Pangkalahatang Kumperensya
Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga Tipan
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


13:9

Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga Tipan

Habang tumatahak kayo sa landas ng tipan, mula sa binyag hanggang sa templo at habambuhay, ipinapangako ko sa inyo ang kapangyarihang salungatin ang likas na daloy ng kamunduhan.

Noong nakaraang Nobyembre, nagkaroon ako ng pribilehiyong ilaan ang Belém Brazil Temple. Isang kagalakang makasama ang itinalagang mga miyembro ng Simbahan sa hilagang Brazil. Noong panahong iyon, nalaman ko na ang Belém ang daan papasok sa rehiyon na kinabibilangan ng pinakamalakas na ilog sa mundo, ang Amazon River.

Sa kabila ng lakas ng ilog, dalawang beses sa isang taon ay may isang bagay na tila hindi likas na nangyayari. Kapag magkakalinya ang araw, buwan, at daigdig, isang malakas na tidal wave ang dumadaluyong sa ilog, pasalungat sa likas na daloy ng tubig. Mga alon na hanggang 6 na metro ang taas1 na dumadaluyong hanggang 50 kilometro ang layo2 pasalungat sa agos ang naitala na. Ang kakaibang pangyayaring ito, na karaniwang tinatawag na tidal bore, ay tinatawag ng mga tagaroon na pororoca, o “malakas na dagundong,” dahil sa malakas na ingay na nililikha nito. Tamang sabihin na kahit ang napakalakas na Amazon ay kailangang sumunod sa mga kapangyarihan ng langit.

Tulad ng Amazon, mayroon tayong likas na daloy sa ating buhay; ginagawa natin ang anumang likas na dumarating. Tulad ng Amazon, sa tulong ng langit maaari nating gawin ang mga bagay na tila hindi natural. Mangyari pa, hindi likas sa atin ang magpakumbaba, maging maamo, o handang isuko ang ating kalooban sa Diyos. Subalit sa paggawa lamang nito tayo maaaring mabago, makabalik sa piling ng Diyos, at makamtan ang ating walang-hanggang tadhana.

Hindi tulad ng Amazon, mapipili natin kung susunod ba tayo sa mga kapangyarihan ng langit o “sasabay tayo sa daloy ng mundo.”3 Maaaring mahirap sumalungat sa daloy. Ngunit kapag sumusunod tayo sa “[mga] panghihikayat ng Banal na Espiritu” at hinuhubad natin ang mga makasariling pag-uugali ng likas na lalaki o babae,4 matatanggap natin ang nagpapabagong kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay, ang kapangyarihang gawin ang mahihirap na bagay.

Itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano ito gagawin. Ipinangako niya, “Bawat taong nakikipagtipan sa mga bautismuhan at sa mga templo—at tinutupad ang mga iyon—ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo … [upang] madaig ang impluwensya ng masamang mundong ito.”5 Sa madaling salita, maaari nating matamo ang kapangyarihan ng Diyos, ngunit kapag nakipag-ugnayan lamang tayo sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan.

Bago nilikha ang daigdig, nagtatag ang Diyos ng mga tipan bilang mekanismo upang tayo, na Kanyang mga anak, ay mapagkaisa ang ating mga sarili sa Kanya. Batay sa walang-hanggan at di-nagbabagong batas, tinukoy Niya ang di-mababagong mga kundisyon para tayo ay mabago, maligtas, at mapadakila. Sa buhay na ito, gumagawa tayo ng mga tipan sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood at nangangako na gagawin ang ipinagagawa sa atin ng Diyos, at kapalit nito, nangako ang Diyos sa atin ng partikular na mga pagpapala.6

Ang tipan ay isang pangako na dapat nating paghandaan, maunawaan nang malinaw, at lubos na tuparin.7 Ang pakikipagtipan sa Diyos ay iba kaysa kaswal na paggawa ng pangako. Una, kailangan ang awtoridad ng priesthood. Pangalawa, ang hindi matibay na pangako ay walang kaakibat na lakas para ilayo tayo sa impluwensya ng likas na daloy ng mundo. Nakikipagtipan lamang tayo kapag hangad nating lubusang maging tapat sa pagtupad nito.8 Tayo ay nagiging mga pinagtipanang anak ng Diyos at tagapagmana ng Kanyang kaharian, lalo na kapag nagsisikap tayong gawing pangunahing bahagi ng ating pagkatao ang ating tipan.

