Iisa kay Cristo
Tanging sa pamamagitan ng ating kani-kanyang katapatan at pagmamahal kay Jesucristo tayo makakaasang maging isa.
Tulad ng nabanggit ni Pangulong Dallin H. Oaks, ngayon ay Linggo ng Palaspas, ang simula ng Mahal na Araw, na tanda ng matagumpay na pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem, ng Kanyang pagdurusa sa Getsemani at kamatayan sa krus ilang araw lang kalaunan, at ang Kanyang Pagkabuhay na Muli sa Araw ng Pasko ng Pagkabuhay. Matibay nating ipasiya na huwag kalimutan kailanman ang dinanas ni Cristo upang matubos tayo.1 At huwag nating hayaang mawala ang lubos na kagalakan na madarama nating muli sa Pasko ng Pagkabuhay habang pinagninilayan natin ang Kanyang tagumpay sa libingan at ang kaloob na pagkabuhay na muli para sa lahat ng tao.
Noong gabi bago naganap ang mga paglilitis at pagpapako sa Kanya sa krus, kasama ni Jesus ang Kanyang mga Apostol para sa pagkain ng Paskua. Sa katapusan ng Huling Hapunang ito, sa isang sagradong Panalangin ng Pamamagitan, nagsumamo si Jesus sa Kanyang Ama sa mga salitang ito: “Amang Banal, ingatan mo [ang aking mga Apostol] sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin, upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa.”2
Pagkatapos, magiliw na isinama ng Tagapagligtas sa Kanyang pagsamo ang lahat ng naniniwala:
“Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;
“Upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako’y sa iyo, sana sila’y manatili sa atin.”3
Ang pagiging isa ay paulit-ulit na paksa sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga anak. Hinggil sa lungsod ng Sion sa panahon ni Enoc, inilarawan na “sila ay may isang puso at isang isipan.”4 Sa mga naunang Banal sa sinaunang Simbahan ni Jesucristo, itinala ng Bagong tipan, “Ang buong bilang ng mga sumampalataya ay may pagkakaisa sa puso at kaluluwa.”5
Sa ating sariling dispensasyon, ipinayo ng Panginoon, “Sinasabi ko sa inyo, maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”6 Isa sa mga dahilang ibinigay ng Panginoon kung bakit nabigong makapagtatag ng lugar ng Sion ang mga naunang Banal sa Missouri ay dahil sila “ay hindi nagkakaisa ayon sa pagkakaisang hinihingi ng batas ng kahariang selestiyal.”7
Kapag nananaig ang Diyos sa lahat ng mga puso at isipan, ang mga tao ay inilarawan bilang “iisa, ang mga anak ni Cristo.”8
Nang ang nabuhay na muling Tagapagligtas ay nagpakita sa sinaunang mga tao ng Aklat ni Mormon, binanggit Niya nang hindi nalulugod na ang mga tao noon ay nagtatalo tungkol sa binyag at iba pang mga bagay. Iniutos Niya:
“Hindi dapat magkaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo, na kagaya noon; ni huwag kayong magkakaroon ng mga pagtatalo sa inyo hinggil sa mga paksa ng aking doktrina, na kagaya noon.
“Sapagkat katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo.”9
Sa daigdig natin ngayon na puno ng pagtatalu-talo, paano makakamit ang pagkakaisa, lalo na sa Simbahan kung saan dapat tayong magkaroon ng “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo”?10 Ibinigay sa atin ni Pablo ang sagot:
“Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
“Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo.”11
Marami tayong mga pagkakaiba at kung minsan ay maraming hindi napagkakasunduan kaya hindi tayo maging isa sa anumang pamantayan o iba pa mang pangalan. Tanging kay Jesucristo tayo tunay na magiging isa.
Ang pagiging isa kay Cristo ay nangyayari nang isa-isa—sinisimulan natin ito sa ating sarili. Tayo ay mga nilalang na may laman at espiritu at kung minsan may pagtatalo sa mismong pag-iisip at damdamin natin. Tulad ng ipinahayag ni Pablo:
“Sapagkat ako’y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao;
“Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa … mga bahagi [ng aking katawan] na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako’y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan.”12
Si Jesus din ay naging laman at espiritu. Siya ay sinubok; Siya ay nakauunawa; matutulungan Niya tayong pag-isahin ang sariling isipan at damdamin natin.13 Samakatwid, sa paggamit ng liwanag at biyaya ni Cristo, nagsisikap tayong panaigin ang ating espiritu—at ang Banal na Espiritu—kaysa ang pisikal. At kapag hindi natin ito nagawa, si Cristo, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay nagbigay sa atin ng kaloob na pagsisisi at ng pagkakataong sumubok muli.
