministering brother, “Gagawan ko ng paraan.” Ngayon ay mabuti silang magkaibigan ni Jeff. Sa binyag ni Jeff, nakilala ko ang kongregasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw na mahal nina Jeff, Melissa, at ng kanilang anak na si Charlotte.

Bilang mga tagasunod ni Jesucristo, hangad nating maglingkod sa iba gaya ng gagawin Niya dahil may mga buhay na naghihintay na mabago.

Nang sabihin sa akin ni Peggy na ang asawa niyang si John, 31 taon matapos silang ikasal, ay mabibinyagan, itinanong ko kung ano ang nagbago.

Sabi ni Peggy, “Pinag-aralan namin ni John ang Bagong Tipan ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, at nagtanong si John tungkol sa doktrina ng Simbahan.”

“Imbitahin natin ang mga missionary,” sabi ni Peggy.

“Walang mga missionary—maliban kung puwedeng pumunta ang kaibigan ko,” sabi ni John. Sa loob ng mahigit 10 taon, ang ministering brother ni John ay naging kaibigan na kanyang mapagkakatiwalaan. (Naisip ko, paano kaya kung ang ministering brother ni John ay tumigil matapos ang isa, dalawa, o siyam na taon?)

Nakinig si John. Binasa niya ang Aklat ni Mormon nang may tunay na layunin. Nang anyayahan ng mga missionary si John na magpabinyag, oo ang sagot niya. Sabi ni Peggy, “Nahulog ako sa kinauupuan ko at nagsimulang umiyak.”

Nagbago ako nang lumapit ako sa Panginoon,” sabi ni John. Kalaunan, sina John at Peggy ay ibinuklod sa banal na templo. Noong Disyembre, si John ay pumanaw sa edad na 92. Sabi ni Peggy, “Mabuting tao naman si John, pero nag-iba siya sa magandang paraan matapos siyang mabinyagan.”

Si Jenny at Meb

Nakausap namin ni Sister Gong sina Meb at Jenny sa pamamagitan ng video noong pandemyang COVID. (Marami kaming nakausap na mga mag-asawa at mga indibiduwal sa pamamagitan ng video noong panahon ng COVID, na ang bawat isa ay mapanalanging ipinakilala ng kanilang stake president.)

Mapagpakumbabang sinabi nina Meb at Jenny na dahil sa mga problema nila sa buhay, napaisip sila kung maisasalba ang kanilang kasal sa templo at kung maisasalba nga ito, paano. Naniwala sila sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at na ang pangako nila sa tipan ay makakatulong sa kanila.

Wariin ninyo ang kagalakan ko nang magkasamang natanggap nina Meb at Jenny ang mga bagong temple recommend at nang nagbalik sila sa bahay ng Panginoon. Kalaunan, muntik nang mamatay si Meb. Napakalaking pagpapala na naibalik nina Meb at Jenny ang kaugnayan nila sa tipan sa Panginoon at sa isa’t isa at nadama nila ang pagmamahal sa ginagawang ministering ng maraming nakapaligid sa kanila.

Saan man ako magpunta, nagpapasalamat akong matuto mula sa mga nagmi-minister at nangangalaga na tulad ng Tagapagligtas.

Si Salvador kasama sina Elder at Sister Gong

Sa Peru, nakilala namin ni Sister Gong si Salvador at ang mga kapatid niya.1 Silang magkakapatid ay ulila na. Kaarawan noon ni Salvador. Ang mga lider at miyembro ng Simbahan na matapat na naglilingkod sa pamilyang ito ay nakapagbigay sa akin ng inspirasyon. “Ang dalisay na relihiyon at walang dungis … ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo,”2 “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, … palakasin ang tuhod na mahihina.”3

Sa Hong Kong, isang elders quorum president ang nagbahagi kung paano palaging nagagawa ng kanilang korum ang 100-porsiyentong ministering interview. “May panalangin naming binubuo ang mga companionship para lahat ay mapangalagaan,” sabi niya. “Regular naming tinatanong ang bawat companionship tungkol sa mga mini-minister nila. Ito ay hindi lang para makapag-report kami, kundi naglilingkod kami sa mga nagmi-minister sa aming mga miyembro.”

Pamliya Bokolo

Sa Kinshasa, Democratic Republic of the Congo, ibinahagi ni President Bokolo kung paano sumapi ang kanilang pamilya sa Simbahan sa France. Isang araw, habang binabasa niya ang kanyang patriarchal blessing, ipinadama ng Espiritu kay Brother Bokolo na magbalik ang kanilang pamilya sa DR Congo. Alam ni Brother Bokolo na marami silang haharaping mga hamon kung babalik sila. At ang simbahan nila, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay hindi pa naitatag sa Kinshasa.

