Pangkalahatang Kumperensya
Kahit Kailan Huwag Palampasin ang Pagkakataong Magpatotoo Tungkol kay Cristo
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


11:15

Kahit Kailan Huwag Palampasin ang Pagkakataong Magpatotoo Tungkol kay Cristo

Ang tunay na kagalakan ay nakasalalay sa kahandaan nating mas lumapit kay Cristo at sumaksi para sa ating sarili.

Limang taon na ang nakararaan, nagtaas tayo ng kamay para sang-ayunan ang ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw―ang tagapagsalita ng Panginoon para sa pambihirang panahong ito ng paglago at paghahayag. Sa pamamagitan niya, nakatanggap tayo ng napakaraming paanyaya at pinangakuan ng maluwalhating mga pagpapala kung itutuon natin ang ating buhay sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Noong 2011, habang naglilingkod kaming mag-asawa bilang mga mission leader sa magandang Curitiba, Brazil, tumunog ang telepono ko habang nasa isang miting. Nang nagmamadali akong i-silent mode ito, napansin ko na ang tawag ay mula sa aking ama. Agad kong iniwan ang miting para sagutin ito: “Hi, Itay!”

Hindi ko inaasahang marinig na puno ng kalungkutan ang kanyang tinig: “Hi, Bonnie. May kailangan akong sabihin sa iyo. Nasuri ako na may ALS.”

Hindi ko malaman ang iisipin, “Sandali! Ano po ‘yung ALS?”

Nagpapaliwanag na si Itay, “Mananatiling alisto ang isip ko habang pahina nang pahina ang katawan ko.”

Ramdam ko na biglang nabago ang mundo ko habang takot na naiisip ang mga implikasyon ng mabigat na balitang ito. Ngunit sa di-malilimutang araw na iyon, ang huling sinabi niya ang nakintal magpakailanman sa puso ko. Kaagad na sinabi ng aking mahal na ama, “Bonnie, kahit kailan huwag mong palampasin ang pagkakataong magpatotoo tungkol kay Cristo.”

Pinagnilayan at ipinagdasal ko ang payo ni Itay. Madalas kong itanong sa sarili ko kung alam ko ba nang lubos ang ibig sabihin ng huwag palampasin ang pagkakataong magpatotoo tungkol kay Jesucristo.

Katulad ninyo, paminsan-minsan ay tumatayo ako sa unang Linggo ng buwan at nagpapatotoo tungkol kay Cristo. Maraming beses ko nang pinatotohanan ang mga katotohanan ng ebanghelyo bilang bahagi ng lesson. Buong tapang kong itinuro ang katotohanan at ipinahayag ko ang kabanalan ni Cristo bilang missionary.

Subalit ang pagsamong ito ay mas personal! Parang sinasabi niyang, “Bonnie, huwag mong hayaang daigin ka ng mundo! Manatiling tapat sa iyong mga tipan sa Tagapagligtas. Hangaring maranasan ang Kanyang mga pagpapala araw-araw, at magpatotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa Kanyang kapangyarihan at presensya sa inyong buhay!”

Nabubuhay tayo sa mundong puno ng kasamaan, na nag-uudyok sa ating magtuon sa mga makamundong bagay sa halip na makalangit. Tulad ng mga Nephita sa 3 Nephi 11, kailangan natin si Jesucristo. Nawawari ba ninyo ang inyong sarili na kasama ang mga taong nakaranas ng labis na ligalig at pagkawasak? Ano kaya ang pakiramdam ng marinig ang personal na paanyaya ng Panginoon:

“Bumangon at lumapit sa akin, upang inyong maihipo ang inyong mga kamay sa aking tagiliran, at upang inyo ring masalat ang bakas ng pako sa aking mga kamay at aking mga paa, upang inyong malaman na ako … ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

“[At] ang maraming tao ay … isa-isang nagsilapit … at nakita ng kanilang mga mata at nadama ng kanilang mga kamay, at nalaman nang may katiyakan … at [n]akasaksi para sa kanilang sarili,.”1

Ang mga Nephitang ito ay sabik na nagsilapit upang hipuin ng kanilang mga kamay ang Kanyang tagiliran at damhin ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa, upang mapatunayan nila sa kanilang sarili na Siya nga ang Cristo. Gayundin, maraming matatapat na tao na napag-aralan natin sa Bagong Tipan sa taong ito ang sabik na naghintay sa pagparito ni Cristo. Iniwan nila ang kanilang mga bukid, trabaho, at hapag-kainan at sumunod sa Kanya, sumiksik sa Kanya, at umupong kasama Niya. Katulad din ba tayo ng maraming tao sa mga banal na kasulatan na sabik makasaksi? Ang mga pagpapala ba na hangad natin ay hindi kasingtindi ng kailangan nila?

