Pangkalahatang Kumperensya
Pagkakaroon ng Personal na Kapayapaan
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


15:54

Pagkakaroon ng Personal na Kapayapaan

Dalangin ko na magkaroon kayo ng kapayapaan, matulungan ang marami pang iba na magkaroon nito, at ibahagi ito sa iba.

Mahal kong mga kapatid, pinagpala tayo ng mga inspiradong turo at magandang musika na nakaantig sa atin sa pagsisimula ng sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya. Salamat sa inyong pakikilahok at sa inyong pananampalalataya.

Magsasalita ako ngayon tungkol sa natutuhan ko tungkol sa himala ng pagkakaroon ng personal na kapayapaan, anuman ang ating sitwasyon. Alam ng Tagapagligtas na ang lahat ng anak ng Ama sa Langit ay naghahangad ng kapayapaan, at sinabi Niyang maibibigay Niya ito sa atin. Naaalala ninyo ang mga salita ni Jesucristo na nakatala sa aklat ni Juan: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man.”1

Ang ibig Niyang sabihin sa kapayapaan at kung paano Niya ito maibibigay ay makikita sa mga kalagayan ng mga tao na narinig Siya na sinasabi ang mga salitang iyon. Pakinggan ang salaysay ni Juan sa pagtatapos ng ministeryo ni Cristo. Hinadlangan Siya ng malulupit na puwersa ng kasamaan at hindi magtatagal ay hahadlangan ng mga ito ang Kanyang mga disipulo.

Narito ang mga salita ng Tagapagligtas:

“Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.

“At hihingin ko sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng isa pang Mang-aaliw, upang makasama ninyo siya magpakailanman.

“Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan; sapagkat siya’y hindi nito nakikita o nakikilala man. Siya’y nakikilala ninyo, sapagkat siya’y nananatiling kasama ninyo at siya ay mapapasa inyo.

“Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako’y darating sa inyo.

“Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako; sapagkat ako’y nabubuhay ay mabubuhay rin kayo.

“Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako’y nasa aking Ama, at kayo’y nasa akin, at ako’y nasa inyo.

“Siyang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga iyon ay siyang nagmamahal sa akin, at ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at siya’y mamahalin ko, at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.

“Si Judas (hindi ang Iscariote) ay nagsabi sa kanya, ‘Panginoon, paano mong ihahayag ang iyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?’

“Sumagot si Jesus sa kanya, ‘Kung ang isang tao ay nagmamahal sa akin, ay kanyang tutuparin ang aking salita, at siya’y mamahalin ng aking Ama, at kami’y lalapit sa kanya, at kami’y gagawa ng tahanang kasama siya.

“Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita, at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

“Ang mga bagay na ito’y sinabi ko sa inyo, samantalang ako’y nananatiling kasama pa ninyo.

“Subalit ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng aking sinabi sa inyo.

“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man.”2

May natutuhan ako na limang katotohanan mula sa turong iyon ng Tagapagligtas.

Una, ang kaloob na kapayapaan ay ibinibigay matapos nating magkaroon ng pananampalataya na sundin ang Kanyang mga utos. Sa mga nakipagtipang miyembro ng Simbahan ng Panginoon, pagsunod ang naipangako na nating gawin.

Pangalawa, ang Espiritu Santo ay darating at makakasama natin. Sinabi ng Panginoon na kapag patuloy tayong naging matapat, mapapasaatin ang Espiritu Santo. Iyan ang pangako sa panalangin sa sakramento na ang Espiritu ay makakasama natin at na madarama natin, sa ating puso’t isipan, ang Kanyang pagpapanatag.

Pangatlo, nangako ang Tagapagligtas na kapag tinupad natin ang ating mga tipan, madarama natin ang pagmamahal ng Ama at ng Anak para sa isa’t isa at para sa atin. Madarama natin ang pagiging malapit Nila sa ating mortal na buhay, tulad ng madarama natin kapag nabiyayaan na tayong makasama Sila magpakailanman.

Pang-apat, ang pagtupad sa mga kautusan ng Panginoon ay nangangailangan ng higit pa sa pagsunod. Dapat nating mahalin ang Diyos nang buong puso, lakas, pag-iisip, at kaluluwa natin.3

Ang mga hindi nagmamahal sa Kanya ay hindi sumusunod sa Kanyang mga kautusan. At kaya nga hindi sila magkakaroon ng kaloob na kapayapaan sa buhay na ito at sa daigdig na darating.

Panglima, malinaw na labis tayong minamahal ng Panginoon kaya binayaran Niya ang halaga ng ating mga kasalanan upang—sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Kanya at sa ating pagsisisi, sa pamamagitan ng epekto ng Kanyang Pagbabayad-sala—maaari nating matanggap ang kaloob na kapayapaan na “hindi maabot ng pag-iisip,”4 sa buhay na ito at sa piling Niya magpakailanman.

Ang ilan sa inyo, marahil marami sa inyo, ang hindi nakadarama ng kapayapaan na ipinangako ng Panginoon. Maaaring ipinagdasal na ninyo na magkaroon ng personal na kapayapaan at espirituwal na kapanatagan. Ngunit maaaring nadarama ninyo na hindi sinasagot ng langit ang inyong pagsusumamo.

May kaaway ang inyong mga kaluluwa na hindi nagnanais na magkaroon kayo at ang mga mahal ninyo sa buhay ng kapayapaan. Hindi siya masisiyahan dito. Kumikilos siya para mapigilan kayo na gustuhing matamo ang kapayapaan na ninanais ng Tagapagligtas at ng ating Ama sa Langit na magkaroon kayo.