Ang katagang landas ng tipan ay tumutukoy sa pagkakasunud-sunod ng mga tipan na naglalapit sa atin kay Cristo at nag-uugnay sa atin sa Kanya. Sa nagbibigkis na tipan na ito, maaari nating matamo ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan. Ang landas ay nagsisimula sa pagsampalataya kay Jesucristo at pagsisisi, na sinusundan ng pagpapabinyag at pagtanggap ng Espiritu Santo.9 Ipinakita sa atin ni Jesucristo kung paano pumasok sa landas nang magpabinyag Siya.10 Ayon sa mga salaysay ng Ebanghelyo sa Bagong Tipan sa Marcos at Lucas, direktang nangusap ang Ama sa Langit kay Jesus sa Kanyang binyag, sinasabing, “Ikaw ang pinakamamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.” Kapag pumasok tayo sa landas ng tipan sa pamamagitan ng binyag, nawawari ko na gayon din ang sasabihin ng Ama sa Langit sa bawat isa sa atin: “Ikaw ang mahal kong anak na kinalulugdan ko. Magpatuloy ka.”11

Sa binyag at kapag tumatanggap tayo ng sakramento,12 pinatutunayan natin na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo.13 Sa kontekstong ito, isaisip natin ang kautusan sa Lumang Tipan, “Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan.”14 Sa pagkaunawa natin ngayon, parang pagbabawal ito laban sa walang-pitagang paggamit ng pangalan ng Panginoon. Kasama iyan sa kautusan, ngunit mas malalim ang inuutos nito. Ang kahulugan ng salitang Hebreo na isinalin bilang “babanggitin” ay “itataas” o “dadalhin,” tulad sa isang tao na may dalang bandila na nagpapakita na kabilang siya sa isang grupo.15 Ang kahulugan ng salitang isinalin bilang “walang kabuluhan” ay “hungkag” o “mapanlinlang.”16 Ang kahulugan kung gayon ng kautusang huwag banggitin ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan ay, “Hindi mo dapat ibilang ang iyong sarili na disipulo ni Jesucristo maliban kung hangarin mong katawanin Siya nang maayos.”

Tayo ay nagiging mga disipulo Niya at kinakatawan natin Siya nang maayos kapag kusa at unti-unti nating tinataglay sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng mga tipan. Ang ating mga tipan ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihang manatili sa landas ng tipan dahil ang ating ugnayan kay Jesucristo at sa ating Ama sa Langit ay nagbago. Nakaugnay tayo sa Kanila sa bigkis na nakabatay sa mga tipan.

Ang landas ng tipan ay humahantong sa mga ordenansa ng templo, tulad ng temple endowment.17 Ang endowment ay kaloob ng Diyos na mga sagradong tipan na nag-uugnay sa atin nang mas lubusan sa Kanya. Sa endowment, nakikipagtipan tayo na, una, sisikapin na sundin ang mga kautusan ng Diyos; pangalawa, magsisisi nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu; pangatlo, ipamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya, pakikipagtipan sa Diyos kapag tinatanggap natin ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, pagtupad sa mga tipang iyon sa buong buhay natin, at pagsisikap na ipamuhay ang dalawang dakilang utos na mahalin ang Diyos at kapwa. Nakikipagtipan tayo na, pang-apat, susundin ang batas ng kalinisang-puri at, panlima, ilalaan ang ating sarili at lahat ng ibinigay sa atin ng Panginoon sa pagtatayo ng Kanyang Simbahan.18

Sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo, mas natututuhan natin ang mga layunin ng Panginoon at natatanggap ang kaganapan ng Espiritu Santo.19 Tumatanggap tayo ng patnubay para sa ating buhay. Mas lumalalim ang ating pagkadisipulo upang hindi tayo manatiling mga bata na walang alam.20 Sa halip, nabubuhay tayo na may walang-hanggang pananaw at mas nagaganyak na maglingkod sa Diyos at sa iba. Tumatanggap tayo ng dagdag na kakayahang tuparin ang ating mga layunin sa mortalidad. Napoprotektahan tayo mula sa kasamaan,21 at nagtatamo tayo ng higit na lakas na mapaglabanan ang tukso at magsisi kapag nagkakasala tayo.22 Kapag nagkakamali tayo, ang alaala ng ating mga tipan sa Diyos ay tumutulong sa atin na bumalik sa tamang landas. Sa pagkonekta sa kapangyarihan ng Diyos, tayo ay nagiging sarili nating pororoca, na nagagawang sumalungat sa daloy ng mundo, sa buong buhay natin hanggang sa kawalang-hanggan. Sa huli, ang ating tadhana ay nagbabago dahil ang landas ng tipan ay humahantong sa kadakilaan at buhay na walang hanggan.23

Ang pagtupad sa mga tipan na ginagawa sa mga bautismuhan at templo ay nagbibigay din sa atin ng kapangyarihang tiisin ang mga pagsubok at pighati sa mortalidad.24 Ang doktrinang nauugnay sa mga tipang ito ay nagpapadali sa ating daan at nagbibigay ng pag-asa, kapanatagan, at kapayapaan.

Ang lola’t lolo ko na sina Lena Sofia at Matts Leander Renlund ay tumanggap ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang tipan sa binyag nang sumapi sila sa Simbahan noong 1912 sa Finland. Masaya silang maging bahagi ng unang branch ng Simbahan sa Finland.

Pumanaw si Leander dahil sa tuberculosis pagkaraan ng limang taon noong ipinagbubuntis ni Lena ang kanilang ikasampung anak. Ang anak na iyon, ang aking ama, ay ipinanganak dalawang buwan pagkamatay ni Leander. Inilibing ni Lena kalaunan hindi lamang ang kanyang asawa kundi maging ang pito sa sampung anak niya. Dahil isang nagdarahop na balo, nahirapan siya. Sa loob ng 20 taon ay hindi siya nakatulog nang mahimbing. Sa umaga, nagpapakahirap siya para mapakain ang kanyang pamilya. Sa gabi, inaalagaan niya ang mga kapamilyang naghihingalo. Mahirap isipin kung paano siya nakaraos.

Nagtiyaga si Lena dahil alam niya na maaaring maging kanya ang kanyang pumanaw na asawa at mga anak hanggang sa kawalang-hanggan. Ang doktrina ng mga pagpapala ng templo, pati na ng mga walang-hanggang pamilya, ay naghatid ng kapayapaan sa kanya dahil nagtiwala siya sa kapangyarihan ng pagbubuklod. Noong nabubuhay pa siya, hindi niya natanggap ang kanyang endowment ni hindi siya nabuklod kay Leander, ngunit nanatiling mahalagang impluwensya si Leander sa kanyang buhay at bahagi ng kanyang malaking pag-asa para sa hinaharap.

Noong 1938, nagsumite ng mga talaan si Lena upang maisagawa ang mga ordenansa sa templo para sa kanyang pumanaw na mga kapamilya, na ilan sa mga unang isinumite mula sa Finland. Nang pumanaw siya, isinagawa ng iba ang mga ordenansa sa templo para sa kanya, kay Leander, at sa pumanaw niyang mga anak. Sa pamamagitan ng proxy, na-endow siya, nabuklod sina Lena at Leander sa isa’t isa, at nabuklod sa kanila ang kanilang pumanaw na mga anak at ang aking ama. Tulad ng iba, si Lena ay “namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, ngunit nakita niya ang mga ito mula sa malayo, … [siya ay nahikayat ng mga ito, at tinanggap niya ang mga ito].”25

Namuhay si Lena na para bang nagawa na niya ang mga tipang ito sa buhay niya. Alam niya na iniugnay siya sa Tagapagligtas ng kanyang mga tipan sa binyag at sa sakramento. Hinayaan niyang ang “[pag-asam sa] tahanan [ng Manunubos] ay [maghatid ng] pag-asa … sa [kanya].”26 Itinuring ni Lena na isa sa pinakamalalaking awa ng Diyos na nalaman niya ang tungkol sa mga walang-hanggang pamilya bago siya dumanas ng mga trahedya sa buhay. Sa pamamagitan ng tipan, natanggap niya ang kapangyarihan ng Diyos na matiis at madaig ang kanyang nakapanlulumong mga hamon at hirap.

