Pangkalahatang Kumperensya
Naapuhap ng Aking Isipan ang Kaisipang Ito Tungkol kay Jesucristo
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


13:26

Naapuhap ng Aking Isipan ang Kaisipang Ito Tungkol kay Jesucristo

Kapag nakatuon kayo nang husto kay Jesucristo, ipinapangako ko sa inyo hindi lamang ang patnubay ng langit kundi maging ang kapangyarihang mula sa langit.

Sa magandang panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, dalangin ko rin ang nasa makapangyarihang himnong “Gabayan Kami, O Jehova.”1

Isang pambihirang kuwento sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa isang binatang mula sa kilalang pamilya, na nagngangalang Alma, na sabi sa mga banal na kasulatan ay naniniwala sa mga diyus-diyusan.2 Mahusay siyang magsalita at nakakakumbinsi, magaling mambola para mahikayat ang iba na sumunod sa kanya. Nakapagtataka na nagpakita ang isang anghel kay Alma at sa kanyang mga kaibigan. Bumagsak si Alma sa lupa at napakahina niya kaya binuhat siya papunta sa tahanan ng kanyang ama. Siya ay nanatili sa tila comatose na kalagayan sa loob ng tatlong araw.3 Kalaunan, ipinaliwanag niya na kahit tila wala siyang malay sa tingin ng mga nakapaligid sa kanya, ang kanyang isipan ay napakaaktibo habang nagdadalamhati ang kanyang kaluluwa, iniisip ang habambuhay niyang hindi pagtupad sa mga kautusan ng Diyos. Sinabi niya na ang kanyang isipan ay “sinasaktan ng alaala ng marami [niyang] kasalanan”4 at “giniyagis ng walang hanggang pagdurusa.”5

Sa kawalan niya ng pag-asa, naalala niya na itinuro sa kanya noong kanyang kabataan ang tungkol sa “pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa sanlibutan.”6 Pagkatapos ay sinabi niya ang makabagbag-damdaming pahayag na ito: “Nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako.”7 Habang sumasamo siya para sa banal na kapangyarihan ng Tagapagligtas, may nangyaring himala: “Nang maisip ko ito,” sabi niya, “hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit.”8 Bigla siyang nakadama ng kapayapaan at liwanag. “Walang ano mang bagay ang kasingganda at kasingtamis ng aking kagalakan,”9 sabi niya.

“Naapuhap” ni Alma ang katotohanan tungkol kay Jesucristo. Kung gagamitin natin ang mga salitang “naapuhap” sa pisikal na diwa nito, masasabi nating, “Nakahawak siya sa kabilya nang mahuhulog na sana siya,” ibig sabihin ay inabot niya ito kaagad at nangunyapit siya sa isang napakatibay na bagay na may solidong pundasyon.

Sa kaso ni Alma, ang kanyang isipan ang tumulong at nagbigay-daan sa makapangyarihang katotohanang ito ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Kumikilos nang may pananampalataya sa katotohanang iyan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan at biyaya ng Diyos, siya ay nasagip mula sa kalungkutan at napuno ng pag-asa.

Bagaman ang ating mga karanasan ay hindi kasingtindi ng kay Alma, ang mga ito ay mahalaga pa rin sa walang-hanggan. “Naapuhap [din ng ating] kaisipan” ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mahabaging sakripisyo, at nadama ng ating mga kaluluwa ang liwanag at galak na kasunod nito.