Kung kani-kanya nating “ibi[bi]his si Cristo,” makakaasa tayo na maging isa, tulad ng sinabi ni Pablo na, “katawan ni Cristo.”14 Ang “[ibihis] si Cristo” ay kinapapalooban ng paggawa ng Kanyang “dakila at unang utos”15 bilang ating una at pinakamatibay na pangako, at kung mahal natin ang Diyos, susundin natin ang Kanyang mga utos.16
Ang pagiging isa sa ating mga kapatid sa katawan ni Cristo ay lumalakas kapag sinusunod natin ang pangalawang utos—na hindi maihihiwalay sa una—na mahalin ang kapwa gaya sa ating sarili.17 At sa palagay ko higit na pagkakaisa ang iiral sa atin kung susundin natin ang mas dakila at mas banal na paghahayag ng pangalawang utos na ito ng Tagapagligtas —mahalin ang isa’t isa hindi lamang gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili kundi gaya ng pagmamahal Niya sa atin.18 Sa kabuuan, patungkol ito sa “bawat taong hinahangad ang kapakanan ng kanyang kapwa, at ginagawa ang lahat ng bagay na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.”19
Ipinaliwanag ni Pangulong Marion G. Romney, na noon ay tagapayo sa Unang Panguluhan, kung paano matatamo ang patuloy na kapayapaan at pagkakaisa:
“Kung ang isang tao, na nagpapadaig kay Satanas, ay puno ng mga gawain ng laman, may nagtatalo sa kanyang kalooban. Kung nagpadaig ang dalawang ito, may pagtatalo sa kanilang kalooban at sa isa’t isa. Kung maraming tao ang magpapadaig, [aani] ang lipunan ng malaking problema at pagtatalo. Kung magpapadaig ang mga pinuno ng isang bansa, magkakaroon ng pagtatalo sa buong daigdig.”
Nagpatuloy si Pangulong Romney: “Tulad ng mga gawain ng laman na nakaiimpluwensya sa lahat ng tao, gayon din ang ebanghelyo ng kapayapaan. Kung ipinamumuhay ito ng isang tao, makadarama siya ng kapayapaan sa kanyang kalooban. Kung ipinamumuhay ito ng dalawang tao, makadarama sila ng kapayapaan sa kanilang kalooban at sa isa’t isa. Kung ipinamumuhay ito ng mga mamamayan, ang bansa ay magkakaroon ng kapayapaan. Kapag mayroong mga bansa na nagtatamasa ng bunga ng Espiritu na namamahala sa mga gawain ng daigdig, kung gayon, doon pa lamang, magwawakas ang hangaring makidigma”. … (Tingnan sa Alfred Lord Tennyson, “Locksley Hall,” The Complete Poetical Works of Tennyson, ed. W. J. Rolfe, Boston: Houghton-Mifflin Co., 1898, p. 93, lines 27–28.)”20
Sa pamamagitan ng ating “pagbihis kay Cristo,” nagiging posible na resolbahin o isantabi ang mga pagkakaiba-iba, di-pinagkakasundo, at mga alitan. Ang isang matinding halimbawa ng paglutas sa pagkakahati-hati ay matatagpuan sa kasaysayan ng ating Simbahan. Si Elder Brigham Henry Roberts (mas kilala bilang B. H. Roberts), na ipinanganak sa England noong 1857, ay naglingkod bilang miyembro ng First Council of the Seventy—na tinatawag natin ngayon na Presidency of the Seventy. Si Elder Roberts ay mahusay at masigasig na tagapagtanggol ng ipinanumbalik na ebanghelyo at kaagapay ng Simbahan sa halos lahat ng mahihirap na panahon nito.