Habang tumatahak kayo sa landas ng tipan, mula sa binyag hanggang sa templo at habambuhay, ipinapangako ko sa inyo ang kapangyarihang salungatin ang likas na daloy ng kamunduhan—kapangyarihang matuto, kapangyarihang magsisi at mapabanal, at kapangyarihang makasumpong ng pag-asa, kapanatagan, at maging ng kagalakan kapag may mga hamon kayo sa buhay. Nangangako ako sa inyo at sa inyong pamilya ng proteksyon laban sa impluwensya ng kaaway, lalo na kapag ang templo ang pangunahing pinagtutuunan ninyo sa buhay.

Kapag lumapit kayo kay Cristo at nakaugnay kayo sa Kanya at sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng tipan, may isang bagay na tila hindi likas na nangyayari. Kayo ay nagbabago at nagiging ganap kay Jesucristo.27 Kayo ay nagiging pinagtipanang anak ng Diyos at tagapagmana sa Kanyang kaharian.28 Nakikinita ko na sinasabi Niya sa inyo, “Ikaw ang mahal kong anak na kinalulugdan Ko. Maligayang pagbabalik.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Humigit-kumulang 20 talampakan.

  2. Humigit-kumulang 30 milya.

  3. Makakapili tayo dahil binigyan tayo ng Diyos ng pribilehiyong pumili at kumilos para sa ating sarili. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kalayaang Mamili,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org; 2 Nephi 2:27; Moes 7:32.

  4. Tingnan sa Mosias 3:19.

  5. Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022; 96, 97.

  6. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipan,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.

  7. Lahat ay nagkakasala paminsan-minsan, ngunit ang Diyos ay mapagpasensya sa ating mga pagkakasala at binigyan tayo ng kaloob na pagsisisi kahit nalabag natin ang isang tipan. Tulad ng itinuro ni Elder Richard G. Scott, “Iba ang tingin ng Panginoon sa mga kahinaan kaysa paghihimagsik … [dahil] kapag nagsalita ang Panginoon tungkol sa mga kahinaan, lagi itong may kahalong awa” (“Sariling Lakas sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2013, 83). Kaya nga hindi tayo dapat magduda sa kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan tayo sa ating mga kahinaan. Gayunman, ang sadyang paglabag sa tipan nang may sadyang binuong plano na magsisi pagkatapos—sa madaling salita, planadong pagkakasala at pagsisisi—ay kasuklam-suklam sa Panginoon (tingnan sa Mga Hebreo 6:4–6).

  8. Tingnan sa Robert Bolt, A Man for All Seasons: A Play in Two Acts (1990), xiii–xiv, 140.

  9. Tingnan sa 2 Nephi 31:17–18.

  10. Tingnan sa 2 Nephi 31:4–15.

  11. Itinala ni Lucas, “At bumaba sa kanya ang Espiritu Santo na may anyong katawan na tulad sa isang kalapati. May isang tinig na nagmula sa langit, ‘Ikaw ang pinakamamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod’” (Lucas 3:22). Itinala ni Marcos, “At may isang tinig na nagmula sa langit, [nagsasabing,] ‘Ikaw ang minamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod’” (Marcos 1:11). Mas malinaw at magiliw ang pagsasalin ni William Tyndale kaysa sa King James Version. Sa kanyang pagsasalin, sabi ng tinig ng Ama sa Langit, “Ikaw ang aking mahal na Anak na aking kinalulugdan” (sa Brian Moynahan, God’s Bestseller: William Tyndale, Thomas More, and the Writing of the English Bible—A Story of Martyrdom and Betrayal [2002], 58). Si Mateo lamang ang nagtala na ang tinig ay mas nakadirekta para sa lahat, nagsasabing, “[At] sinabi ng isang tinig mula sa langit, Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod” (Mateo 3:17). Nakasaad lamang sa Ebanghelyo ayon kay Juan ang tungkol sa pagbibinyag ni Juan Bautista: “Aking nakita at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Diyos” (Juan 1:34).