Ang mga pagtatangka ni Satanas na magtanim ng pagkamuhi at pagtatalo sa buong paligid natin ay tila tumitindi. Nakikita natin ang mga katibayan na nagaganap ito sa mga bansa at lungsod, sa mga komunidad, sa electronic media, sa buong mundo.

Gayunman may dahilan para maging positibo: ito ay dahil ang Liwanag ni Cristo ay inilagay sa bawat bagong panganak na bata. Dahil sa kaloob na ito sa lahat ay nagkaroon ng paghiwatig sa kung ano ang tama, ng pagnanais na magmahal at mahalin. May paghiwatig sa hustisya at katotohanan mula kapanganakan ang bawat anak ng Diyos sa pagdating nila sa mortalidad.

Ang pagiging positibo natin na magkakaroon ng personal na kapayapaan ang mga batang iyon ay nakasalalay sa mga tao na nag-aalaga sa kanila. Kung ang mga nagpapalaki sa kanila ay nagsikap para matanggap ang kaloob na kapayapaan mula sa Tagapagligtas, mahihikayat nila ang pananampalataya ng bata na maging marapat para sa kaloob na kapayapaan ng langit, sa pamamagitan ng personal na halimbawa at pagsisikap.

Iyan ang ipinapangako ng mga banal na kasulatan, “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at kapag tumanda na siya ay hindi niya ito tatalikuran.”5 Kakailanganin na ang inatasang mag-alaga at magpalaki sa bata ay marapat sa kaloob na kapayapaan.

Nakakalungkot na nadama na nating lahat ang sakit kapag ang mga anak na pinalaki ng mabubuting magulang—kung minsan ng iisang magulang lamang—ay pinipili kalaunan na tahakin ang landas ng kalungkutan matapos ang habambuhay na pananampalataya at kapayapaan.

Kahit na nagaganap ang kalungkutang iyon, nagpapatuloy pa rin ang aking pagiging positibo dahil sa isa pang kaloob na mula sa Panginoon. Iyon ay ito: na naglaan Siya ng maraming tagapamayapa mula sa Kanyang mga pinagkakatiwalaang disipulo. Nadama na nila ang kapayapaan at pagmamahal ng Diyos. Taglay nila ang Espiritu Santo sa kanilang mga puso, at magagabayan sila ng Panginoon sa paghanap sa mga nawawalang tupa.

Nakita ko ito sa buong buhay ko at sa iba’t ibang panig ng mundo. Nakita na rin ninyo ito. Kung minsan, kapag dinadala kayo sa mga kailangang sagipin, tila ito ay nagkataon lamang.

Minsan, tinanong ko lang ang isang taong nakilala ko sa biyahe, “Maaari bang kuwentuhan mo ako nang kaunti tungkol sa pamilya mo?” Humantong ang pag-uusap namin sa paghiling ko sa kanya na makita ang larawan ng kanyang anak na babae na nasa hustong edad na, na ayon sa kanya ay nahihirapan. Humanga ako sa kabutihang nakita ko sa mukha ng babaeng iyon sa larawan. Nagkaroon ako ng impresyon na tanungin kung maaari kong makuha ang email address niya. Noong panahon iyon ay naliligaw ang anak na ito at iniisip kung may mensahe ba ang Diyos para sa kanya. Mayroon nga. Ito ang mensahe: “Mahal ka ng Panginoon. Palagi ka Niyang minamahal. Nais ng Panginoon na bumalik ka. Ang mga ipinangakong pagpapala sa iyo ay naroroon pa rin.”

Nadama na ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang lugar ang kaloob na personal na kapayapaan ng Panginoon. Hinihikayat Niya ang lahat na tulungan ang iba na magkaroon ng mga pagkakataon na lumapit sa Kanya at maging marapat para sa ganitong kapayapaan sa kanilang sarili. Pagkatapos, sila naman ang magpapasiya na maghangad ng inspirasyon na malaman kung paano nila maipapasa ang kaloob sa iba.

Ang bagong salinlahi ang magiging tagapangalaga ng mga susunod na henerasyon. Ang mga pagsisikap ay madaragdagan nang madaragdagan sa mahimalang paraan. Lalaganap ito at lalaki sa paglipas ng panahon, at ang kaharian ng Panginoon sa lupa ay magiging handa na batiin Siya habang sumisigaw ng hosana. Magkakaroon ng kapayapaan sa mundo.

Ibinibigay ko ang aking tiyak na patotoo na buhay ang Tagapagligtas at na pinamumunuan Niya ang Simbahang ito. Nadama ko ang Kanyang pagmamahal sa buhay ko at ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit para lahat ng anak ng Ama sa Langit. Ang paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya ay pag-aalok ng kapayapaan.

Si Pangulong Russell M. Nelson ang buhay na propeta ng Diyos para sa buong mundo. Sabi niya, “Ibinibigay ko sa inyo ang aking pagtitiyak na sa kabila ng kondisyon ng mundo at ng personal na mga kalagayan ninyo, maaari ninyong harapin ang hinaharap nang may optimismo at kagalakan.”6

Ipinahahayag ko ang pagmamahal ko sa inyo. Ang malaking pananampalataya at pagmamahal ninyo ay nakaaabot sa mga tao at nagtutulot sa Panginoon na magbago ng mga puso at nang sa gayon ay magkaroon ang mga ito ng pagnanais na ihandog sa iba ang kaloob na kapayapaan na hindi maabot ng pag-iisip.

Dalangin ko na magkaroon kayo ng kapayapaan, matulungan ang marami pang iba na magkaroon nito, at ibahagi ito sa iba. Magkakaroon ng kamangha-manghang isang libong taon ng kapayapaan sa muling pagparito ng Panginoon. Pinatototohanan ko ito sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, Amen.