Gayunman, may pananalig, na gaya ng iba, sinunod ng mga Bokolo ang Espiritu ng Panginoon. Sa Kinshasa, sila ay nag-minister at pinagpala ang mga nakapalibot sa kanila, nalampasan ang mga hamon, at tumanggap ng espirituwal at temporal na mga pagpapala. Ngayon, nagagalak sila na magkaroon ng bahay ng Panginoon sa kanilang bansa.4

Isang convert ang pinaglingkuran sa pamamagitan ng personal na halimbawa. Noong binata pa siya, sabi niya ay palagi siyang nasa dalampasigan. Isang araw, sabi niya, “May nakita akong kaakit-akit na babae na nakasuot ng disenteng swimsuit.” Namamangha, tinanong niya kung bakit ang isang kaakit-akit na babae ay nakasuot ng disenteng swimsuit. Ang babae ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nagtanong nang nakangiti, “Gusto mo bang sumama sa simbahan sa Linggo?” Sumagot siya nang oo.

Maraming taon na ang nakalipas, habang magkasama kami sa isang takdang-gawain, ibinahagi ni Elder L. Tom Perry kung paano sila regular na naglingkod ng kompanyon niya sa isang sister na mag-isang nakatira sa isang magulong lugar sa Boston. Kapag dumarating si Elder Perry at ang kanyang kompanyon, maingat na sinasabi ng sister na, “Ilusot ninyo ang mga temple recommend ninyo sa ilalim ng pinto.” Kapag nakita na niya ang mga temple recommend ay saka lamang niya aalisin ang maraming kandado at bubuksan ang pinto.5 Siyempre, hindi ko sinasabing kailangan ng mga ministering companionship ng temple recommend. Pero gusto ko ang ideya na sa paglilingkod ng mga taong tumutupad sa mga tipan, nabubuksan ang mga kandado ng tahanan at ang mga puso.

May praktikal na payo rin si Elder Perry. Sabi niya, “Bigyan ang mga magkompanyon ng makatuwirang bilang ng mga assignment, na pinili nang may panalangin, na pinagsama-sama ang magkakalapit na mga indibiduwal at pamilya para magamit nang maayos ang oras ng pagbiyahe.” Payo niya, “Magsimula sa mga lubhang nangangailangan ng pagbisita. Unahin ang mga pinakamalamang na tatanggap at tutugon nang mabuti sa mga pagbisita.” Sa huli ay sinabi niya, “Ang hindi nagmamaliw na paggawa nang may katapatan ay naghahatid ng mga himala.”

Ang mas mataas at mas banal na ministering6 ay dumarating kapag tayo ay nagdarasal na magkaroon ng “dalisay na pag-ibig ni Cristo”7 at sumusunod sa Espiritu. Dumarating din ito habang sa patnubay ng bishop ay nakasubaybay ang mga elders quorum at Relief Society presidency sa mga gawain sa ministering, kabilang na ang pag-a-assign ng mga ministering companionship. Pakibigyan ang ating mga kabataan ng kailangang pagkakataon upang makasama at maturuan ng beteranong mga ministering brother at sister. At hayaan ang ating sumisibol na henerasyon na mabigyang-inspirasyon ang mga kompanyon na ministering brother at sister.

Sa ilang lugar sa Simbahan, mayroon tayong ministering gap. Mas marami ang nagsasabi na ginagawa nila ang ministering kaysa sa mga nagsasabi na may nag-minister sa kanila. Ayaw nating basta lang masabi na dumalaw tayo. Pero madalas kailangan natin ng higit pa sa taos na pagbati kapag nagkasalubong o sabihing “May maitutulong ba ako sa iyo?” sa parking lot. Sa maraming lugar, maaari tayong tumulong, umunawa sa katayuan ng iba, at bumuo ng mga ugnayan kapag regular nating binibisita ang mga miyembro sa kanilang tahanan. Ang inspiradong mga imbitasyon ay nakapagpapabago ng buhay. Kapag tinutulungan tayo ng mga imbitasyon na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan, mas napapalapit tayo sa Panginoon at sa bawat isa.

