Pangkalahatang Kumperensya
Ang Melchizedek Priesthood at ang mga Susi
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Ang Melchizedek Priesthood at ang mga Susi

Sa Simbahan, ang awtoridad ng priesthood ay ginagamit sa ilalim ng pamamahala ng isang priesthood leader na mayhawak ng mga susi ng priesthood.

Pinili kong magsalita pa ng tungkol sa priesthood ng Diyos, ang paksang tinalakay na ng tatlong tagapagsalita na nagturo sa atin kung paano pinagpapala ng priesthood ang buhay ng mga kababaihan, kabataang babae, at mga kabataang lalaki.

Ang priesthood ay banal na kapangyarihan at awtoridad na ipinagkatiwala para magamit sa gawain ng Diyos para sa kapakinabangan ng lahat ng Kanyang anak. Ang Priesthood ay hindi ang mga taong inorden sa katungkulan sa priesthood o mga taong gumagamit ng awtoridad nito. Ang mga kalalakihang mayhawak na priesthood ay hindi ang priesthood. Bagama’t hindi natin dapat tawagin ang mga inorden na kalalakihan bilang ang priesthood, angkop silang tawagin na mga mayhawak ng priesthood.

Ang kapangyarihan ng priesthood ay parehong ginagamit sa Simbahan at tahanan. Ngunit naiiba ang paggamit ng kapangyarihan ng priesthood at awtoridad ng priesthood sa Simbahan kaysa sa tahanan. Lahat ng ito ay nakaayon sa mga alituntuning itinatag ng Panginoon. Ang layunin ng plano ng Diyos ay akayin ang Kanyang mga anak patungo sa buhay na walang hanggan. Mahalaga ang mga mortal na pamilya sa planong iyan. Nariyan ang Simbahan para maglaan ng doktrina, awtoridad, at mga ordenansa na kinakailangan para maipagpatuloy ang pamilya sa kawalang-hanggan. Sa gayon, sinusuportahan ng pamilya at ng Simbahan ni Jesucristo ang isa’t isa. Ang mga pagpapala ng priesthood—tulad ng kabuuan ng ebanghelyo at mga ordenansa tulad ng binyag, kumpirmasyon at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, temple endowment, at kasal na pang-walang hanggan—ay maaaring makamtan ng kalalakihan at kababaihan. 1

Ang priesthood na pinag-uusapan natin dito ay ang Melchizedek Priesthood, na ipinanumbalik sa pagsisimula ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay inorden nina Pedro, Santiago, at Juan, na ipinahayag ang kanilang sarili na “mga nagtataglay ng mga susi ng kaharian, at ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon” (Doktrina at mga Tipan 128:20). Natanggap ng mga senior na Apostol na ito ang awtoridad na iyan mula mismo sa Tagapagligtas. Lahat ng iba pang mga awtoridad o katungkulan sa priesthood ay nakaakibat sa Melchizedek Priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:5), dahil ito “ang may hawak ng karapatan ng panguluhan, at may kapangyarihan at karapatan sa lahat ng katungkulan sa simbahan sa lahat ng kapanahunan ng daigdig” (Doktrina at mga Tipan 107:8).

Sa Simbahan, ang awtoridad ng mas dakilang priesthood, ang Melchizedek Priesthood, at ang mas nakabababa o Aaronic Priesthood ay ginagamit sa ilalim ng pamamahala ng isang priesthood leader, tulad ng bishop o president, na mayhawak ng mga susi ng priesthood na iyon. Upang maunawaan ang paraan ng paggamit ng awtoridad ng priesthood sa Simbahan, dapat nating maunawaan ang alituntunin ng mga susi ng priesthood.

Ipinagkaloob nina Pedro, Santiago, at Juan ang mga susi ng Melchizedek Priesthood, ngunit hindi pa riyan nakumpleto ang pagpapanumbalik ng mga susi ng priesthood. Ang ilang susi ng priesthood ay ipinagkaloob kalaunan. Matapos ilaan ang unang templo sa dispensasyong ito sa Kirtland, Ohio, ipinanumbalik ng tatlong propeta—sina Moises, Elias, at Elijah—ang “mga susi ng dispensasyong ito,” kabilang ang mga susi na nauukol sa pagtitipon ng Israel at sa gawain ng mga templo ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110) tulad ng nakapanghihikayat na paliwanag kani-kanina ni Pangulong Eyring.

Ang pinakapamilyar na halimbawa ng gamit ng mga susi ay sa pagsasagawa ng mga ordenansa ng priesthood. Ang ordenansa ay isang sagradong gawain na tanda ng paggawa ng mga tipan at ng mga pangakong pagpapala. Lahat ng ordenansa sa Simbahan ay isinasagawa nang may awtorisasyon ng priesthood leader na mayhawak ng mga susi para sa ordenansang iyon.

