Pangkalahatang Kumperensya
“Ang Bahay na Ito ay Itayo sa Aking Pangalan”
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

“Ang Bahay na Ito ay Itayo sa Aking Pangalan”

(Doktrina at mga Tipan 124:40)

Ang mga tipang natatanggap at ang mga ordenansang isinasagawa sa mga templo ay mahalaga sa pagpapabanal ng ating mga puso at sa kadakilaan ng mga anak ng Diyos sa huli.

Sa Sagradong Kakahuyan 200 taon na ang nakararaan, nakita at nakausap ni Joseph Smith ang Diyos, ang Amang Walang Hanggan at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Mula sa Kanila, nalaman ni Joseph ang tungkol sa tunay na katangian ng Panguluhang Diyos at ang patuloy na paghahayag nang pasimulan ng banal na pangitaing ito sa mga huling araw ang “dispensasyon ng kaganapan ng panahon.”1

Mga tatlong taon pagkaraan nito, bilang sagot sa taimtim na panalangin noong gabi ng Setyembre 21, 1823, napuno ng liwanag ang silid ni Joseph hanggang sa ito ay “magliwanag nang higit pa kaysa katanghaliang tapat.”2 Isang katauhan ang lumitaw sa tabi ng kanyang higaan, tinawag ang binatilyo sa kanyang pangalan at sinabing “siya’y isang sugo na nagbuhat sa kinaroroonan ng Diyos … [at] na ang kanyang pangalan ay Moroni.”3 Tinagubilinan niya si Joseph tungkol sa pagdating ng Aklat ni Mormon.

At pagkatapos ay bumanggit si Moroni mula sa aklat ni Malakias sa Lumang Tipan, na may bahagyang pagkakaiba sa mga salitang ginamit sa King James Version:

“Masdan, ipahahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon. …

“At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama. Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubusang mawawasak sa kanyang pagparito.”4

Ang mahalaga, ang tagubilin ni Moroni kay Joseph Smith tungkol sa misyon ni Elijah ay nagpasimula sa gawain sa templo at family history sa mga huling araw at naging isang mahalagang sangkap sa pagpapanumbalik ng “lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una.”5

Nawa’y tulungan ako ng Espiritu Santo habang sama-sama nating pinag-aaralan ang mga tipan, ordenansa, at pagpapalang matatamasa natin sa mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang Pagbalik ni Elijah

Magsisimula ako sa isang napakahalagang tanong: bakit mahalaga na bumalik si Elijah?

“Nalaman natin mula sa makabagong paghahayag na si Elijah ang may hawak ng kapangyarihang magbuklod ng Melchizedek Priesthood”6 at “siyang huling propeta na may hawak nito bago dumating ang panahon ni Jesucristo.”7

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Ang diwa, kapangyarihan, at tungkulin ni Elijah ay, upang magkaroon kayo ng kapangyarihang hawakan ang susi … ng kabuuan ng Melchizedek Priesthood … ; at … upang tanggapin … ang lahat ng ordenansa na nakapaloob sa kaharian ng Diyos, maging sa pagbaling ng mga puso ng mga ama sa mga anak, at ng mga puso ng mga anak sa mga ama, pati na ang mga nasa langit.”8

Ang sagradong awtoridad na ito na magbuklod ay kailangan upang “anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.”9

Itinanong pa ni Joseph: “Paano sasagipin ng Diyos ang henerasyong ito? Isusugo Niya ang propetang si Elijah. … Ihahayag ni Elijah ang mga tipan upang ibuklod ang puso ng mga ama sa mga anak, at ng mga anak sa mga ama.”10

Nagpakita si Elijah na kasama si Moises sa Bundok ng Pagbabagong-anyo at ipinagkaloob ang awtoridad na ito kina Pedro, Santiago, at Juan.11 Nagpakita rin si Elijah na kasama sina Moises at Elias noong Abril 3, 1836, sa Kirtland Temple at iginawad ang mga susi ring iyon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.12

Ang pagpapanumbalik ng awtoridad na magbuklod ni Elijah noong 1836 ay kailangan upang maihanda ang mundo sa Pangalawang Pagparito ng Tagapagligtas at nagpasimula sa pagkakaroon ng ibayong interes sa iba’t ibang panig ng mundo sa pagsasaliksik ng kasaysayan ng pamilya.

Binabago, Ibinabaling, at Pinadadalisay ang mga Puso

Ang salitang puso ay ginagamit nang mahigit 1,000 beses sa mga pamantayang banal na kasulatan. Ang simple ngunit makabuluhang katagang ito ay madalas magpahiwatig ng niloloob ng isang tao. Sa ating mga puso—na kabuuan ng ating mga hangarin, pagmamahal, layunin, motibo, at pag-uugali—makikita kung sino tayo at ano ang ating kahihinatnan. At ang diwa ng gawain ng Panginoon ay binabago, ibinabaling, at pinadadalisay ang mga puso sa pamamagitan ng mga tipan ng ebanghelyo at mga ordenansa ng priesthood.

