Pagtitiwala sa Doktrina ni Cristo
Kapag itinayo natin ang ating mga bahay sa pundasyon ng pakikipagtipan kay Cristo, nagtitiwala tayo sa doktrina ni Cristo.
Sa aking isipan, nakikinita ko ang matandang propetang si Nephi sa kanyang mesa, nakakalat ang mga laminang ginto sa kanyang harapan, hawak ang kanyang panulat.
Tinatapos na ni Nephi ang pagsusulat niya sa talaan. Isinulat niya, “At ngayon, mga minamahal kong kapatid, tinatapos ko ang aking mga sinasabi.”1 Ngunit hindi nagtagal, hinikayat ng Espiritu si Nephi na bumalik sa kanyang talaan at sumulat ng pangwakas na mensahe. Sa makapangyarihang impluwensya ng Espiritu Santo, muling kinuha ng dakilang propetang iyon ang kanyang panulat at isinulat, “Samakatwid, ang mga bagay na isinulat ko ay sapat na sa akin, maliban sa ilang salita na kailangan kong sabihin hinggil sa doktrina ni Cristo.”2
Walang hanggan ang pasasalamat natin para sa “ilang salita”3 na iyon at sa Espiritu na naghikayat kay Nephi na isulat ang mga ito. Ang isinulat ni Nephi tungkol sa doktrina ni Cristo ay isang kayamanan sa mga taong nagpapakabusog dito. Naglalaman ito ng pangitain tungkol sa binyag ng Tagapagligtas4 at ng tinig ng Anak na nag-aanyaya sa lahat na sumunod sa Kanya5 at “gawin ang mga bagay na nakita [nating] ginawa [Niya].”6 Naglalaman ito ng patotoo ni Nephi na ang mga taong taos-pusong pinagsisisihan ang kanilang mga kasalanan, nang may pananampalataya kay Cristo, at sinusunod ang Tagapagligtas sa mga tubig ng binyag ay “tatanggapin ang Espiritu Santo; oo, at pagkatapos darating ang binyag ng apoy at ng Espiritu Santo.”7 Narinig din natin ang tinig ng Ama na nagpapatotoo: “Oo, ang mga salita ng aking Sinisinta ay tunay at tapat. Siya na makapagtitiis hanggang wakas, siya rin ay maliligtas.”8
Binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng doktrina ni Cristo nang magsalita siya sa mga bagong tawag na mission leader: “Higit sa lahat, nais namin na iukit ng ating mga missionary … ang doktrina ni Cristo sa kanilang mga puso—nakatimo nang malalim … sa utak ng kanilang mga buto.”9
Ibinuod sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang limang mahahalagang elemento ng doktrina ni Cristo. Nakasaaad dito na “[Inaanyayahan natin] ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na matanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.”10
Ngunit ang kahalagahan ng doktrina ni Cristo ay hindi lamang para sa mga missionary! At higit pa ito sa pag-uulit ng buod ng limang mahahalagang elemento nito. Naglalaman ito ng mga batas ng ebanghelyo. Ito ang dakilang plano para sa buhay na walang-hanggan.
Mga kapatid, kung tatanggapin natin ang paanyaya ni Pangulong Nelson na itimo nang malalim ang doktrina ni Cristo sa utak ng ating mga buto, dapat nating palalimin ang ating pagbabalik-loob sa Panginoon sa pamamagitan ng pag-aaral, panalangin, pamumuhay nang tapat, at patuloy na pagsisisi. Dapat nating anyayahan ang Espiritu Santo na iukit ang doktrina ni Cristo sa “mga tapyas ng [ating mga] puso”11 nang malalim at permanente tulad ng pag-ukit ni Nephi sa mga laminang ginto.
Noong Oktubre, itinanong ni Pangulong Nelson, “Ano ang ibig sabihin ng daigin ang [sanlibutan]?” Binigyang-diin niya na, “Ang ibig sabihin nito ay pagtitiwala sa doktrina ni Cristo kaysa sa mga pilosopiya ng mga tao.”12
Ang salitang pagtitiwala ay binigyang-kahulugan bilang “matibay na pananalig sa katangian, kakayahan, lakas, o katotohanan ng isang tao o bagay.”13 Ang taong iyon ay si Jesucristo, at ang bagay na iyon ay ang Kanyang doktrina.