Ang isang ordenansa ay karaniwang isinasagawa ng mga taong inorden sa isang katungkulan sa priesthood na kumikilos sa ilalim ng pamamahala ng taong mayhawak ng mga susi ng priesthood. Halimbawa, ang mga mayhawak ng iba-ibang katungkulan sa Aaronic Priesthood ang nangangasiwa sa ordenansa ng sakramento sa ilalim ng mga susi at pamamahala ng bishop, na mayhawak ng mga susi ng Aaronic Priesthood. Ang alituntunin ding ito ang ginagamit sa mga ordenansa ng priesthood na pinangangasiwaan ng mga kababaihan sa templo. Bagama’t ang mga kababaihan ay walang hawak na katungkulan sa priesthood, ginagawa nila ang mga sagradong ordenansa ng templo nang may awtorisasyon ng temple president, na mayhawak ng mga susi para sa mga ordenansa ng templo.

Isa pang halimbawa ng awtoridad ng priesthood sa ilalim ng pamamahala ng isang mayhawak ng mga susi ay ang pagtuturo ng kalalakihan at kababaihan na tinawag na magturo ng ebanghelyo, ito man ay sa mga klase sa ward o sa mission field. Ang iba pang mga halimbawa ay ang mga taong may katungkulan sa ward at ginagamit ang awtoridad ng priesthood sa kanilang pamumuno dahil sa kanilang mga calling at dahil sa pag-set-apart at pamamahala sa kanila ng priesthood leader na mayhawak ng mga susi sa ward o stake. Sa ganitong paraan ginagamit at natatamasa ang awtoridad at kapangyarihan ng priesthood sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. 2

Ang awtoridad ng priesthood ay ginagamit din at ang mga pagpapala nito ay nakakamtan ng mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw. Tinutukoy ko ang mga pamilya na ang mayhawak ng priesthood ay kasal sa kanyang asawa at mayroon silang mga anak. Isasama ko rin ang mga pamilya na naiba mula sa ganitong ideyal na pamilya dahil sa pagpanaw ng asawa o diborsiyo.

Ang alituntunin na magagamit lamang ang awtoridad ng priesthood sa ilalim ng pamamahala ng isang mayhawak ng mga susi para sa tungkuling iyon ay kinakailangan sa Simbahan, ngunit hindi ito angkop sa pamilya. Halimbawa, ang ama ang nangungulo at gumagamit ng priesthood sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood na hawak niya. Hindi na niya kailangan ang tagubilin o pagsang-ayon ng isang taong mayhawak ng mga susi ng priesthood para magawa ang iba’t ibang tungkulin sa pamilya. Kabilang sa mga ito ang pagbibigay ng payo sa mga miyembro ng kanyang pamilya, pagdaraos ng mga pulong ng pamilya, pagbibigay ng mga basbas ng priesthood sa kanyang asawa at mga anak, o pagbibigay ng mga basbas ng paggaling sa mga kapamilya o iba pa. 3 Nagtuturo ang mga awtoridad ng Simbahan sa mga miyembro ng pamilya ngunit hindi direktang ginagamit ang awtoridad ng priesthood sa pamilya.

Ginagamit ang ganito ring alituntunin kapag wala ang ama at ang namumuno sa pamilya ay ang ina. Siya ang nangungulo sa kanyang tahanan at kasangkapan sa pagdadala ng kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng kanyang endowment at pagbubuklod sa templo. Bagama’t hindi siya awtorisadong magbigay ng basbas ng priesthood na maibibigay lamang ng isang taong mayhawak ng partikular na katungkulan sa priesthood, magagampanan niya ang lahat ng iba pang mga tungkulin bilang namumuno sa kanyang pamilya. Sa paggawa nito, nagagamit niya ang kapangyarihan ng priesthood para sa kapakinabangan ng mga anak na pinangunguluhan niya bilang namumuno sa kanyang pamilya. 4

Kung lubos na gagamitin ng mga ama ang kanilang priesthood sa sarili nilang pamilya, maisusulong nito ang misyon ng Simbahan gaya ng anupamang bagay na magagawa nila. Dapat gamitin ng mga amang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang kanilang awtoridad “sa pamamagitan … ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig” (Doktrina at mga Tipan 121:41). Ang mataas na pamantayang iyan ng paggamit ng lahat ng awtoridad ng priesthood ay napakahalaga sa pamilya. Dapat ding sinusunod ng mga mayhawak ng priesthood ang mga kautusan upang matamo nila ang kapangyarihan ng priesthood sa pagbibigay ng mga pagpapala sa mga miyembro ng kanilang pamilya. Dapat nilang pag-ibayuhin ang pagmamahal sa pamilya nang sa gayon ay naisin ng mga miyembro ng pamilya na humingi ng basbas sa kanila. At dapat hikayatin ng mga magulang ang madalas na paghingi ng mga basbas ng priesthood sa pamilya. 5

Sa mga miting ng kumperensyang ito, sa paghahanap natin ng sandaling makakanlungan mula sa mga alalahanin natin sa nakapipinsalang sakit na laganap sa buong mundo, naturuan tayo ng dakilang mga alituntunin na totoo magpakailanman. Hinihikayat ko ang bawat isa sa atin na maging “tapat” ang ating mata upang matanggap ang mga katotohanang ito na walang hanggan nang sa gayon ang ating buong katawan “ay mapupuspos ng liwanag” (3 Nephi 13:22).

