Sumulong nang may Pananampalataya
Binabasbasan ko kayo ng kapayapaan at dagdag na pananampalataya sa Panginoon.
Mahal kong mga kapatid, sa pagtatapos ng makasaysayang kumperensyang ito, nagpapasalamat tayo sa Panginoon. Napakaganda ng musika at ang mga mensahe ay nakasisigla.
Sa kumperensyang ito, marami tayong naranasang tampok na pangyayari. Sa ika-200 taong anibersaryong ito, naipakilala natin sa mundo ang proklamasyon na nagpapahayag sa katotohanan ng Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Ginunita natin ang Pagpapanumbalik nang may Sigaw na Hosana.
Ipinakita namin ang isang bagong simbolo ng ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at bilang pantukoy sa opisyal na impormasyon at mga materyal ng Simbahan.
Nanawagan tayo para sa pandaigdigang araw ng ayuno at panalangin, nang ang pandemya ngayon ay mapigilan, maprotektahan ang mga nangangalaga sa kalusugan, lumakas ang ekonomiya, at bumalik sa normal ang buhay. Ang ayunong ito ay gaganapin sa Biyernes Santo, Abril 10. Napakadakila ng Biyernes na iyon!
Sa susunod na Linggo ay Linggo ng Pagkabuhay, kung kailan muli nating gugunitain ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Panginoong Jesucristo. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, ang Kanyang kaloob na pagkabuhay na mag-uli ay darating sa lahat ng nabuhay. At ang Kanyang kaloob na buhay na walang-hanggan ay darating sa lahat ng magiging marapat dahil sa katapatan sa mga ordenansa at tipang ginawa sa Kanyang mga banal na templo.
Ang maraming nakasisiglang bahagi nitong pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020—at ang sagradong linggo na sisimulan natin ngayon—ay maibubuod sa dalawang salita ng Diyos: “Pakinggan Siya.”1 Dalangin namin na ang tuon ninyo sa Ama sa Langit, na bumigkas sa mga salitang iyon, at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, ay manatili sa inyong isipan sa lahat ng naganap. Dalangin namin na magsisimula kayong muli na talagang makinig, pakinggan, at dinggin ang mga salita ng Tagapagligtas.2 Nangangako ako na kasunod nito ay mababawasan ang takot at madaragdagan ang pananampalataya.
Salamat sa hangarin ninyong gawin ang inyong mga tahanan na mga tunay na santuwaryo ng pananampalataya, kung saan makapananahan ang Espiritu ng Panginoon. Ang ating kurikulum sa pag-aaral ng ebanghelyo na, Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, ay patuloy na magpapala sa inyong buhay. Ang patuloy ninyong pagsisikap sa adhikaing ito—kahit sa mga sandali na maaaring dama ninyo na di kayo matagumpay—ay magpapabago sa inyong buhay, sa inyong pamilya, at sa mundo. Mapalalakas tayo sa pagiging mas magigiting na disipulo ng Panginoon, naninindigan at nagsasalita para sa Kanya saanman tayo naroroon.
Ngayon, pag-usapan natin ang mga templo. Mayroon tayong 168 na nailaang mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang iba ay pinaplano at ang iba ay itinatayo. Kapag ibinalita ang mga plano sa pagtatayo ng bagong templo, nagiging bahagi ito ng ating sagradong kasaysayan.
Parang kakaiba ang pagbabalita ng mga bagong templo habang lahat ng ating mga templo ay nakasara sa ngayon.
Mahigit isandaang taon na ang nakalipas, nakita ni Pangulong Wilford Woodruff ang kalagayan natin ngayon, ayon sa nakatala sa kanyang panalangin ng paglalaan ng Salt Lake Temple, noong 1893. Maaaring nakita ng ilan sa inyo sa social media ang mga sipi mula sa pambihirang panalanging ito.
Dinggin ang mga pagsamong ito mula sa isang makapangyarihang propeta ng Diyos: “Kapag ang Inyong mga tao ay hindi magkakaroon ng pagkakataong pumasok sa banal na bahay na ito … at sila ay inaapi at binabagabag, nahihirapan … at ihaharap ang kanilang mukha dito sa Inyong banal na bahay at hihiling sa Inyo ng kaligtasan, ng tulong, ng Inyong kapangyarihan alang-alang sa kanila, sumasamo kami sa Inyo, na dumungaw mula sa Inyong banal na tahanan nang may awa … at pakinggan ang kanilang mga pagdaing. O kapag ang mga anak ng Inyong mga tao, sa darating na mga taon, ay mawalay, sa anumang dahilan, mula sa lugar na ito, … at dadaing sila sa Inyo mula sa kailaliman ng kanilang pagdurusa at kalungkutan, bigyan po sila ng kapanatagan at kaligtasan, aba naming samo sa Inyo … na dinggin ang kanilang mga pagdaing, at ipagkaloob ang hiling nilang mga pagpapala.”3
Mga kapatid, sa panahon ng ating pagkabalisa kung kailan ang mga templo ay sarado, maaari pa rin kayong humugot ng kapangyarihan sa inyong mga tipan sa templo at endowment habang iginagalang ang inyong mga tipan. Gamitin sana ninyo ang panahong ito na sarado ang mga templo upang patuloy na mamuhay nang marapat o maging marapat para sa templo.