  12. Tingnan sa 2 Nephi 31:13; Doktrina at mga Tipan 20:77.

  13. Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks ang kahalagahan ng katagang “pumapayag” kapag nagpapanibago tayo ng ating tipan sa binyag sa sakramento: “Mahalaga na kapag tumatanggap tayo ng sakramento, hindi natin pinatutunayan na tinataglay natin ang pangalan ni Jesucristo. Ipinapakita natin na pumapayag tayo na gawin ito. [Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77.] Ang katotohanan na pinatutunayan lamang natin ang ating pagpayag ay nagpapahiwatig na may iba pang kailangang mangyari bago natin taglayin talaga ang sagradong pangalan sa ating sarili sa pinakamahalagang kahulugan nito” (“Taking upon Us the Name of Jesus Christ,” Ensign, Mayo 1985, 81). Ang “may iba pa” ay tumutukoy sa mga pagpapala ng templo at kadakilaan sa hinaharap.

  14. Exodo 20:7.

  15. Tingnan sa James Strong, The New Strong’s Expanded Exhaustive Concordance of the Bible (2010), bahaging diksyunaryong Hebreo, pahina 192, bilang 5375.

  16. Tingnan sa Strong, The New Strong’s Expanded Exhaustive Concordance of the Bible, bahaging diksyunaryong Hebreo, pahina 273, bilang 7723.

  17. Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang tipan sa binyag ay malinaw na nagpapaisip sa atin ng isa o maraming pangyayari sa hinaharap at ng pag-asam na makapasok sa templo. … Ang [proseso ng] pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo na nagsimula sa binyag ay nagpapatuloy at lumalawak sa bahay ng Panginoon. Noong tayo ay nabinyagan, sinimulan natin ang paglalakbay patungo sa templo. Sa pakikibahagi natin sa sacrament, ibinabaling natin ang isipan sa templo. Ipinapangako natin na aalalahanin sa tuwina ang Tagapagligtas at susundin ang Kanyang mga utos bilang paghahanda para makibahagi sa mga sagradong ordenansa ng templo at makamit ang pinakamataas na pagpapala na makakamit sa pamamagitan ng pangalan at awtoridad ng Panginoong Jesucristo. Kung kaya’t sa mga ordenansa ng banal na templo natin ganap at lubusang tinataglay sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo” (“Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Liahona, Mayo 2009, 98). Ang proseso ay malamang na hindi kumpleto hanggang sa “tayo ay [maging] katulad niya” (Moroni 7:48), kapag ganap na tayong nabago.

  18. Tulad ng ipinaliwanag sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 27.2 (ChurchofJesusChrist.org), ang mga tipan ay para ipamuhay ang batas ng pagsunod, sundin ang batas ng sakripisyo, sundin ang batas ng ebanghelyo ni Jesucristo, sundin ang batas ng kalinisang-puri, at sundin ang batas ng lubos na paglalaan; tingnan din sa David A. Bednar, “Ang Bahay na Ito ay Itayo sa Aking Pangalan,” Liahona, Mayo 2020, 84–87.

  19. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:14–15. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson, “Kasama sa ‘kaganapan ng Espiritu Santo’ ang inilarawan ni Jesus bilang ‘pangakong aking ibinigay sa inyo na buhay na walang hanggan, maging ang kaluwalhatian ng kahariang selestiyal; kung aling kaluwalhatian ay yaong sa simbahan ng Panganay, maging ng Diyos, ang pinakabanal sa lahat, sa pamamagitan ni Jesucristo na kanyang Anak’ (D&T 88:4–5)” (“Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Liahona, Mayo 2009, 23, tala 5).

  20. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:15.

  21. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:22, 25–26.

  22. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:21.

  23. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:15, 22; Russell M. Nelson, “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 98.

  24. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” 96; Doktrina at mga Tipan 84:20. Higit sa lahat, sinabi ni Pangulong Nelson, “Sa tuwing kayo ay naghahangad ng at sumusunod sa mga pahiwatig ng Espiritu, sa tuwing kayo ay gumagawa ng anumang bagay na mabuti—mga bagay na hindi gagawin ng ‘likas na tao’—nadaraig ninyo ang mundo” (“Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” 97).

  25. Mga Hebreo 11:13.

  26. Manunubos ng Israel,” Mga Himno, blg. 5, taludtod 5. Ito ang paboritong himno ni Lena Sofia Renlund.

  27. Tingnan sa Moroni 10:30–33.

  28. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:19–20.