Pangkalahatang Kumperensya
“Walang Ano Mang Bagay ang Kasingganda at Kasingtamis ng Aking Kagalakan”
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


9:58

“Walang Ano Mang Bagay ang Kasingganda at Kasingtamis ng Aking Kagalakan”

Ang pagsisisi araw-araw at paglapit kay Jesucristo ang paraan upang maranasan ang kagalakan—kagalakang higit pa sa kaya nating isipin.

Sa Kanyang buong ministeryo sa lupa, nagpakita ng malaking habag ang Tagapagligtas sa lahat ng anak ng Diyos—lalo na sa mga nagdurusa o nagkasala. Nang punahin ng mga Fariseo ang pakikihalubilo at pagkain Niya na kasama ang mga makasalanan, tinugon ito ni Jesus sa pagtuturo ng tatlong pamilyar na talinghaga.1 Sa bawat isa sa mga talinghagang ito, binigyang-diin Niya ang kahalagahan ng paghahanap sa mga naligaw ng landas at ang kagalakang nadarama kapag nagbalik sila. Halimbawa, sa talinghaga ng nawawalang tupa sinabi Niya, “Magkakaroon ng [malaking] kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”2

Ang nais ko ngayon ay palakasin ang koneksyon sa pagitan ng kagalakan at pagsisisi—partikular na, ang kagalakang nadarama kapag tayo ay nagsisisi at ang kagalakang nadarama natin kapag inanyayahan natin ang iba na lumapit kay Cristo at iangkop ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo sa kanilang buhay.

Tayo ay Gayon Upang Tayo ay Magkaroon ng Kagalakan

Sa mga banal na kasulatan, ang kahulugan ng salitang kagalakan ay higit pa sa lumilipas na mga sandali ng kasiyahan o maging ng mga damdamin ng kaligayahan. Ang kagalakan sa kontekstong ito ay isang makadiyos na katangian, na matatagpuan sa kaganapan nito kapag nagbalik tayo upang manahan sa piling ng Diyos.3 Ito ay mas malalim, nagpapasigla, nagtatagal, at nagpapabago ng buhay kaysa anumang kasiyahan o kaginhawahang maibibigay ng mundong ito.

Tayo ay nilikha para magkaroon ng kagalakan. Ito ang itinakdang tadhana natin bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Nais Niyang ibahagi sa atin ang Kanyang kagalakan. Itinuro ng propetang si Lehi na plano ng Diyos na bawat isa sa atin ay “magkaroon ng kagalakan.”4 Dahil nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo, kadalasa’y tila mahirap madama ang nagtatagal o walang-hanggang kagalakan. Ngunit sa susunod na talata, ipinaliwanag ni Lehi na “ang Mesiyas ay [naparito] … upang [tubusin tayo] mula sa pagkahulog.”5 Ang pagtubos, ng at sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo, ay ginagawang posible ang kagalakan.

Ang mensahe ng ebanghelyo ay isang mensahe ng pag-asa, ng “magandang balita ng malaking kagalakan,”6 at ang paraan kung paano mararanasan ng lahat ang kapayapaan at mga sandali ng kagalakan sa buhay na ito at matatanggap ang kaganapan ng kagalakan sa buhay na darating.7

Ang kagalakang pinag-uusapan natin ay isang kaloob para sa matatapat, subalit may kapalit ito. Ang kagalakan ay hindi mumurahin ni hindi basta-basta ibinibigay. Sa halip, binayaran ito “ng mahalagang dugo ni [Jesu]cristo.”8 Kung talagang naunawaan natin ang halaga ng tunay at makadiyos na kagalakan, hindi tayo mag-aatubiling isakripisyo ang anumang makamundong pag-aari o gumawa ng anumang kailangang mga pagbabago sa buhay para matanggap ito.

Naunawaan ito ng isang makapangyarihan ngunit mapagpakumbabang hari sa Aklat ni Mormon. “Ano ang nararapat kong gawin,” tanong niya, “upang isilang sa Diyos, nang ang masamang espiritung ito ay mabunot mula sa aking dibdib, at matanggap ang kanyang Espiritu, upang ako ay mapuspos ng galak … ? Masdan, sinabi niya, tatalikuran ko ang lahat ng aking pag-aari, oo, tatalikuran ko ang aking kaharian, upang matanggap ko ang labis na kagalakang ito.”9

Bilang tugon sa tanong ng hari, sinabi ng misyonerong si Aaron, “Kung ninanais ninyo ang bagay na ito, … [yumukod] sa harapan ng Diyos … [at magsisi] sa lahat ng inyong mga kasalanan.”10 Pagsisisi ang daan tungo sa kagalakan,11 dahil ito ang landas na patungo sa Tagapagligtas na si Jesucristo.12

Ang Kagalakan ay Dumarating sa Pamamagitan ng Taimtim na Pagsisisi

Para sa ilan, ang isipin na ang pagsisisi ang landas patungo sa kagalakan ay maaaring tila salungat. Ang pagsisisi, kung minsan, ay maaaring masakit at mahirap. Kinakailangan dito ang pag-amin na ang ilan sa ating mga ideya at pagkilos—maging ang ilan sa ating mga paniniwala—ay mali. Ang pagsisisi ay nangangailangan din ng pagbabago, na kung minsa’y maaaring hindi komportable. Pero magkaiba ang kagalakan at kaginhawahan. Ang kasalanan—kabilang na ang kasalanang maging kampante—ay naglilimita sa ating kagalakan.