Kaya paano mababago ng kusang pagtitiwala sa doktrina ni Cristo ang paraan ng ating pamumuhay?
Kung nagtitiwala tayo sa doktrina ni Cristo, tayo ay lubos na magtitiwala kay Cristo para maipamuhay ang bawat salita Niya.14 Pag-aaralan natin nang habambuhay ang tungkol kay Jesucristo,15 ang Kanyang ministeryo, mga turo, at walang hanggang Pagbabayad-sala, kabilang na ang Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli. Pag-aaralan natin ang Kanyang mga pangako at ang mga kalagayan kung saan ibinigay ang mga pangakong iyon.16 Kapag nag-aaral tayo, mapupuspos tayo ng dakilang pagmamahal para sa Panginoon.
Kung nagtitiwala tayo sa doktrina ni Cristo, lalapit tayo sa ating Ama sa Langit araw-araw sa pamamagitan ng mapagpakumbaba at pribadong panalangin, kung saan makapagpapasalamat tayo para sa kaloob ng Kanyang Anak at para sa lahat ng pagpapala sa atin.17 Maaari nating hingin ang patnubay ng Espiritu Santo,18 manalangin upang maiayon ang ating kalooban sa Kanyang kalooban,19 manalangin para pagnilayan ang ating mga tipan at panibaguhin ang ating pangako na tuparin ang mga ito.20 Maaari tayong manalangin upang suportahan at ipahayag ang ating pagmamahal sa ating mga propeta, tagakita, at tagapaghayag;21 manalangin upang matanggap ang nakalilinis na kapangyarihan ng kapatawaran;22 at manalangin para sa lakas na mapaglabanan ang tukso.23 Inaanyayahan ko kayo na iprayoridad ang panalangin sa inyong buhay, nagsisikap bawat araw na mapatibay ang inyong pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Kung nagtitiwala tayo sa doktrina ni Cristo, isasantabi natin ang makikinang na bagay ng mundo upang makatuon tayo sa Manunubos ng sanlibutan.24 Lilimitahan o aalisin natin ang oras na ginugugol natin sa social media; mga digital na laro; libangang walang kabuluhan, maluho, o di-angkop; ang pang-aakit ng mga kayamanan at karangyaan ng mundong ito; at anumang iba pang mga aktibidad na nagbibigay-puwang sa mga maling tradisyon at baluktot na mga pilosopiya ng tao. Tanging kay Cristo natin matatagpuan ang katotohanan at patuloy na kaligayahan.
Ang taos-pusong pagsisisi25 ay magiging masayang26 bahagi ng ating buhay—kapwa para mapatawad sa kasalanan at matanggap ang larawan ni Cristo sa ating mukha.27 Ang pagsisisi nang may pananampalataya kay Cristo ay nagbibigay-daan sa atin para matamasa ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na kapag nagpatawad ang Tagapagligtas, “higit pa sa paglilinis [sa atin] mula sa kasalanan ang ginagawa [Niya]. Binibigyan din Niya tayo ng bagong lakas.”28 Kailangan ng bawat isa sa atin ang lakas na ito upang masunod ang mga kautusan ng Diyos at maisakatuparan ang walang hanggang layunin ng ating buhay.
Makakatanggap tayo ng lakas mula kay Jesus at sa Kanyang doktrina. Sabi Niya, “Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ito ang aking doktrina, at sinuman ang magtatayo sa ibabaw nito ay nagtatayo sa ibabaw ng aking bato, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa kanila.”29
Nakita natin na natupad ang pangakong ito sa buhay ng matatapat na tao. Mahigit isang taon na ang nakalipas, nagkaroon ako ng pagkakataong makilala sina Travis at Kacie. Nagpakasal sila sa huwes noong 2007. Noong panahong iyon, hindi pa miyembro ng Simbahan si Travis. Si Kacie, bagama’t lumaki sa isang aktibong pamilya na Banal sa mga Huling Araw, ay lumayo sa Simbahan noong kanyang kabataan at lumihis mula sa mga itinuro sa kanya.
Noong 2018, nakilala ni Travis ang mga missionary at nabinyagan siya noong 2019. Si Travis ay nagsilbing missionary kay Kacie, na nakaranas din ng pagbabalik-loob na nagpapabago ng buhay. Nabuklod sila sa templo noong Setyembre 2020. Mga dalawang taon matapos ang kanyang binyag, tinawag si Travis na maglingkod sa bishopric.