Pag-alaala sa Tuwina kay Jesucristo

Dalangin ko sa Pasko ng Pagkabuhay na ito na mas sadya pa nating hubugin, palakasin, at panatilihing ligtas ang pinakamahalagang kaisipang ito tungkol kay Jesucristo sa pinakakaibuturan ng ating kaluluwa,10 at hayaan itong dumaloy sa ating isipan nang malaya at may pananabik, gumagabay sa ating iniisip at ginagawa, at patuloy na nagdudulot ng matamis na kagalakan ng pag-ibig ng Tagapagligtas.11

Ang pagpuno sa ating isipan ng kapangyarihan ni Jesucristo ay hindi nangangahulugang Siya lamang ang iniisip natin. Ngunit nangangahulugan ito na lahat ng ating iniisip ay nakatuon sa Kanyang pagmamahal, sa Kanyang buhay at mga turo, at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli. Si Jesus ay hindi kailanman binabalewala, dahil lagi natin Siyang naiisip at “buung-buo [natin siyang iniibig]!”12 Nagdarasal tayo at inaalala ang ating mga karanasan sa ating isipan na mas naglapit sa atin sa Kanya. Malugod nating tinatanggap sa ating isipan ang mga banal na larawan, banal na kasulatan, at inspiradong mga himno na nagpapagaan sa di-mabilang na kaisipan na dumadagsa araw-araw sa ating abalang buhay. Ang pagmamahal natin sa Kanya ay hindi nagliligtas sa atin laban sa lungkot at pighati sa buhay na ito, ngunit tinutulutan tayo nitong lumakad sa mga hamon nang may lakas na higit pa sa ating sariling lakas.

Jesus, ang ‘Nyong alaala

Dulot ay ligaya;

Ngunit kung kapiling t’wina

Ay mas mainam pa.13

Tandaan, ikaw ay espiritung anak ng Ama sa Langit. Gaya ng ipinaliwanag ni Apostol Pablo, tayo ay “supling ng Diyos.”14 Namuhay kayong taglay ang sarili ninyong identidad noon pa man bago kayo naparito sa mundo. Lumikha ang ating Ama ng perpektong plano para pumarito tayo sa lupa, matuto, at bumalik sa Kanya. Isinugo Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak upang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, mabubuhay tayong muli mula sa libingan; at kapag handa tayong manampalataya sa Kanya at pagsisihan ang ating mga kasalanan,15 pinatatawad tayo at tumatanggap ng pag-asa ng buhay na walang hanggan.16

Pagbibigay sa Ating Isipan at Espiritu ng Lubos na Atensiyon

Sa buhay na ito, kailangan ng ating isipan at espiritu ng lubos na atensiyon.17 Dahil sa ating isipan kung kaya tayo ay buhay, nakapipili, at nalalaman ang mabuti at masama.18 Natatanggap ng ating espiritu ang matibay na patunay na ang Diyos ang ating Ama, na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at ang Kanilang mga turo ang ating gabay tungo sa kaligayahan dito at buhay na walang-hanggan sa kabilang-buhay.

Naapuhap ng isipan ni Alma ang kaisipang ito tungkol kay Jesucristo. Binago nito ang kanyang buhay. Ang pangkalahatang kumperensya ay pagkakataon para maunawaan kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Panginoon at ang nais Niyang kahinatnan natin. Panahon din ito para mapag-isipan nang mabuti ang tungkol sa ating pag-unlad. Sa paglalakbay ko sa buong mundo dahil sa mga assignment ko, napansin ko ang dagdag na espirituwal na lakas sa mga matuwid at matatapat na miyembro ng Simbahan.

Limang taon na ang nakalipas, hiniling sa atin na mas itanghal pa ang Tagapagligtas sa lahat ng ating ginagawa sa pamamagitan ng paggamit sa totoong pangalan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.19 Mas taos nating sinasabi ang Kanyang pangalan.

Apat na taon na ang nakararaan, sa pagbabawas ng oras ng ating sacrament meeting, dinagdagan natin ang ating pagtutuon sa pagtanggap ng sakramento ng Panginoon. Mas iniisip natin si Jesucristo at mas seryoso tayo sa ating pangako na alalahanin Siya sa tuwina.20

Dahil sa pagkakahiwa-hiwalay na dulot ng pandaigdigang pandemiya at sa tulong ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, ang mga turo ng Tagapagligtas ay mas naitampok sa ating mga tahanan na tumutulong sa ating pagsamba sa Tagapaglitas sa buong linggo.