Hindi tayo nagtatayo ng mga banal na templo o pumapasok dito para lamang magkaroon tayo o ang ating pamilya ng di-malilimutang karanasan. Sa halip, ang mga tipang natatanggap at ang mga ordenansang isinasagawa sa mga templo ay mahalaga sa pagpapabanal ng ating mga puso at sa kadakilaan ng mga anak ng Diyos sa huli.

Ang pagtatanim sa puso ng mga anak ng mga pangakong ginawa sa mga ama—maging kina Abraham, Isaac, at Jacob—pagbaling ng puso ng mga anak sa kanilang sariling ama; pagdaraos ng family history research, at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa iba ay mga gawaing nagpapala sa mga tao sa magkabilang panig ng tabing. Habang nasasabik tayong maging abala sa sagradong gawaing ito, sinusunod natin ang mga utos na mahalin at paglingkuran ang Diyos at ang ating kapwa.13 At ang gayong di-makasariling paglilingkod ay tinutulungan tayo na tunay na “Pakinggan Siya!”14 at lumapit sa Tagapagligtas.15

Ang pinakasagradong mga tipan at ordenansa ng priesthood ay natatanggap lamang sa templo—ang bahay ng Panginoon. Lahat ng natututuhan at lahat ng ginagawa sa templo ay nagbibigay-diin sa kabanalan ni Jesucristo at sa Kanyang papel sa dakilang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.

Mula sa Kaibuturan ng Puso

Inilarawan ni Pangulong Ezra Taft Benson ang isang mahalagang huwarang ginagamit ng Manunubos sa “[pagsasakatuparan ng] kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ng tao.”16 Sabi niya: “Binabago ng Panginoon ang [kaibuturan ng] puso. Binabago ng mundo ang panlabas na anyo. Maiaalis ng daigdig ang mga tao sa magulo at maruming lugar. Inaalis ni Cristo ang di-magagandang ugali ng mga tao, at inaalis naman nila ang kanilang sarili sa magulo at maruming lugar. Hinuhubog ng daigdig ang mga tao sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang kapaligiran. Binabago ni Cristo ang mga tao, na siya namang nagbabago ng kanilang kapaligiran. Mahuhubog ng daigdig ang kilos ng mga tao, subalit mababago ni Cristo ang ugali ng mga tao.”17

Ang mga tipan at ordenansa ng priesthood ay mahalaga sa patuloy na proseso ng espirituwal na pagsilang na muli at pagbabago; ito ang mga paraan ng Panginoon para mabago ang bawat isa sa atin mula sa kaibuturan ng puso. Ang mga tipan na tapat na iginagalang, palaging naaalala, at isinulat “ng Espiritu ng Dios na buhay … sa mga tapyas ng pusong laman”18 ay nagbibigay ng layunin at katiyakan ng mga pagpapala sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ang mga ordenansang natanggap nang karapat-dapat at patuloy na naaalala ay nagbubukas ng mga lagusan sa langit na mapagdadaluyan ng kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay.

Hindi tayo nagpupunta sa templo para magtago o tumakas sa mga kasamaan ng mundo. Sa halip, nagpupunta tayo sa templo para lupigin ang mundo ng kasamaan. Kapag inaanyayahan natin sa ating buhay ang “kapangyarihan ng kabanalan”19 sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood at paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, binibiyayaan tayo ng lakas na higit pa sa sarili nating lakas20 upang madaig ang mga tukso at hamon ng mortalidad at gumawa ng mabuti at maging mabuti.

Ang Katanyagan ng Bahay na Ito ay Lalaganap

Ang unang templo ng dispensasyong ito ay itinayo sa Kirtland, Ohio, at inilaan noong Marso 27, 1836.

Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith isang linggo matapos ang paglalaan, sinabi ng Panginoon:

“Magsaya ang mga puso ng lahat ng aking tao, na, sa pamamagitan ng kanilang lakas, ay itinayo ang bahay na ito sa aking pangalan. …

“Oo ang mga puso ng libu-libo at sampu-sampung libo ay labis na magsasaya bunga ng mga pagpapalang ibubuhos, at sa endowment kung saan ang aking mga tagapaglingkod ay pinagkalooban sa bahay na ito.

“At ang katanyagan ng bahay na ito ay lalaganap sa mga ibang lupain; at ito ang simula ng mga pagpapala na ibubuhos sa mga ulo ng aking tao.”21

Pansinin ang mga pariralang ang mga puso ng libu-libo at sampu-sampung libo ay labis na magsasaya at ang katanyagan ng bahay na ito ay lalaganap sa mga ibang lupain. Ito ay nakamamanghang mga pahayag noong Abril ng 1836 nang iilan pa lamang ang mga miyembro ng Simbahan at iisa ang templo.

Ngayong 2020, mayroon na tayong 168 mga templong gumagana. Apatnapu’t siyam pang templo ang kasalukuyang itinatayo o naibalitang itatayo. Ang mga bahay ng Panginoon ay itinatayo sa “mga pulo ng dagat”22 at sa mga bansa at lugar na dating itinuring ng marami na malamang na hindi tayuan ng templo.