Sinasabi na ang mga nakauunawa sa tunay na diwa ng ministering ay mas maraming nagagawa kaysa dati, samantalang ang mga hindi nakauunawa ay mas kaunti ang nagagawa. Gumawa tayo nang mas marami pa, gaya ng gagawin ng ating Tagapagligtas. Gaya ng nakasaad sa ating himno, ito ay “biyaya ng pagmamahal.”8

Mga ward council, elders quorum, at Relief Society, sana pakinggan ninyo ang Mabuting Pastol at tulungan Siyang “hanapin ang nawala, … ibalik ang iniligaw, … talian ang nabalian, … palakasin ang maysakit.”9 Maaaring makasama natin ang “mga anghel nang hindi namamalayan”10 habang binibigyan natin ang lahat ng lugar sa Kanyang bahay-tuluyan.11

Pinagpapala ng inspiradong ministering ang mga pamilya at indibiduwal; pinapalakas rin nito ang mga ward at branch. Isipin na ang inyong ward o branch ay isang espirituwal na ecosystem. Sa diwa ng alegorya ng mga punong olibo sa Aklat ni Mormon, ang Panginoon ng ubasan at ang kanyang mga lingkod ay nagkaroon ng mahalagang bunga at pinalalakas ang bawat puno sa pagsasama-sama ng mga kalakasan at kahinaan ng lahat ng mga puno.12 Ang Panginoon ng olibohan at ang kanyang mga tagapaglingkod ay paulit-ulit na nagtanong ng “Ano pa ba ang magagawa ko?”13 Magkasama nilang pinagpapala ang mga puso at tahanan, ward at branch, sa pamamagitan ng inspirado at tuluy-tuloy na ministering.14

Magkakasamang mga ugat at mga sanga

Ginagawa ng ministering—pagpapastol—ang ating ubasan na maging “isang kumpol”15—isang sagradong kakahuyan. Ang bawat puno sa ating kakahuyan ay buhay na family tree. Ang mga ugat at mga sanga ay magkakaugnay. Pinagpapala ng ministering ang mga henerasyon. Kapag kailangan ng paglilingkod, ang matalinong mga bishop, elders quorum at Relief Society presidency ay nagtatanong, “Sino ang mga ministering brother at mga ministering sister?” Ang mga ward council at ministering interview ay hindi lamang nagtatanong tungkol sa mga hamon o problema kundi tinitingnan din at nagagalak sa maraming magiliw na awa ng Panginoon sa ating buhay habang tayo ay nagmi-minister tulad ng gagawin Niya.

Ang ating Tagapagligtas ang ating perpektong halimbawa.16 Dahil Siya ay mabuti, maaari Siyang maglibot na gumagawa ng mabuti.17 Pinagpapala Niya ang isa at ang 99. Siya ang huwaran ng ministering. Lalo tayong nagiging katulad ni Jesucristo kapag ginagawa “natin … sa pinakamaliit” ang gagawin natin sa Kanya,18 kapag mahal natin ang ating kapwa gaya sa ating sarili,19 kapag tayo ay “nagmahalan sa isa’t isa, kung paanong minahal ko kayo,”20 at kapag ang “sinuman sa inyo na nagnanais maging dakila ay kailangang maging lingkod ninyo.”21

Si Jesucristo ay naglilingkod. Ang mga anghel ay naglilingkod.22 Ang mga alagad ni Jesucristo ay “naglilingkod sa isa’t isa,”23 “[naki]kigalak sa mga nagagalak, at [naki]kiiyak sa mga umiiyak,”24 “[pinanga]ngalagaan [at] … pinagya[ya]man [ang mga tao] sa mga bagay na nauukol sa kabutihan,”25 “[inaalala] … ang mga maralita at ang mga nangangailangan, ang maysakit at ang naghihirap,”26 ibinabantog ang Kanyang pangalan sa pamamagitan ng ating paglilingkod.27 Sa paglilingkod natin na gaya ng gagawin Niya, nasasaksihan natin ang Kanyang mga himala at ang Kanyang mga pagpapala.28 Nakakamit natin ang “ministeryong higit na marangal.”29

Maaaring mapagod ang ating katawan. Pero sa Kanyang paglilingkod tayo ay “huwag mapagod sa paggawa ng mabuti.”30 Masigasig nating ginagawa ang lahat, hindi tumatakbo nang mas mabilis kaysa sa lakas na mayroon tayo,31 kundi nagtitiwala na “iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya” gaya ng turo ni Apostol Pablo.32 Dahil ang Diyos na “nagbibigay ng binhi sa manghahasik at ng tinapay bilang pagkain, … [siya rin ang] magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik.”33 Sa madaling salita, pinagyayaman ng Diyos ang “bawat bagay dahil sa inyong kagandahang-loob.”34 Sila na “naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.”35

Sa tuwing panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, tumulong tayo at mangalaga na tulad ng gagawin ng Tagapaligtas, lalo na sa mga taong may pribilehiyo at takdang-gawain tayong mahalin at i-minister. Sa paggawa nito, nawa ay mas mapalapit tayo kay Jesucristo at sa bawat isa, nagiging mas katulad Niya at ng mga tagasunod ni Jesucristo na nais Niya tayong maging. Sa Kanyang banal na pangalan, si Jesucristo, Amen.