Sa Kanyang sermon sa mga tao na nakatala sa Biblia at sa Aklat ni Mormon, itinuro ng Tagapagligtas na maaaring mapuspos ng liwanag o kadiliman ang mortal na katawan. Mangyari pa, gusto nating mapuspos ng liwanag, at itinuro sa atin ng Tagapagligtas kung paano natin magagawa ito. Dapat tayong makinig sa mga mensaheng tungkol sa mga katotohanang walang hanggan. Ginamit Niyang halimbawa ang ating mata, na sa pamamagitan nito ay nadadala natin ang liwanag sa ating katawan. Kung ang ating mata ay “tapat”—sa madaling salita, kung nagtutuon tayo sa pagtanggap ng walang hanggang liwanag at kaunawaan—ipinaliwanag Niya, “ang inyong buong katawan ay mapupuspos ng liwanag” (Mateo 6:22; 3 Nephi 13:22). Ngunit kung “masama ang [ating] mata”—ibig sabihin, kung nagtutuon tayo sa masama at dinadala iyan sa ating katawan—nagbabala Siya, “ang buo ninyong katawan ay mapupuspos ng kadiliman” (talata 23). Sa madaling salita, ang liwanag o kadiliman sa ating katawan ay nakabatay sa kung paano natin nauunawaan—o tinatanggap—ang mga walang hanggang katotohanan na itinuturo sa atin.

Dapat nating tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na maghanap at magtanong upang maunawaan ang mga walang hanggang katotohanan. Nangako Siya na handa ang ating Ama sa Langit na ituro sa lahat ang mga katotohanang hinahanap nila (tingnan sa 3 Nephi 14:8). Kung hinahangad natin ito at tapat ang ating mata na tanggapin ang mga ito, ipinapangako ng Tagapagligtas na ang mga walang hanggang katotohanan ay “pagbubuksan” sa atin (tingnan sa 3 Nephi 14:7–8).

Kabaligtaran nito, matindi ang hangarin ni Satanas na lituhin ang isip natin o iligaw tayo tungkol sa mahahalagang bagay tulad sa mga paraan ng paggamit ng priesthood ng Diyos. Nagbabala ang Tagapagligtas sa gayong “mga bulaang propeta, na lumalapit sa inyo na nakadamit tupa, ngunit sa loob ay lobong maninila” (3 Nephi 14:15). Ibinigay Niya ang pagsubok na ito para tulungan tayo na piliin ang katotohanan mula sa iba’t ibang turo na maaaring makalito sa atin: “Makikilala ninyo sila sa pamamagitan ng kanilang mga bunga,” ang turo Niya (3 Nephi 14:16). “Ang mabuting punungkahoy ay hindi maaaring magbunga ng masamang bunga, ni ang masamang punungkahoy ay [maaaring] magbunga ng mabuting bunga” (talata 18). Kung gayon, dapat nating tingnan ang mga resulta—“ang mga bunga”—ng mga alituntuning itinuturo at ang mga taong nagtuturo ng mga ito. Iyan ang pinakamainam na sagot sa maraming pagtutol na naririnig natin laban sa Simbahan at sa mga doktrina at pamamalakad at pamumuno nito. Sundin ang itinuro ng Tagapagligtas. Tumingin sa mga bunga—sa mga resulta.

Kapag iniisip natin ang tungkol sa mga bunga ng ebanghelyo at ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, nagagalak tayo kung gaano lumago ang Simbahan, sa mga panahong buhay ang mga miyembro nito, mula sa lokal na mga kongregasyon hanggang sa Intermountain West kung saan ang mahigit 16 na milyong miyembro nito ay naninirahan sa mga bansa maliban pa sa Estados Unidos. Sa paglagong iyan, naragdagan ang kapasidad ng Simbahan na tulungan ang mga miyembro nito. Tumutulong tayo sa pagsunod sa mga kautusan, sa pagtupad ng mga responsibilidad na ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo, sa pagtitipon ng Israel, at sa pagtatayo ng mga templo sa iba’t ibang dako ng mundo.

Tayo ay pinamumunuan ng propeta na si Pangulong Russell M. Nelson, na ang pamumuno ay ginamit ng Panginoon para matamo ang pag-unlad na nadama natin sa buong mahigit na dalawang taon ng kanyang pamumuno. Ngayon mapalad tayong marinig si Pangulong Nelson, na magtuturo sa atin kung paano pa tayo uunlad sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo sa mapanghamong panahong ito.

Pinatototohanan ko na totoo ang mga bagay na ito at nakikiisa sa pagdarasal para sa ating propeta, na sunod nating mapapakinggan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.