Ang seremonya ng endowment sa kasalukuyan ay inilalahad sa 88 wika at makukuha sa maraming iba pang wika habang itinatayo ang mga templo para mapagpala ang mas marami pang mga anak ng Diyos. Sa susunod na 15 taon, ang bilang ng mga wikang gagamitin sa mga ordenansa sa templo ay malamang na dumoble.

Ngayong taon maghuhukay tayo at magsisimulang magtayo ng 18 templo. Sa kabilang banda, 150 taon ang kinailangan para maitayo ang unang 18 templo, mula sa organisasyon ng Simbahan noong 1830 hanggang sa ilaan ni Pangulong Spencer W. Kimball ang Tokyo Japan Temple noong 1980.

Anim na templo

Isipin ang pagpapabilis ng gawain sa templo na nangyari ngayong panahon lamang ni Pangulong Russell M. Nelson. Nang ipanganak si Pangulong Nelson noong Setyembre 9, 1924, may anim na templong gumagana ang Simbahan.

26 na templo

Nang ordenan siya bilang Apostol noong Abril 7, 1984, makaraan ang 60 taon, 26 na templo ang gumagana, nadagdagan ng 20 templo sa loob ng 60 taon.

159 na mga templo

Nang sang-ayunan si Pangulong Nelson bilang Pangulo ng Simbahan, 159 na mga templo ang gumagana, nadagdagan ng 133 mga templo sa loob ng 34 na taon kung kailan naglingkod siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa.

Mga gumagana at naibalitang itatayo na mga templo

Mula nang maging Pangulo ng Simbahan noong Enero 14, 2018, nakapagbalita na si Pangulong Nelson ng 35 bagong templo.

Siyamnapu’t anim na porsiyento ng mga umiiral na templo ang nailaan sa panahon ni Pangulong Nelson; walumpu’t apat na porsiyento ang nailaan mula nang maorden siyang Apostol.

Palaging Magtuon sa mga Bagay na Pinakamahalaga

Bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon, namamangha tayong lahat sa patuloy na pagbilis ng Kanyang gawain sa mga huling araw. At mas marami pang templo ang itatayo.

Ipinropesiya ni Brigham Young, “Upang magampanan ang gawaing ito ay kailangang magkaroon ng hindi lamang isa kundi libu-libong templo, at libu-libo [at sampu-sampung libo] ng kalalakihan at kababaihan ang pupunta sa mga templong iyon at mangangasiwa para sa mga taong nangabuhay noong mga nakaraang mahabang panahon hanggang sa ihahayag ng Panginoon.”23

Hindi kataka-taka na ang pagbabalita tungkol sa bawat bagong templo ay pinagmumulan ng malaking kagalakan at dahilan para magpasalamat sa Panginoon. Gayunman, ang pangunahing pinagtutuunan natin dapat ay ang mga tipan at ordenansa na makapagbabago ng ating mga puso at magpapalalim ng ating katapatan sa Tagapagligtas at hindi lamang sa lugar o ganda ng gusali.

Ang mga pangunahing obligasyong nakaatang sa atin bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ay (1) “Pakinggan Siya!”24 at baguhin ang ating mga puso sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa at (2) masayang tuparin ang responsibilidad na itinalaga ng langit na ihandog ang mga pagpapala ng templo sa buong sangkatauhan sa magkabilang panig ng tabing. Sa patnubay at tulong ng Panginoon, matutupad nga natin ang mga sagradong tungkuling ito.

Ang Pagtatayo ng Sion

Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith:

“Ang pagtatayo ng Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito ay paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote at hari nang may kakaibang galak; inasam nila nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon; ngunit namatay sila na hindi ito nasaksihan; … tayo ang sasaksi, makikibahagi at tutulong na maisulong ang kaluwalhatian sa mga Huling Araw.”25

“Ang Priesthood sa langit ay makikipag-isa sa Priesthood sa mundo, upang maisakatuparan ang mga dakilang layuning iyon; … gawaing kinaluguran ng Diyos at ng mga anghel nang nakalipas na henerasyon; na nagbigay-inspirasyon sa mga kaluluwa ng sinaunang mga patriarch at propeta; gawaing nakatakdang isakatuparan ang pagwasak sa kapangyarihan ng kadiliman, ang pagpapanibagong muli ng mundo, ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang kaligtasan ng sangkatauhan.”26

Taimtim na pinatototohanan ko na ang Ama at ang Anak ay nagpakita kay Joseph Smith, at ipinanumbalik ni Elijah ang awtoridad na magbuklod. Ang mga sagradong tipan at ordenansa sa templo ay maaaring magpalakas sa atin at dalisayin ang ating mga puso habang ating “[Pinakikinggan] Siya!”27 at tinatanggap ang kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay. At pinatototohanan ko na wawasakin ng gawaing ito sa mga huling araw ang mga kapangyarihan ng kadiliman at isasakatuparan ang kaligtasan ng sangkatauhan. Buong galak na pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.