Nang personal na dinalaw ni Cristo ang mga Nephita sa kanilang templo, hindi Niya sila inanyayahan na tumayo lang sa malayo at tumingin sa Kanya, kundi ang hawakan Siya, upang madama sa kanilang sarili na totoong may Tagapagligtas ng sangkatauhan. Paano tayo makalalapit na sapat para magkaroon ng personal na patotoo kay Jesucristo? Maaaring bahagi ito ng sinisikap na ituro sa akin ng aking ama. Hindi man natin naranasan na maging pisikal na malapit kay Cristo noong Kanyang ministeryo sa mundo na tulad ng mga nakasama Niya, ngunit mararanasan natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang Kanyang kapangyarihan bawat araw! Hangga’t kailangan natin!

Ang mga kabataang babae sa iba’t ibang panig ng mundo ay napakaraming naituro sa akin tungkol sa paghahanap kay Cristo at pagkakaroon ng araw-araw at personal na patotoo tungkol sa Kanya. Ibabahagi ko ang natutuhan ng dalawa sa kanila:

Sa buong buhay niya, laging pinapanood ni Livvy ang pangkalahatang kumperensya. Sa katunayan, sa kanyang tahanan ay tradisyon nilang panoorin ang lahat ng limang sesyon bilang pamilya. Dati-rati, ang ibig sabihin ng kumperensya para kay Livvy ay pagsusulat ng kung anu-ano at paminsan-minsang pag-idlip nang di sinasadya. Ngunit ang pangkalahatang kumperensyang nitong Oktubre ay naiba. Naging personal ito.

Sa pagkakataong ito, nagpasiya si Livvy na aktibong makibahagi. Inilagay niya sa silent mode ang mga notification sa kanyang telepono at nagsulat ng mga impresyon mula sa Espiritu. Namangha siya nang madama niya ang mga partikular na bagay na nais ng Diyos na marinig at magawa niya. Ang desisyong ito ay nakagawa kaagad ng kaibhan sa kanyang buhay.

Makalipas lang ang ilang araw, niyaya siya ng kanyang mga kaibigan na manood ng pelikula na hindi tamang panoorin. Sabi niya, “Nadama kong muli ang mga salita at diwa ng kumperensya, at narinig ko ang aking sarili na tumatanggi sa kanilang paanyaya.” Nagkaroon din siya ng lakas ng loob na ibahagi sa kanyang ward ang patotoo niya tungkol sa Tagapagligtas.

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, sinabi niya, “Ang kamangha-manghang bagay ay, nang marinig ko ang aking sarili na nagpapatotoo na si Jesus ang Cristo, nadama ko na pinagtibay itong muli ng Espiritu Santo sa akin.”

Hindi lamang basta nakinig si Livvy sa kumperensya, kundi pinagbuhusan niya ito ng kanyang isip at damdamin, at natagpuan niya roon ang Tagapagligtas.

At heto pa si Maddy. Nang tumigil ang kanyang pamilya sa pagsisimba, nagulumihanan si Maddy at hindi niya tiyak kung ano ang gagawin. Natanto niya na may malaking nawawala sa kanya. Kaya, sa edad na 13, nagsimulang magsimba nang mag-isa si Maddy. Kung minsan ay mahirap at hindi komportable ang nag-iisa, ngunit alam niyang matatagpuan niya ang Tagapagligtas sa simbahan at gusto niyang pumunta kung nasaan Siya. Sabi niya, “Sa simbahan ay panatag ang kalooban ko.”

Nakahikayat kay Maddy ang katotohanang naibuklod na ang kanyang pamilya nang walang hanggan. Sinimulan niyang isama ang kanyang mga nakababatang kapatid sa simbahan at nag-aral ng banal na kasulatan sa bahay kasama sila. Kalaunan ay sinimulan silang samahan ng kanyang ina. Sinabi ni Maddy sa kanyang ina na nais niyang magmisyon at itinanong kung handa ba ito na samahan siya sa templo.

