Pangkalahatang Kumperensya
Ang Gawain sa Templo at Family History—Iisa at Parehong Gawain
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


10:12

Ang Gawain sa Templo at Family History—Iisa at Parehong Gawain

Isang pangunahing pinagtutuunan ng plano ng ating Ama sa Langit ay ang pagbubuklod ng pamilya sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Labis akong nagpapasalamat sa patuloy na pagtatayo ng mga templo sa “dispensasyon[g ito] ng kaganapan ng mga panahon” (Doktrina at mga Tipan 128:18). Simula noong mga unang araw ng Pagpapanumbalik, marami nang isinakripisyo ang matatapat na Banal para matanggap ang mga ordenansa at tipan sa templo. Tinutularan ang kanilang magandang halimbawa, matapos ang maraming pinansiyal na sakripisyo para makapaglakbay mula sa Mexico City, kami ng mahal kong asawang si Evelia, kasama ng mahal naming mga magulang, ay nabuklod bilang walang-hanggang mag-asawa sa Mesa Arizona Temple noong 1975. Noong araw na iyon, nang pag-isahin kami ng awtoridad ng priesthood sa bahay ng Panginoon, talagang nasulyapan namin ang langit.

Ang Gawain at Layunin ng mga Templo

Ang karanasang iyon ay nagtulot sa akin na mas pahalagahan kung paanong natapos sa wakas ng mga Banal sa Kirtland, Ohio, ang kanilang magandang templo sa tagsibol ng 1836—ang una sa dispensasyong ito—pagkaraan ng tatlong taon ng pagsisikap at malaking sakripisyo. Noong Marso ng taon ding iyon, mahigit isang libong katao ang nagtipon sa templo at sa mga pasukan nito para sa serbisyo sa paglalaan. Tumayo si Propetang Joseph Smith para ialay ang panalangin ng paglalaan, na natanggap niya sa pamamagitan ng paghahayag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109). Inilarawan niya rito ang marami sa mga pambihirang pagpapalang ipinagkakaloob sa mga taong pumapasok na karapat-dapat sa mga templo ng Panginoon. Pagkatapos ay kinanta ng koro ang himnong “Espiritu ng Diyos” at tumindig ang kongregasyon at ginawa ang Sigaw ng Hosana “nang [napakalakas] na halos umangat ang bubong ng gusali” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 359).

Pagkaraan ng isang linggo inilarawan ng Propeta ang paglitaw ng Panginoon sa templo, na nagsabing:

“Sapagkat masdan, tinanggap ko ang bahay na ito, at ang aking pangalan ay malalagay rito; at ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao sa bahay na ito. …

“At ang katanyagan ng bahay na ito ay lalaganap sa mga ibang lupain; at ito ang simula ng mga pagpapala na ibubuhos sa mga ulo ng aking tao” (Doktrina at mga Tipan 110:7, 10).

Pagkatapos nito at ng iba pang mga pangitain, ang propetang si Elijah, na dinala sa langit nang hindi nakakatikim ng kamatayan, ay nagpakita sa harapan nina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery at nagsabi:

“Masdan, ang panahon ay ganap nang dumating, na sinabi ng bibig ni Malakias—nagpapatotoong siya [si Elijah] [ang propeta] ay isusugo, bago ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon—

“Upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama, at baka ang buong mundo ay bagabagin ng isang sumpa—

“Samakatuwid, ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala sa inyong mga kamay; at sa pamamagitan nito ay inyong malalaman na ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ay nalalapit na, maging nasa mga pintuan na” (Doktrina at mga Tipan 110:14–16).

Ang Templo at Family History

Matapos ipanumbalik ng Panginoon ang mga susi ng pagbubuklod kay Joseph Smith, nagsimula ang gawain ng kaligtasan sa magkabilang panig ng tabing sa ating dispensasyon (tingnan sa 1 Corinto 15:22, 29; Doktrina at mga Tipan 128:8–18).

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na “ang napakahalagang pangyayaring ito ay hindi pinansin ng mundo, ngunit iimpluwensyahan nito ang tadhana ng lahat ng kaluluwang nabuhay o mabubuhay. Tahimik na nagsimulang mangyari ang mga bagay-bagay. Ang Simbahan ay naging isang simbahang nagtatayo ng templo.

“Sa mundo nagsimulang maglitawan sa iba’t ibang dako, sa isang paraan na masasabing ito ay kusang nagaganap, ang mga tao at organisasyon at lipunan na interesado sa pagsasaliklik ng mga talaangkanan. Naganap ang lahat ng ito simula nang magpakita si Elijah sa Kirtland Temple.” (The Holy Temple [1980], 141).