Pag-usapan ang templo kasama ang inyong pamilya at mga kaibigan. Dahil si Jesucristo ang sentro ng lahat ng ginagawa natin sa loob ng templo, habang lalo ninyong iniisip ang templo ay lalo ninyo Siyang maiisip. Mag-aral at manalangin upang mas marami pang matutuhan tungkol sa kapangyarihan at kaalaman na ipinagkaloob sa inyo—o ipagkakaloob pa lang sa inyo.
Ngayon ay ikinagagalak naming ibalita ang mga plano na magtayo ng walong bagong templo sa sumusunod na mga lugar: Bahía Blanca, Argentina; Tallahassee, Florida; Lubumbashi, Democratic Republic of the Congo; Pittsburgh, Pennsylvania; Benin City, Nigeria; Syracuse, Utah; Dubai, United Arab Emirates; at Shanghai, People’s Republic of China.
Sa lahat ng walong lokasyon, ang mga arkitekto ng Simbahan ay makikipagtulungan sa mga lokal na opisyal upang maging akma ang templo at maging magandang karagdagan sa bawat komunidad.
Ang plano para sa isang templo sa Dubai ay dumating bilang tugon sa magiliw nilang paanyaya, na buong pasasalamat nating tinatanggap.
Ang konteksto sa plano para sa Shanghai ay napakahalaga. Sa loob ng mahigit dalawang dekada, ang mga karapat-dapat na miyembro sa People’s Republic of China ay dumadalo sa Hong Kong China Temple. Ngunit noong Hulyo 2019, ang templong iyon ay isinara para sa matagal nang nakaplano at talagang kinakailangang renobasyon.
Sa Shanghai, isang simpleng multipurpose na lugar na pagpupulungan ang magbibigay-daan upang ang mga miyembrong Tsino ay patuloy na makalahok sa mga ordenansa ng templo—sa People’s Republic of China—para sa kanila at sa kanilang mga ninuno.4
Sa bawat bansa, tinuturuan ng Simbahang ito ang mga miyembro nito na igalang, sundin, at itaguyod ang batas.5 Itinuturo natin ang kahalagahan ng pamilya, ng pagiging mabubuting magulang at mga huwarang mamamayan. Dahil iginagalang natin ang mga batas at patakaran ng People’s Republic of China, ang Simbahan ay hindi nagpapadala ng mga proselyting missionary doon; ni hindi natin ito gagawin ngayon.
Ang mga kongregasyon ng mga expatriate at mga Tsinong miyembro ay patuloy na hiwalay na magpupulong. Ang legal na katayuan ng Simbahan doon ay hindi pa rin nagbabago. Sa unang paggamit ng pasilidad, ang pagpasok ay sa pamamagitan ng appointment lamang. Ang Shanghai Temple ay hindi magiging templo para sa mga turista mula sa ibang mga bansa.
Pagpapalain ng walong bagong mga templong ito ang buhay ng maraming tao sa magkabilang panig ng tabing. Ang mga templo ang pinakatampok na bahagi ng Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sa kabutihan at pagka-mapagbigay ng Diyos, inilalapit Niya ang mga pagpapala ng templo sa Kanyang mga anak sa lahat ng dako.
Habang patuloy ang Pagpapanumbalik, alam ko na patuloy na maghahayag ang Diyos ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kanyang kaharian dito sa lupa.6 Ang kahariang iyan ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Mahal kong mga kapatid, ipinaaabot ko ang pagmamahal ko sa inyo. Sa panahong ito ng tensiyon at kawalang-katiyakan, at sa pagsamo sa karapatang iginawad sa akin, nais kong ipagkaloob sa inyo ang isang basbas ng apostol.
Binabasbasan ko kayo ng kapayapaan at dagdag na pananampalataya sa Panginoon.7
Binabasbasan ko kayo ng hangaring magsisi at maging lalo pang katulad Niya sa bawat araw.8
Binabasbasan ko kayo na malaman na si Propetang Joseph Smith ang propeta ng Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Sakaling mayroon kayong karamdaman o ang inyong mga mahal sa buhay, iniiwan ko ang basbas ng paggaling, alinsunod sa kalooban ng Panginoon.
Iyan ang basbas ko sa inyo, at muli, inuulit ko, mahal ko ang bawat isa sa inyo, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.