Tulad ng ipinahayag ng mang-aawit, “Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak, ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.”13 Habang pinagsisisihan natin ang ating mga kasalanan, kailangang magtuon tayo sa malaking kagalakang kasunod niyon. Ang mga gabi ay tila mahaba, pero dumarating nga ang umaga, at o kayganda ng kapayapaan at masiglang kagalakang nadarama natin kapag pinalalaya tayo ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas mula sa kasalanan at pagdurusa.

Walang Ano Mang Bagay ang Kasingganda at Kasingtamis

Isipin ang karanasan ni Alma sa Aklat in Mormon. Siya ay “giniyagis ng walang hanggang pagdurusa,” at ang kanyang kaluluwa ay “[nasaktan]” dahil sa kanyang mga kasalanan. Ngunit nang humingi na siya ng awa sa Tagapagligtas, “hindi [na niya] naalaala pa ang [kanyang] mga pasakit.”14

“At o, anong galak,” pahayag niya, “at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, … walang ano mang bagay ang kasingganda at kasingtamis ng aking kagalakan.”15

Ito ang uri ng kagalakang madarama ng mga lumalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisisi.16 Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. …

“Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya. Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!”17

Ang pagsisisi ay naghahatid ng kagalakan dahil inihahanda nito ang ating puso na tanggapin ang impluwensya ng Espiritu Santo. Ang ibig sabihin ng mapuspos ng Espiritu Santo ay mapuspos ng kagalakan. At ang ibig sabihin ng mapuspos ng kagalakan ay mapuspos ng Espiritu Santo.18 Nadaragdagan ang ating kagalakan habang nagsisikap tayo araw-araw na anyayahan ang Espiritu sa ating buhay. Tulad ng itinuro ng propetang si Mormon: “Gayon pa man, sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan.”19 Nangangako ang Panginoon sa lahat ng nagsisikap na sundin Siya, “Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan.”20

Ang Kagalakang Tulungan ang Iba na Magsisi

Pagkatapos nating madama ang kagalakang nagmumula sa taos na pagsisisi, natural na naisin nating ibahagi ang kagalakang iyon sa iba. At kapag ginawa natin iyon, nadaragdagan ang ating kagalakan. Iyon mismo ang nangyari kay Alma.

“Ito ang aking kaluwalhatian,” wika niya, “na baka sakaling ako’y maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang madala ang ilang kaluluwa sa pagsisisi; at ito ang aking kagalakan.

“At masdan, kapag nakita kong tunay na nagsisisi ang marami sa aking mga kapatid, at lumalapit sa Panginoon nilang Diyos, sa gayon napupuspos ang aking kaluluwa ng kagalakan; sa panahong yaon naaalaala ko kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa akin, … oo, sa panahong yaon ko naaalaala ang kanyang maawaing bisig na iniunat niya sa akin.”21

Ang pagtulong sa iba na magsisi ay isang natural na pagpapahayag ng ating pasasalamat sa Tagapagligtas, at pinagmumulan ito ng malaking kagalakan. Nangako ang Panginoon:

“At kung mangyayaring kayo ay … magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!

“At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin … , anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!”22

Anong Laki ng Kanyang Kagalakan sa Kaluluwang Nagsisisi

Nakakatulong sa akin ang subukang wariin ang kagalakang maaaring nadarama ng Tagapagligtas sa tuwing natatanggap natin ang mga pagpapala ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo sa ating buhay.23 Tulad ng binanggit ni Pangulong Nelson,24 ibinahagi ni Apostol Pablo sa kanyang sulat sa mga Hebreo ang magiliw na kabatirang ito: “Itabi natin ang bawat … pagkakasalang madaling bumibitag sa atin, … Pagmasdan natin si Jesus na nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya; na dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus … at siya’y umupo sa kanan ng trono ng Diyos.”25 Madalas nating pag-usapan ang pasakit at pagdurusa ng Getsemani at Kalbaryo, ngunit bihira nating pag-usapan ang malaking kagalakang maaaring inasahan ng Tagapagligtas nang ialay Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Malinaw na ang Kanyang pasakit at Kanyang pagdurusa ay para sa atin, nang sa gayon ay maaari nating maranasan ang kagalakan ng makabalik na kasama Niya sa piling ng Diyos.

Matapos turuan ang mga tao sa sinaunang Amerika, ipinahayag ng Tagapagligtas ang Kanyang malaking pagmamahal sa kanila sa pagsasabing:

“Ngayon, masdan, ang aking kagalakan ay lubos, maging hanggang sa kapunuan, dahil sa inyo … ; oo, at maging ang Ama ay nagsasaya, at gayon din ang lahat ng banal na anghel. …

“… Sa [inyo] ay ganap ang aking kagalakan.”26

Lumapit kay Cristo at Matanggap ang Kanyang Kagalakan

Mga kapatid, magtatapos ako sa pagbabahagi ng aking personal na patotoo, na itinuturing kong isang sagradong kaloob. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan. Alam ko na mahal Niya ang bawat isa sa atin. Ang Kanyang pinaka-pinagtutuunan, ang Kanyang “gawain at [Kanyang] kaluwalhatian,”27 ay tulungan tayong matanggap ang ganap na kagalakan sa Kanya. Isa akong personal na saksi na ang pagsisisi araw-araw at paglapit kay Jesucristo ang paraan upang maranasan ang kagalakan—kagalakang higit pa sa kaya nating isipin.28 Kaya nga tayo narito sa lupa. Kaya nga inihanda ng Diyos ang Kanyang dakilang plano ng kaligayahan para sa atin. Tunay na si Jesucristo “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay”29 at ang tanging “pangalang ibinigay sa silong ng langit upang ang tao ay maligtas sa kaharian ng Diyos.”30 Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.