Ngayon ay nasa MTC na si Maddy. Siya ay naglilingkod. Siya ay sumasaksi kay Cristo. Ang kanyang halimbawa ay nakatulong na parehong makabalik ang kanyang mga magulang sa templo at kay Cristo.

Tulad nina Livvy at Maddy, kapag pinili nating hanapin si Cristo, magbibigay-saksi sa Kanya ang Espiritu sa maraming iba’t ibang sitwasyon. Ang mga pagsaksing ito ng Espiritu ay nangyayari kapag tayo ay nag-aayuno, nananalangin, naghihintay, at nagpapatuloy. Ang pagiging malapit natin kay Cristo ay lumalago sa pamamagitan ng pagsamba nang madalas sa templo, araw-araw na pagsisisi, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdalo sa simbahan at seminary, pagninilay sa ating mga patriarchal blessing, pagtanggap nang karapat-dapat ng mga ordenansa, at pagtupad sa mga sagradong tipan. Lahat ng ito ay nag-aanyaya sa Espiritu na bigyang-liwanag ang ating isipan, at ang mga ito ay naghahatid ng karagdagang kapayapaan at proteksyon. Ngunit itinuturing ba natin ito bilang mga sagradong pagkakataon na magpatotoo tungkol kay Cristo?

Maraming beses na akong nakadalo sa templo, ngunit kapag sumasamba ako sa bahay ng Panginoon, binabago ako nito. Kung minsan kapag nag-aayuno, nakadarama lang ako ng gutom, ngunit sa ibang pagkakataon, nagpapakabusog ako sa Espiritu nang may layunin. Kung minsan hindi ko gaanong pinag-iisipan at paulit-ulit lang ang mga panalangin ko, ngunit may mga pagkakataon din na sabik akong humingi ng payo sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin.

Napakabisang gawin ang mabubuting gawaing ito bilang pagsaksi kaysa bilang listahan ng mga gagawin. Unti-unti lang ang proseso ngunit ito ay susulong din sa araw-araw at masigasig na pakikibahagi at makabuluhang mga karanasan kay Cristo. Kapag palagi tayong kumikilos ayon sa Kanyang turo, nagkakaroon tayo ng patotoo tungkol sa Kanya; nakakabuo tayo ng ugnayan sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Nagsisimula na tayong maging katulad Niya.

Ang kaaway ay lumilikha ng napakaraming ingay kaya maaaring mahirap marinig ang tinig ng Panginoon. Ang ating mundo, ang ating mga hamon, ang ating mga sitwasyon ay hindi na mas tatahimik, ngunit maaari at dapat tayong magutom at mauhaw sa mga bagay ni Cristo upang “pakinggan Siya” nang malinaw.2 Nais nating kagawian ang pagkadisipulo at pagpapatotoo na aakay sa atin na umasa at magtiwala sa ating Tagapagligtas sa bawat araw.

Mahigit 11 taon na mula nang mamayapa ang aking ama, ngunit ang kanyang mga salita ay patuloy pa ring nakakaimpluwensya sa akin. “Bonnie, kahit kailan huwag mong palampasin ang pagkakataong magpatotoo tungkol kay Cristo.” Inaanyayahan ko kayong samahan ako sa pagtanggap sa kanyang paanyaya. Hanapin si Cristo sa lahat ng dako―ipinapangako ko na nariyan Siya!3 Ang tunay na kagalakan ay nakasalalay sa kahandaan nating mas mapalapit kay Cristo at makasaksi para sa ating sarili.

Alam natin na sa mga huling araw, “bawat tuhod ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat sa kanyang harapan” na si Jesus ang Cristo.4 Dalangin ko na maging normal at natural na karanasan ang patotoong ito para sa atin ngayon—na sasamantalahin natin ang bawat pagkakataong magpatotoo nang may kagalakan: si Jesucristo ay buhay!

Mahal na mahal ko Siya. Lubos tayong nagpapasalamat sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, na “[ginawang] posible ang buhay na walang hanggan at kawalang-kamatayan para sa [ating] lahat.”5 Pinatototohanan ko ang Kanyang kabutihan at dakilang kaluwalhatian sa Kanyang sagradong pangalan, maging sa pangalan ni Jesucristo, amen.