Pangkalahatang Kumperensya
Pambungad na Mensahe
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Pambungad na Mensahe

Dapat nating hangarin, sa lahat ng paraan, na pakinggan si Jesucristo, na nangungusap sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan at ministeryo ng Espiritu Santo.

Mahal kong mga kapatid, sa pagbati namin sa inyo sa makasaysayang pangkalahatang kumperensyang ito ng Abril 2020 ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa mga kadahilanang alam ninyo, nakatayo ako sa inyong harapan sa isang bakanteng awditoryum!

Wala kong kamalay-malay, nang ipangako ko sa inyo sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2019 na ang kumperensyang ito ng Abril ay magiging “napakahalaga” at “di-malilimutan,” na ang pagsasalita sa isang nakikitang kongregasyon na wala pang 10 tao ay gagawing napakahalaga at di-malilimutan ang kumperensyang ito para sa akin! Gayunman ang kaalaman na nakikibahagi kayo gamit ang electronic transmission, at ang magandang pag-awit ng koro ng “It Is Well with My Soul,” ay naghahatid ng malaking ginhawa sa aking kaluluwa.

Tulad ng alam ninyo, ang pagdalo sa kumperensyang ito ay mahigpit na nilimitahan bilang bahagi ng ating mga pagsisikap na maging mabubuting mamamayan sa buong mundo at gawin ang lahat upang limitahan ang pagkalat ng COVID-19. Napakalaki na ng epekto ng virus na ito sa buong mundo. Panandalian ding nabago nito ang ating mga miting sa Simbahan, gawaing misyonero, at gawain sa templo.

Bagama’t ang mga paghihigpit ngayon ay nauugnay sa nakamamatay na virus, ang mga personal na pagsubok ay higit pa sa pandemyang ito. Ang mga pagsubok sa hinaharap ay maaaring bunga ng isang aksidente, kalamidad, o di-inaasahang personal na dalamhati.

Paano natin matitiis ang gayong mga pagsubok? Sinabi na sa atin ng Panginoon na “kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.”1 Mangyari pa, maaari tayong mag-imbak ng pagkain at tubig at mag-impok ng pera. Ngunit mahalaga rin ang pangangailangan nating punan ng pananampalataya, katotohanan, at patotoo ang ating personal na espirituwal na imbakan.

Ang tunay na hangarin natin sa buhay ay maghandang humarap sa ating Lumikha. Ginagawa natin ito sa araw-araw na pagsisikap na maging katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.2 At ginagawa natin iyan kapag nagsisisi tayo araw-araw at tumatanggap ng Kanyang kapangyarihang maglinis, magpagaling, at magpalakas. Sa gayo’y madarama natin ang walang-maliw na kapayapaan at galak, maging sa maligalig na mga panahon. Ito mismo ang dahilan kaya tayo hinihikayat ng Panginoon na tumayo sa mga banal na lugar at “huwag matinag.”3

Ngayong taon, ginugunita natin ang ika-200 anibersaryo ng isa sa pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo—ang pagpapakita ng Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo kay Joseph Smith. Sa iisang pangitaing iyon, itinuro ng Diyos Ama si Jesucristo at sinabing: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”4

Ang payo na iyon kay Joseph ay para sa bawat isa sa atin. Dapat nating hangarin, sa lahat ng paraan, na pakinggan si Jesucristo, na nangungusap sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan at ministeryo ng Espiritu Santo.

Ang layunin nito at ng lahat ng pangkalahatang kumperensya ay tulungan tayong pakinggan Siya. Ipinagdasal namin, at inaanyayahan namin kayong ipagdasal, na mapasaatin nang sagana ang Espiritu ng Panginoon upang marinig ninyo ang mga mensahe ng Tagapagligtas para sa inyo—mga mensaheng maghahatid ng kapayapaan sa inyong kaluluwa. Mga mensaheng magpapahilom sa inyong pusong nasaktan. Mga mensaheng magbibigay-liwanag sa inyong isipan. Mga mensaheng tutulong sa inyo na malaman kung ano ang gagawin ninyo habang patuloy kayong nabubuhay sa mga panahon ng kaguluhan at pagsubok.

Dalangin namin na maging mahalaga at di-malilimutan ang kumperensyang ito dahil sa mga mensaheng maririnig ninyo, mga kakaibang pahayag na gagawin, at mga karanasan kung saan aanyayahan kayong makibahagi.

Halimbawa, sa pagtatapos ng sesyon sa Linggo ng umaga, magsasama-sama tayo sa isang pandaigdigang pagtitipon kung saan pangungunahan ko kayo sa sagradong Pagsigaw ng Hosana. Dalangin namin na maging pinakatampok na espirituwal na sandali ito para sa inyo habang sabay-sabay nating ipinapahayag ang ating lubos na pasasalamat sa Diyos Ama at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak sa pagpuri sa Kanila sa kakaibang paraang ito.

Para sa sagradong karanasang ito, gagamit tayo ng malinis na puting panyo. Ngunit kung wala kayo nito, ikaway na lang ang kamay ninyo. Sa pagtatapos ng Pagsigaw ng Hosana, sasabay ang kongregasyon sa koro sa pag-awit ng “Espiritu ng Diyos.”5

Mahal kong mga kapatid, magiging kahanga-hanga ang kumperensyang ito. Magiging pambihira ang taon na ito habang nakatuon tayong mabuti sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang pinakamahalagang pangmatagalang mga epekto ng makasaysayang kumperensyang ito ay ang pagbabago ng ating puso at pagsisimula ng hangarin nating pakinggan Siya habambuhay.

Welcome sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020! Alam ko na inaalagaan tayo ng Diyos, na ating Ama sa Langit, at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Makakasama natin Sila sa buong dalawang maluwalhating araw na ito habang hinahangad nating mas mapalapit sa Kanila at parangalan Sila. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.