Pero noong 1895, nalagay sa peligro ang paglilingkod ni Elder Roberts sa Simbahan dahil sa pagtatalo. Si B. H. ay itinalaga bilang delegado sa kumbensyon na nagsulat ng konstitusyon para sa Utah nang ito ay maging estado. Pagkatapos, nagpasiya siyang maging kandidato para sa Kongresso ng Estados Unidos pero hindi siya nagpabatid o humingi ng pahintulot mula sa Unang Panguluhan. Si Pangulong Joseph F. Smith, tagapayo sa Unang Panguluhan, ay pinagsabihan si B. H. sa hindi niya paghingi ng paalam sa isang pangkalahatang pulong ng priesthood. Natalo sa halalan si Elder Roberts at pakiramdam niya ang malaking dahilan ng pagkatalo niya ay dahil sa mga ipinahayag ni Pangulong Smith. Binatikos niya ang mga lider ng Simbahan sa ilang mga talumpati at panayam niya sa pulitika. Huminto siya sa aktibong paglilingkod sa Simbahan. Sa mahabang pulong sa Salt Lake Temple, kasama ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa, hindi natinag si B. H. na pangatwiranan ang kanyang sarili. Kalaunan, “Binigyan ni Pangulong [Wilford] Woodruff si [Elder Roberts] ng tatlong linggo upang muling pag-isipan ang kanyang desisyon. Kung hindi pa rin siya magsisisi, ire-release nila siya mula sa Pitumpu.”21
Sa sumunod na sarilinang pakikipagpulong kina Apostol Heber J. Grant at Francis Lyman, nagmatigas pa rin si B. H. noong una, pero sa huli ay nanaig pa rin ang Banal na Espiritu. Napaluha siya. Tinugunan ng dalawang Apostol ang ilang mga alalahanin at mga bumabagabag kay B. H., at nagpaalam sila na may tapat na pagsamo ng pakikipagkasundo. Kinaumagahan, matapos ang mahabang panalangin, nagpadala ng maikling liham si Elder Roberts kina Elder Grant at Elder Lyman na handa na siyang makipagkasundo sa kanyang mga kapatid.22
Nang makausap niya kalaunan ang Unang Panguluhan, sinabi ni Elder Roberts, “Lumapit ako sa Panginoon at tumanggap ng liwanag at tagubilin sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu upang sumunod sa awtoridad ng Diyos.”23 Bunsod ng kanyang pagmamahal sa Diyos, si B. H. Roberts ay nanatiling tapat at mahusay na lider ng Simbahan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.24
Makikita natin sa halimbawang ito na ang pagkakaisa ay hindi nangangahulugang sasang-ayunan lamang ang sinuman na gawin ang gusto niya o kamtin ang nais niya sa sariling pamamaraan. Hindi tayo magiging isa maliban kung iaayon natin ang lahat ng ating mga ginagawa para sa iisang adhikain. Ibig sabihin, sabi nga ni B. H. Roberts, sumunod sa awtoridad ng Diyos. Tayo ay magkakaibang miyembro ng katawan ni Cristo na tumutupad ng iba’t ibang gawain sa iba’t ibang pagkakataon—ang tainga, ang mata, ang ulo, ang kamay, at paa—subalit iisang katawan.25 Samakatwid, ang ating mithiin ay “huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkakatulad na malasakit sa isa’t isa.”26
Ang pagkakaisa ay hindi nangangailangan ng pagkapare-pareho, pero kailangan dito ng pagkakasundo. Maaari nating mapagbigkis ang ating mga puso sa pagmamahal, magkaisa sa pananampalataya at doktrina, at sabay na suportahan ang magkaibang koponan, magkaroon ng magkakaibang opinyon sa mga usapin sa pulitika, pagdebatihan ang mga mithiin at ang tamang paraan sa pagkamit sa mga ito, at maraming iba pang mga bagay. Ngunit hindi tayo dapat tumututol o nakikipagtalo sa isa’t isa nang may galit at panghahamak. Sabi ng Tagapagligtas:
“Sapagkat katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.
“Masdan, hindi ito ang aking doktrina, na pukawin sa galit ang mga puso ng tao, isa laban sa isa; kundi ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi.”27
Noong isang taon, nakiusap si Pangulong Russell M. Nelson sa atin gamit ang mga salitang ito: “Walang sinuman sa atin ang kayang kontrolin ang mga bansa o ang kilos ng iba o kahit pa ang sarili nating kapamilya. Pero makokontrol natin ang ating sarili. Ang panawagan ko ngayon, mga minamahal na kapatid, ay wakasan ang mga tunggaliang namamayani sa inyong puso, sa inyong tahanan, at sa inyong buhay. Ibaon ang anuman at lahat ng hangaring saktan ang iba—dulot man ito ng init ng ulo, matalim na dila, o sama-ng-loob sa taong nananakit sa iyo. Inutusan tayo ng Tagapagligtas na ibaling ang isa pa nating pisngi [tingnan sa 3 Nephi 12:39], na mahalin ang ating mga kaaway, at ipagdasal ang may masamang hangarin na nanggagamit sa atin [tingnan sa 3 Nephi 12:44].”28
Sinasabi kong muli na tanging sa pamamagitan ng ating kani-kanyang katapatan at pagmamahal kay Jesucristo tayo makakaasa na maging isa—isa sa isip at damdamin natin, isa sa tahanan, isa sa Simbahan, at sa huli maging isa sa Sion, at higit sa lahat, maging isa sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo.
Babalikan ko ang mga kaganapan sa Mahal na Araw at ang pangkatapusang tagumpay ng ating Manunubos. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay nagpapatotoo sa Kanyang kabanalan at sa Kanyang pagdaig sa lahat ng bagay. Pinatototohanan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli na, sa ating pakikipagtipan sa Kanya, maaari nating madaig ang lahat ng bagay at maging isa. Pinatototohanan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli na sa pamamagitan Niya, ang imortalidad at buhay na walang-hanggan ay totoo.
Ngayong umaga, pinatototohanan ko ang Kanyang literal na Pagkabuhay na Mag-uli at lahat ng ipinahihiwatig nito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.