Sa pagsunod sa payo ni Pangulong Russel M. Nelson na “pakinggan Siya,”21 mas hinahasa natin ang ating kakayahan na makilala ang mga bulong ng Espiritu Santo at makita ang kamay ng Panginoon sa ating buhay.

Sa pagbabalita at pagkumpleto ng ilang dosenang templo, mas madalas na tayong makapasok sa bahay ng Panginoon at makatanggap ng Kanyang ipinangakong mga pagpapala. Mas nadarama natin nang husto ang pambihirang kariktan ng ating Tagapagligtas at Manunubos.

Sinabi ni Pangulong Nelson: “Hindi madali o [aw]tomatiko [na] maging gayon kalakas na disipulo. Kailangan tayong magtuon [nang lubos] sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Kailangang mag-isip nang husto sa pagsisikap na magtuon sa Kanya sa bawat pag-iisip.”22

Sa pagpokus ng ating pansin kay Jesucristo, lahat ng nakapaligid sa atin—bagaman narito ngayon—ay nakikita natin na taglay ang ating pagmamahal sa Kanya. Ang mga hindi gaanong importanteng panggagambala ay naglalaho, at inaalis natin ang mga bagay na hindi ayon sa Kanyang liwanag at pagkatao. Habang patuloy ninyong pinagtutuunan ng pansin ang pag-apuhap sa kaisipang ito tungkol kay Jesucristo, ang pagtitiwala sa Kanya, at ang pagsunod sa Kanyang mga kautusan, ipinapangako ko sa inyo hindi lamang ang patnubay ng langit kundi maging ang kapangyarihang mula sa langit—kapangyarihan na naghahatid ng kalakasan sa inyong mga tipan, kapayapaan sa inyong mga paghihirap, at kagalakan sa inyong mga pagpapala.

Pag-alaala kay Jesucristo

Ilang linggo na ang nakalipas, binisita namin ni Kathy ang tahanan nina Matt at Sarah Johnson. Sa dingding ay may larawan ng kanilang kasiya-siyang pamilya, isang magandang imahe ng Tagapagligtas, at paglalarawan ng templo.

Ang apat nilang anak na sina Maddy, Ruby, Claire, at June, ay masayang nagbahagi kung gaano nila kamahal ang kanilang ina.

Mahigit isang taon na palaging iniiskedyul ni Sarah ang araw ng Sabado para sama-samang makapunta ang pamilya nila sa templo upang makalahok ang mga anak nilang babae sa mga pagbibinyag para sa mga kapamilya na yumao na.

Noong Nobyembre ng nakaraang taon, nag-iskedyul si Sarah ng pagpunta ng pamilya sa templo para sa huling linggo ng Disyembre, sa araw ng Huwebes sa halip na Sabado. “Sana ay OK lang ito sa iyo,” sabi niya kay Matt.

Natuklasan na may kanser si Sarah, pero inasahan ng mga doktor na tatagal pa siya nang dalawa o tatlong taon. Sa isang sacrament meeting, ibinahagi ni Sarah ang kanyang malakas na patotoo, at sinabi niya na anuman ang kalabasan nito para sa kanya, mahal niya ang Tagapagligtas nang buong puso, at “ang tagumpay ay nakamit na” Niya. Sa paglipas ng Disyembre, hindi inaasahan na mabilis na humina ang kalusugan ni Sarah, at naospital siya. Huwebes ng umaga, Disyembre 29, tahimik siyang lumisan sa mortalidad. Magdamag si Matt sa tabi ni Sarah.

Nang may nadudurog na puso at labis na pinanghihinaan na katawan at kalooban, umuwi siyang nagdadalamhati kasama ang kanyang mga anak na babae. Nang tingnan ni Matt ang kanyang phone, napansin niya ang paalala ng kakaibang temple appointment sa araw ng Huwebes na iniskedyul ni Sarah para sa araw na iyon. Sabi ni Matt, “Noong una ko itong nakita, naisip kong hindi ito uubra.”