Si Travis ay may kakaibang sakit na patuloy na lumilikha ng mga kumpul-kumpol na tumor sa kanyang mga internal organ. Maraming beses na siyang naoperahan para alisin ang pabalik-balik na mga tumor, ngunit ang sakit ay walang lunas. Makalipas ang ilang taon, sinabihan si Travis na wala nang 10 taon ang itatagal ng kanyang buhay.
Si Kacie ay may retinitis pigmentosa, isang bihirang genetic disease na nagdudulot ng di-mapigilang pagkitid ng paningin na mauuwi sa pagkabulag.
Kinausap ako ni Kacie tungkol sa mangyayari sa kanya sa hinaharap. Inasahan na niya ang panahon, na mangyayari kalaunan, na siya ay mababalo, mabubulag, walang pinansiyal na suporta, at maiiwang mag-isa sa pagpapalaki ng apat na anak. Tinanong ko si Kacie kung paano niya haharapin ang gayong tila walang pag-asang hinaharap. Mapayapa siyang ngumiti at sinabing, “Ngayon lang ako naging mas masaya o mas umasa sa buhay ko. Pinanghahawakan namin ang mga pangakong natanggap namin sa templo.”
Si Travis ay bishop na ngayon. Noong nakaraang dalawang buwan, sumailalim siya sa isang malaking operasyon. Ngunit positibo at panatag siya. Lumala ang paningin ni Kacie. Siya ngayon ay may aso na gumagabay sa kanya at hindi na siya makapagmaneho. Ngunit siya ay kuntento, inaalagaan ang kanyang mga anak at naglilingkod bilang counselor sa Young Women presidency.
Sina Travis at Kacie ay nagtayo ng kanilang bahay sa ibabaw ng bato. Nagtitiwala sina Travis at Kacie sa doktrina ni Cristo at sa pangako na “ilalaan [ng Diyos] ang [kanilang] mga paghihirap para sa [kanilang] kapakinabangan.”30 Sa perpektong plano ng Diyos, ang paghihirap nang may pananampalataya kay Cristo ay nakaugnay sa pagiging ganap natin kay Cristo.31 Tulad ng matalinong lalaki sa talinghaga na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato,32 kapag bumuhos ang ulan, at dumating ang mga baha, at umihip ang hangin at humampas sa bahay na itinayo nina Travis at Kacie, ito ay hindi babagsak, sapagkat ito ay nakatayo sa ibabaw ng bato.33
Hindi nagsalita si Jesus tungkol sa posibilidad na umulan at bumaha at humangin sa ating buhay; Siya ay nagsalita tungkol sa tiyak na pagdating ng mga unos. Ang posibleng magbago sa talinghaga ay hindi kung darating ang mga unos kundi kung paano tayo tutugon sa Kanyang magiliw na paanyaya na kapwa pakinggan at gawin ang itinuturo Niya.34 Walang ibang paraan para maligtas.
Kapag itinayo natin ang ating mga bahay sa pundasyon ng pakikipagtipan kay Cristo, nagtitiwala tayo sa doktrina ni Cristo, at kapag lumapit tayo sa Kanya, makakamtan natin ang Kanyang pangako na buhay na walang-hanggan. Ang mga taong nagtitiwala sa doktrina ni Cristo ay sumusulong nang may katatagan kay Cristo at nagtitiis hanggang wakas. Wala nang ibang paraan upang maligtas sa kaharian ng langit.35
Personal kong pinatototohanan na buhay, at totoong nabuhay na mag-uli si Jesucristo. Pinatototohanan ko na labis ang pag-ibig ng ating Diyos Ama sa sanlibutan kaya isinugo Niya ang Kanyang Anak upang tubusin tayo mula sa kasalanan36 at pagalingin tayo mula sa kalungkutan.37 Pinatototohanan ko na tumawag Siya ng isang propeta ng Diyos sa ating panahon, na si Pangulong Russell M. Nelson, na sa pamamagitan niya Siya ay nangungusap at gumagabay sa atin.
Nang buong puso ko, inaanyayahan ko kayo na magtiwala sa doktrina ni Cristo at itayo ang inyong buhay sa ibabaw ng bato ng Manunubos. Hindi Niya kayo kailanman bibiguin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.