“Mula noong araw na iyon mismo, Abril 3, 1836, ang mga puso ng mga anak ay nagsimulang bumaling sa kanilang mga ama. Mula noon ang mga ordenansa ay hindi na pansamantala, kundi permanente. Nasa atin ang kapangyarihang magbuklod. Walang awtoridad na hihigit sa kahalagahan nito. Ang kapangyarihang iyon ang nagbibigay ng kabuluhan at walang-hanggang pagkapermanente sa lahat ng ordenansang isinagawa nang may wastong awtoridad kapwa para sa buhay at sa patay” (Paghahanda sa Pagpasok sa Banal na Templo [2003], 31).

Mahal na mga kapatid, ang pagtatayo at wastong paggamit ng mga templo ay isang tanda ng tunay na Simbahan ni Jesucristo sa alinmang dispensasyon. Matapos ang paglalaan ng Salt Lake Temple noong 1893, hinikayat ni Pangulong Wilford Woodruff ang mga miyembro ng Simbahan na hanapin ang mga talaan ng kanilang mga ninuno at itala ang kanilang genealogy sa pamamagitan ng paghahanap sa kanilang mga ninuno hangga’t maaari upang makapagdala ng mga pangalan sa templo at makapagsagawa ng mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Mga Turo ng Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2004], 191).

Gawain sa Family History at sa Templo—Iisang Gawain

Makalipas ang isang taon (1894), ang Pangulong Woodruff ding iyon ang nangasiwa sa paglikha ng Genealogical Society of Utah. Makalipas ang isandaang taon, noong 1994, sinabi ni Elder Russell M. Nelson, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mga pangyayari sa makasaysayang taon na iyon ay nagtatag ng pagsasaliksik sa family history at paglilingkod sa templo bilang iisang gawain sa Simbahan” (“The Spirit of Elijah, Ensign, Nob. 1994, 85).

Gawain sa Family History

Mahal na mga kapatid, hinihikayat tayo ng Panginoon bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan na pangalagaan ang sarili nating family history, matuto mula sa ating mga ninuno, at isagawa ang kinakailangang mga pagpaplano para matanggap nila ang mga ordenansa ng ebanghelyo sa mga templo para matulungan silang sumulong sa landas ng tipan, na magpapala sa kanila ng isang walang-hanggang pamilya. Iyan ang pangunahing pokus ng plano ng ating Ama sa Langit: pagbubuklod ng pamilya para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Sa inyo na ang pakiramdam ay hindi ninyo kayang gawin ang gawaing ito, dapat ninyong malaman na hindi kayo nag-iisa. Lahat tayo ay maaaring bumaling sa mga kasangkapan na inihanda ng Simbahan at matatagpuan sa mga FamilySearch center, na kilala natin bilang mga family history center noon. Ang mga FamilySearch center na ito ay idinisenyo upang ang halos sinuman, sa kaunting tulong, ay makahanap ng impormasyon tungkol sa kanilang mga ninuno at maisaayos iyon nang wasto upang madala nila iyon sa bahay ng Panginoon. Kontakin lamang ang mga family history consultant sa inyong ward o branch na gagabay sa inyo sa bawat hakbang.

Kapag sinusunod natin ang patnubay ng mga propeta at natututo tayong gawin ang ating family history at nagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa ating mga ninuno, madarama natin ang malaking kagalakan hanggang sa ayaw na nating tumigil sa paggawa nito. Mapupuspos ng Espiritu ang ating puso, gigisingin ang ating kakayahang gawin ito, at gagabayan tayo habang hinahanap natin ang mga pangalan ng ating mga ninuno. Ngunit tandaan natin na ang family history ay higit pa sa paghahanap lamang ng mga pangalan, petsa, at lugar. Ito ay pagbubuklod ng mga pamilya at pagdama sa kagalakang nagmumula sa pagkakaloob sa kanila ng mga ordenansa ng ebanghelyo.

Gustung-gusto ko ang inspiradong turo ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson na nagsabing: “Ang templo ang sentro sa pagpapalakas ng ating pananampalataya at espirituwal na katatagan dahil ang Tagapagligtas at ang Kanyang doktrina ang pinakasentro ng templo. Ang lahat ng bagay na itinuturo sa templo, sa pamamagitan ng mga tagubilin at ng Espiritu, ay nakadaragdag sa pagkaunawa natin tungkol kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, pinagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan” (“Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 93–94).

Tiyak na ang gawain sa templo at family history ay iisa at parehong gawain sa Simbahan.

Nagpapatotoo ako sa mga katotohanang ito. Alam ko na ito ang Simbahan ng Panginoong Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na ating inaalala at niluluwalhati sa Paskong ito ng Pagkabuhay. Alam ko na mahal Niya tayo, at kapag tinutupad natin ang ating mga tipan at nagtitiwala tayo sa Kanya, pinagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.