Gayunman ay naapuhap ng isipan ni Matt ang ideyang ito: “Buhay ang Tagapagligtas. Walang ibang lugar na gusto naming mapuntahan bilang pamilya kundi sa Kanyang banal na bahay.”

pamilya Johnson

Sina Matt, Maddy, Ruby, Claire, at June ay dumating sa templo para sa appointment na iniskedyul ni Sarah para sa kanila. May luha sa kanyang mga pisngi, isinagawa ni Matt ang mga pagbibinyag kasama ang kanyang mga anak. Nadama nila nang husto ang kanilang pagmamahal at walang-hanggang kaugnayan kay Sarah, at nadama nila ang matinding pagmamahal at nakapapanatag na kapayapaan ng Tagapagligtas. Magiliw na ikinuwento ni Matt, “Habang nagdadalamhati ako, sumisigaw ako sa galak, dahil alam ko ang napakagandang plano ng kaligtasan ng aking Ama.”

Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, nasaksihan ko ang kumpleto at buong katotohanan tungkol sa walang kapantay na nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at ng Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Muli. Habang naaapuhap ng inyong isipan nang buong katatagan at habampanahon ang tungkol kay Jesucristo, at habang patuloy na nakatuon ang buhay ninyo sa Tagapagligtas, nangangako ako na madarama ninyo ang Kanyang pag-asa, ang Kanyang kapayapaan, at ang Kanyang pagmamahal. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Gabayan Kami, O Jehova,” Mga Himno, blg. 45.

  2. Tingnan sa Mosias 27:8.

  3. Tingnan sa Alma 36:10.

  4. Alma 36:17.

  5. Alma 36:12.

  6. Alma 36:17.

  7. Alma 36:18. Ang isa pang beses na ginamit ang “caught hold [naapuhap]” sa Aklat ni Mormon ay noong binanggit ang tungkol sa mga “mahigpit na humawak sa dulo ng gabay na bakal” (1 Nephi 8:24, 30).

  8. Alma 36:19.

  9. Alma 36:21.

  10. “Ang pinakamalaking digmaan sa buhay ay nagaganap sa loob ng mga tahimik na silid ng inyong sariling kaluluwa” (David O. McKay, sa Conference Report, Abr. 1967, 84).

  11. “[Mga kaisipan] ang pinagmumulan ng lahat ng pagkilos. Ang ating mga kaisipan ang switchboard, ang control panel na namamahala sa ating mga kilos” (Boyd K. Packer, That All May be Edified [1982], 33).

    Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Kaya nating pigilan ang masasama nating hangarin at palitan ang mga ito ng mabubuting hangarin. Kailangan nito ng pag-aaral at praktis. Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith na ang ‘pagkontrol … ng ating mga hangarin ay talagang napakahalaga’” (Pure in Heart [1988], 149).

  12. “Praise to the Lord, the Almighty,” Hymns, blg. 72.

  13. “Jesus, ang Inyong Alaala,” Mga Himno, blg. 83.

  14. Mga Gawa 17:29.

  15. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:42–43.

  16. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7.

  17. “Wala nang iba pa kundi Diyos lamang ang nakaaalam ng iyong mga saloobin at hangarin ng iyong puso” (Doktrina at mga Tipan 6:16).

  18. “Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao’y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: sapagka’t sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig” (Lucas 6:45).

  19. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 87–89.

  20. Ang ating tipan bawat linggo sa panalangin ng sakramento ay “lagi [natin] Siyang aalalahanin” (Moroni 4:3; Doktrina at mga Tipan 20:77). Hinihikayat tayo ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng paggamit nang dalawang beses at nang magkasunod ng salitang ito: “tandaan, tandaan” (Mosias 2:41; Alma 37:13; Helaman 5:9). Ang espirituwal na pag-alaala ay nagmumula sa kapangyarihan ng Espiritu Santo: “[Siya] ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat” (Juan 14:26).

  21. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 90.

  22. Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 41. Sinabi rin ni Pangulong Nelson na, “Ang kagalakang nadarama [ng mga Banal sa mga Huling Araw] ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay” (“Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82).